First Day

What does it looks like if I am you and you are me?
Does it ever drive you crazy?
It doesn't matter if I were you and you were me,
I don't overthink, don't be so crazy.
***
Simi's POV
Nauna akong magising kaysa kina mama at papa upang makapagluto at kumain na ng almusal. Pagkatapos ng lahat ay dumiretso na ako papunta sa school, natatakot pa rin akong magpakita sa kanila.
Kahit na sinabi sa akin ang mga katagang iyon kagabi, hindi pa rin mababago ang kagustuhan nila na makakuha ako ng mataas na marka. Hindi naman niya ako sinabihan na mag-aral ng mabuti ngunit pakiramdam ko ay para rin akong sinabihan ng ganu'n.
Pagkarating ko sa school, katulad ng nakasanayan ay hindi ako pinapansin ng ibang mga estudyante ngunit may mga tao lang akong naalala na minsan ay nakakasabay kong pumasok sa gate.
Kahapon ang huling araw na magkasabay kami sa gate, siguro simula sa araw na ito ay mababago na ang lahat. Sa madaling salita, ito ang unang araw kong muli sa school.
Agad na akong nagtungo sa campus ng Underworld dahil bawal na rin naman akong pumunta sa campus na nakasanayan ko dati.
Hindi ko inasahan na makikita ko si Kimi na nakaupo sa isang silya kung saan ako pinaliguan ng kulay berdeng tubig kahapon.
Nang lapitan ko siya ay para siyang nakakita ng multo dahil sa gulat na ipinapakita ng kaniyang mukha. "Nandito ka na pala? Akala ko may multong humihila sa akin."
"Ha?" natawa ako sa sinabi niya saka kumuha ng isang upuan mula sa 'di kalayuan at may pagkaluma at pagkakalawang na rin ito. Umupo na lamang ako du'n dahil wala nang ibang upuan maliban du'n. "Ang aga mo naman, Kimi. May gusto ka bang makita ngayon?"
"Hindi," umiling siya saka inis akong tinignan. "Hindi ba p'wedeng gusto ko lang pumunta ng maaga para makaalis na sa bahay?"
"Wala ka bang ibang gagawin du'n?" tanong ko sa kaniya habang nakaangat ang dalawang kilay ko. Umiling siya sa akin kaya napatango-tango ako.
Muli ay tumahimik ang paligid at dumaan ang malakas na hangin na humawi sa buhok namin mula sa aming mukha. Hindi ko magawang tignan siya sa kaniyang mata habang nag-uusap kami, hindi naman siya tulad ni Pin. Sa mga ka-close ko lang iyon ginagawa.
Napahinto ako saka napaisip-isip. Nanlaki ang mga mata ko. Paano kung hindi naman ka-close ang turing sa akin ni Pin? Muli ko nanamang naalala ang naging panaginip ko kagabi.
Panaginip pa ba 'yun kung matatawag? Mukhang bangungot na nga 'yun dahil sa sobrang sama. Ayokong mag-isip ng negatibo dahil kahit anong mangyayari, hindi mababago ang katotohanang ako ang President ng classroom namin.
"Kimi."
"Ano.."
Napahinto kaming dalawa ni Kimi nang sabay kaming magsalita. Napalunok ako saka napakalmot ng ulo ko. "Ikaw na ang mauna."
"Lady's first," agad na sagot niya na siyang ikinahinto ko. Napatango ako saka napabuntong-hininga.
"Hindi ba't ikaw ang lumipat sa Underworld last school year? Kamusta naman 'yung buhay mo rito? Kasi.. 'di ba? Mag-isa ka lang," pagtatanong ko sa kaniya ngunit napatitig lamang siya sa akin. "A.. e.. may mga kaibigan ka bang naiwan sa classroom ninyo? Sa tingin mo, kamusta na kaya sila?"
Biglang sumeryoso ang mukha niya. 'Yung normal na itsura niya ay biglang nag-iba. "Ayos lang naman siguro sila, hindi naman nila ako kailangan. Kaya na nilang tumayo sa kanilang mga paa."
Kahit gusto kong makipag-away sa kaniya tungkol sa hindi naman siya kailangan ng kaniyang mga kaibigan ay hindi ko nagawa. May mga nabuong tanong sa isipan ko kagaya ng paano kung nag-away sila? At saka totoo rin naman ang sinabi niya na kaya na nilang tumayo sa kanilang mga paa. Malalaki na sila.
Napatango-tango ako. "Siguro nga ganyan na rin dapat ang isipin ko simula ngayon, hindi na dapat ako mag-alala para sa kanila."
"Bakit?" mas inilapit niya ang kaniyang upuan sa akin na siyang ikinabigla ko. "May mga kaibigan ka ring naiwan sa campus?"
Pinilit ko na lamang patatagin ang ngiti ko upang hindi ipakita na nalulungkot ako. "Oo, pero katulad ng sinabi mo, hindi na rin nila ako kailangan."
"Masakit ba?" agad akong napalingon sa kaniya nang tanungin niya iyon. Napalunok ako nang makita kung gaano siya kaseryoso. "Masakit ba na may naiwan ka du'n na importanteng tao sa 'yo?"
"Hi.. hindi," agad akong napaiwas ng tingin sa kaniya saka napakalmot ng ulo ko.
Narinig kong tumayo siya mula sa kaniyang upuan saka lumitaw sa harapan ko kung saan ako nakaharap. Napaatras ako ng ulo ko. "Akala mo maloloko mo ko? Kitang-kita na sa itsura mo, ayaw mo pang aminin. Ayos lang naman kahit umiyak ka."
"Hindi nga ako ganu'ng tao!" bigla ko siyang tinaasan ng boses. "Wag mo nga akong kulitin, hindi naman kita kinukulit 'di ba?"
"Ikaw ang unang nagbukas ng topic na 'to kaya may karapatan ako na magtanong tulad ng ginagawa mo sa 'kin."
Napabuntong-hininga na lamang ako saka muling umiwas ng tingin sa kaniya. Iniyuko ko na lamang ang ulo ko sa upuan na para bang natutulog. "Kung tatanungin mo 'ko kung ano ang tunay kong nararamdaman ngayon, ang sagot ay halo-halo."
"Yung dessert?" nagtatakang tanong niya kaya agad akong napatingin sa kaniya at kitang-kita na nagpapanggap lang siya. "O.. akala ko mapapatawa kita."
Napabuntong-hininga na lamang muli ako saka muling iniyuko ang ulo sa upuan. "Huwag mo muna akong kausapin, iniisip ko pa rin kung saan ako nagkulang. Ikaw? Bakit ka ba napunta sa Underworld?"
"Bakit mo naitanong?"
"Mukha ka namang matalino sa unang tingin pa lang," tamad na sagot ko sa kaniya habang hindi pa rin siya tinitignan. Pakiramdam ko kung titignan ko siya ay mas lalo lang bibigat ang dibdib ko.
"Sinadya ko lang. Nagpabagsak ako sa Underworld."
Biglang sumikip ang dibdib ko nang muli kong maalala ang pag-iyak ni papa kagabi habang nakayakap ng mahigpit sa akin. Napahawak ako sa dibdib ko at dinig na dinig ko ang tibok nito. Nasasaktan pa rin ako hanggang ngayon.
Walang kung ano-ano ay muling tumulo ang malamig na luha sa aking kaliwang mata. Ganito rin ang naramdaman ko nu'ng niyakap ako ni papa ng ganu'n kagabi.
"Umiiyak ka, tama?" lumitaw nanamang muli si Kimi sa harapan ko. Napaatras nanaman ako ng ulo ko nang dahan-dahan niyang ilapit ang kaniyang mukha sa akin ngunit naglabas siya bigla ng panyo. "Ito, 'yung panyo na ginamit mo kahapon. Nilabhan ko lang 'yan bago ako makauwi."
"Mabuti at natuyo ito kahit walang araw kagabi," sagot ko sa kaniya saka pinunasan ang panyo sa mukha ko. "Hindi naman ako umiiyak. Bigla lang tumulo ang luha ko."
"Naranasan mo na rin pala 'yun?" napatingin si Kimi sa malayo. Dumaan nanamang muli ang malakas na hangin na mukhang gustong sabayan ang lamig na nararamdaman ko.
"Yung alin?" tanong ko sa kaniya dahil nagtataka ako kung anong bagay ang tinutukoy niya.
"Yung biglang tumulo ang luha mo kahit ayaw mong umiyak o mapaluha."
Mas lalong lumakas ang hangin at sa mga oras na ito. Dinadala na ng hangin ang aming buhok sa paglipad na pati ang mga basura ay nagliparan na rin. May lumipad na basura sa mukha ko na siyang ikinabigla ko.
Nang tanggalin ko ito sa mukha ko ay nakatingin na sa akin si Kimi. Iniisip ko nanaman na baka pinipigilan lang niyang tumawa tulad ng ginawa niya kahapon.
"Alam mo, libre lang tumawa kaya kung gusto mong tumawa ay tumawa ka na," medyo may pagkainis na sabi ko sa kaniya saka tinapon ang basura palayo. "Totoo, walang halong kasinungalingan."
"Wala namang nakakatawa du'n," seryosong sagot niya sa akin kaya agad akong napalingon sa kaniya. Naramdaman ko ang paghinto ng paghinga ko. "Tatawa ako kung may nakakatawang biro tulad ng biro niya."
"Niya?" nagtatakang tanong ko sa kaniya ngunit hindi na siya umimik. Nanliit ang mga mata ko nang bigla siyang lumingon sa akin. Napahawak ako sa dibdib ko habang mulat ang mata dahil sa gulat. "Ginugulat mo 'ko!"
"Ginulat mo rin ako kanina," sabi niya saka muling tumingin sa malayo at inilagay ang kamay sa kaniyang kanang pisngi. Ano 'to, ganti dahil sa ginawa ko sa kaniya kanina? Grabe.
Mabagal ang takbo ng oras ngunit dumating pa rin naman ang recess. Naisipan ko na puntaham ang principal ngayon ngunit naalala ko ang rule para sa Underworld na bawal nang magpakita sa Campus at Paramount kaya hindi ako tumuloy.
Si Kimi naman ay umalis na ng campus. Siguro ay confident siya na hindi siya makikita ng mga Paramount. Siya ang gumagawa ng sarili niyang tadhana at naaayon sa kilos niya ang ngayon ang magiging kinabukasan niya. Katulad ng sinabi ko, hindi ako naniniwala sa tadhana.
Ilang sandali ay may narinig akong naglalakad papunta sa entrance ng campus kaya napalingon ako rito. Nakita kong naglalakad papunta sa akin ang principal na may dalang isang long envelope.
Pagkarating niya sa akin ay ibinigay niya sa nag-aantay kong kamay sa ere ang long envelope. "Ang mga nakasulat diyan ay ang totoong resulta. Kung tatanungin mo kung bakit ka bumagsak, nandiyan ang sagot sa long envelope."
"Kung hindi na ako p'wedeng magtanong, p'wede bang makahingi ng favor?" tanong ko sa kaniya. Obvious naman na tanong pa rin ang sinabi ko pero hindi siya nagreklamo.
"Ano naman 'yun?" may interes na tanong niya pabalik sa akin kaya inilagay ko sa likuran ko ang long envelope.
"P'wedeng magdala kayo rito ng walis, dustpan at malaking garbage bin?"
Napabuntong-hininga siya saka napapikit ng kaniyang mata bago ako talikuran. "Ilan ang kailangan mo?"
"Tatlong malaking garbage bin, tig-iisang walis at dustpan lang. Gusto ko sana 'yung walis na may stick sa gitna nito."
Nakita kong umangat ng kaunti ang kaniyang balikat bago magsimulang maglakad palayo sa akin. "Dadalhin lang dito ng ibang YJC ang hinihingi mo kapag nakarating na akong muli sa campus."
Nang makaalis na siya ay napabuntong-hininga ako, napapikit ng mata bago buksan ang long envelope. Napahinga ako ng malalim bago ilipat ang papel sa ibang pahina.
Katulad ng sinabi ng principal, nakasulat na nga lahat ng mga sagot sa tanong ko. Maski ang kaliit-liitang details ay nakasulat na sa buong pahina na iyon. May tatlong pahina ang file na ibinigay sa akin at ang pahinang tinitignan ko ngayon ay ang resulta sa aking examination, quizzes, long or short, at assignments. Bawat subject ay may nakalagay kung ilang puntos ang nakuha at kung ilan ang percentage nito.
Sa sunod na pahina naman ay nakasulat ang lahat ng performance tasks at outputs na ginawa ko. Nakalagay ang mga dance performances, role-playing, written tasks at activities tulad ng reportings at essays pati na rin ang mga recitations ko.
Ang panghuling pahina naman ay nakalagay kung ilang araw akong pumasok sa school, ilang beses lumiban sa klase, mga puntos ko para sa core at moral values pati na rin ang pag-participate ko sa mga school ceremonies, school curricular and non-curricular activies at kung ano-ano pa. Nakalagay din kung may nilabag ba akong rules, kung anong rules 'yun at ilang beses akong lumabag sa rules na iyon.
So far so good, wala akong na-miss na long and short quizzes, hindi rin nakakuha ng bagsak na marka sa examination at complete naman ang mga assignments ko. Complete din ako sa performance tasks at outputs maliban sa isa. May dalawang essay ako na blangko at kaagad ko namang naalala na napunit ang papel ng essays ko nu'ng pinapasa namin ito sa pedagogue. Gumawa naman ako ng bagong kopya ngunit bakit blangko pa rin ang nakalagay? Hindi ko na gustong makipagtalo dahil kaunti lang naman ang nakukuhang puntos.
Nanlaki ang mga mata ko saka napanganga nang makita ang panghuling pahina. Napakurap-kurap pa ako ngunit nakasisiguro ako na hindi ako nananaginip.
Mababa ang naging puntos ko para sa core at moral values. Nanliit ang kabila kong mata. Gusto kong sumugod papunta sa campus ng Paramount upang tanungin kung alin sa core at moral values ang hindi ko nagawa, nilabag ko nagkulang ako. May isa pang nakapukaw ng atensiyon ko maliban du'n. 'Yun ay ang sa rules na nilabag ko.
Muli kong naalala ang naging pagkikita namin ni Kimi nung muntik na kaming magkabanggaan habang naglalakad ako papunta sa gate ng building at nu'ng nagkita kami sa garden. Nakalagay ang marka ko bilang negative sixty-five dahil sa paglabag ko raw sa rule number thirty. Bawal makipag-usap o makipagkita sa isang Underworld. Sa ibaba nito ay may nakalagay na 'plus negative forty'. Ano 'to?
Ano? Oo, aminado ako na nilabag ko 'to pero hindi ko alam na kasali ito sa rule dati at saka nasa malayo na ito. Hanggang rule number twenty pa lang ang name-memorise ko. Paano ba naman kasi umabot ng ninety-nine ang rules ng school. Simula sa araw na 'to, ime-memorise ko ang lahat ng school rules pero worth it ba? Hindi naman tataas ang marka ko kapag na-memorise ko lahat ng 'yun.
Ilang sandali ay muling bumalik si Kimi habang may dala-dalang supot. Sa hula ko ay pagkain iyon na ibinili niya sa canteen. Napaisip tuloy ako.
Nang makaupo na siya sa kaniyang upuan ay kaagad ko siyang tinanong. "Kung bawal na tayong magpakita sa mga Campus at Paramount, hindi na ba tayo pwedeng pumunta sa canteen? Walang canteen sa campus natin."
"Ha?" agad na tanong niya pagkatapos maibuga ang kaniyang iniinom na tubig. "Bakit ka nagtatanong ng biglaan? Hindi mo man lang ba hahayaan na uminom ako?"
"Bigla ko lang naisip kaya tinanong kita."
"Anong akala mo sa 'kin, tanungan ng mga tanong na hindi mo mahanap ang kasagutan?" medyo inis na sabi niya ngunit halata namang pinipigilan niya lang ipakita ang kaniyang inis. "Malay ko kung p'wede ba 'yun, tanungin mo na lang sa mga Paramount."
"Sumama ka sa 'kin kung magtatanong ako," nakangiting sabi ko saka tumayo mula sa kinauupuan ko saka dinala ang long envelope.
"Bakit kailangan pa akong sumama sa 'yo?" tanong niya sa akin na halata namang tinatamad na siyang maglakad.
"Kung lalabag man ako sa rule, may kasama ako na lumabag at ikaw 'yun," nakangising sabi ko saka muling lumingon sa entrance. Nagbabakasali ako na dumating 'yung sinasabi ng principal na YJC na magdadala sa mga hiningi ko sa kaniya.
"Ayoko, pagod na akong maglakad," tinatamad na sagot niya sa akin na siyang nagpakunot ng noo ko. "Anong kinukunot-kunot mo ng noo diyan?"
"Hindi ka pa pagod, e. Ang tawag diyan sa ginagawa mo ay tinatamad," nakasimangot na sabi ko saka muling tumingin sa entrance.
Nagtaka siya sa kinikilos ko. "Bakit pasulyap-sulyap ka? May inaantay ka ba? Nobyo mo?"
"Oo, siguro," pambibiro ko sa kaniya ngunit paglingon kong muli sa entrance ay bumungad si Pin na siyang ikinagulat ko. Anong ginagawa niya rito?
Napaisip-isip ako. Sa pagkakarinig ko nu'ng nakaraan, mapupunta na siya sa Paramount. Nanlaki ang mga mata ko saka napailing. Hindi, ang totoo ay narinig kong may 'potensyal' siya na 'mapunta' sa Paramount.
Napakalmot ako sa ulo ko ngunit gustong-gusto ko nang sabunutin ang sarili ko ngayon kung ako lang ang mag-isa na nandito. Na-misunderstood ko tuloy ang lahat. Akala ko napunta na si Pin sa Paramount kung sakaling tatanggapin niya ang pagpasok du'n tapos sinabihan ko pa siya sa isip ko kung kamusta na kaya siya.
"Andito na ang mga hinihingi mo," pilit ang ngiting sabi niya sa akin kaya kinuha ko na mula sa kaniyang kamay ang walis at ang dustpan na hinihingi ko. "Paparating na rin mamaya ang tatlong malaking garbage bin."
"Nasa YJC ka pala, Pin?" nakangiting tanong ko ngunit tinalikuran na niya ako saka nagsimulang maglakad palayo. Bigla akong napasimangot. Oo nga pala, katulad ng sinabi ni Kimi, sinusunod lang nila ang mga rules.

Komento sa Aklat (49)

  • avatar
    Joshua Bañares

    ganda

    07/05/2025

      0
  • avatar
    YangBangtan

    kakabasa ko pa lang, gandaaa!!

    24/04/2025

      0
  • avatar
    MingFyona

    angas po uwu

    17/11/2024

      1
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata