Homepage/Underworld, Campus and the Paramount/
Together Party
Simi's POV
Isang oras pa bago magsimula ang together party kaya ang ibang estudyante na naka-assign sa pagdidisenyo ng entablado ay nagsimula nang magtrabaho. Halos ang mga estudyante nagdidisenyo ngayon sa entablado ay ang mga miyembro ng YJC.
Maaga akong pumasok dahil kailangan kong mag-ensayo sa tutugtugin namin mamaya bilang performance.
Nang tawagin ako ng isa kong kaklase dahil mag-eensayo na kami ay 'di ko inasahang nasa likuran ko si Kimi.
Sumabay siya sa akin sa paglalakad ngunit hindi umiimik. Wala rin akong masabi sa kaniya dahil hindi ko alam kung paano muli magsimula ng usapan sa tuwing kausap ko siya. Hindi ko rin alam kung ano ang dapat kong itanong sa kaniya matapos ang lahat ng iyon.
Pagkarating namin sa second floor ay nagkrus ang landas namin nina Brian at Bellas kaya napahinto ako sa may hagdanan. "Saan kayo pupunta?"
"Sa baba, gagamitin daw kasi ng banda ang music room," agad na sagot sa akin ni Brian at aakmang bababa na nang muling mapahinto at napalingon sa akin. "Teka, saan ka rin pupunta?"
"Sa music room," tinuro ko ang music room na nasa dulong bahagi ng second floor ng building kaya naman napatango-tango si Brian.
Nginitian naman ako ni Bellas saka binulungan ako. "Good luck sa atin, Simi."
"Sa atin?" nagtatakang tanong ko saka napakunot ng noo. Nang ma-realize ko kung ano ang ibig niyang sabihin, nanlaki ang mga mata ko. "Kasali ka sa dance troupe?"
"Oo," nahihiyang sambit niya saka kinawayan ako bago umalis habang hila niya si Brian.
Napangiti ako saka napailing-iling dahil sa naging asal ni Bellas. Nabigla talaga ako nang malaman kasali siya sa dance troupe, kaya pala dati ay napapansin ko siya na patagong sumasayaw kapag may musikang pinapatugtog sa loob ng classroom namin.
Nakita kong nasa posisyon na ang aking mga kasama sa banda at mukhang ako na lamang ang kulang sa loob.
Napalingon sa akin ang lider ng aming banda na isang guitarist na nagpapatugtog ng electric guitar saka sinenyasan ako na pumasok.
Nag-anunsiyo siya kaagad pagkatapos kong umupo sa upuan kung nasaan ang mga drum. "Alam niyo naman kung bakit hiniwalay natin sa dalawang grupo ang banda, 'di ba?"
"Oo," tumatango-tangong sagot namin at inurong na ng ibang estudyante ang kanilang mga dala malayo ng kaunti mula sa isa.
Dalawang performance kasi ang gagawin namin, at may violinist, pianist, nagpapatugtog ng xylophone at ng flute sa banda kaya naisip namin na kahit papaano ay isama pa rin sila sa performance ngunit bubuo kami ng dalawang grupo.
Ang grupo namin, mga drummer, electric guitarist, at ang vocalist namin ay ang magpe-perform para sa opening of the program. Hindi ko alam kung para saan ang grupo nina Kimi ngunit alam kong magpe-perform pa rin sila sa itaas ng entablado.
Nilapitan ng lider namin ang grupo nina Kimi at may ibinulong na kung ano na hindi naman namin naririnig kaya napatitig na lamang kami sa kanila.
Ang dalawa sa kanila ay mukhang namamangha, ang isa ay napalunok ngunit nanatili lamang seryoso si Kimi. Ilang sandali ay tumatango-tango silang lahat ng sabay-sabay kaya napalakpak ang aming lider bago kami nilapitan.
"Tara?" pag-aanyaya niya sa amin bago kami nagsimulang mag-ensayo.
Pagkatapos ng aming ensayo ay sinabihan kami ng aming lider na magpalit na sa mga damit na susuotin namin para sa party.
Pagpasok ko sa girls' changing room, narinig kong nagbulungan ang mga babae na kakatapos pa lamang magpalit sa kani-kanilang mga damit. "May masquerade pa raw talaga pagkatapos ng speech of gratitude."
"Heh?"
"Buti at nakadala tayo ng gown."
Sinundan lamang ng aking mga mata ang kanilang pag-alis at nanatiling nakatulala sa pinto nang isarado na nila ito.
Napalunok ako at dilat na dilat ang mga mata bago buksan ang locker kung nasaan ang mga damit na susuotin ko para sa party. May masquerade pa? P'wede naman sigurong hindi ako um-attend dahil wala akong dalang gown at saka ayoko ring magsuot ng ganu'n kung may magpapahiram man sa akin.
Paglabas ko ng changing room, sakto namang naabutan ko si Pin na may kung anong binabasa sa hawak niyang cell phone.
Napahinto siya saka napalingon sa akin bago ako harapin. "Buti naman at.." sandali siyang napahinto bago takpan ang kaniyang bibig gamit ang likod na bahagi ng kaniyang kamay. "Ngayon lang kita nakitang nakasuot ng damit na hindi uniporme ng school."
"Pareho rin sa 'yo," nakangiting sabi ko saka naunang naglakad at sumunod naman siya sa likuran ko. Napahinto ako saka sinenyasan siya na tumayo siya sa gilid ko. "Iba ang pakiramdam kung maglalakad ako sa harapan ng isang lalaki."
Tinanguhan niya ako saka sinunod ang sinabi ko. Nakarating kami sa new gymnasium kung saan gaganapin ang together party.
Nagsalita ang emcee sa speaker na nasa madilim na bahagi ng backstage kaya hindi namin alam kung sino siya ngunit boses lalaki siya na nasa mid fortys. "Magandang gabi sa lahat, maligayang pagdating sa together party. Handa na ba ang lahat?"
Naghiyawan ang buong crowd na sinabayan ko lamang habang kasama ko ang mga kasama namin sa banda. Nanatili lamang tahimik si Kimi habang nakatayo sa pintuan palabas ng backstage.
Lalapitan ko na sana siya nang biglang dumating si Pin habang may hawak na mga damit. "Kanino ang mga 'to? Naiwan kanina sa comfort room ng mga babae."
Agad na itinaas ng isang babae ang kaniyang kamay saka kinuha ang mga damit na dala ni Pin. Nginitian siya ni Pin nang humingi ang babae ng paumanhin sa kaniya bago ako sinulyapan.
Itinaas ko ng dahan-dahan ang kamay ko sa ere upang kawayan siya nang bigla siyang tumalikod at tumakbo palabas ng backstage. Nanigas ako sa kinatatayuan ko saka agad na ibinaba ang kamay ko, nagpalinga-linga ako sa paligid ngunit walang nakakita sa akin dahil may kaniya-kaniya silang ginagawa.
Ilang sandali ay narinig kong muli na magsalita ang emcee. Nagtataka ako kung bakit wala siya sa entablado ngayon. " Ngayon, aakyat na sa entablado ang ating unang performer, ang unang grupo ng Dominicdom."
Narinig naming pumalakpak ang crowd ngunit napahinto ako upang sulyapan si Kimi na kanina pa pala nakatingin sa akin.
Napahinga ako ng malalim, napapikit ng mata at nginitian siya saka kinawayan bago umalis sa backstage upang umakyat sa entablado.
Nagsimula ang performance at sa bawat linyang binibitawan ng vocalist sa kaniyang pag-awit ay iwinawagayway nila ang kanilang mga kamay sa ere. Narinig ko ring sumigaw ang mga kaklase ko sa Aguinaldo bilang pag-cheer sa akin at muntik ko nang makalimutan ang dapat kong gawin.
Pagkatapos ng performance, masayang nagkainan ang lahat sa isang mahabang mesa na dinikit-dikit lamang ang mga mesa sa bawat classroom ng school. Ilang sandali ay nakita kong naglakad ang mga kaklase ko papunta sa mesa kung saan ako nakatayo.
"Simi, ang galing mo!" pagpupuri sa akin ni Brian saka hinila ang pisngi ko habang tumatawa. "Hindi mo sa amin sinabi na may talento ka sa pagd-drum."
Tumawa lamang ako at nakitang napailing-iling si Grey na hinila si Brian palayo sa akin. "Kumain na lang kaya tayo, ano?"
"Teka," tinulak ng mahina ni Brian si Grey palayo sa kaniya saka nagmamadaling tumakbo papunta sa kung saan at sumigaw. "Babalik lang ako mamaya!"
"Saan nanaman pupunta 'yun?" pagtatanong ni Rhea habang nakahawak sa kaniyang baywang. Sumunod naman sa kaniyang likuran si Charlotte na may hawak na plato at kutsara at mukhang handa nang kumain.
Napasimangot si Bellas. "Ayoko na tuloy mag-perform. Mas lalong lumala ang hiya at kabang nararamdaman ko."
"Galingan niyo ni Brian mamaya!" pagchi-cheer ng isa kong kaklase sa kaniya habang naka-thumbs up. "Papanoorin namin kayo."
"Ilang beses mo na 'yang sinabi sa kaniya," inis na sabi ng isa niyang kaibigan kaya nagtawanan kaming lahat.
Kumuha na kami ng aming mga plato at kutsara upang kunin ang mga pagkaing gusto naming kainin. Sa hindi inaasahan, mahina akong bumangga sa kung sino at pagtingala ko, nanlaki ang mga mata ko nang malamang si Kimi iyon.
"He.. hello.." kinakabahang sambit ko habang kumukurap-kurap.
Tinignan niya lamang ako bago ako nilampasan upang kumuha ng ibang pagkain sa ibang lalagyan. Napabuntong-hininga ako ngunit may biglang tumapik sa balikat ko.
Nabigla ako at muntik nang mabitawan ang platong hawak ko. Napapikit ako ng mata ko upang kalmahin ang sarili ko nang malamang si Pin iyon. "Ikaw lang pala."
"Magandang gabi," seryosong bati niya sa akin saka napatingin sa aking plato. "Wala pang laman ang plato mo?"
Napatingin ako sa plato ko bago tumingin sa kaniyang plato. "Wala akong masyadong gana, at saka may naalala akong masamang alaala tungkol sa pagdiriwang."
"Heh?" kaagad siyang humarap sa akin at hindi tinuloy ang pagkuha sa pagkain. "O.." napatango-tango siya saka napatingin sa mga mata ko. "Pasensya na kung hindi naging maganda ang kalabasan ng kaarawan mo."
"Hindi mo naman kasalanan 'yun," natatawang sabi ko sa kaniya dahil sa naging sagot niya. "Kumain na lamang tayo, tara?"
Umupo na kami sa auditorium kung saan kumakain ang mga estudyante, nasa pinakalikurang bahagi kami ng auditorium at pakiramdam ko ay pareho ito sa old gym kung saan kami umupo dati ni Pin nang tanungin ko siya tungkol sa plano namin para sa eleksyon.
Pagkatapos naming kumain, nag-ready ang mga dancers para sa kanilang sayaw at paglipas ng isang oras ay nag-perform na sila sa harapan.
Nakita ko namang nahihiyang umakyat si Bellas sa entablado na mukhang nakita kung saan kami ngayon nakatayo. Si Grey naman ay panay ng sigaw kay Bellas kaya napangiti ako dahil alam kong naging matalik na magkaibigan ang dalawa ngunit nanunukso ang iba kong kaklase na tignan si Grey.
Nabangga ako ng kung sino sa balikat ngunit hindi na ako umimik nang humingi sa akin ng pasensya si Brian. "Nahuli na ako ng dating, ano?"
"Saan ka ba nagpunta?" kalmado ngunit may halong inis na tanong ni Rhea habang hawak si Charlotte sa damit nito at kumakain pa rin siya. Inis namang lumingon si Rhea kay Charlotte. "Bantayan mo nga muna 'to, Brian. Pupunta lang ako sa C.R."
"Sigurado ka?" medyo gulat na tanong ni Brian saka napalingon sa akin bago kay Charlotte. "Sarado ang comfort room ngayon."
Nabilaukan naman si Charlotte nang marinig iyon. "Teka lang! Paano na makaka-ihi si Rhea niyan?"
"Hindi naman kasi ako iihi!" sigaw ni Rhea ngunit hindi siya narinig ng ibang estudyante dahil sa lakas ng musika. "Ma.. mag.. ano, basta 'di ko masabi dahil kumakain si Charlotte!"
"O.." napatango-tango si Brian at mukhang nalaman na kung ano ang ibig-sabihin ni Rhea. "May regla ka?"
Namula kaagad ang buong mukha ni Rhea at kinalmot ang kaniyang ulo, nahihiya siyang nagsalita. "Hi.. hindi 'yun!"
Nang matapos na ang performance ng dance troupe ay nagpalakpakan kaming lahat ngunit kaagad na bumaba si Bellas sa entablado saka kinurot ng malakas si Brian.
"Bakit wala ka du'n?" bungad ni Bellas ngunit sumigaw lamang si Brian dahil sa sakit. "Ish. Ito ang pinakaayaw ko sa lahat!"
"Oo nga," pagsasang-ayon ni Charlotte nang maubos na niya ang kaniyang kinakain. "Bakit ka nga pala nandito kanina, Brian?"
Natawa naman si Brian saka napakalmot sa kaniyang ulo. "Ang totoo ay plano ko ang lahat ng 'yun, hindi talaga ako kasali sa dance troupe."
"Para saan?" nagtataka kong tanong ngunit tumingin lamang si Brian saka isinandal ang dalawa niyang kamay sa likod ng kaniyang ulo.
"Wala lang," nakangiting sagot niya na siyang ipinagtaka naming lahat.
Mukha namang hindi natuwa si Bellas sa naging sagot niya kaya nilapitan niya na lamang si Grey habang tinatakpan ang mukha gamit ang dalawa niyang kamay. "Nakakainis!"
"Ayos lang," nakangiting sabi ni Grey saka tinapik ng dahan-dahan ang likuran ni Bellas. "Ang galing mo ngang sumayaw kaya 'wag ka nang mainis diyan."
Pagkatapos ng mahaba-habang minuto ay nakita kong nakabihis na ang halos lahat ng estudyante sa kani-kanilang mga gown.
Mula sa 'di kalayuan ay nakita ko ang babaeng nakausap ni Kimi nu'ng nakita ko siya sa may rooftop. Hindi ko naitanong ang kaniyang pangalan kaya gagawin ko iyon ngayon.
Pagtayo namin sa malapitan, mukhang gulat ang kaniyang mukha nang makita ako. "Simi.."
"Teka.." napatulala ako nang malamang alam niya ang pangalan ko. "Saan mo narinig 'yan?"
"Sa mga kaklase mo," nakangiting sagot niya saka tumayo sa gilid ko. "Kung tinatanong mo man kung ano ang pangalan ko, ako si Harana Paris. Kapatid ako ni Sakuna Paris."
"Paris?" nagtatakang tanong ko saka napaisip-isip kung saan ko narinig ang apilidong iyon. Biglang lumiwanag ang isipan ko nang malamang Sakuna Paris ang buong pangalan ni Ms. Paris, ngayon ko lang ulit naalala.
Natawa siya, siguro ay dahil sa naging reaksyon ko. "Pasensya na kung hindi ko sinabi sa 'yo dati na siya ang kapatid na tinutukoy ko."
"E, sino 'yung tinutukoy mo na taong may pangarap na pumunta sa Paramount ngunit hindi mo maaaring makita?" agad na tanong ko sa kaniya kaya napahinto siya at napatulala sa akin.
Nakita ko siyang napalunok bago ako nginitian. "Si Kimi 'yun."
Bago pa man ako muling magtanong ay biglang sumingit si Yorami na mabilis na tumakbo papunta sa akin nang makita niya ako.
"Simi! Parehas tayong hindi nakasuot ng gown!" nakangising sigaw niya ngunit kaagad siyang nagseryoso nang makita si Harana. "O! Ikaw 'yung kapatid ni Paris."
"Sakuna ang pangalan niya," pilit ang ngiting sabi ni Harana saka lumingon sa akin at kinawayan ako. "Kita na lang tayo ulit mamaya sa gym."
"Sige!" nakangiting sagot ko sa kaniya habang kinakawayan siya sa kaniyang pag-alis. Lumingon ako kay Yorami. "Bakit hindi ka nagsuot ng gown? Siguro ay bagay naman iyon sa 'yo."
Nagkibit-balikat lamang siya. "Siguro.. pero maraming nagsasabi sa akin dati na walang pambabaeng damit ang babagay sa akin kaya 'wag na akong mag-abala."
"O, Sil?" gulat na tanong ko nang makitang nasa likuran ni Yorami si Sil. "Sino.. ang ka-date mo ngayon?"
"Ano 'to, JS prom?" katulad ng nakasanayan, seryoso lamang ang mukha niya habang sinasambit iyon. Wala ring tsansa na nagbibiro siya o marunong siyang magbiro.
Nginitian ko ng apologetically si Sil dahil naramdaman kong nagiging mabigat ang atmosphere sa paligid. "Pu.. pumasok na tayo sa loob."
Pagpasok namin sa loob, nagsisimula na pala ang pagsasayaw at ang lahat ng estudyante ay nakasuot na ng maskara. Lumingon ako kay Yorami ngunit hindi na niya kasama si Sil. Marami rin akong nakitang lalaki na naglalakad sa paligid, pare-pareho ang mga suot nila kaya 'di ko masabi kung sino sa kanila si Sil. Hindi ko rin nakita kanina kung anong klase ng sapatos ang kaniyang sinuot.
Nilapitan ako ni Yorami saka hinila ang kamay ko papunta sa baywang niya at ang mga kamay naman niya sa balikat ko. "Tayong dalawa na lang kaya ang mag-date tutal parehas naman tayong hindi nakasuot ng gown."
Sumabay lamang kami sa pagsayaw ng ibang estudyante ngunit napukaw ang atensyon ko kay Kimi na nakaupo sa gitna ng entablado habang pinapatugtog ang kaniyang violin kasama ang pangalawang grupo ng Dominicdom, 'yun ang pangalan ng aming banda.
Naisip ko tuloy kung gusto niya bang yayain si Harana sa isang sayaw o hindi dahil sa tunog na ginagawa niya sa violin, mabigat ito at mukhang malungkot ngunit ang ibang estudyante naman ay mukhang nag-eenjoy at para bang sinasabi na ito ay may romantikong tono.
Sa pagtatapos ng sayaw ay tinanggal ng mga lalaki ang kani-kanilang suot na mga maskara na siyang ikinagulat naman ng ibang babae at ang iba ay tinukso ang ilang pares, siguro ay dahil gusto ng isa sa kanilang dalawa ang isa pa.
Napangiti ako at bumitaw sa pagkakahawak kay Yorami nang may biglang naglahad ng kamay sa gilid ko. Paglingon ko, kaagad na ibinaba ni Pin ang kaniyang kamay saka lumingon kay Yorami. "Siya ba ang kasayaw mo?"
"O.. o.." hindi siguradong sagot ko habang sinusuri ang itsura ni Pin na mukhang pawis na pawis. "Saan ka pala nanggaling? Mukha kang pagod."
"Ha?" medyo gulat siya nang lumingon sa akin. "A, wala.. teka, aalis muna ako," at nagmamadali siyang umalis na para bang wala nang bukas.
Ilang sandali ay nakita ko sina Bellas at Grey na naglalakad ng magkasama papunta sa akin, sa likuran nila ay sina Brian, Rhea at Charlotte. Nilapitan ko sila saka sinenyasan si Yorami na sumunod ngunit biglang dumating si Sil upang hilahin siya papunta sa kung saan.
Hindi na ako nakapagtanong dahil biglang nagsalita si Bellas. "Kanina ka pa hinahanap ni Pin, saan ka ba pumunta?"
"Ha?" nagtatakang tanong ko saka napasimangot. "E.. sinayawan ako ni Yorami kanina."
"A.." napatango-tango sina Brian at Grey na para bang may alam na kung ano. Nagkatinginan ang dalawa na para bang nag-uusap gamit ang kanilang mga mata tulad ng non-verbal communication.
"Bakit daw ako hinanap ni Pin?" pagtatanong ko nang maalis ko sa paningin ang dalawa dahil wala naman akong makukuhang sagot mula sa kanila.
Nagkatinginan sina Rhea at Charlotte bago sabay na nagsalita. "Isasayaw ka sana niya kanina."
Nanigas ako sa kinatatayuan ko saka napalunok sa narinig ko. "I.. imposible naman 'yan. Marami naman tayong kaklase na p'wede niyang yayain.."
"Kaya nga hinanap ka niya kasi wala na tayong ibang kaklase na p'wede niyang yayain," pagpuputol ni Bellas sa sinasabi ko kaya muli akong nanigas mula sa kinatatayuan ko.
Nakaramdam ako ng guilt kaya naman napahinga ako ng malalim bago nagpaalam sa kanila na umalis. "Hahanapin ko si Pin, kailangan kong humingi ng tawad sa kaniya dahil pinahirapan ko pa siya!"
"Kaya mo 'yan, Simi!" sabay na sigaw nina Grey at Brian na para bang chini-cheer ako ngunit hindi ko na lamang iyon pinansin. Kailangan kong mahanap si Pin.I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (49)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
ganda
07/05/2025
0kakabasa ko pa lang, gandaaa!!
24/04/2025
0angas po uwu
17/11/2024
1Tingnan Lahat