DAHAN-DAHANG nag-angat ng mukha si Draven nang marinig ang paghinto ng isang sasakyan hindi kalayuan sa kanya. Nasa harap siya ng gate ng bahay na tinutuluyan ni Lindsey nang mga sandaling iyon. Parang lason sa puso niya ang katotohanang nakarating sa kanya. Tinanggap ni Lindsey ang pag-ibig na inalay dito ni Ernest Bustamante. Hindi niya alam kung parte pa rin ba 'yon ng paghihiganti sa kanya ng asawa o totoong umiibig na ito sa lalaki. Dahil sa pagmamakaawa niya sa kanyang ama, tinulungan siya nitong mahanap ang kinaroroonan ng asawa. Nagkataon na under Collins Group of Companies ang 'Beauty Cosmetics Production' na pagmamay-ari ni Claire Bustamante, kapatid ni Ernest. Sa babae nila nalaman ang address ng kapatid nito na nasa Paris. Dalawang araw na siyang nasa Paris. Kailangan niya pa kasing hanapin ang International Perfumes kung saan nagtatrabaho si Lindsey. At nang araw na 'yon ay nasundan niya ang minamaneho nitong sasakyan. Dahil hindi tinted ang sasakyan na minamaneho ni Lindsey, natanaw niya ito sa driver seat na may inabot na parang maliit na remote control. Sa isang iglap ay bumukas ang gate. Mabilis na lumabas si Draven sa kotseng inupahan niya sa Paris. Ipapasok na sana ng babae ang kotse sa gate nang humarang si Draven sa daraanan nito. Halatang nagulat ito nang makita siya, pero sandali lamang 'yon at naging seryoso ang mukha nito. Nang akmang sasagasaan siya ng babae ay hindi siya natinag. Pero huminto rin ang sasakyan nang kaunting-kaunti na lang ang pagitan ng kanyang katawan sa bumper. "Please, Lindsey. Mag-usap muna tayo. Ngayon lang ulit tayo nagkita pagkatapos ng limang buwan mula nang umalis ka ng Pilipinas. Harapin mo naman ako. Kausapin mo naman ako kahit sandali lang," pakiusap ni Draven. Napalunok siya nang makita ang pagsiklab ng galit sa mga mata nito. Ilang sandali pa ay binuksan nito ang pinto ng sasakyan at lumapit sa kanya. Hindi niya maiwasang titigan ang maganda nitong mukha nang nakatayo na ito sa harapan niya. God… he had missed that beautiful face. Ginusto niyang sugurin ito ng yakap ngunit nag-alala siyang madagdagan ang galit nito sa kanya. "Nasasayang ang oras ko, Draven. Magsalita ka na," ani Lindsey sa seryosong mukha. "Kumusta ka na?" sa halip ay tanong niya. "Maayos na sana ako, kaso nakita kita. Pinapaalala mo lang sa 'kin ang aking naging pagdurusa. Ngayon, kung 'yon lang pala ang ipinunta mo rito, makakaalis ka na." "Totoo ba?" "Ang alin?" "May relasyon kayo ni Ernest?" Tila may bumara sa lalamunan ni Draven nang sabihin iyon. Sandaling natigilan naman si Lindsey. Napaisip siya kung paanong nalaman ni Draven ang tungkol sa kanila ni Ernest. Lumunok siya bago nagsalita. "Yes," may pagmamalaking sagot niya. Nakita niya ang gumuhit na sakit sa mga mata ni Draven. "Ernest was there for me for the past years. At mahal niya ako. Sa kanya, sigurado akong maiingatan ang puso ko. Kasi, Draven, pagod na akong masaktan. Pagod na akong lumuha. Sa piling mo, pagdurusa lang ang naranasan ko." "Pinagsisihan ko na ang lahat ng mga kasalanan nagawa ko sa 'yo. Mahal na mahal kita. Babawi ako pangako, bumalik ka lang sa akin." Sinubukan siyang hawakan sa kamay ni Draven pero umiwas siya. "Huli na ang lahat, Draven. Naibigay ko na ang puso ko kay Ernest, sa lalaking nagmahal at nagpapahalaga sa akin. At dahil nandito ka na rin naman, dapat mong malamang ikakasal na kami ni Ernest." Nakita niyang may gumuhit na sakit sa mukha ni Draven. "Mahal mo ba siya kaya mo siya pakakasalan?" Hindi nakaimik si Lindsey. "Kapag ba binago ko ang anyo ko at naging kamukha ni Ernest, babalikan mo ba ako? I can change for you, Lindsey. Just please accept me again. Just trust me again. Love me again." Tinalikuran niya ito at binuksan ang pinto ng kanyang sasakyan nang humabol si Draven. Napasinghap siya nang lumuhod ito sa harap niya at niyakap ang kanyang hita. "I can't lose you again. 'Wag mo kong iwan, Lindsey. Mababaliw ako. Ako na lang uli. Ako na lang ulit ang mahalin mo. Ako naman ang nauna 'di ba? Tayo naman talaga dapat, 'di ba? I told you, I can change for you. I can be your Ernest if you want me to–" "But you can never be the original Ernest," halos pabulong na sagot ni Lindsey. Inis na pinahid niya ang luha sa mga mata. "Pinagsisisihan kong pumayag ako sa kagustuhan ni Papa na magpakasal sa 'yo. At kahit paulit-ulit mong sabihin na mahal mo ako, hindi ako naniniwala. Dahil nang magkasama pa tayo bilang mag-asawa, nasa iyo na ang lahat ng pagkakataon na ipakita at ipadama sa akin na mahal mo ako. Pero hindi, e. Sinaktan mo lang ako, Draven. Sinabi mo noon na mahal mo ako, pero pinaasa mo lang ako sa isang magandang panaginip." Mariing naipikit ni Lindsey ang mga mata sa pagdaloy ng mapait na alaala. "Nang dahil sa 'yo, nawala ang anak ko." "Patawarin mo ako." Pumatak ang mga luha ng lalaki. "Iyon ang pinakarason na maibibigay ko. Nang ma-realize ko ang mga pagkakamali ko, hinanap kita. Hindi ako tumigil. Hanggang sa nalaman kong patay ka na. Pero hindi rin madali sa 'kin na tanggapin ang inaakala kong pagkamatay mo. Napabayaan ko ang sarili ko, nawalan ng trabaho, at maging ang rancho ay napabayaan ko. I'm sorry about our baby." "Hindi maibabalik ng sorry mo ang buhay ng anak ko. Siya na lang sana ang meron ako, pero pinagkait mo pa sa 'kin." "But, Lindsey, the idea that you've lost our baby because of me was more than a nightmare for me. Nang mapanood ko ang cctv footage nang gabing may mangyari sa 'yo, nadurog ang puso ko. Nang makita ko ang dugo sa 'yong mga kamay at binti, para na rin akong pinatay...dahil anak ko ang nawala." Isinubsob ni Draven ang luhaang mukha sa mga tuhod niya. "Inaamin ko naging mahina ako sa tukso, pero totoong iniibig kita. Ang nakita mo sa condo unit, hindi ko ginusto 'yon. Dahil nang gabing maging akin ka, doon ko napagtanto na mahal na mahal kita." "Tama na. Wala nang silbi sa akin ang sinasabi mong pagmamahal. Umaasa akong ito na ang huli nating pagkikita." Pinagmasdan niya ito. Dumulas ang mga kamay nitong nakayakap sa kanyang mga hita. Bumagsak ang mga iyon sa magkabilang gilid nito.
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
nice
13/08
0pwede pa hingi nang dayamonds
19/10/2025
0Very nice story, galing mo author.
07/09/2025
0Tingnan Lahat