Challenge With a Price

Simi's POV
Kaunti lang ang kinain ko sa mga handang iniluto ko. Hindi ko naman mauubos iyon nang mag-isa, kaya nga naghanda ako dahil para ito sa aming lahat.
Tatakpan ko na sanang muli ang cake nang bigla kong na-realize na wala sa bulsa ko ang mga sulat na ibibigay ko sana sa kanila.
Nataranta ako at nagpalinga-linga sa paligid. Teka, saan ko naiwan 'yun?
Ang kaninang natatarantang itsura ko ay unti-unting napalitan ng seryosong mukha, may lungkot sa mga mata at sobrang dilim ng kulay. Para saan pa kung matatapos na ang araw na 'to?
Hindi pa naman hapon dahil pakiramdam ko ay recess pa lang nila ngayon ngunit nakasisiguro ako na may nangyayaring masama sa loob ng campus at mukhang bawal na bawal muna akong pumunta du'n.
Napabuntong-hininga na lamang ako saka napapikit ng mata. Hindi ko kailangang umiyak sa araw na 'to, hindi naman dapat talaga.
Paglingon ko sa gate ay may nakita akong isang kulay puti na kahon na may katamtamang laki at nakatali rito ang isang pulang ribbon.
Kaagad akong tumakbo papunta sa gate saka nagpalinga-linga sa paligid upang hanapin kung sino ang naglagay ng box na iyon du'n at ang tanging likuran niya lang ang nakikita ko habang tumatakbo siya palayo.
Dali-dali kong binuksan ang kahon at nakita ang matching necklace at bracelet, bulaklak ang disenyo ng mga ito.
Kaagad akong tumakbo papunta sa lalaki na ang hula ko ay ang nagbigay sa akin nito. Pinilit ko siyang abutin sa kaniyang mga braso nang siya mismo ang tumigil sa kaniyang pagtakbo.
Hinawakan ko na siya ng mahigpit upang masiguro ko na hindi siya makakatakbo. Lumingon naman siya kaagad bago ko pa man siya utusan. "Ano pang gusto mo, Simi?"
Lumiwanag ang mga mata ko at pakiramdam ko ang kaninang lungkot na nararamdaman ko ay biglang nasira na parang isang salamin.
Napalunok ako habang nanginginig ang labi na magsalita, hindi ako makapaniwala sa nakikita ko ngayon. "G.. Grey?"
"Hmm? Bakit?" nakangiting tanong niya sa akin kaya naman naramdaman ko ang mainit na butil ng luha na unti-unting namumuo sa mga mata ko. "Te.. teka lang."
"Ano nang nangyari sa fountain?" kaagad na tanong ko na siyang ikinabigla niya. "Gu.. gusto ko pa ring malaman ang nangyari kahit ako 'yung tumakbo palayo."
"Hindi ka dapat sa akin magtanong," nakangiting sagot niya saka tinalikuran ako. "Nabasa mo na ba ang sulat?"
Nanlaki ang mga mata ko at dahan-dahang binitawan ang kaniyang braso. "Anong.. ibig mong sabihin?"
Narinig ko namang napabuntong-hininga siya saka nagpalinga-linga sa paligid na mukhang may hinahanap. Muli siyang lumingon sa akin saka hinawakan ako sa magkabilang braso ko.
"Salamat sa lahat ng ginawa mo para sa section natin pero hindi ka dapat magpasalamat sa akin. Hindi dapat ako ang kinakausap mo ngayon. Hindi ka dapat sa akin magtanong tulad ng sinabi ko kanina."
Napakunot naman ako ng noo dahil naguguluhan ako sa mga sinasabi niya. "Ano nga ang ibig mong sabihin? Hindi ba't ikaw ang naglagay ng puting kahon na ito sa labas ng gate?"
"Oo naman, siyempre," tumango-tango siya sa akin. "Pero hindi ako ang nagpapabigay niyan, hindi ako ang bumili niyan para sa 'yo."
Napalunok naman ako saka dali-daling kinuha ang sulat. 'Can you guess who is your sender? - Nai' ang nakasulat sa papel.
Nanginginig ang mga mata ko na tignan si Grey. "Hi.. hindi sa 'yo nanggaling ang regalo na 'to?"
"Tama," nakangiting sagot niya at bigla namang humangin ng malakas kaya napapikit si Grey ng isa niyang mata habang tinatakpan ang kaniyang mukha. "Pumunta ka na, Simi habang hindi pa nagta-time."
Tinanguhan ko naman si Grey saka kumaripas ng takbo upang hanapin ang nagpapabigay nito. Base sa papel, galing daw ito kay Nai. Kailangan ko hang hanapin si Nai? Wala akong kakilala sa section namin na ang pangalan ay Nai.
Ilang sandali, sa kalagitnaan ng pag-iisip kung sino si Nai ay may biglang sumagi sa isip ko. Muli ko siyang naalala na sumigaw na galit ang itsura habang nasa fountain pa ako.
Pakiramdam ko ang 'Nai' ay isang pekeng pangalan na isinulat lamang sa papel. Naiisip ko na baka kung isusulat ng totoong sender ang kaniyang pangalan sa papel at may nakakita rito na isang Paramount kung sakaling hindi ko napansin ang puting kahon ay kaagad niyang malalaman na ang regalong ito ay nanggaling sa isang Campus o Paramount kaya pupuntahan niya ito upang parusahan siya.
Isang tao lang naman ang nasa isip ko ngayon na ang hula ko ay siya ang nagbigay nito. Si Bradley Ian! 'Nai' dahil pinalitan lamang ang posisyon ng pangalang 'Ian'.
Gulat naman akong napatingin sa building namin nang makitang bukas ang gate at kakababa lamang ng babae sa hagdanan. Siya ang babaeng hinawakan ko kanina sa kamay at nakitang umiyak siya bago tumakbo palayo.
Gulat niya rin akong tinignan ngunit kaagad siyang ngumiti sa akin ng peke, naluluha ang kaniyang mga mata. "May nag-aantay sa 'yo sa rooftop."
Unti-unting nanlaki ang mga mata ko. Sa itaas ng rooftop? Nandu'n ang taong nagbigay nito?
Kaagad kong nilapitan ang babae saka hinawakan ang kaniyang dalawang kamay habang nakangiti. Ang bilis ng tibok ng puso ko, siguro ay dahil sa sobrang saya na nararamdaman ko.
"Salamat! Maraming salamat! Gusto ko sana na hintayin mo 'ko mamaya sa labas ng school dahil bibigyan kita ng pagkain!"
Nagtataka naman niya akong tinignan. "A.. anong pagkain?"
"Para sa.. basta!" hindi ko na nasabi ang kailangan kong sabihin dahil nae-excite akong umakyat papunta sa rooftop. Muli akong napahinto nang makarating sa tuktok ng hagdanan. "Teka, kasabwat ka ba niya?"
"Heh?" agad siyang umiling sa akin. "Hindi, tinulungan ko lang siya."
Nginitian ko lamang siya bilang pasasalamat saka dumiretso na papunta sa rooftop. Pagkarating ko du'n, nakita ko namang inaantay ako ng isang lalaki na nakatalikod sa akin. Hindi siya masyadong malayo sa akin dahil mga tatlong hakbang lang ang layo niya mula sa kinatatayuan ko ngayon.
Mula pa lang sa itsura ng likuran nito at sa style ng kaniyang pagtayo ay kaagad kong nalaman na siya iyon. "Brian!"
"Uy!" kaagad siyang lumingon sa akin at nanlaki ang mga mata nang makita ako. Ilang sandali ay ngumiti siya saka tumakbo papunta sa akin. "Simi!"
Bago pa man ako makarating sa kaniya ay nauna siyang nakarating papunta sa akin saka malakas akong hinampas sa balikat.
Napahawak naman ako rito habang nanliliit ang isang mata na tignan siya. "A.. aray ha?"
"Wahh! Pasensya na!" napakalmot siya sa kaniyang ulo saka hinimas-himasan ang balikat ko na hinampas niya.
Napangiti na lamang ako dahil muli kong nakita ang side ni Brian na may pagka-isip-bata. Natutuwa talaga ako sa kaniya ngunit muli kong naalala ang naging itsura niya kanina kaya biglang naging seryoso ang mukha ko.
Mukha namang naintindihan ni Brian kung ano ang ibig sabihin nu'n. "Pasensya sa.. naging asal ko kanina. Sa mismong harapan mo pa na nakita iyon."
"Ayos lang," kaagad na sagot ko habang umiiling. "Ayos lang din naman ang magalit para sa kaibigan, 'di ba?"
Naiyak siya sa hindi malamang dahilan kaya naman napaatras ako nang madapa siya sa sahig sa kakaiyak. "Wahh! Bakit ang bait mo, huhu.."
"Teka, 'wag kang umiyak sa harapan ko," hinila ko ang kaniyang damit upang muli siyang tumayo. Napaubo-ubo ako. "Sa 'yo ba nanggaling ito?"
Kaagad naman siyang tumigil sa kaniyang pag-iyak nang ipakita ko sa kaniya ang sulat. Tinuro ko ang salitang 'Nai' kaya naman gulat niya akong tinignan.
"Hmm.. nasaan na 'yung kuwintas?"
Nagtataka ko naman siyang tinignan dahil hindi niya sinagot 'yung tanong ko ngunit kaagad kong inilabas ang kuwintas saka ibinigay sa kaniya ito.
"Tumalikod ka," nakangiting utos niya sa akin at kahit nagtataka ay sinunod ko na lamang siya. Ilang sandali ay ikinabit na niya sa leeg ko ang kuwintas. Napalakpak siya. "Nasaan naman 'yung bracelet?"
Napalunok na lamang ako saka sunod na ibinigay sa kaniya ang bracelet. Pinasuot niya rin ito sa akin kaya naman hinawakan ko siya sa balikat.
"Sagutin mo na 'yung tanong ko. Kailangan kitang pasalamatan," agad na sabi ko kaya naman napangiti siya at hinawakan din ako sa balikat ko. "Hmm, sabi ko na nga ba at ikaw 'yun dahil Nai.."
Bago pa man ako matapos sa aking pananalita ay kaagad siyang sumingit. "Sa akin nanggaling ang sulat pero hindi ako ang nagbili ng regalo na 'yan para sa 'yo."
"Eh?" gulat na tanong ko at biglang nalungkot dahil hindi tumugma ang hula ko. "A.. ang sulat lang ang nanggaling sa 'yo?" hinawakan ko ang dibdiban ko at nagkunwari akong nasasaktan. "Grabe ka naman sa akin."
"Totoo?" paninigurado niya na siyang ikinatango ko.
"Totoo! Walang halong kasinungalingan," sagot ko sa kaniya kaya naman napakalmot si Brian sa kaniyang pisngi at nahihiya akong tignan.
"Pasensya ka na, Simi. Wala akong maibibigay sa 'yo maliban sa pagmamahal ko."
Matutuwa na sana ako sa sinabi niya ngunit biglang nanliit ang mga mata ko nang marinig ang sunod niyang sinabi.
Kaagad ko siyang binatukan habang inis ang mukha. "Nandiyan ka nanaman sa mga pa-ganyan mo."
"A.. ray!" pagrereklamo niya habang hinihimas ang kaniyang ulo na binatukan ko. "Nahawa ka na ng pagiging Rhea kahit magkalayo kayo?" napaisip-isip siya saka napasimangot. "A! Baka nahawa ka sa kaniya nu'ng nandu'n ka pa sa room."
"Kung hindi naman pala sa 'yo nanggaling ito, edi kanino?" nag-iba kaagad ako ng usapan dahil pakiramdam ko ay kailangan kong magmadali ngayon. "A.. ano! Hintayin mo rin sana ako sa labas ng school dahil may ibibigay ako sa 'yong pagkain. Sabihan mo na rin ang iba, lalo na si Grey dahil nakalimutan kong sabihin sa kaniya 'yun nu'ng nagkita kami kanina."
"Kanina?" nagtatakang tanong ni Brian na siyang itinango ko lamang. Nag-rub siya ng kaniyang baba. "Hmm. Parte nga 'to ng plano niya at 'di man lang niya ako sinabihan."
"Eh?" nagtatakang tanong ko saka napabuntong-hininga. "Kanino nga ba nanggaling ang mga ito? Pasensya na pero kailangan kong magmadali bago tumunog ang.."
Bago ko pa man matapos ang sinasabi ko ay narinig namin na tumunog ang bell. Pakiramdam ko ay talo nanaman ako at muling bumalik ang lungkot na nararamdaman ko kanina.
Bumigat ang loob ko ngunit ngumiti na lamang ako kay Brian. "A.. hahanapin ko na lang siya mamaya, baka.."
"Hindi!" kaagad na sigaw ni Brian na siyang ikinagulat ko. "Hanapin mo na siya ngayon, sigurado akong inaantay ka pa niya du'n! Aantayin ka pa rin niya at willing siyang lumabag sa kahit na ano para sa 'yo!"
Nanliit naman ang mga mata mo. "Wag mo na akong paasahin.."
"Hays," napabuntong-hininga si Brian saka napailing-iling. "Basta, puntahan mo na siya bago ka magsisi. Pagsisisihan mo talaga ang araw na 'to kung hindi mo siya pupuntahan ngayon," kaagad siyang naglabas ng kulay berdeng papel na may kulay itim na tatak sa labas. "Ito!"
Nagtataka ko namang tignan ang papel at aakmang tatanungin si Brian kung kanino nanaman 'yun nanggaling ngunit kaagad na siyang tumakbo paalis.
Napabuntong-hininga ako. Alam kong uuwi na siya sa classroom at hindi ko siya p'wedeng pigilan.
Binasa ko muna ang nakasulat sa papel dahil nagbabaka-sakali ako na baka nakasulat du'n kung kanino nanggaling ang regalo.
'This is a challenge. I don't know if it's worth it XD - 2nd Build. Rooftop' ang nakasulat sa papel.
Napakunot naman ako ng noo saka napakalmot sa ulo ko. Ang haba naman ng pekeng pangalan na ginamit niya.
Nang ma-realize ko na lugar pala ang tinutukoy na 2nd Build. Rooftop ay kaagad akong kumaripas ng takbo papunta sa kabilang building mula sa rooftop ng building na ito.
Sa baba ay nagdadalawang-isip ako na umakyat dahil ang building na 'yun ay ang abandonadong building.
Nang makarating ako sa rooftop ay nakita kong nakatalikod sina Yorami at Sil na siyang ipinagtaka ko. "Sa inyo ba nanggaling ang mga regalo na 'to?"
Kaagad silang lumingon sa akin at tumingin sa dalawang bagay na ipinapakita ko sa kanila.
Napalingon si Yorami kay Sil ngunit nagkibit-balikat lamang si Sil sa kaniya. Mabilis na nakarating papunta sa akin si Yorami saka tumayo sa likuran ko habang hawak-hawak ang kuwintas sa leeg ko.
"Hmm. Hmm. Hindi ko kayang bumili ng ganito kaya hindi sa akin nanggaling ang mga 'yan. Ang papel lang ang isinulat ko at nanggaling mula sa akin," nakangising sabi niya kaya naman napapikit ako ng mata at pakiramdam ay nagsayang lamang ako ng oras.
"Wag kang mawawalan kaagad ng pag-asa, malapit mo nang hinahanap ang gusto mong hanapin," seryosong sabi ni Sil habang naglalakad papunta sa akin. "Ito, pinapabigay niya."
Napatingin ako sa sulat at napatingin kay Yorami. Nginisian niya lamang ako saka kinuha ang sulat mula kay Sil at inilagay sa kamay ko. "Pangako, malapit na malapit mo na siyang mahanap kaya magtiis ka. Hindi lahat ng bagay na gusto mong makuha ay kaagad mong nakukuha."
Wala na akong nagawa kundi ang basahin ang nakasulat sa liham nang hindi pinapakita kina Yorami.
'Come and find me. Come to me. NaINP na ako dito by the way' ang nakasulat sa papel.
Teka, ngayon naman ay walang nakasulat kung kanino ito nanggaling? Paano ko malalaman kung nasaan siya o kung sino siya?
Napatingin ako kina Yorami ngunit wala na sila sa rooftop. Mukhang nakaalis na sila habang nakatingin ako sa papel, hays.
Tumakbo na lamang ako papunta sa ibaba saka nagpalinga-linga sa paligid. Saan? Saan ko siya p'wedeng makita?
Aksidente kong nabitawan ang papel na hawak ko sa kalagitnaan ng paglalakad ko habang nagpapalinga-linga. Diretso itong lumipad papunta sa tubig kaya sinundan ko ito.
Nahuli na ako bago ko makuha ang papel ngunit nang mabasa ang papel ay may lumitaw na bagong sentence sa gilid ng huling sentence.
'Ps: Kung nakita mo na ito, puntahan mo ako sa rooftop ng building natin last school year. Tanungin mo 'ko pagdating mo du'n' ang nakasulat.
Lumiwanag ang mga mata ko at kaagad na lumingon sa kabilang building na malapit mula sa kinatatayuan ko.
Nakaramdam ako ng sigla at kumaripas ng takbo papunta du'n. Nakita ko si Pin na nakatayo sa rooftop habang nakatalikod, ang lakas ng hangin sa paligid at halos pumasok na sa mata ko ang mga dumi.
Nang makatayo na ako sa likuran niya ay naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Kinakabahan ako sa hindi malamang dahilan. Dahil ba nalaman ko na si Pin ang sender ko?
Lumingon siya sa akin saka binigyan ako ng isang ngiti na lagi niyang ginagawa sa tuwing ngingiti siya sa akin.
May hawak siyang telephone cup sa kaniyang kamay. Nanlaki ang mga mata ko dahil pakiramdam ko ay nakita ko na ang bagay na 'yun dati.
Bago ko pa man maalala kung kailan ko ito nakita ay hinagis niya papunta sa akin ang kapiraso nito saka tumakbo palayo sa akin. Mahaba ang tali ng telephone cup kaya umabot si Pin hanggang sa kabilang dulo ng rooftop.
Nakatayo kami habang nakaharap sa isa't isa. Kahit malayo siya ay kitang-kita ko ang kaniyang mukha. Kinuha ko ang telephone cup saka bumulong dito.
"Masaya ako ngayon, sobrang saya ko," nakangiting sabi ko at nakita ko namang nakinig si Pin sa hawak niyang telelphone cup.
Nang makita ko siyang bubulong ay kaagad akong nakinig sa hawak kong telelphone cup. "Mabuti naman kung ganu'n. Masaya ako kapag alam kong masaya ka."
Kaagad na lumakas ang hangin na siyang nagpasayaw ng buhok namin. Mula sa kinatatayuan ko, parang naging klaro ang lahat sa paligid ngunit nakapokus ang paningin ko kay Pin at parang siya lang ang nag-iisang bagay na nakikita ko ngayon, kahit malayo siya ay pakiramdam kong malapit siya sa akin.
Ilang sandali pa ay ngumiti siya na siyang biglang napangiti sa akin. Teka, masaya ba ako dahil may nakaalala ng kaarawan o masaya ako dahil nakausap ko ng maayos si Pin muli?
"Pin, anong nangyari nu'ng umalis ako?"
"Ipinagtanggol nina Ms. De Guzman at Mr. Habisora si Kimi kahit na patuloy siyang nagmamakaawa na huwag na siyang tulungan dahil hindi niya kailangan 'yun. Nagalit si Ms. Paris at sinabing huwag silang makialam dahil parusa iyon ni Kimi nang biglang sumingit si Yugto at tinanong kung bakit sila nandu'n. Hindi ko alam kung ano ang koneksyon nila sa isa't isa ngunit mukhang galit si Yugto sa kaniya."
Napatango-tango ako nang marinig ang sagot na iyon mula kay Pin ngunit nasasaktan ako at nakakaramdam ng pagsisisi dahil iniwan ko si Kimi du'n.
"Pagkatapos nu'n, sumingit sa usapan ang iba nating kaklase sa section Aguinaldo lalo na si Brian dahil iniisip nila na si Kimi ang may kasalanan sa lahat ng nangyayari sa 'yo ngayon. Sa totoo lang, one-sided hatred lang naman 'yun kaya 'wag kang mag-alala, kakausapin ko ang mga kaklase natin," pagpapatuloy niya ngunit nanatiling nasa kaniya ang mga mata ko na para bang binabalewala ang mga sinasabi niya. "Simi, nakikinig ka pa rin ba? Ayoko na rin sanang sabihin 'to sa 'yo para hindi ka masaktan pero dahil tinanong mo.."
"Hindi naman 'yun ang problema dito, Pin," kaagad na sagot ko bago pa siya matapos sa kaniyang pananalita. "Hindi ako nasasaktan dahil sa mga narinig ko. Masaya nga ako kasi hindi ka nagsisinungaling sa akin."
Nakita ko naman ang kaninang nag-aalalang mukha ni Pin ay unti-unting ngumiti. "Salamat at naiintindihan mo 'ko."
"Alam mo? Gusto pa kitang makausap pero sana sa susunod 'yung malapitan na."
Nanlaki naman ang mga mata ni Pin at kaagad na umiwas at kinati ang kaniyang tainga.

Komento sa Aklat (49)

  • avatar
    Joshua Bañares

    ganda

    07/05/2025

      0
  • avatar
    YangBangtan

    kakabasa ko pa lang, gandaaa!!

    24/04/2025

      0
  • avatar
    MingFyona

    angas po uwu

    17/11/2024

      1
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata