“ANAK?” ulit ni Lindsey sa sinabi ni Draven. Marahas niyang binitiwan si Eunice. Hinarap niya si Draven at hinampas ito sa dibdib. Nabasag ang kanyang boses. “You killed my baby right after I caught you having s*x with your other woman. Pinagtangkaan mo ang buhay ko. Ako dapat ang namatay, e. Pero ang anak ko ang umako sa lahat ng kasalanan ng kanyang ama! Hindi ka man nagtagumpay na mapatay ako, pero parang pinatay mo na rin ako nang mawala ang anak ko!” “W-wala na ang anak natin?” parang pinagsakluban ng langit at lupa si Draven sa nalaman. Ngunit ang ipinagtataka niya, kung bakit pinagbibintangan siya ni Lindsey na pinagtangkaan niya ang buhay nito. “Inaamin kong nagkasala ako sa ‘yo. Pero pinagsisihan ko na iyon. Hinanap kita, ginalugad ko ang buong Manila at Maxvilla mahanap lang kita. Gusto kong magpaliwanag at humingi ng tawad pero hindi kita makita. Pero ang pagbintangan akong pinagtangkaan ko ang buhay mo, hinding-hinding ko magagawa sa ‘yo ‘yon dahil na mahal na mahal kita!” “Mahal? Alam mo ba ang ibig sabihin ng salitang ‘yan, ha, Draven? Paulit-ulit mo akong pinagtaksilan! Nahuli ko pa kayo ng babae mo na magkasiping sa kama.” “Ang nakita mo ay hindi ko sinasadya. Totoong nakipagkalas na ako kay Eu–” “Tama na!” pigil niya sa sasabihin pa sana ni Draven. “Kahit humabi ka pa ng mga kasinungalingan, hindi mo na maibabalik ang buhay ng anak ko! Pinagtangkaan mo ang buhay ko para maging malaya kayo ni Eunice!” “Hindi ko magagawa sa ‘yo ang binibintang mo sa ‘kin.” Pinaalala niya rito ang tagpong sinadya siya nitong sagasaan. “Paano ko gagawin ‘yon? Tinangka kitang habulin pero nawalan ako ng malay nang may ipukpok na matigas na bagay sa ulo ko si Eunice. Hindi ko alam kung gaano katagal ako nawalan ng malay at pag-uwi ko ng bahay natin ay wala ka kaya tumuloy ako dito sa probinsya ngunit bigo akong makita ka.” Ngunit sarado na ang isip niya sa mga paliwanag ni Draven. Hindi niya dapat paniwalaan ang mga kasinungalingan nito. “Heto!” Marahas na binigay niya rito ang usb flash drive. “Panoorin mo ‘yan. Iyan ang magpapatunay na pinagtangkaan mo ang buhay ko! Kaya kahit ano pang sabihin mo, hindi kita paniniwalaan. Hindi ako magsasampa ng kaso laban sa ‘yo, hahayaan kong usigin ka ng iyong konsensya sa ginawa mo sa ‘min ng anak ko!” Tinalikuran niya ito ngunit bigla rin siyang humarap dito nang may maalala. “Matagal ko nang nilakad ang annulment paper natin upang mapawalang bisa na ang kasal natin. Pinirmahan ko na at umaasa akong pipirmahan mo rin ‘yan.” Hindi nakapagsalita si Draven. Masyadong mabilis ang pangyayari. Ang alam nila patay na ang kanyang asawa, nagbalik nga ito ngunit puno naman ng galit at poot ang puso nito para sa kanya. Natitigan niya ang annulment paper. “H-hindi ako papayag,” namutawing salita sa mga labi ni Draven. “Wala kang choice.” Matapang niyang sabi. “Sa ayaw at sa gusto mo, pipirmahan mo ang annulment paper na ‘yan. Dahil kung hindi, mapipilitan akong magsampa ng kaso laban sa inyong dalawa ni Eunice. At itong kasal n’yo, patunay lamang na