Chapter 21

Napatayo si Uncle nang makita ako pagkalabas namin ni Mama sa kwarto. "Wow, nasa dugo mo talaga ang pagiging Pearce!" Puri niya habang pumapalakpak.
Napaikot ang mata ko. "Regdon pa rin ang apelyido ko. At okay lang naman kung hindi maayos ang papeles ko na mapalitan na ang apelyido ko."
"Tama," tumango siya. "Kahit hindi Pearce ang dinadala mong apelyido, okay lang. Nasa dugo mo naman, eh. At saka… pagka-asawa mo ay mapapalitan naman ulit."
"Matagal pa 'yan," agad kong sabi bago pabirong rumampa sa harap nila. "Baka nga magtanda akong single kagaya mo…"
Agad siyang umangal at tumawa naman si Mama habang sinusuklay ang buhok niya. "Makakahanap rin ako ng mapapangasawa."
"Kahit matanda ka na?" Pang-aasar ko.
Sinamaan niya ako. "Tara na nga! Gutom na ako."
Tumawa lang ako bago sumunod sa kaniya palabas. Sumunod rin naman si Mama habang may suot nang sling bag.
Ako nga, walang dalang kahit ano.
Bago pa ako tuluyang makarating sa kotse ni Uncle Alton na siyang gagamitin namin ay muntikan pa akong matapilok kung hindi lang ako naalalayan ni Mama.
"'Yan kasi… Dapat matagal mo nang sinubukang magheels para naman kapag may maganap na ganitong mga birthday ay handa ka na."
Nakangiwi kong pinilit na umabot sa kotse, at nang makapasok na sa backseat ay napabuga ako ng hangin.
"Letseng heels 'to…"
Ilang minuto ang lumipas ay nakarating na kami sa bahay nila Gage. Nagkataka nga ako kung bakit wala naman ibang makaparada na sasakyan kundi ang kotse ni Gage at motor ni Ley.
"Tayo lang ba ang inimbita?" Rinig kong tanong ni Mama.
Umiling ako sa sarili. 'Wag naman sana.
Dahan-dahan akong bumaba ng sasakyan dahil baka matapilok ulit ako. Baka pati heels ko ay mabali.
Naglakad kami papasok ng gate nila at nang mapansin naming bukas naman pala ang main door nila ay walang hiya kaming tumungo do'n.
"Magandang araw!" Malakas na bati ni Mama para malaman nila Tito Ramsey na nandito na kami.
Nanginginig pa ang kamay ko sa kaba dahil makikita ko ulit si Gage.
Paulit-ulit ko lang na sinampal ang sarili para pakalmahin.
"Ate Aude!" Unang sumalubong sa 'min ay si Ley.
Nagmamadali siyang lumapit sa 'min bago magmano at inaya kami papuntang sala nila.
Lumuwag ang bahay nila, ah.
Sunod kong nakita at si Luis na nakaupo sa sofa. Nang makita kami ay agad siyang ngumiti bago kami lapitan para batiin at magmano.
"Ganda mo, Ate Aude, ah…" nakangisi niyang puri.
Pabiro ko siyang inirapan. "Nahuli ka kasing nabuhay kaya ngayon mo lang napagtanto." Sagot ko naman.
Tumawa siya bago bumalik sa pagkakaupo at nagcellphone.
"Upo po muna kayo," suhestiyon ni Ley na nagpailing sa 'min.
"Asan ba magulang mo, boy?" Tanong ni Uncle habang tumitingin ng mga frame.
Akala mo hindi siya mayaman sa akto niya ngayon. Eh, niregaluhan naman niya ako ng kotse.
"Ah," kumamot sa ulo si Ley. "Nagluluto pa si Mommy tapos si Daddy naman ay nagbibihis pa sa taas."
Tumango kami dahil sa sinabi niya at nang maalalang birthday pala niya ay nginitian ko siya.
"Happy birthday pala! Bakit hindi mo sinabi kanina no'ng nagkausap tayo?" Nakanguso kong tanong.
Natatawa siyang sumulyap kay Luis na bumulanghit rin ng tawa nang marinig ang sinabi ko.
Napakunot ang noo ko sa pagtataka. "Bakit?" Naguguluhan kong tanong at kinamot ang paanan ko dahil kinakati na ako sa suot kong heels.
Ngiting-ngiti siyang umiling sa 'kin. "Hindi ko ngayon birthday…" sagot niya na nagpagulat sa 'kin.
"Ha?!" Napakurap-kurap ako at inisip ang naging usapan namin ni Tito Ramsey. "Pero ang sabi ng Papa mo…" napabuga ako ng hangin at bagsak ang balikat siyang tiningnan. "Kaninong birthday ba ngayon?" Mahina kong tanong.
Misteryoso siyang ngumisi at tiningnan ang direksyon ng kusina nila kaya doom tumuon ang mata ko.
Ngunit maling desisyon 'ata 'yon dahil agad kong nakasalubong ang isang lalaking may bronzeng mata.
Napaawang ang bibig ko kasabay ng pag-ukit ng isang nakakasilaw na ngisi sa mapula niyang labi habang prente siyang nakasandal sa dingding ng pintuan ng kusina nila.
Nakasuot siya ng puting polo shirt sa ilalim ng isang brown coat na pinaresan niya ng itim na slacks at puting sneakers.
Bagay na bagay sa kanya!
Para akong mahihimatay sa pinaghalong taka, kaba, at bilis ng tibok ng puso ko na pamilyar na sa 'kin nang makita siya..
Para akong napalutang sa langit sa hindi ko malamang dahil, pero ang tangi ko lang magagawa ay mapatulala sa kagwapuhan niya.
Tangina. Birthday pala niya?!
Nagsimula na siyang maglakad sa pwesto namin kaya mabilis pa sa kidlat akong umiwas ng tingin at nagkunwaring walang paki sa presensya niya.
"Good evening, Tita, Tito," kita ko sa peripheral vision ko ang pagmano niya kila Mama at ang saglit niyang pagsulyap sa 'kin.
Nang mahuli akong nasa kanya ang atensyon ay may isang maliit na ngiti ang pilit niyang tinago sa labi niya.
Napairap ako sa kawalan at kita kong pinagtatawanan na ako nila Ley na kanina pa pala kami pinapanood.
Sinamaan ko sila ng tingin at nag-akto naman silang zini-zipper ang bibig kahit natatawa pa rin sila.
Halos murahin ko na ang mundo sa sitwasyon na narito ako ngayon.
Bakit naman kasi pinarusahan ako ng ganito?
"Magandang gabi rin, hijo. Ikaw pala ang birthday celebrant. Pasensya ka na kung wala kaming dalang regalo, ah. Ngayon gabi lang rin kasi kami pinaalam ni Aude tungkol dito." Sabi ni Mama na siyang tinanguan ni Uncle.
Napapikit ako ng mariin nang marinig na tumawa si Gage.
Pinagtatawanan ba niya ako?!
"It's okay, Tita. Regalo na lang po ang pagpunta niyo dito…" sagot naman ni Gage.
I mimicked what he said while rolling my eyes that made the two teenagers on the couch laugh out loud like monkeys.
Sinamaan ko ulit sila ng tingin. Humanda kayo sa 'kin.
"Did you say something, Aude?"
Nanlalaking mata akong napaharap kila Gage nang marinig ang tinanong niya. Nakita kong nakakunot ang noo nila Mama sa 'kin habang ang gago naman ay may mapaglarong ngisi sa labi.
Napangit-ngit ako sa inis at nagpeke ng ngiti. "Wala naman. Mini-memorize ko lang ang mga wanted ngayon sa bayan,"
Mas lalong lumaki ang ngisi niya sa labi na para bang natuwa siya sa sagot at paraan ng pagsagot ko.
Inirapan ko ulit siya bago siya paulit-ulit na murahin sa isipan.
"Good evening!" Bumaba mula sa hagdan si Tito Ramsey habang inaayos ang buhok. "Pasensya na at pinaghintay ko pa kayo," lumapit siya para makipag-shake hands kay Mama at fist bump kay Uncle. Binalingan niya ng tingin si Ley. "Sabihin mo kay Mommy mo na nandito na sila, tulungan niyo rin siyang idala ang mga ulam sa mesa. Naku! 'Walang tamad-tamad dito. Bilis! 'Wag niyong pagurin si Mommy!" Sermon niya kila Ley na agad ring tumungo sa kusina.
Nagkausap sandali si Tito at sila Mama kaya nakakrus ang braso ko tumingin sa kung saan saan.
Alam ko namang kanina pa ako pinapanood ni Gage pero pilit ko iyong hindi pinapansin.
Wala na akong ilang na maramdaman sa suot ko—siguro dahil confident akong bagay talaga ito sa 'kin, kaya bahala siyang titigan ako ng ilang oras.
Pero syempre hindi ko talaga maiwasang mapasulyap sa kanya dahil naiinitan ako sa mga titig niya kahit dapat lamigin ako sa suot ko.
Kada magtatama ang mata namin ay palaging may misteryoso ngisi sa labi niya. Hindi ko mapigilang samaan siya ng tingin nang maalalang binabaan niya pala ako ng tawag kanina pero nagulat ako nang bigla na lang niya akong kindatan.
Napaubo ako sa gulat at kita kong nagulat sila Mama dahil do'n.
Tumawa ng malakas si Tito Ramsey habang binabalik-balik ang tingin mula sa 'kin at sa anak niya na para bang alam niya ang namamagitan sa 'min.
"Mukhang nagugutom na si Aude," tumawa ulit siya. "Tara na nga, pati ako kanina pa gutom. Ang bango kasi ng luto ni Nilsa…"
Mukhang ang tinutukoy niyang Nilsa ay ang Mommy nila Gage.
Sumang-ayon sila Mama sa sinabi ni Tito kaya tumungo na sila sa hapag-kainan.
Susunod na sana ako nang mabilis akong nahawakan ni Gage sa braso na nagpahigit ng hininga ko.
"Anong kailangan mo? Gutom na ako." Pagsusungit ko.
Kita ko ang palihim niyang ngiti. "Meet me in the balcony after dinner. We'll talk…" mahina niyang sabi na nagpatigil sa 'kin.
Nagkunwari akong walang paki. "Ayoko. Kakain pa ako ng desserts." Matigas kong sabi pero napatulala ako nang may nakakaakit na ngisi ang gumuhit sa labi niya.
"Why do you need real desserts if I can be one?"
Napaawang ang bibig ko sa narinig at halos mag-init ang pisngi ko nang maintindihan ang nais niyang pinarating.
"G-gago you. Bahala ka sa buhay mo dahil wala akong paki. Eat well, rich kid." Saka ko siya nilampasan habang kinikembot ang bewang habang may matagumpay na ngiti sa labi.
Kingina niya. Hindi ako marupok.
Nang makaupo ako ay saka naman siya umupo sa pwestong kaharap ko lang kaya napaikot ang mata ko.
Ilang segundo ang lumipas ay lumabas na mula sa kusina sila Ley dala ang pagkain at huling lumabas mula doon ang magandang ina ni Gage dala ang cake na may kandila habang may magandang ngiti sa labi.
Napangiti rin ako lalo na't wala nang problema sa pamilya nila na nakaukol tungkol sa nakaraan nila.
Kahit hindi ko alam ang buong kwento ng pamilya nila ay masaya akong kompleto na sila at masaya.
Napatagal ang titig ko sa kanya dahil halata sa kislap ng mata niya na kuntento at masaya siya ngayong kumpleto na sila.
Ako nga, kahit hindi kumpleto, basta naiintindihan namin ang isa't-isa at masaya ay para na ring kompleto. Pero alam kong walang mas sasaya kapag andito rin si Papa.
Nang magtama ang mata namin ni Gage ay nginitian ko siya ng maliit at gano'n rin siya.
Tumikhim si Ley. "Kakanta ba muna ng happy birthday?" Pang-aasar nito na ikinatawa ko.
Sumama naman ang mukha ni Gage at halata ang hindi pagsang-ayon nito ngunit hindi na siya nakapag-angal pa dahil nagsimula nang kumanta ang mga magulang niya na sinundan namin.
Nakabusangot lang siya pero kita naman ang ngiti niya sa labi. Nang matapos niyang ihipan ang kandila ay agad rin kaming nagsimulang kumain.
Puno ng kwentuhan at tawanan ang mesa na pinangunahan ni Tito Ramsey at Uncle Alton kaya hindi naging boring ang pagkain.
Nang desserts na naman ay hindi ko mapigilang mapasulyap sa kaharap ko na may maliit na ngisi sa labi na pilit niyang tinatago sa pamamagitan ng pagkain ng cake habang ang mata niya ay nakatuon sa plato.
May naiwan pang icing sa gilid ng labi niya at hindi ko namalayang napakagat na pala ako sa pang-ibabang labi.
Mabilis akong napayuko nang balingan niya ako ng tingin at pinarusahan ang sarili sa isip.
Anong iniisip mo, Aude?! Gaga ka ba?! Umayos ka!
Napaangat ang tingin ko nang biglang tumayo si Aude na nagpakuha ng atensyon namin.
"Tapos ka na?" Tanong ng Mama niya.
Ngumiti siya at tumango bago ako pasimpleng nilingon at binigyan ng makahulugang tingin. "Magpapahinga lang ako sa balkonahe…"

Komento sa Aklat (6)

  • avatar
    Carin Sarino

    nice story🥰😍🥰

    06/06/2024

      0
  • avatar
    Ej Cerena

    Ang kanilang

    08/02/2024

      0
  • avatar
    Marvin Julius Mancol

    Beautiful story

    23/08/2023

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata