Chapter 7

Parang walang nakita si Drake nang magkasabay sila sa elevator. Ni hindi man lang siya nito tinapunan ng tingin. Tahasan ipinaramdam sa kanya ni Drake na ayaw na siya nito. Sinabi niya noon sa sarili na hinding- hindi na ulit siya iibig pa. Pero bakit parang nasasaktan siya sa biglaang pag-iwas ni Drake sa kanya?
Bumukas na ang pintuan ng elevator. Nagpatiunang lumabas si Drake. Nakasunod lang siya rito habang binabay nila ang hallway papunta sa opisina nila na salaming dingding lang ang pagitan.
"Gerald ano'ng mga 'to, ha?!"
Kapwa sila natigilan ni Drake nang umalingawngaw ang malakas na boses ni Hassel sa hallway.
Madadaanan lang ang pwesto nito bago sila makarating sa kani-kanilang opisina. Tanaw nila nang ibato ni Hassel sa mukha ni Gerald ang mga litratong inilabas nito mula sa envelope.
"Hayop ka! Ang kapal ng mukha mong g*guhin ako!" sigaw ni Hassel.
"Ano ba'ng pinagsasasabi mo, ha? Napa-praning ka na naman," ani Gerald.
"Ikakaila mo pa talaga? Eh, iyan na nga ang mukha mo, h"yop ka!" ani Hassel sabay bato kay Gerald ng vase pero mabilis itong nakaiwas.
"Sino na naman 'yang babae mo, ha? Hindi ka ba talaga titigil?" sigaw ni Hassel.
Parang nanonod lang ng live show ang dalawa habang nakatanaw sa mag-asawa.
Napangiti si Kalie. "Ang aga namang good news niyan," bulong niya.
Napasulyap sa kanya si Drake. "Ano'ng kinalaman mo dun?" madilim ang mukhang tanong nito. Pero sa halip na sumagot inirapan niya lang si Drake atsaka siya dumiretso sa opisina niya.
Malaki ang mga hakbang na sinundan siya ni Drake. "Kalie! Mag-usap nga tayo," anito sabay hablot sa isang kamay niya.
"Bitiwan mo nga ako!" mariing sabi niya sabay waksi sa kamay ni Drake.
"Ano ba'ng ginagawa mo, ha? Ikaw ang may kagagawan nun, noh?" ani Drake.
"Ano ngayon kung ako? May magagawa ka ba?"
"Tigilan mo 'yang kalokohan mo Kalie! Hindi mo alam ang binabangga mo. Maimpluwensiya pa rin si Hassel. Marami siyang pwedeng gawin sa'yo!"
"Hindi ako natatakot sa kanya!" nakataas pa ang kilay na sabi niya.
"Kalie, ano ba? Hindi naman ikaw 'yan, eh. Itigil mo na 'yang kalokohan mo," ani Drake habang bumubuntot sa kanya.
"Ni-reject mo na ako 'di ba? Bakit nakikialam ka na naman sa buhay ko?" nangingilid ang luhang sabi niya nang makapasok sila sa opisina.
Agad na ini-lock ni Drake ang pinto atsaka ibinaba ang blinds. Naglakad ito papalapit sa kanya hanggang sa ma- corner na siya nito. Binuhat siya nito at iniupo sa ibabaw ng mesa atsaka siya tinitigan. "Itigil mo na 'to kung ayaw mong pati ako tuluyang lumayo sa'yo," ani Drake.
"Bakit? Sino ka ba sa akala mo, ha? Akala mo ba apektado ako? Sa tingin mo panghihinayangan kita, ha?" angil niya sabay tulak sa dibdib ng binata. "Wala akong pakialam kung ayaw mo na ako. Hindi ko ipagsisiksikan ang sarili ko sa'yo. Marami pang lalaki riyan! Marami pa akong pwdeng makalaro sa kama," angil niya.
Dumilim ang mukha ni Drake. Bigla siya nitong sinunggaban ng halik sa labi. Mariin na tila nagpaparusa kaya pilit niya itong itinutulak papalayo. Pero makapangyarihan ang mga bisig ni Drake na noo'y nakapalupot sa kanya. "Ito ang gusto mo hindi ba? 'Yung binabastos ka?" ani Drake sa pagitan ng paghalik.
Nag-ipon ng lakas si Kalie atsaka niya itinulak papalayo si Drake. Isang malakas na sampal ang pinakawalan niya sa pisngi ni Drake. "G*go ka! Wala ka ring pinagkaiba sa kanya!" sigaw ng dalaga. Napaawang ang mga labi ni Drake habang himas-himas ang pisngi.
"Hindi ko akalaing ganyan ka rin pala," nangingilid ang luhang sabi niya.
"I'm sorry!" sabi ni Drake na noo'y napayuko na lang.
"Umalis ka na!" mariing sabi niya.
Pero hindi pa rin tuminag si Drake. Nagtaas ito ng paningin atsaka dahan-dahang lumapit sa kanya.
"Sabi ko, umalis ka na!" sigaw niya sabay tulak sa binata.
Pero pilit siyang niyakap ni Drake kasabay ng paghingi ng paumanhin. " Sige. Sampalin mo ako hangga't gusto mo," ani Drake. Inabot nito ang kamay niya atsaka idinikit sa pisngi nito. "G*go ako, kaya parusahan mo ko," anito habang nakatitig sa kanya.
Nangingilid ang luhang ibinaba ni Kalie ang mga kamay niya atsaka siya napayuko.
Dahan-dahang hinawakan ni Drake ang mukha niya atsaka iniangat. "Bakit ba kasi sinisira mo ang sarili mo nang ganyan? Kailangan mo pa ba talagang gumanti? Hindi ba pwedeng kalimutan mo na lang ang lahat nang nangyari? Ang tagal na rin naman nun," aniya habang nakatitig kay Kalie.
"Matagal? " nakangising tanong ng dalaga.
"' 'Yung matagal na sinasabi mo, hanggang ngayon nakatusok sa dibdib ko. Hanggang ngayon dala-dala ko, Drake. Para akong nade-demonyo kapag nakikita ko sila. Bumabalik sa alaala ko kung paano nila ako pinaikot dalawa at pinagmukhang tanga. At 'yung sakit?" Bigla siyang natigilan sabay nanapailing. " Mas lalo pang nadadagdagan. Habang nakikita ko silang maayos, habang nakikita ko silang masaya, gusto ko silang saktan . Kasi napaka-unfair, Drake. Bakit sila masaya ako hindi? Ako dapat kasi 'yon, eh. Ako dapat ang masaya kasama niya," tuluyan nang naluha ang dalaga.
"Sino ba naman ang ayaw makalimot? Lalo na sa mga ganoong pangyayari. Kung mayroon mang hinihiling ang nga taong nasaktan, iyon 'yung sana magka-amnesia na lang. Para wala na ''yung sakit. 'Yung sakit na paulit-ulit naming nararamdaman sa tuwing nakikita silang masaya. 'Yung sakit na pumapatay sa amin... 'Yung sakit na nag-alis ng lahat- lahat sa amin. 'Yung tipong pinagduduhan mo na pati sarili mo, kung katanggap-tanggap ka nga ba? Kung pangit ka ba? May kulang ba sa'yo? Iyon 'yung punto na feeling mo, pinagtatawanan ka ng lahat, kasi ang tanga mo. Nakatanim na 'yon lahat sa loob ko, Drake. At hindi na 'yon mawawala hanggang sa mamatay ako. Hanggang nandiyan sila at nakikita ko silang masaya, mas lalo akong nanggigigil! Mas lalo ko silang gustong saktan."
"Patawarin mo na sila. Para makalaya ka na rin," ani Drake.
Natawa siya sabay nailing. " Paano ko naman patatawarin ang mga taong hindi man lang humihingi ng tawad sa akin? Ano? Ako pa ang mag-a-adjust?" Hoy! Mga g*go! Humingi na kayo ng tawad nang patawarin ko na kayo. Para maging okay na ako." Umiling-iling si Kalie. "Ni wala man lang bakas ng pagsisisi sa mga mukha ng mga iyon. Tapos sasabihin mo ngayon na patawarin ko na sila? Kasalanan ko pa ngayon kung bakit ako ganito? Ako pa ngayon ang masama?"
"That's exactly my point! Ikaw na talaga ang lumalabas na masama ngayon dahil pinapasama ka ng galit mo. Pagkatapos mong i-set up si Gerald, ano pa'ng susunod na gagawin mo? Aagawin mo siya sa asawa niya?" seryoso ang mukhang sabi ni Drake.
"Aagawin?" Natawa siya sabay pahid ng luha sa mata.
"Kusa siyang lalapit sa akin. Hindi ako ang mang-aagaw sa kanya."
Napailing si Drake. "Handa ka ba'ng tawaging malandi? Kabit? Kakayanin ba ng loob mo 'yon?"
Ngumiti siya atsaka siya nagtaas ng kilay. "Why not? Kinaya ko nga nang ginago nila ako, eh. Iyon pa ba ang hindi ko kakayanin?"
Nagsalubong ang kilay ni Drake. "Kalie, naririnig mo ba 'yang sinasabi mo, ha?"
"Drake, pwede ba? Lubayan mo ako! Wala akong balak magpasakop sa'yo. Umalis ka na! Marami pa akong kailangang gawin."
"Gaya nang ano? Landiin si Gerald?" tiimbagang na sabi ni Drake.
"Alam mo naman pala, eh. Bakit tinatanong mo pa?"
Napakagat sa labi si Drake. "Hindi ka talaga titigil, noh?" tiimbagang na sabi nito.
Hinawi niya si Drake na noo'y nasa harapan niya atsaka siya bumaba sa mesa.
"Pakisara 'yung pinto kapag lumabas ka," aniya atsaka siya pumuwesto sa harapan ng computer.
Matalim ang tinging ipinukol sa kanya ni Drake.
Biglang siyang tumingin kay Drake nang may maalala.
"By the way, kung gusto mong makarinig ng mga bagong pasabog. Um-attend ka sa meeting mamaya," nakangiting sabi niya.
Kumunot ang noo ni Drake. "Ano na naman ang binabalak mo, ha?"
Gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi niya. "Basta! Masaya 'yon."
Napailing na lang si Drake. Sino na nga ba itong babae na nasa harapan niya ngayon? Ito pa ba ang babaeng pinangarap niya noon? Habang tinitingnan niya ito parang ibang tao na ang nakikita niya. Ganoon nabago ng galit si Kalie. Tinalikuran na nito ang dating pagkatao at namuhay nang ibang-iba sa kinagisnan nito.
"Ano pang hinihintay mo riyan? Alis na!" sigaw ni Kalie nang mapansin siya.
Madilim ang mukhang tinalikuran siya ni Drake atsaka nito pabaligbag na isinara ang pinto.
Napaawang ang mga labi ni Kalie. Aaminin niyang nayanig siya sa ginawa ni Drake. Hindi niya gustong mawala si Drake sa kanya pero kaya niya itong isakripisyo dahil nagiging hadlang na ito sa mga plano niya. Hindi pa ito ang tamang oras para lumambot siya kay Drake. Dahil kasalukuyan palang siyang nagsisimula sa mga plano niya.

Komento sa Aklat (65)

  • avatar
    JalamanDaryl

    so good

    27/04/2025

      0
  • avatar
    Alamada Uchiha

    good

    07/03/2025

      0
  • avatar
    Kèrby Brtlme

    thanks again for your time and consideration and I will be in the morning and I was dreaming 😗 and consideration ya lng chene I will t to save money 🤑🤑 and consideration to this email and I am not able to get the morning and I will t to be a part time and I t I will be able to enjoy and I was just wondering what time and I am writing to save time and consideration to save money on it and I am not 🚭 and consideration I have a part 〽️ and consideration to save money and I was just to save your

    23/01/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata