logo text

Kabanata 22: Habulan

Lumabas silang apat sa basement at dire-diretsong tumakbo palabas sa gate ng bahay. Nasa tapat ng bahay ang kotse ni Kassie. Pumasok sila sa loob ng sasakyan. Si Kassie ang nagmamaneho sa driver's seat at katabi niya si Gina. Sina Jobert at Frederick naman ay nasa likod.
"Bilisan natin, Kassie. Baka bumalik na si Brandon at maabutan tayo!" natatarantang sabi ni Jobert.
"Bakit naman babalik agad 'yon? Nagpunta nga sa ospital," tugon ni Kassie na humawak sa kambyo at inatras ang kotse.
Hindi nila masabi kay Kassie ang totoo na si Jobert ang tumawag at nag-impersonate lang siya kay Dr. Lambert kanina. Pinagpapawisan na sila nang butil-butil. Patingin-tingin sila sa likod. Nag-aalala sila na baka bumalik na si Brandon.
***
Samantala, habang nagmamaneho sa kalsada, kinuha ni Brandon ang phone niya sa bulsa. Hinanap niya agad ang kontak ni Dr. Lambert.
"Hello?" tawag niya habang nakatutok ang mga mata sa daan.
"Yes Brandon? Bakit napatawag ka?"
"May tatanong ako tungkol sa meeting, Dok"
"Ha? Anong sinasabi mo?" nalilitong tanong ng doktor.
"Hindi ba tumawag ka kanina at sinabi mo na may meeting tungkol sa NICU?"
"Ano? Brandon, nagpaalam ako kagabi. Nag-leave ako ngayon. Anong sinasabi mo?"
Biglang huminto si Brandon sa pagmamaneho. Nagulat din ang sasakyan na nasa likod niya, napahinto, at nagbusina nang malakas.
Nagtaka ang mukha niya. Naramdaman niya na may mali. Naramdaman niya ang mabilis na tibok ng puso at agad na nanghinala sa mga nangyayari.
"Brandon, bakit?"
Pinatay niya ang tawag at tumingin siya sa call history ng phone. Unknown number ang caller kanina sa basement. Napagtanto na rin niya sa wakas na naloko siya kanina. Inis na inis na binato niya ang phone sa harap at napasuntok sa manibela. Naisahan siya ni Kassie.
"Hoy, ano ba? Nakaharang ka sa daan!" Nabuysit na rin ang driver ng sasakyan sa likod. Sinigawan siya nito.
Pero wala siyang pakialam na inurong ang kotse. Walang pasabi na nag-iba siya ng direksyon. Kailangan niyang bumalik sa bahay. Maaaring nakatakas na sila Kassie.
***
Nakaalis na sila sa tapat ng bahay ni Brandon pero kinakabahan pa rin sila. Hindi sila mapakali sa upuan. Nakatuon naman ang atensyon ni Kassie sa kalsada. Bigla siyang nagpreno. Sa kasamaang palad ay may nakahintong truck sa harap nila. Makitid lang ang kalsada at mukhang nagkaroon ng problema sa mga sasakyan na dumadaan.
"Bakit ka huminto?!" Dahil sa pagkataranta ay napasigaw si Frederick.
"Tignan mo may nakaharang na truck!" sagot ni Kassie na tinuro ang harapan.
"Mag-iba tayo ng direksyon, Kassie!" suhestyon nito.
"Saan naman tayo dadaan?"
"May palikong daan sa street nila Brandon. Doon na lang tayo dumaan!"
"Babalik tayo?! Nababaliw ka na ba? Saka mas mahaba ang kalsada doon! Matatagalan tayong makapunta sa police station!" sagot ni Kassie.
"M-Maghihintay po tayo rito?" ninenerbiyos na singit ni Gina. Natatakot siyang mahuli sila ni Brandon at muli siyang ibalik sa basement.
Napatingin si Kassie sa dalagita.
"Urgh! Buysit! Bakit ba walang sumasagot? Nagbabayad ako ng tax para sa sahod ng pulis ah! Umayos kayo!" wika ni Jobert. Napapadabog ito habang pilit na kinokontak ang numero ng police at emergency hotline.
"Wala ka yatang load, bro," hula ni Frederick.
"May naisip ako!" sabi ni Kassie sa kanila. "Bumaba na kayo rito at mag-commute. Mas mabilis kayong makakapunta sa pulis kung magsasarili kayo ng sasakyan."
"Ha? Paano ka po?" nag-alalang sabi ni Gina.
"Maiiwan ako rito sa kotse," sabi lamang ni Kassie na mukhang hindi natatakot.
"Nababaliw ka na ba? Maabutan ka ni Brandon dito!" tutol ni Frederick.
"Maabutan na kung maabutan. Hindi ako natatakot sa kaniya!"
"Sasamahan kita! Hindi kita iiwan dito," determinadong sabi ng binata.
"Fred — "
"Huwag ka nang tumutol. Hindi kita kayang iwang mag-isa, Kassie."
Saglit na nagkatitigan lang sila. Nagtatalo ang kanilang mga mata.
Pabalik-balik naman ang tingin ni Jobert sa dalawa. Mukha silang may LQ. "Ah sige na. Bababa na kami ni Gina. Mas mabuti na rin na may kasama ka, Kassie. Hayaan mo na si Fred," singit nito.
Napabuntong-hininga na lamang si Kassie. "Sige na. Bahala ka!"
"Mag-iingat ka pare." Tinapik ni Jobert ang balikat ni Frederick.
"Ikaw rin. Maraming salamat sa lahat, Jobert."
Nag-iwan ng ngiti sa kaniya si Jobert bago ito bumaba sa kotse.
Yumakap naman si Gina sa baywang ni Kassie.
"M-Malapit nang matapos ito. Huwag kang mag-alala. " Pagpapakalma niya na hinaplos ang buhok ng dalagita.
"Mag-iingat ka, ate Kassie." Nag-aalala at nangingilid ang luha na paalala ni Gina bago ito lumabas sa sasakyan. Mabilis ang lakad na binaybay nina Jobert at Gina ang kalsada.
Lumipat naman ng puwesto si Frederick. Tumabi siya kay Kassie sa unahan.
"Kassie," simula niya.
Hindi sumagot ang dalaga, ni hindi nga tumitingin sa kaniya.
"Sorry na."
"Saan?"
"Sa pagpapanggap ko na patay."
"At saan pa?" Tumaas ang isang kilay nito.
"Ha? Mayroon pa bang iba?" Nagtaka naman ang mukha niya.
"May listahan ako ng atraso mo, Fred."
"Ano? Grabe ka."
Hindi ito ang tamang oras para tumawa pero hindi napigilan ni Kassie ang mapabungisngis.
Tumunog ang phone ni Frederick. May text message si Jobert, binuksan niya iyon at binasa. "May accident daw sa kalsada kaya traffic dito. Hindi raw tayo makakadaan dito, 'yon ang sabi ni Jobert."
Nagkatinginan silang dalawa. Isa lang ang ibig sabihin niyon. Kailangan nilang bumalik sa street ni Brandon at umiba ng daan.
"Paano ba 'to?" Nag-alalang sabi ni Kassie. Napabuntong-hininga ito at napapikit, mukhang napaisip pa nang malalim at iniipon ang lahat ng lakas ng loob.
Hinawakan niya ang mga kamay ng dalaga at gulat itong napatingin sa kaniya."Bahala na, magkasama naman tayo rito." Pilit siyang ngumiti.
***

Komento sa Aklat (10)

  • avatar
    Iri Sh

    nice story

    07/10/2023

      0
  • avatar
    Kathleen Joy Valeriano

    🤍🤍

    03/07/2023

      0
  • avatar
    MissDreamer

    ang Ganda kahit maikli lang. pero in fairness naman kay Jobert spokening dollar hahahahhahahaha

    06/05/2022

      1
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata