Homepage/Si Ms. Lower Section at Si Mr. Higher Section/
Chapter 37
Claudia's POV
SUNOD-SUNOD na pagkatok ang gumising sa akin.
Tinatamad akong bumangon at ramdam ko ang pagod ng katawan ko. Pakiramdam ko rin ay may lagnat ako.
"Claudia, anak, mahuhuli kana sa klase mo. Bumangon ka na riyan."
Pinilit kong bumangon pero ramdam ko ang pagbigat ng ulo ko. Para akong may trangkaso. Nasusuka rin ako. Sumandal ako sa headboard ng kama saka ko marahang nilibot ang tingin ko sa paligid ko. Kaso wrong move iyon dahil mas lalo lang akong nahilo.
Kahapon ginanap ang event at oo, napagod nga ako dahil hinintay pa naming matapos iyon. Nag-aya pati ang grupo na mag-mall at sumama naman ako. Okay na okay ang pakiramdam ko kahapon, as in!
Hindi naman ako puyat. Hindi rin ganito ang pakiramdam ko kagabi. Ngayon lang itong umaga. Sinapo ko ang noo ko. May kainitan iyon.
Sinubukan kong gumalaw para sana bumaba na ng higaan kaso bigla ko na lang naramdaman ang pagbaliktad ng sikmura ko!
Mabilis kong nilambitin ang ulo ko para yumuko sa sahig at doon sumuka kaso wala namang lumalabas sa bibig ko. Puro laway lang at lasang mapait. Sige lang ako sa pagduwal kahit na ba wala akong inilalabas sa bibig ko.
"Anak?" Narinig ko ang pagbukas at pagsara ng pinto. Naramdaman ko na lang na may kamay na humahagod sa likuran ko.
"Masama ba ang pakiramdam mo?"
Hindi ko magawang masagot si Mama. Basta duwal lang ako nang duwal. Alam kong wala naman akong mailalabas pero ang katawan ko mismo ang may gustong sumuka ako.
"T-teka, sandali…" saka ko naramdamang umalis si Mama.
"Papa.. Jessie… dalhin natin sa hospital si Claudia!"
Napapikit ako ng mariin nang marinig ko ang sigaw na iyon ni Mama. Ilang sandali pa ay narinig ko na ang maraming yabag palapit sa gawi ko.
"Nagpalipas ka ba ng gutom kahapon?" Tanong ni Daddy.
"May kinain ka bang bawal sa iyo? Anong nararamdaman mo?" Si kuya Jessie naman ang nagtanong.
"Dalhin na natin siya sa ospital para mapatingin natin siya," tarantang sabi ni Mama.
Hindi ko na sila masagot. Basta gusto ko lang sumuka at maalis itong pait na lasa sa bibig ko. Pinipigilan kong huwag na dumuwal kaso may sariling isip ang katawan ko.
Nanlalabo na rin ang mga mata ko dahil sa luha. Sumasakit na rin ang lalamunan ko.
"Ihahanda ko ang kotse." Narinig kong sabi ni Daddy.
"Hawakan mo itong plastic, dito ka muna sumuka." Si kuya Jessie naman iyon.
Naramdaman kong binuhat niya ako palabas ng kwarto ko.
Namalayan ko na lang na nasa biyahe kami. Pinakain ako ni Mama ng crackers para raw may laman ang tiyan ko.
Pagdating namin sa ospital ay mabilis akong inasikaso roon. Hinayaan ko na lang sila dahil wala talaga akong lakas. Masakit at mabigat ang ulo ko. Naubos din ang natitira kong lakas dahil sa pagsuka ko. Gusto ko na lang humiga at magpahinga.
.
.
.
Hindi ko namalayan ang oras.
Nakatulog ako habang inaasikaso ako kanina nang nurse na nakatoka sa akin.
Nang tingnan ko ang paligid ay wala sila Mama. Mag-isa lang ako. Nakaramdam tuloy ako ng lungkot.
Napatingin ako sa pinto ng may marinig akong ingay at may umiiyak galing sa labas.
Okay na ang pakiramdam ko. Parang magic na nawala bigla ang pananakit ng ulo ko at ang masamang pakiramdam ko. Siguro gusto lang um-extend ng tulog ang katawan ko kaya ako pinahirapan kanina. Natawa na lang ako sa naisip ko.
Dapat pala'y hindi na ako pumayag na magpadala sa ospital. Parang ang dating tuloy ay nakitulog lang ako. Tsk!
Napalingon ako sa pinto nang magbukas iyon. Si kuya Jessie pala.
"Kumusta ang pakiramdam mo?" Bungad niyang tanong sa akin.
Nginitian ko siya kaso bigla rin iyong nabura sa mukha ko ng makita ko ang itsura niya. Parang ako dapat ang nagtanong sa kanya kung kumusta ba ang pakiramdam niya dahil sa itsura niya ngayon.
"May problema ba, kuya?" Alanganin kong tanong.
"Wala kang alam?" Nagtatakha niyang tanong sa akin.
Maski ako ay nagtaka rin.
"Anong ibig mong sabihin, kuya? May sakit ba ako?"
Nagulat ako ng mabilis niyang naihilamos ang kamay niya sa kanyang mukha. Ibang-iba ang itsura niya ngayon. Parang galit na galit siya pero pinipigil niya iyon. Hindi siya tulad dati na palagi akong inaasar at nakabungisngis.
Bumuntong-hininga siya ng sobrang lalim saka niya inabot ang kamay ko.
"Hintayin natin si Mama. Sila na ang magsasabi sa iyo, pero tandaan mo, nandito si kuya para sa iyo kaya magpakatatag ka. Okay?" Pilit siyang ngumiti.
Naramdaman ko ang pag-iinit ng mga mata ko. Bakit pakiramdam ko ay may hindi magandang balita?
Bakit pakiramdam ko ay may nagawa akong kasalanan?
Pareho kaming lumingon sa pinto nang magbukas iyon. Nag-alala ako ng makita ko ang itsura ni Mama, parang kagagaling lang niya sa pag-iyak dahil namumula pa ang pinsgi, mata at ilong niya.
Tumayo si Kuya Jessie at si Mama ang pumalit sa pwesto niya. Ngumiti sa akin si Mama pero alam kong peke iyon.
Napapikit ako ng maramdaman ko ang kamay niya sa aking ulo, pababa sa buhok ko.
"Anak…" sabi niya saka huminga ng malalim para pigilin ang pag-iyak niya.
Naramdaman ko ang pag-iinit ng mga mata ko.
"Bakit hindi mo kaagad sinabi sa akin?" Tanong niya na siyang ipinagtaka ko.
Nilingon ko si kuya Jessie kaso ay yumuko lang ito.
"Anong ibig mong sabihin, Ma?"
Naguguluhan ako pero ramdam ko ang kaba sa aking dibdib. Ano bang alam nila?
Alam na ba nila na peke lang ang relasyon namin ni Sean?
May malala ba akong sakit?
Natigilan ako bigla ng may maalala ako.
Hindi kaya…
Pigil ko ang hininga ko ng salubungin ko ang tingin ni Mama.
"Mama…"
Tuluyan na siyang umiyak at maging ako ay naiyak na rin dahil sa tumatakbong ideya sa isip ko.
"Anak, buntis ka," sabay hagulgol ni Mama.
Anak, buntis ka...
Paulit-ulit iyon sa aking isipan. Pakiramdam ko ay bigla akong napunta sa isang madilim na lugar at ang sinabi sa akin ni Mama ang siyang paulit-ulit kong naririnig sa lugar na iyon.
"Anak, makinig ka sa akin. Kung ano man ang maging desisyon ng Daddy mo ay sundin mo. Maliwanag ba?" Determinadong sabi niya sa akin.
As if may iba akong choice. Ito na ang resulta sa maling desisyon ko sa buhay.
Pero…
"Mama paano ang baby ko?" Nag-aalala kong tanong.
Hinawakan niya ang dalawa kong kamay. "Ingatan mo siya hanggang sa mailuwal mo siya. Hindi naman hahayaan ng Daddy mo na may mangyaring masama sa inyo. Basta, makinig ka sa Daddy mo, okay?"
Sunod-sunod akong tumango.
Pinunasan ni Mama ang luha ko saka niya ako niyakap ng mahigpit.
***
GABI na at magkakasabay kaming kumakain ng hapunan.
Kumpleto kami ngayon sa hapag pero sobrang tahimik. Tanging ang ingay lang ng mga kubyertos at pinggan ang maririnig. Walang may balak na magsalita.
Hindi ko magawang nguyain ng maayos ang pagkain. Para itong bato sa bibig ko.
Nakakapanibago. Dati-rati kapag magkakasama kaming kumakain ay maingay ang hapag dahil sa mga asaran ng mga kuya ko. Gano'n din sila Mama at Daddy na nakikisabay sa kalokohan ng mga kapatid ko.
"Sumunod ka sa library Claudia pagkatapos mong kumain," sabi ni Daddy ng hindi ako tinatapunan ng tingin.
Hindi na ako nakasagot dahil mabilis na itong tumayo at naglakad palayo. Nagkatinginan tuloy kaming mga naiwan sa lamesa.
"Kumain ka nang kumain, anak." Nakangiting sabi sa akin ni Mama. Tipid na ngiti ang naisagot ko sa kanya.
Ramdam ko ang tingin ng mga kuya ko pero wala akong naririnig na salita sa kanila o kahit man lang iyong galit nila dahil sa kagagahan ko. Napabuntong-hininga tuloy ako.
Tinuon ko na lang sa pagkain ang atensyon ko. Simula kaninang umaga ay hindi ko na ulit pa nakita si Daddy, ngayon na lang. At gaya ng sinabi sa akin ni Mama kanina sa ospital ay mukhang ito na ang oras na magde-desisyon si Daddy at wala akong ibang pagpipilian kundi ang sundin siya.
.
.
.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto ng library.
Kaagad kong natanaw si Daddy na nakapwesto sa lamesa habang kaharap ang laptop nito.
Sinarado ko na ang pinto saka marahang lumakad palapit.
"Maupo ka," utos niya na kaagad ko namang sinunod.
Sobrang bilis ng pagtambol ng dibdib ko. Daig ko pa ang aplikante na i-interview-hin. Kung sana lang ay gano'n ang sitwasyon.
"Kailan mo pa alam ang kalagayan mo?"
"Ha?" Gulat kong tanong pero mabilis kong natikom ang bibig ko ng magsalubong ang tingin namin.
"H-hindi ko po alam, Dad."
"Alam ba ni Sean?"
"Hindi rin po."
"Good,"
"Po?" Nagtatakha kong tanong.
Sinarado niya ang laptop na nasa harapan niya.
"Simula ngayon ay hindi kana papasok. Aalis ka rito at sa Saudi mo ipagpapatuloy ang pag-aaral mo."
What?
Napabuga ako ng hangin ng marinig ko iyon. Hindi nga ako nagkamali, sa Saudi pa rin ang bagsak ko.
"Kailangan mong putulin ang kung ano mang meron kang relasyon at komunikasyon dito sa Pilipinas. Habang naroon ka ay wala kang ibang co-contact-in kundi kami lang na pamilya mo."
Napaawang ang labi ko dahil sa sinabi niya.
Ibig sabihin ay puputuluin ko rin ang pagkakaibigan namin nina Jessa, Chincky at Tyra?
Napatingin ako kay Daddy at seryoso lang ang mukha niya.
"Ayokong may ibang makaalam ng kalagayan mo. Isipin mo ang reputasyon ng pamilyang ito, isipin mo ang mga kapatid mo. Harapin mo ang resulta sa maling desisyon mo, Claudia."
Ilang beses akong napakurap dahil sa sinabing iyon ni Daddy. Totoo bang nanggaling iyon mismo sa bibig niya?
"Binibigyan kita ng pagkakataon na itama iyang pagkakamali mo. Isilang mo ang bata at ipagpatuloy mo ang pag-aaral mo. Patunayan mo ang sarili mo sa akin. Huwag kang babalik rito ng wala kang maipagmamalaki sa akin."
Kumibot ang labi ko kaya mabilis ko iyong kinagat para pigilin ang panginginig no'n.
Unti-unti ring nanlalabo ang pigura ni Daddy sa paningin ko dahil sa luhang nagbabadyang bumagsak sa mga mata ko.
Isa akong malaking kahihiyan sa pamilya kaya gusto akong ipatapon ni Daddy sa Saudi?
Kaya gusto niyang putulin ang komunikasyon ko sa mga kaibigan ko?
Bumuga ako ng hangin dahil sa pagbigat ng dibdib ko. Ang sakit pala na sa mismong magulang mo ito maririnig. Pakiramdam ko ay makailang ulit akong sinampal. Mas masakit pa rin pala tagala ang salita kaysa sa pisikal na pananakit.
"Kung wala kang sasabihin ay makakaalis kana."
Muli akong napakurap saka ko nilingon si Daddy.
Gusto kong magalit sa kanya pero anong karapatan kong gawin iyon kung alam kong ako ang mali?
Ngumiti ako ng mapait. "Thanks, dad."
Tumayo na ako saka ako naglakad palayo. Hawak ko na ang doorknob nang tawagin ako ni Daddy.
"May schedule kana ng flight mo, kunin mo na lang kay kuya Jessie mo ang plane ticket at passport mo."
Wow! Handang-handa na talaga niya akong paalisin.
Pinilit kong ngumiti. "Okay," saka ko na muling hinarap ang pinto at tuluyan ng lumabas sa silid na iyon.
Pagkasara ko ng pinto ay siya namang pagkawala ng mga hagulgul ko.
Sabi ko sa sarili ko na handa ako sa kung ano mang maririnig ko kay Daddy. Pero bakit naman ganito, ang sakit. Sobrang sakit. Napaangat ako ng tingin para pakalmahin ang sarili ko pero sige lang sa sunod-sunod na pagtulo ang luha ko hanggang sa mapaupo ako sa sahig.
"Anak…" narinig kong tawag sa akin ni Mama.
Niyakap lang niya ako at pareho kaming umiyak na sa gano'ng paraan ay mababawasan nito ang sakit na nararamdaman ko.
===
©J. O. ArandiaI-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (79)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
sana makakoha ako ng diamond
29/12
0nice story I love it
27/11
0ganda ng storyyy
07/02/2025
0Tingnan Lahat