Permission To Use

Author's note. This chapter is a flashback of how Pin owns the telephone cup (obvious naman sa name ng chapter), what hindrances he had faced and how he prepared the challenge for Simi. It's okay to skip this chapter if you want.
***
Hindi pa rin ako nakakapag-isip kung ano ang p'wedeng mairegalo sa kaniya, kay Simi kumbaga.
Ako 'yung tipo ng tao na pag-iisipan talaga ng mabuti ang isang bagay bago gawin o piliin iyon. Ayoko ng nagkakamali ako. Kinatatakutan ko na maging mali ako.
Napabuntong-hininga na lamang ako saka napapikit ng mata. Nag-isip ako ng malalim. May bagay akong muling naalala. Nakakapagtaka na biglang sumagi sa isip ko ang telephone cup na naging parte ng Mission Quarter. E ano naman ngayon?
Biglang nanlaki ang mga mata ko nang may ma-realize. Teka, nasaan na nga ba 'yun?
Kinabukasan, pagpunta ko sa school ay kaagad akong pumunta sa opisina upang tanungin si Yugto kung nasaan na ang bagay na 'yun. Hindi naman kami sabay na pumupunta sa school at saka ayaw ko pa siya masyadong kausapin sa bahay.
Sakto namang natagpuan ko si Yugto sa loob ng opisina na mukhang may tsinetsek sa loob. Kaagad akong pumasok dahil bukas lang naman ang pinto ngunit hindi man lang siya lumingon sa akin upang tanungin ako kung bakit ako nandu'n.
Naglakad ako papunta sa mesa niya. "Yugto, may hahanapin lang akong bagay dito. Ayos lang kung hanapin ko 'yun ngayon?"
"Bakit ka nagpapaalam?" kalmado ngunit may pagkainis na sabi niya saka masama akong tinignan. "Hanapin mo na kung anong gusto mong hanapin dito."
Bago ko hanapin ang telephone cup ay nag-iwan ako sa kaniya ng salita. "Hindi pa rin kita mapapatawad sa nagawa mo, tandaan mo 'yan."
Nagkatitigan lamang kami at ramdam ko ang talas ng titig niya sa akin. Una akong umiwas upang hanapin na ang gusto kong hanapin habang si Yugto ay naglakad palabas at mukhang nainis sa akin.
Naabutan ako ng kalahating oras bago mahanap ang telephone cup na nasa loob ng kahon na may label na 'Random'.
Sinuri kong mabuti ang telephone cup at nakitang maayos pa naman ang kalagayan nito. May pagkaluma na ang itsura ngunit hindi naman crampled ang cup na gawa sa styrofoam. Mahaba-haba rin ang tali na nagdidikit sa dalawa kaya nakasisiguro ako na aabot ito papunta sa kaniya, kay Simi.
Napangiti ako saka aakmang aalis nang makita ko sa pintuan si Ms. Paris na gulat ang mukha nang makita ako.
Sunod siyang napatingin sa hawak ko kaya tinago ko ito sa likuran ko. Napailing-iling siya. "Nakita ko na ang ayaw ko nang makita, nahuli ka ng galaw."
"Ano nga pala ang ginagawa mo rito?" pag-iiba ko ng usapan at nagbabaka-sakaling makalimutan niya ang kaniyang nakita. "Wala naman kayong galit para sa bagay na 'to, 'di ba?"
Napapikit siya ng kaniyang mata. "Wala sa bagay na 'yan pero meron sa gumawa."
"Sino?"
Inis niya akong tinignan. "Importante pa ba 'yun? Isang taon nang patay ang may ari na 'yan."
"Kung patay na siya, dapat pinatawad niyo na siya 'di ba?"
Mas lalong naging matalim ang mga tingin niya sa akin. "Hindi mo yata naiintindihan ang mga sinabi ko!"
Sandali siyang napatingin sa hawak ko bago dabog na umalis. Napakalmot naman ako ng ulo ko. Ang totoo ay hindi ko talaga siya naiintindihan ngunit pinipilit ko na lamang kanina na ipakita sa kaniya na naiintindihan ko siya ngunit mukhang nabigo ako.
Patay na ang may-ari, 'di ba? Tama naman ang sinabi ko. Aling bahagi sa sinabi niya ang hindi ko naintindihan?
Kaagad na may pumasok na pangalan sa isipan ko. Isang beses ko lang naman itong nakita, nabasa at narinig. Kailangan ko siyang hanapin ngayon, ang hula ko ay sa kaniya ito.
Kay Kimi Habisora na isang Underworld.
***
"Ikaw," biglang tawag ko kay Kimi nang makasalubong ko siya sa campus. "P'wede ba kitang makausap?"
Bago pa man siya makalingon sa akin ay kaagad ko na siyang hinila papasok sa loob ng comfort room ng mga lalaki dahil may Paramount na paparating.
Sinenyasan ko siyang manahimik habang nakatayo sa pintuan upang hintayin na lumagpas sa comfort room ang Paramount bago ko siya muling ilabas.
Nagtataka akong tignan ng Paramount ngunit nilampasan niya lamang ako kaya hinila ko na agad si Kimi palabas.
"Di ba ikaw ang nagmamay-ari ng telephone cup na ginamit natin sa Mission Quarter?" agad na tanong ko ngunit hindi siya umimik. Agad kong tinama ang sarili. "Ang ibig kong sabihin ay 'namin'."
"A.." napatango-tango siya at bored akong tinitignan. "Yun ba? Anong meron sa basurang 'yun?"
Napalunok naman ako. Ang hula ko pa naman ay siya ang nagmamay-ari nu'n. Hindi ko rin alam kung saan ko nakuha ang hinalang ito.
"A.. e.." nagpalipat-lipat ako ng tingin dahil hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. "Hindi pala ikaw ang nagmamay-ari nu'n."
"Ako ang gumawa nu'n," seryosong sagot niya na siyang ikinabigla ko. "Hindi naman importante 'yun kaya tinatawag kong basura. Kaya, ano namang sasabihin mo tungkol du'n?"
Napalunok akong muli dahil hindi ko inaasahang ganito makipag-usap si Kimi. Ganito rin ba ang trato niya kay Simi habang magkasama sila, masyadong malamig?
"A.. e.. kung ikaw ang may-ari nu'n.."
"May gawa," pagtatama niya sa akin kaya naman natigilan ako.
"Mhmm.." tumango na lamang ako ngunit tumulo ang pawis ko mula sa noo. "Kung ikaw ang 'may gawa' nu'n, p'wede ko bang hiramin 'yun?"
Sandali siyang hindi umimik. Napakurap-kurap siya na parang hindi makapaniwala sa sinabi ko. "Hihiramin? P'wede mo namang angkinin 'yun."
"Ha?" napanganga ako nang marinig ang sinabi niya. "A.. hindi.. nakakahiya naman sa 'yo, ikaw ang may gawa nu'n 'di ba?"
Nag-iwas siya ng tingin at kita ko sa mga mata niya ang lungkot kaya nalungkot din ako. "Hindi na nga importante 'yun sa akin kaya wala na akong pakialam kung kanino man ito mapunta."
"Pero dati siyang importante sa 'yo?" pilit ang ngiting tanong ko sa kaniya na siyang ikinagulat niya. "Mhmm. Mukhang alam ko na ang sagot diyan."
Napabuntong-hininga siya saka nilampasan ako. "Bakit pa nagpaalam ka sa 'kin kung wala naman sa akin ang hinahanap mo?"
"Wala lang," nakangiting sabi ko saka kinawayan siya paalis. "Gusto ko lang talagang humingi ng permiso na gamitin ito sa totoong may-ari nu'n. Salamat pala!"
Hindi naman ang telephone cup ang magiging regalo ko para kay Simi ngunit gusto ko siya lalong pasayahin sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaniya. Alam kong hindi na siya kinakausap ng mga kaklase namin dahil sumusunod sila sa rules.
Hindi ako sigurado kung ganu'n din ang ginagawa nina Brian, Grey at Bellas dahil nu'ng dati ay may napapansin akong kakaiba sa kanila dahil lagi silang umaalis sa grupo at mukhang may pinupuntahang ibang lugar. Bigla namang nagbago 'yun kaya hindi na importante pang isipin 'yun sa ngayon.
***
Hindi naman kami masyadong nag-usap ni Kimi nu'ng araw na 'yun kaya nalulungkot ako. Gusto ko pa sanang tanungin kung bakit basura ang turing niya sa telephone cup.
Napatitig ako sa telephone cup na hawak ko. Pakiramdam ko ay may kung anong charm na pinahid sa kamay ni Kimi bago niya magawa ang telelphone cup kaya ang telephone cup na ito ay nananatiling mukhang bago. Hindi ko alam kung kailan ito ginawa ngunit nakasisiguro ako na matagal-tagal na rin ito.
Ibabalik ko na sana ang telephone cup sa lalagyan nito nang mahuli ako ni Yugto. Tinignan ko lamang siya saka muling inilagay ang kahon sa lugar nito.
"Bakit?"
"Yun ba ang bagay na hinahanap mo?"
Nabigla naman ako sa naging tanong niya ngunit kaagad na pinakuyom ang kamao. "Oo, bakit? Anong gusto mong gawin?"
"Ang bagay na 'yun pa talaga," napailing-iling si Yugto habang nakangisi. "Gusto mo na rin yatang matulad sa gumawa nu'n, Pin."
"Alam kong may kapalit nanaman ito," kalmado ngunit inis na sabi ko saka dahan-dahang nilapitan siya. "Ano nanaman ang gusto mong mangyari?"
Naging madilim ang atmosphere sa pagitan naming dalawa at alam kong ramdam din 'yun ni Yugto. Ilang beses na kaming nagkakaganito, simula pa nu'ng mga bata pa lamang kami.
"Gawin at sundin mo ang lahat ng sasabihin ko for straight three days para katumbas ng 'I Hate You'," nakangising sagot niya sa akin at muntik ko na siyang kuwelyuhan ngunit kaagad kong napigilan ang katawan ko.
Hindi na ako p'wedeng bumalik sa pagiging dating ako. Dahil kung muling mabubuhay ang dating ako, siguradong madidismaya sa akin ang mga taong importante at espesyal sa akin, halimbawa na lamang si Simi. Ayokong mangyari 'yun.
Wala akong nagawa kundi ang sumunod sa gusto niya hanggang sa matapos ang tatlong araw.
***
Ilang beses kong binalikan ang telephone cup sa opisina ngunit mukhang tinago iyon ni Pin. Natapos ko na ang tatlong araw na pagsunod sa gusto niya kaya bakit ayaw niya pang ibigay sa akin 'yun?
Pinuntahan ko si Yugto sa campus ng mga Paramount at nakitang nakikipagkwentuhan siya sa kaniyang mga kaibigan, sina Ms. Paris at Mr. Lavid.
Ayokong sumingit sa kanilang kasiyahan kaya naman umalis na lamang ako at pumunta sa classroom.
Ilang minuto bago tumunog ang bell bilang hudyat na magsisimula na ang klase ay dumating si Yugto na nakakunot ang noo habang nakakagat sa kaniyang labi.
"Nasaan si Pin Ultimo?" agad na tanong niya sa mga kaklase kong nakaupo sa harapan na natakot sa biglaang paglitaw ng kaniyang presensya.
Kaagad akong tumayo kaya napunta sa akin ang tingin niya. Lumingon ako kay Grey. "Ikaw na munang bahala sa room."
"Anong gagawin ko?" rinig kong tanong ni Brian ngunit hindi ko na siya sinagot dahil naglakad na ako papunta kay Yugto.
Pagdating sa pintuan, naglakad na siya kaya naman sinundan ko na siya. Nang makarating kami sa opisina, inilabas niya ang telephone cup.
"Ito ang kailangan mo, 'di ba?" seryosong tanong niya sa akin at tumango lang naman ako bago kunin ang telephone cup. Mukhang may gusto siyang tanungin sa akin dahil nakatingin siya sa akin ngunit nang tumingin ako sa kaniya ay kaagad siyang tumingin sa ibang direksiyon.
Gusto ko siyang tanungin kung ano ang gusto niyang tanungin sa akin ngunit umalis na lamang ako sa opisina dahil ayoko muna siyang makita. Hindi ako natutuwa, hindi ko pa siya napapatawad.
Napangiti ako habang naglalakad. At least, nakuha ko na 'yung bagay na pinaghirapan ko sa loob ng tatlong araw. Sana makarating kay Simi ang mga mensaheng gusto kong sabihin sa kaniya.
Sa kalagitnaan ng paglalakad ay nabangga ako sa isang tao kaya kaagad akong tumingin sa kaniya. Hindi naman ganu'n kalakas ang pagkakabangga namin sa isa't isa ngunit nadapa pa rin ako sa lupa dahil sa gulat.
"Ms. Paris," nakaawang ang mga labi ko habang nakatingin sa kaniya. Ramdam ko ang nagliliyab na apoy sa kaniyang mga mata.
"Yang bagay nanaman.. anong gagawin mo diyan?" seryosong tanong niya kaya naman agad na akong napatayo.
"Gagamitin ko ito.." napalunok ako habang kinakabahan siyang tinignan. "Sa.." napalunok akong muli saka nag-iwas ng tingin dahil hindi ko na siya kaya pang tignan. "Ibang bagay."
"Heh? Bakit?" nakangising tanong niya ngunit alam kong nagkukunwari lang siya upang hindi mahalata ang galit na nararamdaman niya. "Inutusan ko na si Vladi na sunugin 'yan pero hindi niya pala nagawa, tapos ngayon napunta pa sa 'yo."
"Bakit kailangang sunugin?" tanong ko sa kaniya dahil nagkakaroon ako ng interes upang malaman kung bakit siya galit sa may-ari ng telephone cup na ito.
"Kasi.." aakmang magsasalita na siya nang bigla siyang mapahinto at nilampasan na ako. Sinundan lamang ng mga mata ko ang bawat hakbang niya. Hindi ko talaga siya naiintindihan.
***
"Babi, ano ang p'wedeng iregalo sa isang babae?" biglang tanong ko kay Babi nang makita ko siya sa sala.
Kaagad naman siyang napalingon sa akin. "Regalo para sa babae? Bakit?"
"Hmm.." nagpalipat-lipat ako ng tingin sa ibaba dahil kinakabahan ako na baka tuksuhin niya ako. "May.. may kaibigan ako na bibigyan ko ng regalo."
Katulad ng inaasahan ay nanunukso niya akong tinignan. "Heh.. sino naman 'yan, hijo? Pakilala mo sa amin."
"Ha.. ha?" kunwaring natatawang sabi ko saka napailing-iling. "Wag na, Babi. Hindi siya mahilig bumisita sa bahay ng.."
"Edi sabihan mo siya, sabihin mo na iniimbita ko siya sa pamamahay ko," nakangising sabi ni Babi kaya naman nakaramdam ako ng chills sa katawan. Kinilabutan ako sa ngisi niya.
"Ba.. Babi, ayoko. 'Wag na. Sa.. sa graduation na lang, makikita mo rin naman siya," pagpapalusot ko habang nilalaro ang daliri ko. "Ba.. balik na tayo sa topic natin. Ano nga ang p'wedeng iregalo sa isang babae, Babi?"
"Ilang taon na ba siya?"
"Hmm.." bigla akong napaisip-isip. "Alam ko na magla-labinlimang taong gulang na siya ngayong Oktubre."
"O," napatango-tango si Babi na parang namamangha. "Tapos? Tapos?"
"Hay.." napabuntong-hininga ako. "Sagutin niyo muna ang tanong ko," baka mamaya may masabi ako na hindi dapat sabihin sa kaniya.
"Nu'ng kaarawan ko, niregaluhan ako ng kapatid kong lalaki ng underwear.."
"Babi!" namumula ang mukha ko na sigaw sa kaniya dahil nakakahiya sa akin 'yun. "Lalaki ako, Babi. Hindi niyo dapat sinasabi sa akin ang mga bagay na tulad.. niyan."
"Hala? Hindi ka open-minded?" kunwaring gulat na tanong sa akin ni Babi kaya naman tumulo na lamang ang pawis ko mula sa noo habang pilit siyang nginingitian. "Ito na talaga, seryoso na talaga."
Hinintay ko ang magiging sagot niya habang napapalunok dahil hinuhulaan ko kung ano ang isasagot sa akin ni Babi. Kaya sa kaniya ako nagtanong ay dahil siya lang naman ang babaeng kilala ko na mahilig humingi ng regalo kay Baba.
"Depende naman 'yan sa isang babae kung ano ang gusto niyang iregalo sa kaniya ng isang tao. Kung medyo boyish ang personality ng babae, kailangan mong regaluhan ang babae ng mga bagay na medyo pang lalaki o pang lalaki talaga. Pero nu'ng kaarawan ko, naalala ko na niregaluhan niya ako ng singsing at inalok ako sa isang kasal," nakangiti at mukhang proud na proud na sabi ni Babi kaya naman nanliit ang isa kong mata.
Sa haba ng sinabi niya, singsing lang pala ang niregalo sa kaniya ni Baba. Teka. Nanlaki kaagad ang mga mata ko. "Singsing?"
"Oo! Baliw kase 'yang si Baba," medyo inis na sabi niya ngunit halata namang kinikilig siya dahil namumula ang kaniyang pisngi at napapangiti siya ngunit pinipigilan niya lamang iyon. "A, basta. Ikaw ang bahala na mag-isip, ikaw naman ang magreregalo sa kaniya. Kahit anong regalo ay ayos 'yun sa babae basta galing sa isang 'lalaki'."
Pilit ko na lamang siyang nginitian ngunit ang totoo ay disappointed ako sa naging sagot niya. Hanggang sa huli, ako pa rin pala ang mag-iisip ng ireregalo kay Simi.
Sa kalagitnaan ng pagtitig ko sa kisame ay biglang pumasok sa isipan ko ang bracelet at necklace na nakatago sa loob ng cabinet ko.
Binuksan ko ang box at nakitang nandu'n pa ang bracelet at necklace, dapat ko sana itong ibinigay sa babaeng gusto ko dati kaso bago ko pa ito naibigay sa kaniya ay ni-reject na niya ako at sinabing hanggang magkaibigan lamang kami.
Napangiti ako dahil alam kong maibibigay ko na ito ngayon sa iba. Naalala ko na pinag-ipunan ko pa ito bago ko bilhin ang mga ito. Kumuha ako ng papel saka nag-isip kung ano ang isusulat ko du'n bilang liham para sa kaniya.
Paano kung iiwan ko lang ito sa labas ng gate ng Underworld? Oo, tama. Makukuha niya naman ito kung.. agad akong napailing-iling. Hindi. Dapat makausap ko siya sa personal.
***
Pagkarating ko sa school ay kaagad kong sinabi kina Grey at Brian kung ano ang balak kong gawin. Nagulat naman ang dalawa. "Ngayong Oktubre ang kaarawan niya? Hindi mo kaagad sinabi."
Pagkatapos nu'n ay pinag-usapan na namin kung ano-ano ang mga kailangan naming gawin. Plano ko na gawing challenging ang pakikipagkita sa akin, wala dapat makaalam tungkol sa gagawin namin.
Sinabihan ko si Grey na siya ang maglalagay ng puting kahon sa labas ng gate ng Underworld at may ilalagay siya sa loob na isang note. Kahit ano na ang isulat niya sa note basta ang ilalagay niyang pangalan sa sender ay malapit sa pangalan ni Brian.
Nagtalo pa kami kung ano ang dapat ilagay du'n ngunit sa huli ay binoto naming tatlo na 'Nai' na lamang ang ilagay, natuwa si Brian kasi kabaligtaran 'yun ng 'Ian'.
Pagkatapos nu'n, makikipagkita si Simi kay Brian, ibibigay ni Brian ang sulat niya kay Simi. Kahit ano na rin ang ilalagay niya sa note na 'yun basta may ilalagay siyang 'naiINP na ako'.
Sa hindi inaasahan ay napalitan ng kaunti ang plano dahil sumingit ang dalawang magkaibigan na ang pangalan ay Yorami De Guzman at Sil Habisora.
Nagpresenta si Yorami na tutulong sila para sa surpresa at sinabing kakausapin nila si Simi upang masigurado kung anong klaseng tao si Simi.
Tinanong ko rin si Sil kung kaano-ano niya si Kimi ngunit hindi siya sumagot. Hindi kaya ay magkapatid sila at nagpapanggap lang na hindi magkakilala tulad naming dalawa ni Yugto? Hindi naman importante 'yun sa ngayon.
Imbes na makipagkita ako kay Simi sa abandonadong building dahil ang ilalagay sa note ni Brian na ibibigay niya kay Simi ay '2nd Build. Rooftop', sina Yorami at Sil ang sasalubong sa kaniya du'n. Pagkatapos nilang ibigay ang note, depende na rin sa kanila kung ano ang ilalagay du'n basta may salita du'n na 'naiINP' para may clue si Simi na ako ang tunay na sender. Hindi ko lang alam kung agad niya 'yung matutuklasan.

Komento sa Aklat (49)

  • avatar
    Joshua Bañares

    ganda

    07/05/2025

      0
  • avatar
    YangBangtan

    kakabasa ko pa lang, gandaaa!!

    24/04/2025

      0
  • avatar
    MingFyona

    angas po uwu

    17/11/2024

      1
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata