NAGTUNGO sa kusina si Eunice nang may marinig na kumosyon doon. “Hoy! Mga lintek kayo! ‘Di ba sabi ko linisin n’yo ang pool?!” Kuyom ang mga kamay na nilapitan n’ya ang dalawang kasambahay na abala sa pagpupunas ng mga plato. “Narito lang pala kayo bakit ‘di n’yo ko pinuntahan sa pool area nang magsisisigaw ako?” Pinakita ng dalawang kasambahay ang tenga ng mga ito. Nakita n’yang may nakasapak na headset doon. “Paumanhin, hindi ka namin narinig sapagkat abala kami sa pakikinig ng paborito naming drama sa radyo.” Si Memay ang sumagot. “Ano ba ang nangyari?” Si Manang Fe naman ang nagsalita. “Tinatanong mo ako kung ano ang nangyari?” nanggigigil na turan ni Eunice. Nang maalala ang mga palaka ay hindi niya maiwasan ang masuka. Diring-diri talaga siya. Lihim naman na nagpalitan ng ngiti ang dalawang kasambahay habang pinapanood si Eunice na sumusuka sa may lababo. Nang mahimasmasan si Eunice ay inis na hinila nito ang isang kamay ni Memay. Matalim ang tingin na tiningnan nito si Manang Fe. Dinala ni Eunice ang dalawa sa pool area. “Bakit maraming palaka sa pool, ha?” “Palaka?” Halos sabay ng dalawang kasambahay. “Paanong magkakaroon ng palaka sa tubig ng pool, e, araw-araw namin itong nililinis?” ani Manang Fe. “Gagawin n’yo pa akong sinungaling!” inis na turan ng babae. “Makakarating kay Draven ito. Sayang ang pinasasahod n’ya sa inyong dalawa kung hindi n’yo naman ginagampanan ng maayos ang trabaho n’yo.” “Asan po ba ang sinasabi n’yong palaka, ma’am?” tanong ni Memay. Lumapit ito sa pinakagilid ng pool. “Bulag ka ba?” nagmartsa si Eunice palapit sa pool. “Ayan ang mga palak–” “Wala naman kami makitang palaka,” ani Manang Fe. “P-pero kanina… I swear, may palaka kanina sa tubig ng pool. At ang dami nila!” Hindi makapaniwalang sabi ni Eunice. Nalito ito. Tama ang matandang babae, wala ngang palaka sa tubig ng pool. “Kitang-kita ko, may mga palaka sa tubig!” “Manang,” kunwari ay nahintakutan ang itsura ni Memay. “H-hindi kaya–” “Ano, Memay?” tanong naman ng matanda. “Baka kagagawan ni Ma’am Lindsey!” bulalas ng kasambahay. “Naalala ko kasi, ayaw na ayaw n’yang may ibang gumagamit ng pool. Feeling n’ya raw kasi, nanggigitata ito sa dumi.” “Marahil ay tama ka, Memay.” Segunda ni Manang Fe. “Baka nagmumulto siya? O baka naman gusto n’yang itaboy ang masamang espiritu na narito sa bahay.” “Ako ba ang tinutukoy mong masamang espiritu, ha, tanda?” inis na reaksyon ni Eunice. “Ay, hindi naman po,” agad na tugon ng matanda. “Naisip ko lang kasi na baka may masamang espiritu na nagpagala-gala rito sa bahay ng mga Eñigo. Kilala kasing mabait ang pamilyang ‘yon, e.” “Stop that nonsense!” saway ni Eunice sa kasambahay. “Naku, ma’am, hindi ka yata welcome sa bahay na ito. Ngayon lang kasi may nangyaring kababalaghan sa bahay na ito. Mag-iingat ho kayo, baka pag-uwi n’yo ay sundan kayo ng espiritu ni Ma’am Lindsey.” “Manahimik ka!” bulyaw rito ni Eunice. “D’yan na nga kayo!” Malaki ang mga hakbang na umalis doon si Eunice. Tuloy-tuloy itong pumasok ng bahay. Nang hindi na makita ng dalawang kasambahay ang babae, doon na bumunghalit ng tawa ang mga ito. Tuwang-tuwa dahil sa nangyari kay Eunice. Nag-apir pa ang dalawa bago umalis doon. NAROON na sa Snow Condominium Building si Draven. Kasama n’ya ang isa sa mga kasambahay ng ama niya. Gusto niya kasing malinis ang unit bago ito makita ng buyer. Halos takbuhin Draven ang elevator nang makita niyang magsasara na ito. Ngunit namilog ang kanyang mga mata nang makita ang isang babae na abala sa pakikipag-usap sa cell phone nito. Kabilang ito sa apat na sakay ng elevator. “Lindsey?!” bulalas ni Draven. Sinubukan n’yang iharang ang kamay ngunit tuluyan nang nagsara ang elevator. Kumakabog ang dibdib niya na napasandal sa nagsarang elevator. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman ng mga sandaling iyon. Kamukhang-kamukha ng namayapa niyang asawa ang nakita n’yang babae. Hindi kaya namamalikmata lang ako? sa loob-loob niya. Imposible kasing si Lindsey ang babaeng nakita n’ya. Dalawang taon ng patay ang kanyang asawa. “Dory,” maya-maya ay sabi niya sa babae. Ito ang isa sa mga kasambahay ng kanyang ama. “Narito ang susi. Mauna ka sa unit, susunod na lang ako sa ‘yo.” “Sige ho sir,” magalang na tugon naman ng babae. Nagmamadaling sumakay ng elevator si Draven at bumalik sa ground floor. Halos takbuhin niya ang kinaroroonan ng information desk. “Miss, excuse me,” agaw pansin ni Draven sa isang babae. Isa itong receptionist ng condominium building. “Hi, Mr. Collins,” nakangiting sabi ng babae. “Ano ang maipaglilingkod ko?” “Pwede ko bang makita ang listahan ng mga narito ngayon sa condominium?” “Pasensya na ho sir, pero hindi po pwede. Mahigpit po iyong ipinagbabawal ng management.” Gamit ang mga daliri ay napasuklay sa kanyang buhok si Draven. “Please?” pakiusap niya rito “I’m sorry, Mr. Collins… Hindi kita mapagbibigyan sa iyong hiling.” Umiiling pa ang ulo nito. Inabala na nito ang sarili sa pagsusulat. “S-sige,” hindi na siya nagpumilit pa. “Sorry if I bothered you.” Ngumiti lang sa kanya ang babae at muling nagyuko ng ulo. Napabuga siya ng hangin. Bakit ba umaasa siyang ang asawa niya ang babaeng nakita niya sa elevator, gayung alam naman n’ya sa sarili na napaka-imposible, sapagkat dalawang taon ng patay si Lindsey. “Guni-guni ko lang ang nakita ko,” aniya sa sarili. Nang marating niya ang elevator ay agad na sumakay siya. Pinilit n’yang iwaksi sa isipan ang babaeng kamukha ng asawa n’ya. AGAD na nakita ni Lindsey ang driver ni Ernest. Sinalubong siya ng minamaneho nitong sasakyan. “Ma’am, pasensya na, naipit ako sa trapik.” “Okay lang, Allan,” sagot niya. Sumakay siya ng kotse matapos siya nitong pagbuksan ng pinto. “Saan nga pala tayo pupunta, ma’am?” “Sa probinsiya ng Maxvilla. Gusto kong makita ang bahay at rancho na iniwan sa akin ng aking mga magulang.” “Akala ko wala ka pang balak magpakita sa iyong dating asawa?” Nabanggit niya kasi rito ang tungkol sa bagay na iyon. Pamilya na rin kasi ang turing niya sa driver, gaya ng turing nito sa kanya. “Tama ka,” tugon n’ya. “Hindi pa nga panahon para magkita kaming dalawa. Allan, tatlong taon wala akong balita sa lalawigan na aking pinagmulan. Gusto kong dalawin ang puntod ng aking mga magulang.” Tinupad ni Ernest ang kanyang hiling noon na itago siya nito. Dahil ayaw niyang makita ng mga taong malalapit sa kanya. Gusto niyang mamuhay na ang iniisip lang ay ang sarili. Hindi siya gumamit ng kahit na anong social media accounts, iniwasan niyang manood ng telebisyo o makinig ng mga balita sa radyo. Lahat kinalimutan n’ya. Kahit ang mga taong malapit sa buhay n’ya. Ngunit ngayon ay heto na siya. Unti-unti niyang sisingilin ang dati n’yang asawa sa ginawa nitong pagtatangka sa buhay n’ya, na naging dahilan ng pagkawala ng kanilang anak. Kailangan n’yang maging matalino sa bawat paghihiganteng gagawin n’ya!
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
nice
13/08
0pwede pa hingi nang dayamonds
19/10
0Very nice story, galing mo author.
07/09/2025
0Tingnan Lahat