logo text

Kabanata 12: Si Mauro

Nahihiya si Kassie sa ginawa niya. Hindi niya alam kung sino ang demonyong sumapi sa kanya para gawin ito. Pero masisisi ba niya ang sarili niya? Sa totoo lang ay marami pa ring katanungan sa utak niya.
Naglapag si Dr. Pierro ng kape, spaghetti at ice cream cake sa dining table. Napatingin siya sa pagkain at naramdaman ang pagkulo ng tiyan. Nakalimutan niya na buong araw siyang hindi kumain. Hindi na siya nakatiis sa gutom at sumubo na siya ng cake.
Naaaliw naman na nakatingin lamang si Dr. Pierro sa kaniya. Umiinom ng kape ang lalaki habang nakaupo sa dining chair.
Napansin niya ang tingin ng doktor. Nahihiya siya na nagyuko ng ulo, "Sorry talaga dok.. akala ko kasi..."
"Kalimutan mo na. Akala ko talaga magnanakaw ang nakapasok sa bahay. Dapat pala paputol ko na iyong puno sa likod. Ang dali palang makapasok dito," sabi nito.
Hindi sumagot si Kassie. Kumain na lang siya.
"Pangarap ng anak ko na makapagtayo ng Props Shop. Sinusuportahan ko naman siya sa hilig niya. Ang galing niyang gumawa ng props 'di ba? Realistic," proud na proud na kwento ni Dr. Pierro.
Ngayon lang napagtanto ni Kassie na mapagmahal na ama si Dr. Pierro.
"Yes dok. Mukha talagang totoong-totoo."
"Bakit naman ako ang pinanghihinalaan mo na magnanakaw ng mga patay?" diretsong tanong ng doktor.
Natigilan siya sa pagsubo ng spaghetti. Nahihiya siyang nagpaliwanag at hindi makatingin ng diretso sa doktor. "K-Kasi kanina pag-uwi namin ni Brandon. Nakita namin kayo na may kausap na dalawang lalaki. Tapos 'yong dalawang lalaki sinusundan kami pauwi."
"Iyong dalawang lalaki ba?"
"Opo. Gamit po nila ang kotse n'yo. Kaya naisip ko na inutusan mo sila na sundan kami ni Brandon."
Napatawa ang doktor, "Bakit ko naman gagawin 'yon Kassie?"
"Eh bakit naman po gamit nila ang kotse n'yo?" tanong naman ng dalaga.
"Hindi lang ako ang nag-iisang tao sa 'Pinas na may ganoong kotse, Kassie," malumanay na sagot ni Dr. Pierro.
Natahimik siya. Oo nga naman. Dapat i-consider din niya iyon. "Eh sino po ang dalawang lalaki na kausap n'yo kanina?"
Hindi muna nakasagot ang doktor. Nanatiling nakangiti at nakatingin lang siya sa dalaga. Sumandal siya sa upuan at ipinatong ang mga kamay sa tiyan. "Iyong dalawang lalaki ay empleyado rin ng St. Luis Public Hospital. May tinatanong lang sila sa akin."
"Empleyado rin po sila?"
"Kassie, nagtratrabaho tayo sa loob ng mortuary ng hospital pero hindi lang tayo ang empleyado roon. Naisip mo ba na maaaring nurse iyon, doctors, assistants or magulang ng mga pasyente?" naiiling na paliwanag ni Dr. Pierro. "At medical examiner din ako, pwede rin iyong mga pulis o imbestigador."
Nakadama ng guilt si Kassie. Tama naman ang sinabi ng doktor. Ang t*nga niya. Hindi siya nag-iisip. Wala siyang ginawa kundi manghinala kahit wala namang pruweba.
"At hindi naman kayo nakakasigurado na 'yong dalawang lalaki na kausap ko kanina ay 'yong dalawang lalaki na sumusunod sa inyo hindi ba?" tanong ni Dr. Pierro.
Napabuntong-hininga siya, "Opo dok."
Natahimik na siya at kumain na lang ng spaghetti. Hindi na niya alam kung ano pa ang itatanong o sasabihin. Sigurado na siya na inosente si Dr. Pierro. Wala itong kinalaman sa mga nakawan na naganap.
"Pero alam mo Kassie, may kakaibang kinikilos si Mauro."
Napalingon muli siya sa doktor. Ano raw?
"Mauro?" balik-tanong ni Kassie. Nagtataka ang mga mata niya na bumaling kay Dr. Pierro.
"Kahina-hinala ang mga kilos niya nitong mga nakaraang araw," sagot ng lalaki.
"Ha? Hindi ko naman napapansin," pagtatanggol ni Kassie. Kahit kailan ay hindi niya pinanghinalaan si Mauro.
"Hindi mo napapansin dahil occupied ang utak mo sa mga problema. Pero kung pagtutuunan mo ng pansin, makikita mo rin ang nakikita ko," makahulugang sagot nito.
Hindi tuloy alam ni Kassie kung maniniwala siya sa doktor. Paano kung pinaglalaruan lang pala siya ni Dr. Pierro? Paano kung sinabi lang nito na may kinalaman si Mauro, para kay Mauro siya mag-focus at makalimutan niya si Dr. Pierro?
Hindi. Nararamdaman niya na mabuting tao ang doktor. Isa pa, nakikita ni Kassie ang ama niya kay Dr. Pierro. Hindi ito gagawa ng kabalastugan dahil mahal na mahal nito ang anak. Gumawa siya ng mali, siguradong madadamay ang anak niya.
Napabuntong-hininga siya. Simula nang maganap ang robbery, wala nang mapagkakatiwalaan sa loob ng St. Luis Mortuary.
Sina Rica, Keith at Aaron ay may tinatago. Ngayon naman ay si Mauro.
Lumalalim na ang gabi nagpaalam na si Kassie kay Dr. Pierro. Nagpasalamat siya at humingi muli ng paumanhin dahil sa ginawa niya. Pero sinabi lang ng doktor na kalimutan nila ang mga nangyari.
Nang makauwi si Kassie ay naiwan si Dr. Pierro sa sala. Malalim ang iniisip niya at nakatingin sa malayo.
"Bakit hindi mo sinabi sa kaniya ang totoo?"
Napalingon siya sa anak na nasa likod. "Nakikinig ka sa usapan namin?"
"Yes dad, I'm sorry," lumapit si Liesel sa ama. "Pero nagsinungaling ka. Dapat sinabi mo sa kaniya ang totoo."
"Hindi ako nagsinungaling. Hindi ko lang sinabi ang lahat ng alam ko," mapang-asar na ngisi niya. "Pero huwag kang mag-alala. She will know the truth eventually," nakangiting sagot ni Dr. Pierro.
***
Kinabukasan, maagang pumasok si Kassie. Nag-commute siya dahil iniwan niya kagabi ang kotse niya sa parking lot ng Mortuary.
Umaga pa lamang ay masakit na ang katawan niya, pati na rin ng ulo niya. Ang dami niya kasing pinagdaanan kahapon. Nabalitaan niya na wala na si Frederick, may nag-stalk sa kanila ni Brandon na dalawang lalaki, kakaiba sila Rica sa burol, pumasok siya sa bahay ni Dr. Pierro. Ang daming nangyari!
Pero hindi pa natatapos ang lahat. Wala pa ring kasagutan sa mga tanong niya.
Dumaan si Kassie sa funeral home para makita niya si Frederick sa chapel. Pero wala na roon ang katawan at kabaong ni Frederick. Sa halip nakita niya sa loob sina Rica, Keith at Aaron. Nag-uusap na naman ang tatlo.
"Rica?" nagtatakang tanong niya.
Nagulat si Rica na napalingon sa kanya, "Kassie? Anong ginagawa mo rito?"
"Dadalaw sana ako kay Fred."
"Ah wala na si Fred. Nailibing na," sabi lamang ni Keith.
Kumunot ang noo ni Kassie, "Agad?"
"Yes," tumango si Aaron. "Kaninang madaling araw."
"Nasaan ang parents niya at mga relatives?" tanong muli ni Kassie.
"Umuwi na," sagot lamang ni Keith.
"WHAT?" napanganga siya. "It doesn't make any sense."
"Ah eh Kassie... k-kinuha nila ang bangkay rito at dinala sa probinsya. Doon nila ililibing si Fred," paliwanag ni Rica.
"Bakit hindi niyo man lang ako kinontak? Hindi niyo man lang sinabi sa akin," nakasimangot na sabi niya. Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na kalungkutan. Kung ganoon, hindi na pala niya makikita si Frederick.
Nakita ni Rica ang lungkot sa mukha niya. Lumapit siya at umakbay sa dalaga. "Kassie don't be sad. In the afterlife you can meet him again."
"Parang sinasabi mong mamatay na rin siya," biro ni Aaron. Siniko ni Keith si Aaron at sinenyasan na manahimik.
"Huwag mo nang pansinin ang dalawang 'yan. Halika na, pumunta na tayo sa trabaho," sabi ni Rica na hinila na siya palabas ng funeral home.

Komento sa Aklat (10)

  • avatar
    Iri Sh

    nice story

    07/10/2023

      0
  • avatar
    Kathleen Joy Valeriano

    🤍🤍

    03/07/2023

      0
  • avatar
    MissDreamer

    ang Ganda kahit maikli lang. pero in fairness naman kay Jobert spokening dollar hahahahhahahaha

    06/05/2022

      1
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata