Chapter 7

Pagka-hinto ng sasakyan ni Boss sa tapat ng bahay namin ay naisipan kong ipakilala siya kay Mama ngunit nang mapansing sarado pa ang pinto ng bahay ay alam kong hindi pa siya nakaka-uwi.
Ando'n pa siguro sa simbahan.
Nginitian ko si Boss na nag-aabang na pala sa 'king bumaba. "Salamat ulit, boss!"
Nginitian niya ako saka tinanguan. Napasulyap ulit siya sa buhok ko kaya bumagsak rin ang tingin ko sa kaniyang buhok.
Habang biyahe ay halos paulit-ulit kaming pasulyap-sulyap sa buhok ng isa't-isa.
Naalala ko ulit 'yong sinabi ni Mama noong elementary pa lang ako na mula daw 'to kay Papa kaya parang iba ang pakiramdam ko sa buhok ni Boss.
Napailing ako sa isipan nang pumasok sa isip ko na baka siya ang ama ko dahil marami naman siguro ang kapareho ng sa 'kin.
Nginitian ko siya sa huling beses bago nagmamadaling bumaba ng sasakyan at tinungo ang tapat ng pinto namin.
Hinintay ko munang makaalis ang kotse at nang mangyari 'yon ay napabuntong hininga ako ng malalim bago pumasok sa bahay.
Pagkarating ko sa kwarto at hindi pa man ako tuluyang nakakahiga sa kama ay tumunog 'yong telepono ko ibabaw ng mesa ko na siyang iniwan ko.
Nang tingnan ko kung sino 'yon at napataas ang kilay ko.
Gage:
Already got home?
Nagpindot-pindot ako sa cellphone habang nakakagat sa pang-ibabang labi.
Me:
Paki mo, rick kid?
Gage:
What the hell? Stop calling me that.
Me:
Pilitin mo 'ko.
Gage:
Ano ka sinuswerte? Pilitin mo ang sarili mo. Sinisigurado ko lang na may Audrey na makikipag-kita sa 'kin sa Lunes.
"Ay, tangina. Nakalimutan ko na sana, pina-alala pa ng Gago." Nakanguso kong bulong sa sarili.
Hindi ko na siya nireplyan pa dahil pagod na 'yong isip at katawan ko. Nang makahiga na sa kama ay nakatulog na ako.
Nagising lang ako no'ng naramdaman kong yinug-yog ako ni Mama.
"Kain na…"
Habang kumakain ay nabanggit ko kay Mama 'yong boss namin.
"Kakarating pa lang niya, Ma, at halatang mayaman!" Nakangiti kong sabi sa kaniya.
Tumango siya habang ngumunguya. "Tingin mo ka-edad ko lang?" Tanong niya.
Binigyan ko siya ng nanunuksong tingin. "Naka-move on ka na kay Papa?" Pang-aasar ko sa kaniya. Sinamaan niya ako ng tingin dahil do'n. Nagkibit-balikat ako bago lumunok. "Pero oo 'ata! Mukha namang ka-edad mo lang…"
Tumango ulit siya bago ako taasan ng kilay. "Ayos-ayusin mo ngayon ang mga pinaggagawa mo sa gasolinahan na 'yan dahil baka ngayong nandyan na ang boss mo ay saka ka tanggalin."
Ay, wala 'atang tiwala sa 'kin si Mama.
"Oo naman!" Agad kong sabi. "Mas malaki kaya ang sweldo ngayong nandito na si boss. Malay ko lang, baka bumalik agad sa Maynila..."
Pagkatapos naming kumain ay agad akong nagtungo sa kwarto dahil nagpresenta si Mama na siya na lang ang mag-huhugas.
Nang buksan ko ang phone ko para tingnan sana ang oras ay nagkasalubong ang kilay ko nang tadtad ng text na naman si Gage sa 'kin.
Gage:
Why didn't you reply back to my last text?
Gage:
Audrey?
Gage:
Natutulog ka na?
Gage:
I think so…
Gage:
Fine. Don't text back ever again.
Gage:
Aude?
Gage:
Good night.
Ngiting-ngiti kong pinatay ang phone at saka humiga sa kama. Namalayan ko na lang na nakatulog ako habang nakangisi.
Lintik na Gage. Nagbibigay 'ata ng pekeng mga salita.
Kinabukasan ay maaga akong nagising dahil saka ko lang naalala na Lunes na pala.
Halos kasing bilis na ni Flash 'yong mga kilos ko dahil akala ko malalate na ako! Buti na lang hindi.
'Yong unang dalawang subject namin sa umaga ay mabilis lang kaya nakapag-recess agad kami.
"Puyat ka, beh?" Pang-aasar ko kay Fern na halata ang maitim na eyebags sa ilalim ng mga mata niya.
Sinamaan niya ako ng tingin bago irapan. "Bwisit kasi 'yong kapatid ko. Magdamag na nanood ng cocomelon sa kwarto ko. Na-turn off tuloy 'yong crush ko kanina."
Tinaasan ko siya ng kilay. "Anong connect? At bakit kanina mo lang siya crush?"
Napangiwi siya. "Eh syempre, hindi ko na siya crush dahil hindi niya ako pinansin kanina dahil lang sa itsura kong banggag! Kasi 'yong the one mo ay dapat tanggap ka sa kung ano pa 'yong itsura mo…"
Wow. Hugot feels.
"Kahiya naman sa kasabihan mo," nakasimangot kong bulong sa kaniya at mas binilisan pa ang paglakad. Gano'n rin ang ginawa niya at hinablot pa ang strap ng bag ko para hindi ako makalayo.
Kahiya naman.
"Gaga. Bakit mo pala ako kinaibigan kung nahihiya ka pala sa kasabihan ko."
Nagpeke ako ng ngiti sa kaniya. "Hindi ko rin alam, Fern."
Inirapan niya ulit kaya inikutan ko siya ng mata sabay baba ng tingin dahil muntik na akong madapa dahil lang sa bato.
Nanlaki ang mga mata ko nang maramdaman kong bigla nalang akong nabangga sa kung sino. Nang inangat ko ang tingin ay napaikot ang mata ko.
"Look who's here." Maarteng sabi ni Isabell na kasama ang kaibigan niyang si Mila.
Nilapit ni Fern ang mukha niya sa 'kin para bumulong. "May mood ka bang makipag-away ngayon?" Nakataas ang kilang niyang tanong sa 'kin habang nakatingin rin kila Isabell.
"Syempre." Walang pagdadalawang-isip kong sagot habang nakangisi.
Napangisi rin siya. "Great."
Sinamaan kami ng tingin nila Isabell nang mapansing nagbubulungan kami at halatang sila ang pinag-uusapan.
Tsismosa na rin ang peg nila?
"I said look who's here." Mas malakas niyang sabi habang nakakunot-nang noo.
Unulits lang?
Nagpeke ako ng ngiti sa kaniya. "Hindi kami bingi, bilbil. At saka buti naman sikat pa rin kami dahil mukhang hindi niyo pa rin kami nakalimutan."
Lumaki ang butas ng ilong niya sa galit nang marinig ang tinawag ko sa kaniya. "Hindi bilbil ang pangalan ko! It's Isabell Johnson!"

Bored siyang tinignan ni Fern. "Paki namin? Pareho lang naman 'yon, ah. Bilbil, short for Isabell."
Mukhang mas lalong nagalit silang dalawa dahil do'n. Binalingan ng tingin ni Mila si Isabell. "Let's go, Isabell. They are not worth of our time. Water is even more important than them."
Hinarangan ko sila ng daanan at nagkunwaring may inaamoy. Napakunot ang noo nila dahil do'n.
Napangisi ako. "Nice perfume, Isabell."
Mas lalong napakunot ang noo nila dahil sa pagtataka. "Of course I'm wearing a nice perf—"
"Did you marinate it?" Kunwaring curious kong tanong.
Humalagapak ng tawa si Fern sa tabi at mukhang sasabog na sa galit si Isabell habang nahihiyang yumuko naman si Mila.
Lumigid ako ng pwesto at minwestra pa silang dumaan na habang nakangisi.
Ang dali naman nilang matalo. Nakakabagot.
Sinamaan muna nila kami ng tingin bago silang tuluyan nang nagmartsa paalis.
Tawang-tawa si Fern na hinampas ang balikat ko na siyang mayabang kong pinag-pag. "Sa'n mo 'yon nakuha, Fern? Pa-share it naman!"
Nagkibit-balikat ako bago nagpatuloy sa paglakad. Sumunod naman siyang habang hindi matigil ang pagtawa.
"Nakita ko lang 'yon sa google last week. Hindi ko naman alam ma gagana pala." Nakangisi kong sagot.
Napailing siya bago inayos ang buhok na bahagyang nililipad ng hangin. Hanggang makarating kami sa canteen ay 'yon pa rin ang topic namin.
Nang tumunog ang bell ay sabay kaming bumalik sa kaniya-kaniya naming room.
Nang mag-lunch time naman ay napagdesisyonan namin ni Fern na sa malapit na lang na karenderya kumain.
Sabay pa kaming nagulat nang makita do'n si Gage kasama ang isa niyang kaibigan na kasama niya noong nakaraan sa bilihan ng street food na nakalimutan ko ang pangalan. May kasama pa silang isa pang lalaki na mukhang kaibigan rin nila.
Napaiwas ako ng tingin nang bumagsak ang tingin nila sa 'min na bagong dating. Parang walang paki akong humanap ng pwesto.
Katabi ng tapat ng mesa nila ang nag-iisang bakante kaya do'n kami tumungo. Nilagay muna namin ang bag do'n para hindi makapwesto ang iba at saka pumunta sa counter para pumili ng ulam.
Rinig ko ang paghagikhik ni Fern sa tabi ko at pagbulong niya sa 'kin.
"Mukhang exciting lunch time 'to, ah." Makahulugan niyang sabi na siyang inikotan ko ng mata kahit hindi ko naman alam ang pinupunto niya.
Nang makabalik na kami sa mesa dala ang mga pagkain ay nagsimula na rin kaming kumain. Naiinis nga lang ako dahil parang sinasadya ni Fern na bagalan ang kilos.
"Bilisan mo diyan, may klase pa tayo." Nakangiwi kong bulong sa kaniya.
Ngumiti siya ng nakakaloko at hindi ako pinansin.
Letse. Kung ganyan siya kabagal ay baka abutin pa kami ng birthday ko. Isabay pa ang isang pares ng mata na alam kong pasulyap-sulyap sa 'kin.
Nang pasimpleng ko itong hinanap ay natigilan akong makitang si Gage 'yon habang mariin na nakatitig sa 'kin.
Kanina pa ba siya? At… problema nito? Sa klase ng titig niya ay parang may malaki akong kasalanan sa kaniya.
Napaiwas ako ng tingin nang biglang kong maalala ang sinabi niya kahapon.
Pucha. Magkikita daw kami.
"Aude," tawag ni Fern sa 'kin.
"Oh?"
Napangisi siya. "Noong mga nakaraang araw, may nagtext ba sa 'yo na hindi mo kilala?"
Natigilan ako sa tanong niya at naalala ko na naman ang karantaduhan kong ginawa kay Gage sa text. Gagong unknown number kasi na 'yon, inutusan akong insultuhin si rich kid.
Ako tuloy ang nayari.
Pinaningkitan ko siya ng mata. "Bakit mo natanong?" Naghihinala kong tanong sa kaniya.
Nakangisi siyang nagkibit-balikat bago nagpatuloy sa pagkain.
"Ano nga ulit ang pangalan ng kaibigan ni Gage? Pati na rin 'yong isa pa." Tanong ko sa kaniya.
Nag-akto siyang nag-iisip. "'Yong isa pa nilang kasama ay hindi ko kilala pero 'yong nakita na natin noong bumili tayo ng street food ay si Ayan."
Napatango-tango ako ay nanahimik na. Paano niya pala nakilala?
Nang tuluyan na akong matapos kumain ay kalahati pa lang ang naubos ni Fern kaya napasimangot ako.
"Bilisan mo." Utos ko sa kaniya.
Nginisian niya lang ako ulit at hindi na pinansin.
Pasimple akong sumulyap sa mesa nila Gage at napaawang ang bibig ko nang mahuli ko siyang nakatitig pa rin sa 'kin.
Hindi man lang nahiya na napansin ko 'yon at ng mga kasama niya! Kapwa silang nakangisi habang nililipat ang tingin mula sa kaibigan nilang rich kid at sa 'kin.
'Etong si Gage, parang wala lang!
Ngumunguya siya habang mariing nakatitig sa 'kin. Hindi ko maiwasang pasadahan ng tingin ang buo niyang katawan at suot.
Malikot ang buhok dahil sa malapit na electric fan sa kanila at bukas ang dalawa niyang butones ng uniporme kaya kita ko ang white sando niya sa loob. Naka-itim siyang pantalon dahil 'yon ang required sa uniform nila. 'Yong nakasapatos naman niyang paa ay paulit-ulit na tinatapik ang sahig.
Napalunok ako dahil para siyang model tapos ako 'yong camera.
Tumaas ang gilid ng labi niya nang mapansing 'yon. Agad akong napaiwas ng tingin dahil sa mga mapanuksong tingin ng mga kaibigan niya.
Napabuga ako ng hangin dahil sa bilis ng tibok ng puso ko. Letse. Kasalanan 'to ni Gage gago rich kid.
Pucha siya.
Nagkunwari na lang akong nanonood ng telebisyon ng karinderya kahit ramdam kong hindi man lang nag-iwas ng tingin si Gage. Ang ingay tuloy ng mesa nila dahil puno ito ng tuksuhan.
Agad akong napatayo nang masubo na ni Fern ang huling niyang kanina.
"Sa wakas!" Malakas kong sabi.
Napailing siya at hinanda na ang gamit para makaalis na kami. Nakabayad naman na kami kaya wala nang problema.
Sinuot ko na ang bag ko at higpit ang tali ng buhok ko. Si Fern naman ay nagsuklay lang at hinayaang nakalugay ang kulot na buhok. Napaikot ang mata ko nang magsalamin pa siya habang nakangiti.
"Kahit anong gawin mo, mas maganda pa rin ako kaysa sa 'yo." Pang-aasar ko sa kaniya.
Akala ko maiinis siya o ano pero nginitian niya ako ng matamis na siyang ikinagulat ko.
"Alam ko, kaya nga may nadangwit kang gwapo sa kabilang mesa." Nanunukso niyang sabi.
"H-ha? A-anong pinagsasabi mo, Fern?" Nagtataka kong tanong.
Nagkibit-balikat siya at ngumising tagumpay.
Nakabusangot akong tumalikod sa kaniya pero pareho kaming napatigil nang may biglang tumawag sa 'min.
"Fern! Ang ganda daw ng kasama mo sabi ni Gage!" Malakas na sigaw ni Ayan at saka humiyaw ang isa pa nilang kasama.
Kingina.
Hindi na ako lumingon pa sa kanila dahil ramdam ko na naman ang titig ni Gage at ang nakangising mukha ni Fern.
Lintek. Kaibigan ko ba 'to?
Mabilis kong hinigit si Fern palabas ng karinderya at hinihingal na tumigil tawiran ng gate ng paaralan.
"Ano 'yon, Aude?" Rinig kong pang-aasar ni kaibigan ko na hindi ko pinansin.
Lintek na Gage at ang mga kaibigan niya. Alam ko namang maganda ako pero 'wag naman nila akong paasahin na sinabi talaga 'yon ni Gage!
Gagong rick kid na 'yon.

Komento sa Aklat (6)

  • avatar
    Carin Sarino

    nice story🥰😍🥰

    06/06/2024

      0
  • avatar
    Ej Cerena

    Ang kanilang

    08/02/2024

      0
  • avatar
    Marvin Julius Mancol

    Beautiful story

    23/08/2023

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata