Epilogue

Third Person's POV
Sa paglalakad ni Simi habang hinahanap si Pin, natagpuan niya si Kimi na nasa itaas ng rooftop ng building kung saan sila madalas nagkikita dati ni Harana.
Habang umaakyat si Simi sa hagdanan, may kausap si Kimi sa itaas ng rooftop at 'yun ay si Pin.
"Kimi, may nagustuhan ka na bang babae?" huling tanong ni Pin kay Kimi bago ito umalis bilang pagtatapos ng kanilang usapan. "Kung meron, ano ang naramdaman mo habang gusto mo siya? Paano mo nasasabi na gusto mo ang isang tao?"
"Bakit mo sa akin naitanong?" nagtatakang tanong ni Kimi dahil hindi niya inakala na iyon ang magiging huling tanong ni Pin sa kaniya.
"Basta, sagutin mo na lang," pamimilit ni Pin kaya walang nagawa si Kimi kundi ang bumuntong-hininga bago tumingala sa langit.
Madilim na ang paligid dahil gabi ginanap ang masquerade, dalawang oras na lamang bago pumatak ang alas dose.
"Hindi ko rin alam kung paano ko nasabi na gusto ko siya pero ang alam ko, sa tuwing nakikita ko siya, para bang siya lang ang taong nasa paningin ko. Nasa kaniya lang ang pokus ng mga mata ko. Lahat ng itsurang nagagawa niya, ngumiti man siya o sumimangot, parehas na maganda 'yun para sa akin. Sa madaling salita, gusto mo ang lahat ng nasa kaniya," mahabang sagot ni Kimi saka napabuntong-hininga at ipinikit ang kaniyang mga mata. "Bakit mo pa naitanong ito sa akin? May naalala akong masama tungkol dito."
"Sino naman ang babaeng tinutukoy mo?" muling tanong ni Pin kaya napalingon sa kaniya si Kimi habang nakakunot ang noo. "Panghuling tanong na ito."
"Siguraduhin mo lang na panghuli na 'yan," kalmado ngunit may halong inis na sabi ni Kimi saka lumingon sa likuran kung saan nakita niya si Simi na nakatayo. "Ang babaeng tinutukoy ko ay si Harana. Kilala mo ba 'yung kapatid ni Sakuna Paris?"
Nanlaki ang mga mata ni Pin at aakmang magtatanong muli nang mapahinto siya dahil sa ipinangako niya kay Kimi kanina.
Napatango-tango na lamang siya bago kawayan si Kimi. "Kita na lang tayong muli sa susunod. P'wede pa rin naman kitang makausap muli, 'di ba?"
"M.. mhmm.." ang tanging naisagot ni Kimi dahil hindi niya alam kung paano sumagot sa sinabi ni Pin.
Nilapitan naman ni Pin si Simi nang mapansin ang presensya nito sa may hagdanan. "Bakit ka nandito, Simi?"
"Hinahanap kita, sa totoo lang," kaagad na sagot ni Simi sa kaniya na siyang ikinagulat ng binata.
Dahan-dahan niyang itinuro ang sarili. "Ako? Hinahanap mo ako? Bakit?"
"Hmm.." napaisip-isip si Simi habang nakakunot ang noo. Ilang sandali ay natawa siya nang walang maisip na dahilan. "Hindi ko rin alam kung bakit, hihi!"
Dumaan ang malakas na hangin kaya kaagad nang hinila ni Pin si Simi paibaba. Nagulat si Simi sa biglaang paghila nito sa kaniya ngunit nagpahila na lamang siya hanggang sa makarating sila sa ilalim ng puno kung saan nagpatayo ng maliit na bonfire ang kanilang mga kaklase.
"Uy! Kanina pa namin kayo hinahanap!" sigaw ni Brian saka nilapitan ang dalawa. "Saan kayo nagpunta?"
Nagkatinginan lamang sina Simi at Pin bilang senyas na magsalita ang isa sa kanila ngunit nanunukso silang tinignan ng kanilang mga kaklase, lalo na si Brian.
"Kayo a! Baka kung anong ginawa niyo habang magkasama kayo," pambibiro ng isa ngunit kaagad siyang binatukan ng isa niyang kasama.
"Wag kang mag-isip ng masama!"
"Tara, tara, laro na lang tayo ng truth or dare!" pag-aanyaya ni Rhea na siyang ikinagulat ni Brian dahil sa biglaang sigla nito. Bumalik naman sa seryosong mukha si Rhea nang makita ang reaksyon ni Brian. "May emosyon ako kaya normal lang sa akin ang maging ganu'n."
Sa kabilang banda naman, nakarating sa dalawang Paris ang sulat na iniwan ni Kimi para sa kanila. Nang mabasa iyon ni Sakuna, aakmang pupunitin na niya ang papel nang senyasan siya ni Harana na tumigil.
"Kausapin na natin siya," pilit ang ngiting sabi ni Harana saka hinawakan sa balikat ng dahan-dahan si Sakuna. "Ito na siguro ang oras para mag-usap tayong tatlo, bilang mga kapatid."
"Hindi naman kapatid ang turing niya sa 'tin," kalmado ngunit may halong inis na sabi ni Sakuna saka ibinulsa ang papel bago lumingon sa kapatid. "At saka ayokong malito ka sa nararamdaman mo para sa kaniya. Lapitin ka pa naman ng tukso at gusto lang kitang protektahan."
"Sakuna.." nginitian siya ni Harana na nagsasabing ayos lang siya. "Wala akong nararamdamang ganu'n para kay Kimi, kahit kailan ay wala naman.."
Napahinto si Harana sa pagsasalita nang lapitan sila nina Yugto at Vladi na gustong kausapin si Sakuna. "Kanina ka pa namin hinahanap ni Vlad, nandito ka lang pala sa kapatid mo."
"Tama ang sinabi niya," pagsasang-ayon ni Vladi ngunit kaagad niyang tinignan ng masama si Yugto. "Pero mali siya sa paraang tinawag akong 'Vlad' ni Yugi."
"At mali ka rin sa paraang tinawag mo akong 'Yugi'," kaagad na bawi ni Yugto at may namuong kuryente sa pagitan ng dalawa kaya tinulak ni Sakuna ang dalawa palayo sa isa't isa.
Saka niya ito kinuwelyuhan, isang kamay para kay Yugto at isa naman para kay Vladi. "Kailan ba kayo magkakabati? Naiinis na ako sa awayan ninyo dahil lang sa mga palayaw na ibinigay niyo para sa isa't isa."
"Hindi ko gusto ang palayaw na ibinigay niya sa akin!" sabay na sigaw ng dalawa habang nakaturo sa isa't isa.
Napabuntong-hininga na lamang si Sakuna saka dahan-dahang binitawan ang dalawa. "Mamaya niyo na lang ako kausapin, may gagawin pa akong importante.
"Mas importante pa ba 'yan sa akin?" pagpapa-cute ni Vladi habang naka-puppy eyes na siyang ikinainis ni Yugto saka siya tinadyakan. "Aray naman!"
"Nakaka-cringe 'yang ginagawa mo," nadidiring sabi ni Yugto habang nanlilisik ang mga mata na tignan si Vladi. Nagbangayan silang muli kaya hinila na ni Sakuna si Harana palayo sa gym.
Pinuntahan na ng dalawa si Kimi na nag-aantay sa kanila sa may garden. "Mabuti ay pumunta kayo."
"Pakibilisan, ano ba ang kailangan nating pag-usa.."
"P'wede bang tanggapin niyo na ako?" kaagad na putol ni Kimi sa sinasabi ni Sakuna kaya naman napaawang ang kaniyang mga labi nang hindi matapos ang kaniyang sinasabi.
Ilang sandali ay galit niyang tinignan si Kimi at aakmang susugurin ito nang pigilan siya kaagad ni Harana. "Andiyan ka nanaman sa tanong mo na 'yan! Ilang beses ko bang dapat.."
"Harana?" pagtatanong ni Kimi kay Harana kaya naman napahinto si Sakuna sa pagsasalita. "Ano sa tingin mo? P'wede mo na ba akong tanggapin?"
"Sa.. saan?" kinakabahang tanong ni Harana dahil hindi niya masyadong naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ni Kimi sa tanong niyang iyon.
"P'wede bang tanggapin niyo na ako sa pamilya natin? Magkapatid naman tayo, 'di ba?" nakangiting tanong ni Kimi sa dalawa kaya naman dahan-dahang nanlaki ang mga mata nilang dalawa. "Pinag-isipan ko ito ng maayos kaya.."
"Ki.." unang sambit ni Sakuna ngunit ramdam niya na pinipigilan siya ng katawan na magsalita. Napahinga siya ng malalim bago maluha sa kaniyang kinatatayuan. "A.. anong ibig mong sabihin, ha?" kunwarint natatawang tanong niya saka dali-daling pinunasan ang kaniyang mga luha ngunit sa bawat pagpunas niya ay muling naluluha ang kaniyang mga mata. "Gu.. gusto mo nanaman bang ipamukha ko sa 'yo na hindi kayo p'wede ni Hara.."
"Alam ko na 'yun, mulat na ako sa katotohanan. Ayoko nang tumakbo palayo, ayoko nang iwasan ang hindi maiiwasan," seryosong sabi ni Kimi na siyang nagputol sa sinasabi ni Sakuna saka dahan-dahang nilapitan ang dalawa at hinawakan ang kanilang mga kamay.
Nataranta si Sakuna dahil iniisip niya na may gagawing masama si Kimi kay Harana ngunit kaagad namang nawala ang nararamdamang iyon nang lumingon sa kaniya si Kimi habang nakangiti.
Inakbay niya ang dalawa saka ginulo ang buhok ng mga ito. "Ako ang kuya ninyo, hindi ba? Pasensya na kung ngayon lang ako nagising sa katotohanan. Pasensya na kung hindi ako naging mabuting kapatid sa inyo. Ayoko nang takasan ang mga nangyayari sa paligid ko kaya p'wede ba nating iwan sa likuran ang nakaraan at magsimula ng bagong buhay kasama kayo?"
Hindi napigilan ng dalawa ang sayang kanilang nararamdaman kaya umiyak sila sa balikat ni Kimi habang si Kimi ay hinimas ang likuran ng dalawa upang tumahan na sila.
Sa kabilang dako naman, napapanood nina Yorami at Sil ang nangyayari sa garden dahil nasa taas sila ng rooftop ng building na malapit sa garden. Mula sa building na iyon, kita nila ang mga estudyanteng nagkakasiyahan sa school kahit dis-oras na ng gabi at ang ibang mga tao na malapit sa school ay natutulog na ng mahimbing.
"Hay.." nakangiting sabi ni Yorami habang umiikot-ikot sa hawakan sa gilid ng rooftop upang walang mahulog na estudyante, para bang boundaries. "Ako ba ang naging susi para maging masaya sila?"
"Hindi," malamig na sagot ni Sil kaya napahinto si Yorami sa kaniyang pag-iikot saka mabilis na itinusok ang matutulis niyang kuko sa leeg ni Sil. "Pero ikaw naman ang dahilan kung bakit ako masaya."
Sa unang pagkakataon, nakita ni Yorami kung paano ngumiti si Sil sa kaniyang harapan gamit ang dalawa niyang mga mata. Nagtagal iyon ng limang segundo bago bumalik si Sil sa seryoso niyang mukha.
Pinalo niya ito sa balikat habang nakakunot ang noo. "Teka, teka. Anong ibig mong sabihin sa sinabi mo kanina? Wala akong naintindihan!"
"Ngayon wala, pero ipapaliwanag ko rin sa 'yo kung ano ang ibig kong sabihin du'n sa hinaharap," sagot ni Sil habang nakatingin sa malayo. Naka-sideview ang lalaki kaya hindi niya makita kung ano ang itsurang ginagawa nito ngunit naisip niyang muli ang nakangiting mukha kanina ni Sil kaya naisip niya na lamang na nakangiti ito ngayon.
"Hay.. ewan ko sa 'yo," inirapan siya ni Yorami bago ito bumalik sa kaniyang ginagawa. "Sana makauwi na tayo dahil inaantok na ako!"
"May inaantok ba na ganiyan ka-energetic hanggang ngayon?" sarkastikong tanong ni Sil ngunit hindi siya narinig ni Yorami. Natawa na lamang si Sil nang dahil sa kabaliwang ginagawa ni Yorami at napailing-iling.
Pinilit niya ang sarili na kumalma at bumalik sa pagiging seryoso ngunit hindi nakayanan ng kaniyang katawan kaya tumawa na lamang siya ng mahina, 'yung tipong hindi maririnig ni Yorami ang kaniyang pagtawa.
Sa paglalakad ng mga estudyante palabas ng school bilang pagtatapos ng araw, nilapitan ni Simi si Kimi nang makita niyang dinadala ni Kimi ang violin papunta sa music room muli.
""Kimi, galingan natin sa susunod na quarter," agad na sabi ni Simi sa kaniya nang makarating ang dalawa sa music room.
Nang mailagay na ni Kimi ang violin sa lalagyan nito, lumingon siya kay Simi. "Para saan?"
"Para makabalik na tayo sa Campus, para makasama na natin ang mga kaklase at mga kaibigan natin," pilit ang ngiting sagot ni Simi na nagbabaka-sakaling may kaibigan siyang makatulong sa kaniyang pag-aaral.
"Eh? Parang nawawalan ako ng gana na magpursigi," bumuntong-hininga si Kimi saka naglakad papunta sa pintuan kung saan nakatayo rin si Simi.
Hinarap ng dalawa ang isa't isa. Nginitian siya ni Simi saka itinaas ang kaniyang kamay na nakakuyom papunta sa ere. "Edi galingan natin, tutulungan kita!"
"Wag na," umiling si Kimi saka nginitian din si Simi. "Basta ipangako mo lang sa akin na ikaw ang magiging dahilan."
"Ng?" nagtatakang tanong ni Simi na siyang ipinagtaka rin ni Kimi.
Ilang sandali pagkatapos niyang mag-isip kung bakit hindi kaagad nakuha ni Simi ang ibig niyang sabihin ay natawa siya. "Edi ng pagpursigi ko, siyempre," napailing-iling si Kimi. "Tss. Anong inakala mo?"
Nang ma-realize ni Simi na nagkamali lamang siya ng inakala ay natawa siya para sa kaniyang sarili saka sinenyasan si Kimi na sumunod sa kaniya.
"Tara! Umuwi na tayo," pag-aanyaya niya kaya agad namang sumunod sa likuran niya si Kimi. "Kita na lang tayo bukas. Marami akong gustong gawin habang kasama kita sa Underworld, Kimi."
Dumaan ang malakas na hangin at napatingala ang dalawa sa crescent moon na nasa kalangitan. May ilang ulap na nakapaligid nito at napangiti si Kimi habang tinitignan ito. "Ang ganda.. parang.. ikaw, Simi."

Komento sa Aklat (49)

  • avatar
    Joshua Bañares

    ganda

    07/05/2025

      0
  • avatar
    YangBangtan

    kakabasa ko pa lang, gandaaa!!

    24/04/2025

      0
  • avatar
    MingFyona

    angas po uwu

    17/11/2024

      1
  • Tingnan Lahat

Tapusin

Mga rekomendasyon para sa iyo