Homepage/Si Ms. Lower Section at Si Mr. Higher Section/
Chapter 30
Claudia's POV
HULING subject na namin ngayon para sa araw na ito, A. P. Ang subject kaya naman hindi ko maiwasang antukin. Mabuti na lang at katabi ko si Sean, kaya kahit na gusto ng pumikit ng mata ko ay nalalabanan ko pa.
Naalala ko iyong mga panahon na tinutulungan niya ako sa pag-review ko noon para sa exam. Sinabi niya na dapat may nilalaan akong oras sa pagtulog at pag-review. Isa iyon sa pinaka unang hakbang para matuto. Ang maging disiplinado sa sarili.
Napabuntong-hininga ako. Bakit ko pa ba inaalala ang bagay na iyon? Sunod-sunod ang pag-iling ko. Nang balingan ko ng tingin ang teacher namin ay seryoso siya sa pagpapaliwanag ng topic. Paminsan-minsan ay nagtatanong siya kung nakakasabay pa ba kami at siyempre, oo ang sagot ng mga kaklase ko. Um-oo na lang din tuloy ako. Sana lang walang quiz pagkatapos nito dahil paniguradong lagot ako.
Hindi rin nagtagal at natapos na si ma'am sa pagpapaliwanag. Wala ring quiz ngayon dahil bukas na lang gaganapin gawa ng hindi sumapat ang oras. Uwian na.
Inayos ko na ang bag ko at tiningnan ko ang desk ko kung wala ba akong naiwan. Wala sa sariling napatingin ako sa gawi ni Sean at nagulat ako nang makita kong nakatingin din pala siya sa akin.
"Salamat," sabi ko.
Imposibleng ma-late siya kanina dahil hindi ko naman siya kasabay na naglakad. Nakita ko ring tumuloy ang andar ng kotse pagkababa ko. Kung saan man siya galing na naging dahilan kung bakit siya nahuli sa klase ay nagpapasalamat ako dahil hindi ako napagalitan kanina.
Matagal niya akong tinitigan. Akala ko ay may sasabihin pa siya pero tinanguan lang niya ako at tumayo na saka naglakad palabas ng room.
"Claudia!" Tawag sa akin ni Tyra. "Pwede bang sa inyo na kami tumuloy?" Tanong niya pagkalapit sa akin.
Napatingin ako kina Chincky at Jessa na kasunod lang din niya. Ano kayang nangyari sa tatlong ito?
"Bakit? May problema ba?" Nanantiya kong tanong.
"Wala naman. Gusto lang namin na sa inyo pumunta para libre ang lunch namin." Si Chincky ang sumagot. Napatingin tuloy ako kay Jessa.
"Ayaw na kasi naming umuwi. May dala kaming pamalit na damit, plano na talaga naming sa inyo dumiretso after class." Paliwanag ni Jessa.
Iyon lang pala. Akala ko ay kung ano na.
"Tara, takasan na natin iyong mga lalaki!" Bulong ko sa kanilang tatlo.
Nagtawanan kami saka na nagmamadaling lumabas ng room. Tama nga ako. Mukhang gano'n din ang balak nina Cedrick, Chime, Jhayrone at Levi. Nakita kasi namin silang naghihintayan sa labas ng room nila. O baka naman may boy's bonding sila? Ako lang itong assuming. Tsk!
Nagawa naming makalabas sa school ng hindi nila napapansin. Sa kotse kami ni Chincky sumakay dahil naroon na ang driver niya.
Makakalibre sila ng lunch, ako naman ay nakalibre sa pamasahe.
.
.
.
Nakarating kami sa bahay at gaya ng usapan ay magkakasama kaming nananghalian. Kilala na ni Papa ang mga kaibigan ko kaya naman naging komportable ang tanghalian na iyon. Gayon din sa dalawa kong kuya na sina kuya Jessie at kuya Dwayne.
Sa playground ng subdivision namin napagkasunduang mag-practice. 2 pm ang call time kaya naman may isang oras pa kaming bakante.
Nandito kami ngayong apat sa kwarto ko. Magkausap sina Tyra at Chincky habang may hawak na libro. Sila raw kasi ang mag-re-report next week kaya naman ni-riview na nila ang topic na napunta sa kanila. Si Jessa naman ay tahimik lang na nagtitipa sa kanyang cellphone habang kumakain ng chocolate.
Nababagot na ako. Ang tagal ng oras, gusto ko ng makalabas at makalanghap ng hanging galing sa labas. Naka-aircon kasi kami ngayon. Nilalamig tuloy pati iyong butas ng ilong ko. Tsk!
Kinuha ko ang cellphone ko sa side table ko at saka doon naghanap ng kanta. At least ngayon ay gagawa na lang muna ako ng listahan para ilalatag ko na lang kay Levi mamaya kung ano ang okay sa kanya. Bahala na iyong iba kung anong plano nila.
Lumipas ang oras, masiyado akong nawili sa pakikinig ng music sa youtube. May mga nailista naman ako, ang kaso, puro's mga isang singer lang ang kumanta. Kailangan dapat duet para hindi na kami mahirapan pa--- teka, kakanta ba kami ni Levi?
Nanlaki ang mga mata ko ng mapagtanto ko kung ano nga ba ang mangyayari. Posibleng kumanta kami, pero kaya ko ba iyon? Napailing ako ng wala sa oras. Kailangan tanungin ko sila mamaya.
Napalingon ako sa pintuan nang may kumatok sa pinto.
"Anak, may mga tao sa baba. Kaklase n'yo raw," sabi ni Mama.
Nagkatinginan kaming tatlo saka mabilis na nagsipagtayuan. Wala bang nakapansin ng oras? Lagpas 2 pm na kasi. Napalingon ako kay Jessa na ngayon ay mahimbing na natutulog.
"Claudia, gisingin mo," utos sa akin ni Chincky.
"Ikaw na, pagbubuksan ko lang ng pinto si Mama."
Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at mabilis na akong naglakad. Pagbukas ko ng pinto ay wala na ro'n si mama. Ang bilis umalis.
"Girls, bilisan n'yo. Puntahan na natin sila sa labas para hindi na tayo tumagal dito," baling ko sa kanila bago ako tuluyang lumabas ng kwarto ko.
Habang pababa ako ng hagdan ay may naririnig na akong usapan sa sala. Sina Cedrick, Levi, Jhayrone at Chime iyon kausap nila si Mama.
"Bakit hindi na lang kayo rito mag-practice sa bahay?" Narinig kong tanong ni Mama.
Mabilis akong umiling at kaagad na lumapit. "Ayoko, Ma. Saka may usapan na kami at iyon ang masusunod," sagot ko na ikinalingon naman nila.
"Okay lang po kami sa labas, Tita. Mas makakapag-pokus kami kung kami-kami lang ang magkakasama." Si Levi ang sumagot.
Sang-ayon ako sa sinabi niya. Panigurado kasing aasarin lang ako ng mga kuya ko kapag dito kami sa bahay nag-practice. Makulit pa naman sila, lalo na si Kuya Jessie. Lakas-tama.
Hindi na ako umupo at hinintay na lang naming bumaba sina Jessa. Dumiretso na kami sa playground nitong subdivision nang makumpleto na ang grupo.
.
.
.
Playground
"Saan tayo?" Tanong ni Chime.
Nilibot ko nang tingin ang paligid. Malawak itong playground ng subdivision, may mga sementadong upuan na nakapalibot na nagsisilbing bakod. Maninipis at mabababa ang mga damo na maari mo namang upuan kapag nag-set ng picnic.
Sa kaliwang bahagi ang mga rides na palaruan ng mga bata. Dito kami sa kanang bahagi pumwesto dahil bakante ito; magandang pagpwestuhan kung gusto mo maglaro ng volley ball, takbuhan, picnic at siyempre ito ang favorite kong part na pagtambayan kapag nag-re-record ako ng gitara.
Tahimik ang playground sa ganitong oras pero kapag pumatak na ng alas-kwatro ay asahan na ang mga batang nagtatakbuhan sa bawat sulok. Aalingawngaw rin ang tawanan at hagikgikan nila. Ang sarap pakinggan at nakakainggit din kung minsan. Tanging sa paglalaro lang sila nagkakaproblema, hindi tulad natin.
"Hoy, nasaan ba iyang utak mo? Nandiyan ka pa ba?"
Napakurap-kurap ako ng makita ko ang kamay ni Tyra sa harapan ko. "Bakit?" Inis kong tanong sa kanya.
Umirap ito bago nagsalita. "Sabi ni Chime ay mag-usap mun kayo ni Levi kung anong balak n'yong i-perform sa event."
Tiningnan ko si Chime na sa akin din nakatingin. Napansin ko na lahat pala sila ay nakatingin sa akin, anong meron?
"Tara, Claudia, pwesto na muna tayo ro'n sa bakanteng upuan," aya sa akin ni Levi.
Naglakad na ito papunta sa tinuro nito kaya naman sumunod na ako. Nang lingunin ko ang iba ay pumwesto silang pabilog saka umupo sa damo. Mukhang may iba pa silang pag-uusapan.
Magkatabi na kami ngayon ni Levi, walang umiimik sa aming dalawa. Narinig ko pa ang pagbuntong-hininga niya.
"Anong balak mo?" Tanong niya sa akin.
Naalala ko tuloy iyong kanina. Hindi ko alam kung anong gagawin namin ni Levi.
Hinarap ko siya at napansin ko namang nagulat siya sa ginawa ko. Napailing tuloy ako. "Ano, k-kanta ba tayo?" Alanganin kong tanong.
Napansin kong kumunot ang noo niya pero kaagad ding napawi iyon.
"Gusto mo bang kumanta tayo?" Siya naman ang nagtanong sa akin.
Napabuntong-hininga tuloy ako. Kaya ko namang kumanta lalo na kapag mga acoustic song. Hindi ko lang kaya iyong mga pang malakasang birit at matataas na nota.
"May napanood akong kanta. Duet iyon, medyo may mataas na nota nga lang, pero for sure ay kaya naman natin iyon basta mapa-practice natin."
"Pwede ko bang makita?" Tanong ko.
Titingnan ko muna kung kaya ko ba iyon. Mamaya niyan, mataas pala talaga.
Inabot sa akin ni Levi iyong phone niya. Siya ang nagpindot-pindot sa screen habang hawak ko iyong phone niya. Medyo nailang tuloy ako dahil sa sobrang lapit niya.
Pinanood ko na iyong video na tinutukoy niya. Maganda, pero parang ang layo naman ng kanta. I mean, hindi ko feel. Para kasi sa mag-jowa iyon at love song iyon.
Ako at si Levi kakanta ng love song sa harap ng mga estudyante at kaklase namin? Nakakakilabot.
"Alam kong aayawan mo pero kasi, maganda iyong kanta. Iyon bang parang kinakantahan mo ang taong mahal mo." Nakangiti niya akong nilingon.
Ang tanong, nagmamahalan ba kami? Tsk!
Hindi ko siya kinibo. Wala akong masabi.
"Naalala mo ba iyong sinabi ko sa iyo sa garden?" Tanong niya sa akin.
Napapikit ako ng maalala ko iyon. Iyon `yung araw na na-guidance kami at nakatikim siya ng suntok sa akin kaya siya may hawak na ice pack. Bukod kasi sa ninakawan niya ako ng halik, may sinabi pa siyang hindi ko nagustuhan.
Gusto niyang magpanggap kaming may relasyon. Katulad nang deal namin ni Sean at ayoko iyon. Ayoko ng magpagamit.
Sinabi naman niyang gagawin namin iyon para protektahan niya ako at para malaman niya kung anong dahilan ni Chonna kung bakit ito bigla na lang nakipaghiwalay sa kanya.
Nakakainis lang. Lahat na lang ba ng lalaking lalapit sa akin ay puro pekeng relasyon ang iaalok sa akin? Don't get me wrong, hindi ko gustong maging kami ni Levi pero nakakagalit lang iyong aalukin ako ng pekeng relasyon.
Ayoko na. Paano kapag nahulog ako ulit tapos ang ending, wasak na naman ako. Paano ako?
Napigil ko ang paghinga ko ng maramdaman ko ang palad ni Levi sa pisngi ko.
"Sorry, hindi ko naman intensyon na saktan ka. Gusto kitang maging kaibigan, totoo iyon. Pero hindi ko lang napigil ang sarili kong alukin ka ng gano'n. Nag-aalala lang kasi ako kay Chonna."
Nang tingnan ko ang mga mata niya ay halatang nagsasabi siya ng totoo. Hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit.
Si Chonna na naman. Siya na lang lagi ang bida.
Dumistansya ako sa kanya at saka ko inayos ang sarili ko. "Bakit nag-aalala ka pa rin kay Chonna kahit na ba ang dali ka lang niyang binitawan?"
Nakita ko ang pagiging seryoso sa mga mata ni Levi.
"Kapag nagmahal ka, dapat pagkatiwalaan mo ang taong mahal mo. Masaktan ka man, at least nagmahal ka ng totoo," tumingin ito sa harap na para bang tinatanaw nito ang nakaraan. "Masaya kami ni Chonna at alam kong totoo ang pag-ibig na iyon. May mga bagay lang talaga na hindi natin inaasahang mangyayari at ang tawag ko ro'n ay pagsubok."
Natahimik ako. Pinagkatiwalaan ko ba si Sean?
Oo, kaya mo nga sinuko ang sarili mo sa kanya, eh.
Napailing ako ng may marinig akong maliit na boses sa isip ko.
Duh! Ibang tiwala kaya ang tinutukoy ko.
Pinilit kong ngumiti ng bigla akong lingunin ni Levi.
Nakakainis ang isip ko, nasa seryosong usapan kami tapos bigla na lang ganito. Hay na'ku!
---
©J. O. ArandiaI-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (79)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
sana makakoha ako ng diamond
29/12
0nice story I love it
27/11
0ganda ng storyyy
07/02/2025
0Tingnan Lahat