may nilabag kayo sa batas.” “Lindsey, pag-usapan muna natin ito. Ang tagal kong nangulila sa ‘yo. Gusto kong magpaliwanag…” Kinuha niya ang ballpen sa loob ng kanyang bag. Ibinigay niya iyon kay Draven. “‘Wag mo nang sayangin ang laway mo na magpaliwanag. Pirmahan mo na ‘yan. Hindi na kita mahal! Poot at galit ang nararamdaman ko para sa ‘yo. Kinamumuhian kita!” “Iyon ba talaga ang gusto mo?” Nakita ni Lindsey ang gumuhit na sakit sa mukha ng lalaki. Pero walang-wala ang sakit na iyon kumpara sa nadarama niya, kompara sa ipinaranas nitong sakit sa kanya. Ang buong akala niya ay nakabangon na siya. Pero nang muli niyang makita si Draven ay na-realize niyang nagkamali pala siya, na durog na durog pa rin pala siya hanggang sa mga sandaling iyon. “Ayoko nang magkaroon ng ugnayan sa ‘yo.” Hindi niya maunawaan kung bakit parang mabigat sa dibdib niya nang sabihin iyon. Pinigil ni Draven ang mapaluha. Nanginginig ang mga kamay na pinirmahan niya ang annulment paper at binalik iyon kay Lindsey. Nang mailagay ni Lindsey sa loob ng bag ang annulment paper ay tinalikuran niya na si Draven. Ngunit nabigla siya nang may sumabunot sa buhok niya. “Nang dahil sa ‘yo nasira ang buhay ko!” Galit na galit si Eunice. Tuluyan na kasi itong tinakwil ng kinikilalang mga magulang dahil sa sobrang kahihiyan. Hindi nakapalag si Lindsey dahil nakatalikod siya. Agad naman siyang sinaklolohan ni Draven at hinatid siya hanggang sa labas ng simbahan. “Lindsey!” sigaw ni Eunice. Nakita nito ang baril na nakasuksok sa tagiliran ng isa sa mga tauhan ng ama. Hinugot nito ang baril at agad na itinutok kay Lindsey. Kasabay ng pagpihit ni Lindsey ay ang alingawngaw ng isang putok ng baril. Nagkagulo sa loob at labas ng simbahan. Nabigla rin si Draven sa bilis ng pangyayari. “Lindsey!” agad niya itong binuhat nang matumba sa sementong sahig. Nanginginig na tinakpan ng kamay niya ang sugat nito na tinamaan ng bala. Malapit iyon sa puso nito. “Oh, my God! Please, no!” Kitang-kita ni Ernest mula sa loob ng kanyang sasakyan ang nangyari. Hindi sinabi sa kanya ni Lindsey kung saan ito pupunta pero kinutuban siya ng masama kaya sinundan niya ang sasakyan na ginagamit nito. Mabilis na umibis ng sasakyan si Ernest at patakbong nilapitan si Lindsey na yakap-yakap ng isang lalaki. “Lindsey?” tinapik ni Ernest ang kanang pisngi nito. Nakapikit na ang mga mata ng babae. “Mr. Bustamante?” Halatang nagulat si Draven nang makita roon ang lalaki. Ngunit wala nang oras para pagtuunan niya iyon ng pansin. Binuhat niya ang lupaypay na katawan ni Lindsey at isinakay sa kotse. Si Red Collins–kapatid ni Draven ay agad naman nakatawag sa presinto at ne-report ang trahedyang naganap sa simbahan. Hawak-hawak naman si Eunice ng dalawang lalaki. Tauhan ng mga Collins. Nagpupumiglas ito. “Allan!” tawag ni Ernest sa kanyang driver. “Bilis! Sundan natin ang kotse ni Mr. Collins!”
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
nice
13/08
0pwede pa hingi nang dayamonds
19/10
0Very nice story, galing mo author.
07/09/2025
0Tingnan Lahat