Is It a Lie?

Third Person's POV
Alalang-alala pa rin ni Kimi ang pagsampal na ginawa ni Sakuna sa kaniya. Pakiramdam niya ay sariwa pa rin sa kaniyang isipan ang sakit nang dumapo ang mga kamay nito sa kaniyang mukha kaya napahawak siya sa kaniyang pisngi habang nakatingin sa salamin.
Si Kimi lang ang mag-isang nakatira sa bahay na kaniyang tinitirhan ngayon. Matagal nang umalis ang kaniyang ama sa lugar na iyon habang ang kaniyang ina ay matagal nang namatay dahil sa sobrang paggamit ng droga.
Napatingin si Kimi sa lababo habang pinagmamasdan ang gripo. May tumutulong tubig mula rito kahit nakasarado naman ito.
Napabuntong-hininga siya. "Kailangan ko nanaman bang ipaayos ito?" napaisip-isip siya saka umiling. "Wag na, dagdag gastos lang 'yun."
Kaagad niyang sinuot ang kaniyang sapatos saka patakbong lumabas sa bahay. Sinigurado niya muna na naka-lock ang pinto nito bago tuluyang lisanin ang bahay.
Pagkarating niya sa school, naisipan niyang pumunta sa campus. Muli niyang naisip si Simi na naiwan du'n na mag-isa, ayaw niyang mag-alala sa babae kung sakaling may mangyayaring masama sa kaniya kaya naman pumunta siya du'n para tignan ito.
Ang totoo ay laging pumupunta ng patago si Kimi sa campus upang tignan kung maayos ba ang kalagayan ni Simi. Gusto man niya na itigil ang pag-iiwas ngunit wala siyang nagawa kundi ang iwasan siya dahil hindi pa niya kayang kausapin ang babae.
Masyadong mabigat ang mga salitang binitawan sa kaniya ni Harana sa araw na iyon at pakiramdam niya ay hindi siya makahinga kaya naglalakad-lakad siya at naghahanap ng tahimik na lugar upang ipagpahinga ang sarili.
Nang makita niyang nakaupo lamang si Simi sa upuan at mukhang ayos lang ang kalagayan ay kaagad na siyang umalis bago pa siya makita ng babae.
Sakto namang napalingon si Simi sa entrance nang makaalis na ng tuluyan si Kimi. Bigla niyang naisip na baka kailangan na niyang ibigay kina Pin ang mga liham na isinulat niya para sa mga ito kaya naman dali-dali niyang kinuha ang kaniyang bag saka kumaripas ng takbo.
Simi's POV
Nae-excite na ako kahit miyerkules pa lang ngayon. Sino ba naman ang hindi mae-excite kung iimbitahan mo ang mga kaibigan mo sa iyong kaarawan at sabay niyo itong ipagdidiriwang.
Minsan ay sumasagi sa isip ko na kailangan ko munang puntahan si Kimi bago ang iba kaso hindi ko itinuloy dahil hindi ko naman alam kung saan siya nagpupunta.
Nang makarating na ako sa campus, nagpalinga-linga ako sa paligid at mukhang maayos lang naman ang lahat. Katulad ng nakasanayan, may mga estudyanteng naglalakad.
Napaestatwa ako bigla nang may ma-realize. Bakit ako naglalakad na parang normal na estudyante sa campus na 'to?
Natataranta akong luminga-linga sa paligid. Paano kung may nakapansin sa 'kin? Paano kung magsusumbong sila?
Ang kaninang natatarantang itsura ko ay dahan-dahang napalitan ng lungkot. Kahit naman alam nilang nandito ako, babalewalain lang nila ako para sa rules. Tulad ng sinabi ni Kimi, walang silbi kahit na patago kang maglakad sa campus na ito dahil sumusunod lang sila sa rules.
Sa aking paglalakad ay biglang tumunog ang school bell kaya naman kaagad na nagsitakbuhan ang lahat. Napakunot ako ng noo habang nagtatakang tinitignan ang mga estudyanteng tumatakbo. Ang aga pa naman para magklase, a?
Napasimangot na lamang ako saka naglakad papunta sa puno. Baka sakaling puntahan nila ako rito, wala na akong paki kung si Brian man, si Bellas o si Grey ang pumunta. Kung sakaling hindi man nila ako puntahan dito, hintayin ko na lang sila hanggang recess.
Nang umakyat na ako sa puno ay sakto namang dumating sina Yorami at Sil na siyang ikinabigla ko. Napasigaw na lamang ako ng wala sa oras.
"Ha!" nahihintakutang sigaw ko saka napahawak ng mahigpit sa sanga ng puno.
Nagtataka namang tumingala ang dalawa. Nang magkatitigan kaming dalawa ni Yorami, mas mabilis pa sa kidlat ang pag-akyat niya sa puno.
Nataranta ako habang nanginginig ang mga mata na tignan siya. "Ba.. bawal mo 'kong pansinin."
"Isa siyang Underworld, Yorami," seryosong sabi ni Sil kaya naman napalingon sa kaniya si Yorami. "Bumalik na tayo sa building bago pa uminit ang ulo ni Yugto sa 'yo."
"Eh?" napasimangot si Yorami saka niyakap ako ng mahigpit sa braso. "P'wede bang dalhin ko siya du'n?"
Sandaling tumahimik ang dalawa ngunit sumagot pa rin sa kaniya si Sil. "Ikaw ang bahala, problema mo na 'yan."
Katulad ng inaasahan ay sumama ako sa kanila, hindi dahil sa gusto ko kundi napilitan ako ni Yorami. Yakap-yakap niya kasi ako sa braso ngunit mabuti na lang at naitago ko sa bulsa ng palda ko ang mga liham.
Nanlaki ang mga mata ko nang makarating kami sa abandonadong building. Ito ang tinutukoy ni Sil na bumalik na sila sa building? Ang buong akala ko ay pupunta sila sa campus ng Paramount!
Kumuha si Sil ng isang upuan para sa akin saka sinenyasan ako ni Yorami na umupo du'n.
Kinakabahan naman akong umupo sa upuan at halos hindi makatingin sa dalawa. Muli kong naalala na narinig ko ang naging usapan nila ni Yugto nu'ng araw na 'yun kung kailan sinabi niya na ang tito niya ang pumatay sa mga magulang ni Yugto at pinatay niya pagkatapos ang kaniyang tito.
Napalunok ako saka patagong sinulyapan si Yorami na tinutukso si Sil habang nakalabas ang dila.
Naramdaman ni Sil ang pagtitig kong iyon kaya napalingon siya sa 'kin. Agad akong umiwas at inakala na magsasalita siya ngunit ibinalik niya ang tingin kay Yorami.
"Mukhang may gusto siyang sabihin sa 'yo," seryosong sabi ni Sil habang nakaturo sa akin.
Napalingon naman kaagad si Yorami saka napataas ng dalawa niyang kilay. Ngumiti siya tulad ng isang poltergeist sa isang horror movie. "Ano 'yun? 'Yung ano?"
Nagdalawang-isip ako na itanong ang tungkol du'n lalo na't si Sil lang ang nakakita sa akin na nandu'n din ako sa punong iyon kung saan sila nag-usap. Hindi ko alam kung sinabi ba 'yun ni Sil sa kaniya o hindi ngunit gusto kong makasigurado.
"A.." unang salita ko dahil napahinto ako upang isipin ang dapat na sasabihin. "Ayos lang ba kung may itatanong ako?"
"Hmm?" napatagilid siya ng kaniyang ulo habang nakanguso. "Sige, magtanong ka lang."
"Ano nga pala.."
Bago pa man ako matapos sa aking pananalita ay muling nagsalita si Yorami. "Teka nga pala, ano ang pangalan mo?" nanlaki naman ang mga mata ko na siyang itinawa niya lamang. "Sagutin mo muna ang tanong ko bago kita sagutin."
"Simi.." napalunok ako habang pinipigilan ang sarili na kabahan sa pagsasalita. Hindi naman ako masyadong sanay sa mga taong ngayon ko lang nakilala o nakita at saka wala akong nararamdamang positive energy mula kay Yorami dahil sa nakakatakot nitong itsura. "Simi.. Sonata. Tawagin mo lang akong 'Simi'."
"Hmm, ang gandang pangalan," nakangising sabi ni Yorami kaya naman pinagpawisan agad ang mukha ko. Inilahad niya sa harapan ko ang kamay niya ngunit hindi ko ito tinanggap kaya naman siya mismo ang kumuha sa kamay ko saka nakipag-shakehands sa akin. "Ako si Rami. Yorami De Guzman in short."
Napalunok ako saka tumingin sa kisame ng building. "Parang.. baligtad yata."
"Siya naman si Sil Habisora," lumingon si Yorami kay Sil saka kinuha ang kamay ni Sil upang ipahawak ito sa akin. "Ang tunay niyang pangalan ay Sil.."
Bago pa man mailapit ni Yorami ang kamay ni Sil sa kamay ko ay biglang binawi ni Sil ang kaniyang kamay mula kay Yorami. "Hindi ako basta-bastang nakikipagkamayan sa mga taong hindi ko ka-close."
"Heh?" inis na sabi ni Yorami saka napabuntong-hininga. "Hindi rin naman tayo ka-close pero lagi naman akong nakikipagkamayan sa 'yo sa tuwing nakakasalubong kita."
"Iba ka sa kaniya, Yorami," seryosong sabi ni Sil nang hindi kami tinitignan. "Iba ang relasyon ko sa 'yo at sa kaniya."
"So.. kung ang turing mo sa kaniya ay ibang tao, ano naman ang turing mo sa akin?"
Napalingon kaagad sa kaniya si Sil saka aakmang magsasalita ngunit mukhang may pumipigil sa kaniya kaya naman itinikom niya na lamang ang kaniyang bibig.
"Sasagutin ko lang ang mga importanteng tanong. Ikaw na rin ang nagsabi na hindi tayo close kaya.." napayuko siya ng kaniyang ulo saka inilagay ang kamay sa kaniyang pisngi. "Hindi ko alam kung paano sagutin ang tanong mo."
"Tsk," inis na bulong ni Yorami saka nakangising lumingon sa akin. "Simi, Simi, hindi ka naman siguro magagalit kung susundan kita kahit saan ka magpunta."
"Ha?" gulat na tanong ko saka itinuro ang sarili ko. "Bakit kailangan mo 'kong sundan?"
"Wala lang!" mas lumawak ang ngisi niya kaya naman napalunok ako.
Nang mag-usap nang muli ang dalawa ay bigla akong napaisip. Naisip ko na kaya siguro laging magkasama sina Yorami at Sil ay dahil tinanong niya rin si Sil ng parehong tanong na itinanong niya sa akin ngayon.
Napangiti ako. Kahit papaano ay unti-unting nawawala ang takot na nararamdaman ko para sa kaniya. Pakiramdam ko ay mabuting tao naman si Yorami kahit na ginawa niya 'yun.
Muling bumalik sa isipan ko ang kailan kong tanungin sa kaniya kaya naman tinawag ko siya ngunit sakto namang tinawag niya rin ako.
Gulat kaming napatingin sa isa't isa at bakas sa mga mata ni Yorami na hindi siya makapaniwala. Natawa siya saka tumayo sa likuran ko at inilapit ang mukha niya sa tainga ko.
"Hmm.. mukhang may sasabihin kang Importante," nakangising sabi niya saka hinawi ang buhok ko papunta sa likod ng tainga ko. "Naalala ko nga pala na may itatanong ka sa 'kin, 'yun ba ang gagawin mo sana ngayon?"
Lumingon ako kay Sil upang humingi ng tulong dahil hindi ako nasasanay na may taong gumagawa sa akin ng ganu'n. Kung lalaki si Yorami, kanina pa ako kinabahan ng husto.
"Wala kang magagawa, ganiyang tao si Yorami, kaya.." biglang humangin ng malakas at nanatiling kay Sil ang atensyon ko. Inaantay ko kung ano ang susunod niyang sasabihin. "Gusto mo pa rin bang sumama sa isang tulad niya?"
Muling nag-flashback sa isipan ko ang mga nangyari nu'ng nakaraan. Nagsimula lang naman ako na maging mapag-isa nu'ng laging umaalis si Kimi sa campus namin upang makipagkita sa babaeng nakita ko sa unang araw ng pagtapak ko sa campus ng Paramount at mas lalo akong naging mapag-isa at mas lalo ko iyong naramdaman nang bigla niya akong iwan.
Bumilis ang tibok ng puso ko sa hindi malamang dahilan. Dahil ba 'to sa pag-iisang nararamdaman ko o dahil sa lungkot na maisip na mapag-isa ako?
Hindi na ako nagdalawang-isip na tanguhan si Sil. "Kung.. ayos lang din sa 'yo."
Gulat naman akong tinignan ni Yorami kaya napatitig ako sa kaniya. Ilang sandali ay tumalikod siya at nakita kong napahinga siya ng malalim.
Nanliit ang mga mata ni Sil. "Kung ano man ang gagawin mo, 'wag mong.."
Bago pa man matapos si Sil sa kaniyang pananalita ay parang kuneho si Yorami na tumatalon-talon sa loob. Nanlaki at halos lumuwa ang mga mata ko nang makitang nakakaakyat siya sa pader na parang isang gagamba. Seryoso? Anong klaseng nilalang ba si Yorami?
Inis naman napatayo si Sil sa kaniyang upuan saka hinabol si Yorami. Nang mahawakan niya ito sa braso ay hinila niya ito papunta sa kaniyang upuan saka tinusok ang noo ni Yorami gamit ang kaniyang daliri.
"Makinig ka sa 'kin sa susunod kung ayaw mong iwan kita," seryosong sabi niya kaya naman ang tahimik na paligid ay mas lalo pang tumahimik.
Lalo na't isang abandonadong building ito, mas lalong nadagdagan ang nakakatakot na awra dahil sa tahimik na paligid.
Mukha namang walang masabi si Yorami at nanatiling nakatingin kay Sil. Naisip ko na putulin ang katahimikan kaya naman nagsalita ako. "Ma.. mamaya na lang ako magtanong."
"Hmm?" agad na lumingon sa akin si Yorami saka tinanguhan ako at muling ibinalik kay Sil ang mata. "Sige, susunod na ako sa 'yo."
"Sa lahat ng sasabihin ko, sa lahat ng iuutos ko sa 'yo, maliwanag?" seryoso pa ring sabi ni Sil kaya naman nakaramdam ako ng takot. Kung natatakot ako kay Yorami dahil sa nakakatakot na itsura niya, mas lalo akong natatakot kay Sil dahil sa nakakatakot na awrang inilalabas nito sa kaniyang katawan.
Pakiramdam ko ay parang boss si Sil at alipin niya naman si Yorami. Nag-aalala ako para sa kaniya dahil pakiramdam ko ay hindi sila magkaibigan hanggang sa magsalitang muli si Yorami.
"Hmm," tumango siya. "Sige, ayos lang sa 'kin. Hindi p'wedeng maghiwalay tayo, Sil," dahan-dahan siyang ngumisi saka ginaya ang ginagawa ni Sil sa kaniya. "Magkaaway tayo, 'di ba?"
Napalunok ako habang palipat-lipat ng tingin sa dalawa. Narinig ko namang napabuntong-hininga si Sil saka tinalikuran si Yorami. "Andiyan ka nanaman sa kabaliwan mo, ilang beses ko ba dapat na ulitin sa 'yo na hindi ako interesadong maging kaaway mo?"
Nanatili na lamang akong tahimik habang nakatingin sa sahig. Hindi ko talaga alam kung paano sila kausapin o kung ano ang dapat kong sabihin lalo na't hindi ko naman alam kung anong personalidad ang meron sila.
Muling bumalik si Yorami saka umupo sa upuang nasa harapan ko. Hinawakan niya ako sa hita na siyang ikinabigla ko. "Ano nga ulit ang itatanong mo sa 'kin, Simi?"
"Tu.." natagpuan ko ang sarili na kinakabahan kaya naman napahinga ako ng malalim saka tinignan siya sa mata. "Tungkol sana sa sinabi mo kay Yugto. 'Yung tungkol sa pagpatay mo sa tito mo na pumatay sa mga magulang niya."
Agad na lumingon sa akin si Sil ngunit hindi man lang siya nag-atubiling magsalita habang si Yorami ay napalunok saka iniyuko ang ulo at tumawa ng mala-demonyo, mula sa mahina na tono hanggang sa lumakas ito na rinig mula sa korner ng building papunta sa kabilang korner nito.
Nag-aalala ako na baka isang pagkakamali na nagtanong pa ako tungkol sa bagay na 'yun kaya hihingi na sana ako ng pasensya sa kaniya nang hawakan ako bigla ni Yorami sa magkabilang braso ko.
"Tama! Tama!" napatango-tango siya habang nakangisi. "Yun pala ang gusto mong tanungin, Simi? Hmm. Hmm," mas lalong lumawak ang kaniyang mga ngisi at mukhang alam ko na kung ano ang kaniyang isasagot sa akin. "Oo, pinatay ko nga siya," napalunok ako habang nanginginig ang mga mata na tinitignan siya. Gusto kong magtanong muli ng tanong sa kaniya ngunit parang umaatras ang dila ko sa takot, nagpatuloy siya sa pagsasalita habang tinutusok ang kamay gamit ang kaniyang daliri saka naging malikot ang kaniyang mga paa, dinuduyan niya ito habang nakahawak siya sa upuan niya. "Deserve niya naman 'yun, 'di ba? Mabuti na lang at hindi ako nahuli ng mga pulis dahil kung.."
"Yorami," biglang singit ni Sil sa sinasabi ni Yorami kaya naman nanlaki ang mga mata niya. "Tinatakot mo siya," seryosong sabi niya kaya naman napatagilid si Yorami ng kaniyang ulo na para bang nagtataka sa sinasabi ni Sil. "Hayaan mong ako na ang magkwento sa kaniya."
Nanliit ang mga mata ni Yorami saka nagpakawala ng buntong-hininga. "Baka kasinungalingan ang sasabihin mo."
"Kasinungalingan din naman ang sinasabi mo sa kaniya," pinaliit din ni Sil ang kaniyang mga mata habang nakatingin kay Yorami at nakaramdam naman ako ng mabigat na tensyon sa pagitan ng dalawa.
Gusto kong pigilan ang dalawa dahil mukhang mag-aaway sila dahil lang sa naging tanong ko. Ayoko naman talagang manghimasok sa buhay ng ibang tao ngunit gusto ko lang makasigurado na tama ang nakalap at narinig ko nu'ng araw na 'yun. Kung hindi, kailangan ko ng isang paliwanag, kahit 'yung kaunti lang.
"Paanong naging kasinungalingan 'yun? Wala ka naman sa lugar kung saan ko pinatay ang lalaking 'yun," seryosong sabi ni Yorami ngunit nakakunot paitaas ang gilid na bahagi ng kaniyang labi na nagsasabing medyo naiinis siya kay Sil.
"Wala nga ako du'n pero alam kong imposible 'yung mangyari," sagot sa kaniya ni Sil habang nanatiling nakatingin ng diretso sa mata ni Yorami at mukhang ayaw magpatalo.
Napahawak ng mahigpit si Yorami sa kaniyang hita saka napangisi sa kaniya at ipinikit ang mga mata. "Wala kang alam tungkol sa 'kin. Lagi mo lang sinasabi na mabuti akong tao pero ang totoo ay hindi."
"May isang bagay akong alam tungkol sa 'yo at mahilig kang gumawa ng istorya lalo na kung tungkol ito sa mga taong kinamumuhian mo," nanatili pa ring seryoso ang itsura ni Sil kaya naman nag-aalala akong tumingin sa kanilang dalawa.
Napalunok akong muli nang tumahimik ang paligid at mukhang ayaw magpatalo ang dalawa sa kanilang pagtitigan.
Magsasalita na sana ako upang bawiin ang itinanont ko kay Yorami nang biglang tumayo si Yorami mula sa kaniyang upuan na galit. "Gawa-gawa mo lang 'yan!"
"Totoo ang mga sinasabi ko," napapikit si Sil ng kaniyang mata saka hinawakan ang braso ni Yorami. "Hayaan mo na lang kaya akong magsalita."
Napakunot ng noo si Yorami at nahintakutan ako nang makita ang nagliliyab niyang mga mata bilang patunay na nagalit ito sa sinabi ni Sil. "Hindi naman para sa 'yo ang tanong na 'yun," binawi niya ang kamay niya mula kay Sil saka tinulak ang katawan ni Sil papunta sa sandalan ng upuan gamit ang kaniyang paa na tumama sa dibdib ni Sil. "Magkaaway nga pala tayo, ano? Hah. Bakit hindi ko 'yun naisip."

Komento sa Aklat (49)

  • avatar
    Joshua Bañares

    ganda

    07/05/2025

      0
  • avatar
    YangBangtan

    kakabasa ko pa lang, gandaaa!!

    24/04/2025

      0
  • avatar
    MingFyona

    angas po uwu

    17/11/2024

      1
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata