Chapter 103

NANG magkamalay si Lindsey ay puting kisame ang una niyang nakita. Ikinurap niya ang mga mata. Sinubukan niyang bumangon pero napangiwi siya nang makaramdam ng munting kirot sa dibdib. Noon lamang nagbalik sa isipan niya ang nangyari sa kanya.
Ang natatandaan niya ay may narinig siyang putok ng baril at pagkatapos niyon ay nagdilim na ang kanyang paningin.
Napansin niya ang nakakabit na dextrose sa kanyang kamay. Nasa ospital ba siya?
“Ernest…”
Sabay na nagising sina Draven at Ernest na nakahiga sa ektrang hospital bed nang marinig ang tinig ni Lindsey. Pagkalipas ng limang araw ay nagising na rin ito.
“Salamat sa Panginoon at nagising ka na,” natutuwang sabi ni Ernest nang makalapit kay Lindsey. Agad nitong ginagap ang isang kamay nito at dinala sa mga labi.
Lihim namang nasaktan si Draven sa nakikita. Siya ang asawa, pero ang pangalan ni Ernest ang unang binanggit ng babae nang ito ay magising.
Kahit pinagtutulakan siya ni Ernest Bustamante, hindi siya pumayag na hindi masubaybayan ang lagay ni Lindsey. Gusto niyang naroon siya sa tabi nito at hinihintay na magising. Natakot kasi siya na baka muling tumigil ang tibok ng puso nito. Nang makita niya ang flatline sa screen ng Heart Rate Monitor akala niya ay tuluyan na siyang iniwan ng asawa. Mabuti na lamang at hindi sumuko ang mga doktor. Na-revive ng mga ito si Lindsey.
"Natutuwa ako at nagising ka na."
Awtomatikong napatingin si Lindsey sa likuran ni Ernest. Nakita niya si Draven. Lumapit ito sa kanya.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niyang walang ekspresyon ang mukha.
"Nag-aalala ako sa 'yo." Sinubukan haplusin ni Draven ang pisngi ni Lindsey pero iniiwas ng babae ang mukha.
Ibinaling ni Lindsey ang paningin kay Ernest. "Ano'ng nangyari sa 'kin, Ernest? Bakit narito ako sa ospital?"
"Wala ka bang maalala?"
"Ang naalala ko lang may narinig akong putok ng baril."
"Si Eunice," singit ni Draven sa usapan ng dalawa. "Siya ang bumaril sa 'yo. Ang bala ay tumama malapit sa puso mo kaya kritikal ang naging lagay mo. Mabuti na lang at nailigtas ka ng mga doktor."
"Wala talaga kayong pinagkaiba ng babae mo. Pareho kayong masama! Mga kriminal!" bulyaw niya kay Draven. Sinubukan niyang bumangon pero pinigil siya ni Ernest.
"Once and for all, wala akong kinalaman sa binibintang mo sa 'kin. Humingi ako ng tulong kay Red. Nang mapanood namin ang cctv footage na nasa USB flash drive, agad na nagtungo ang kapatid ko sa National Bureau of Investigation–upang imbestigahan ang nangyari sa 'yo three years ago."
Napakurap naman si Lindsey habang nakikinig.
"Mabuti na lang at nakipagtulungan si Mr. bustamante," sa pagpapatuloy ni Draven. "Pinayagan niyang siyasatin ng mga NBI ang kuha ng cctv camera sa bawat sulok ng Snow Building Condominium."
Napatitig naman si Lindsey sa mukha ni Ernest. Pag-aari ng magkapatid na Claire at Ernest Bustamante ang Snow Condominium.
"Sa Snow Condominium sila unang nag-imbestiga," sabi ni Ernest.
"Sa ngayon ay hawak na ng NBI agent ang cctv footage. Kailangan lang nila gumawa ng investigation report kaya next week pa kami babalik sa kanilang tanggapan."
Pagak na tumawa si Lindsey.
"Bakit mo ba ginagawa ito, ha, Draven? Gusto mo bang palabasin na sinungaling ako? Na dinadaya lang ako ng aking paningin nang makita ang kotse mo nang gabing 'yon? Umiwas ako nang tumbukin ng kotse mo upang sana mapangalagaan ang anak ko ngunit nabigo ako. Nawala ang anak ko dahil sa 'yo!"
"No," agad na tugon ni Draven. "Hindi ko sinasabing sinungaling ka. Gusto ko lang malaman mo ang totoo. Nauunawaan ko ang damdamin mo nang mawala ang anak natin. Pero nasasaktan din ako dahil anak ko rin siya. Inilihim mo sa 'kin ang pagdadalantao mo. Wala akong ideya na magkakaanak na pala tayo. Nalaman ko lang ang tungkol sa anak natin kung kailan wala na siya."
"Dahil pinatay mo siya!" umiiyak na bulyaw ni Lindsey kay Draven.
Tumayo si Ernest at agad na hinarap si Draven. "Umalis ka na. Hindi makakatulong sa paggaling ni Lindsey kung nakikita ka niya."
Huminga nang malalim si Draven at malungkot na pinagmasdan ang babae. Patuloy ito sa pag-iyak.
"Aalis ako," mahinahong sabi ni Draven. "Pero babalik ako."
"Hindi na kailangan," wika ni Ernest. "Ako na ang bahala kay Lindsey. 'Wag kang mag-alala dahil aalagaan ko siya."
Dumilim ang anyo ni Draven. "Ako ang asawa ni Lindsey. Mas may karapatan ako kaysa sa 'yo na alagaan siya."
"Umalis ka na!" 'yon na lamang ang nasabi ni Ernest. Itinuro nito ang saradong pinto.
Malungkot na nagyuko ng ulo si Draven. Tumalikod siya. Laglag ang mga balikat na tinungo niya ang pinto at lumabas ng silid na iyon.
Agad naman na dinaluhan ni Ernest si Lindsey. "Huwag ka nang umiyak. Hindi makakabuti sa 'yo."
Tumango-tango si Lindsey. "Ernest, nahuli ba ang suspek na bumaril sa 'kin?"
"Oo. Nakalagak ngayon sa Allen provincial jail si Eunice Delgado. Pero hinihintay pa ng pulisya kung magsasampa ka ng kaso laban sa kanya. Frustrated murder, 'yon ang maaaring isampa na kaso kay Miss Delgado."
"Kailangan niyang pagbayaran ang ginawa niya sa akin."
"Kung gano'n, kakausapin ko si Atty. Rojas. Siya ang magiging abogado mo."
"Maraming salamat, Ernest. Napakabuti mo sa akin." Naalala niya si Snow. "Si Snow, alam niya ba ang nangyari sa akin?"
Tumango ang lalaki. "Kahapon lang nalaman ng anak ko na narito ka sa ospital. Iyak nga siya nang iyak dahil nag-aalala siya sa "yo. Gusto nga niyang pumunta rito para siya raw ang mag-alaga sa 'yo."
Ngumiti siya. "Mahal na mahal talaga ako ng anak mo, Ernest."
At mahal na rin kita… katagang nais isatinig ni Ernest, ngunit hindi niya masabi sa babae.
"Sandali, pupuntahan ko lang ang doktor. Ipapaalam ko lang na gising ka na. Itatanong ko na rin kung pwede ka na bang pakainin."
Tumango siya.
"Okay lang ba kung iwan muna kita? Babalik agad ako."
"Okay lang," tugon niya.
Tumalikod na ang lalaki at lumabas ng silid. Nang mapag-isa ay 'di niya naiwasan isipin ang mga sinabi ni Draven. Paano kung may katotohanan nga ang siasabi nito na walang kinalaman sa nangyari sa kanya?

Komento sa Aklat (94)

  • avatar
    Angel Sumanday Salac

    nice

    13/08

      0
  • avatar
    Idzmar Bisong

    pwede pa hingi nang dayamonds

    19/10/2025

      0
  • avatar
    originnethgen

    Very nice story, galing mo author.

    07/09/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata