15

"Kamusta ka naman iha? Sa ilang taon na nakalipas ang dami ng nagbago sa'yo. Mas pumayat ka ata at mukhang hindi maganda ang kalusugan mo," sabi ni Lolo Fabian matapos nitong uminom ng tubig.
Tanging pilit na ngiti ang binigay ko dahil wala naman akong dapat sabihin sa kanya kahit pa naging close kami noon.
"May bago ka ng boyfriend?" mataray na tanong ni Cassey, isa sa mga pinsan ni Fabius na kasing edad lamang namin.
Kung tutuusin, mula't sapul hindi niya ako gusto dahil mas gusto niya si Althea para sa kuya niya raw. Sabi niya kasi ang pangit ko raw kaya nagtataka siya kung bakit ako pa ang pinili.
Ano namang pakialam ko, edi magsama sila.
"Cass..." nagbabantang tawag sa kanya ni Fabius. Pinunasan ko ang aking bibig gamit ng table napkin saka siya sinagot.
"Boyfriend? Sakit lang 'yan sa ulo at nakakamatay," nanunuya kong sagot na ikinatahimik ng mga kasama namin sa mesa kasama na si Lolo Fabian.
Buti na lang at wala pa ang magulang nitong si Fabius dahil hindi ko pa sila kayang kaharapin. Sadyang may napadpad lang na bangaw dito na kasama naming tatlo.
She smirked. "Kung ganun naman pala bakit ka nandito? You can just say no pero sumama ka pa rin, hindi ba parang umaasa kang babalikan ka pa?"
"Ah... ako pa talaga ang sinabihan mo niyan?" agad kong sagot bago tignan si Fabius. "Bakit hindi mo sabihan ang pinsan mo? Masyado silang nangingialam ng buhay ko."
Bastos na kung bastos sa harapan ng Lolo nila pero hindi na ako ang Xiomara dati na lulunukin na lang lahat ng aking naririnig at ipagsasawalang bahala.
"Hindi naman siya lalapit sa'yo kung hindi ka nagbibigay ng--"
"Shut up Cassey!" galit na pigil ni Fabius sa pinsan nito. Paumanhing tingin naman ang binigay sa'kin ni Lolo Fabian pero tanging pagtayo ang naging sagot ko sa kanila.
Yumuko ako't tinignan ang lolo nila. "Salamat po sa pag-iimbita sa'kin kahit na ilang taon na ang nakalipas, mauuna na po ako."
"Pero..." Hindi na tinapos pa ni Lolo Fabian ang sasabihin sana nito dahil sa mabilis kong pagtalikod. Ramdam ko ang galit at inis sa nangyaring ito ngayon ngunit wala akong magawa kundi ang piliing manahimik.
Kung tutuusin dapat hindi ko na pinatulan si Cassey lalo na't mula pa noon alam ko ng masama ang ugali niya. Sadyang hindi ko lang mapigilang ipagtanggol ang sarili ko lalo na't wala naman siyang alam sa pinagdaanan ko at nangyayari ngayon.
"Mara!" tawag ni Fabius ng aking pangalan. Nakisabay ito sa paglalakad hanggang marating namin ang gate ng malaki at malawak nilang bahay.
"Bumalik ka na sa loob... gusto kong mapag-isa." Walang emosyong tingin ang binigay ko rito bago mapagdesisyunang maglakad palabas kahit na alam kong nakasunod siya sa'kin, tahimik na lang akong naglalakad palayo.
Nagbabakasakaling may dumaang taxi para hindi kami mukhang tanga rito na naglalakad, mga feeling nasa music video.
"Mara..." Hindi ko siya pinakinggan.
"Mara!" Malakas na buntong hininga ang aking iniwan ngunit hindi pa rin ako lumingon.
"Mara!" Rinig kong mas malakas na tawag niya ng pangalan ko pero hindi ko siya nilingon at tumingin sa kalangitan.
"Mara!"
"Kainis! Kung sino mang Mara 'yan! Magpatulog ka naman! Nasa village kayo! Marunong kayong mahiya!" sigaw sa isang bahay na nadaanan ko kaya inis na tingin ang pinukol ko kay Fabius.
"Ano?" I mouthed. Tinuro niya ang taxi sa gilid niya kaya mariing napapikit na lang ako bago lumapit ulit sa kanya.
"Ako na ang nagpadala ng taxi baka kasi wala kang makuha, puro kotse ang lumalabas sa village. Malayo pa naman ang lalakarin mo palabas." Napahawak ako sa aking noo bago siya itulak para makasakay ako.
Dapat ba akong magpasalamat? Kainis ang araw na ito!
Kung hindi siya nagsinungaling tungkol sa Lolo niya edi sana hindi ako napapahiya ng ganito! Pati kapitbahay nila nagagalit na! At sa akin pa ha! Ako na hindi naman sumigaw! Kainis!
Pagsakay ko, binaba ko ang bintana ng taxi saka nilahad ang kamay kay Fabius. Napakunot naman ang noo nito't hinawakan ang kamay ko na agad kong tinabig.
Slow.
"Pahingi ng pamasahe, dinala mo ako rito kaya bigyan mo ako ng pang uwi ko." Halata sa mukha niya ang pagkapahiya, mula sa paglabas niya ng kanyang wallet hanggang sa iabot niya sa'kin ang dalawang libo na pera.
Yaman talaga, hindi pa ginawang limang libo pero okay na rin pang bawas inis sa ginawa niya ngayong araw.
"Mag-ingat ka pauwi! Susunod agad ako!" Huling rinig kong sigaw nito na hindi ko na pinansin at tumingin na lang sa driver.
"Sa Angels bilyaran po tayo."
▪▪▪
Iiling na kinuha ni Zaid sa'kin ang sigarilyong sisindihan ko pa lang saka may tinuro sa'kin sa aking gilid.
"Shit."
"At anong ginagawa mo rito?" seryosong tanong ni Ravier paglapit niya sa amin. Tinignan ko pa si Zaid pero kibit balikat lang ang sagot niya bago kami iwan na dalawa.
"Nagpapahangin."
"Dito?"
Pilit na ngiti ang pinakita ko sa sobrang seryosong mukha nito.
"Hindi pa rin kayo bati ng kambal mo?" pag-iiba ko ng usapan na hindi naman nito kinakurap.
Malakas niya pang pinitik ang noo ko kaya inis na tingin ang pinukol ko naman sa kanya.
"Aray ha! Hindi naman kasi masakit noh?!" Hinimas ko pa ang noo ko pero hindi man lang siya humingi ng tawad.
"Tama lang 'yan sa'yo, bakit ka nandito? Hindi ba't sinabi mong hindi ka na pupunta? Umuwi ka na."
"Ayokong umuwi."
"Mara..."
"Ayoko, Ravier naiinis ako sa dadatnan ko sa bahay."
"Fine, sa condo ka."
I stared at him. Hindi pa nga ata sila bati ni Ryla dahil mukhang sa condo nito siya namamalagi.
"Dito na lang, gusto ko ring manigarilyo muna ilang araw na akong hindi naninigarilyo." Naglabas ako ng isang sigarilyo na sinubo ko sa'king bibig pero inagaw niya naman at tinapon palayo kasama ng isang pakete sa kamay ko.
Napasuklay ako sa buhok ko. "Ravier naman, eh! Frustrate ako okay? Hindi ba pwedeng hayaan mo muna ako?"
"Matagal na kitang hinahayaan, oras na para tumigil ka. Hindi mo ba nakikita ang itsura mo Mara? Mukha kang may sakit sa itsura mo kaya please lang... tumigil ka na bago ka pa makakuha ng sakit sa paninigarilyo mo. Marami kang pwedeng gawin na iba kapag naiinis ka, hindi solusyon ang sigarilyo," mahaba ngunit may pag-aalala nitong sabi.
Kung alam mo lang.
Kapag seryoso ito hindi siya magpapatalo kaya muli akong napabuntong hininga. Nilabas ko rin ang telepono ko saka may tinawagan.
"Oh, Ryla. Pwede ka ba ngayon? May sasabihin si Ravier, magkita tayo sa coffee shop na pinupuntahan nating tatlo. Oo, dun. Sige hintayin ka namin."
"Anong ginagawa mo?" kunot noong tanong ni Ravier pagbaba ko ng tawag.
"Sabi mo marami akong pwedeng gawin diba? 'Wag kang tumanggi o umangal, tara na sa coffee shop."
"P-pero!"
"Tumigil ka Ravier kung ayaw mong humithit ako ng dalawang pakete ng sigarilyo, may nagbigay pa man din sa'kin ng ayuda na dalawang libo."
"Oo na! Papansin..." Napangiti ako sa huli nitong sinabi't nakisabay sa kanya sa paglalakad.
Syempre hindi ako papayag na hindi magbati ang dalawa. Matataas pa man din pride ng mga 'yan.
▪▪▪
Kinaway ko ang kamay ko para makita ni Ryla nang matanaw ko siya sa pinto. Katulad ng kambal niya, seryoso ang mukha nito at halatang walang balak gawin para magbati sila.
"Bilhan mo ng kape ang kambal mo," utos ko kay Ravier. Hindi niya pinakinggan ang utos ko kaya kinurot ko siya sa tagiliran na nagpatayo sa kanya sa sakit.
"Bilhan mo." Inirapan niya ako't parang bata na dumiretso sa counter.
Natawa pa ako sa aking isipan bago sunod na tignan si Ryla na sinundan pala ng tingin ang kambal.
I coughed to grab her attention. "Hindi pa rin kayo bati?"
She looked at me. "Ilang beses na akong humingi ng tawad pero ayaw niyang tanggapin, kasawa."
Ay wow, humingi na pala siya ng tawad bago 'yun ah.
"Nag-effort ka naman ba?" Napanguso siya kaya iiling na kumain ako sa carrot cake na order ko.
"Alam mo namang ma-pride kayong magkapatid tapos hindi mo pa tinodo ang paghingi ng tawad. You have to buy him something or do something to make him forgive you."
"Like what? Brief?"
Pinalo ko ang hawakan ng tinidor sa ulo nito para magising.
Saan niya naman nakuha ang ideya na brief? Nauubusan na ba ng underwear ang kapatid niya para brief ang maisip niyang bilhin?
Gaga talaga.
"Tungeks! Gusto mong bilhan ka rin niya ng panty? Isipin mo nga, Ryla mas bobo ka pala sa'kin."
"Mas mataas naman grade ko," confident niyang sabi saka inagaw ang tinidor sa kamay ko para kumain sa carrot cake.
Kailangan talagang isingit ang grades? Galing talaga.
Hindi ko naman 'yun pinansin. "Maayos na regalo ang ibigay mo bukod sa underwear, mga paborito niya ganun o mas maganda kung papaalipin ka hanggang patawarin ka niya."
She shook her head. "Sa ganda kong 'to papaalipin ako sa alien? Manigas siya diyan, kaya ko namang mabuhay ng wala siya."
Malakas na buntong hininga ang kumawala sa'kin, napasandal pa ako sa upuan hanggang sa makabalik si Ravier dala ang paboritong kape ng kapatid niya. Akala ko iba ang bibilhin nito pero mukhang may pakialam pa naman siya kay Ryla.
Minataan ko si Ryla para magpasalamat pero tanging irap ang sagot niya sa aming dalawa.
Sarap niyang sabunutan, eh!
Naging tahimik ang mesa namin, nagpapakiramdaman sa isa't isa at walang balak bumasag nito na ako na ang gagawa. Straight to the point na lang para matapos na ang away nila.
"Magbati na kayo," nakahalukipkip kong utos. Sabay silang umiwas ng tingin kaya sabay ko ring piningot ang tainga nilang dalawa.
"A-aray Mara!"
"Mara! Masakit! Tangina naman!"
"Masakit talaga, kaya magsalita na kayo habang mahaba pa ang pasensya ko." Mas hinigpitan ko pa ang pingot na mas nagpadaing sa dalawa, hinampas pa ni Ryla ang kamay ko kaya pabagsak kong binitawan ang tainga nilang pulang pula.
Umayos ako ng upo. "Katulad ng sinasabi ko... magbati kayo ngayon na."
Masamang tingin ang binibigay nila pero tinaasan ko sila ng isang kilay.
"Bakit ako? Masama bang magka-love life? Tiyaka hindi naman ako nagsinungaling ng buo, ah! Sasabihin ko naman, naunahan niyo lang ako at maraming nangyari," nakabusangot na sabi ni Ryla.
"Eh, bakit kasi hindi mo sinabi ng maaga? Alam mong ayaw ko sa sinungaling pero tinago mo pa rin."
"Alam ko, inisip ko lang si Mara kaya nagsinungaling ako. Kung ikaw naman ang nasa kalagayan ko hindi mo gagawin?"
"Hindi, mas maiging sasabihin ko agad kaysa malaman ko pa sa iba."
Nakaramdam ako ng guilt sa pinag-uusapan nila lalo na't tinatago ko ang sakit na pwedeng pumatay sa'kin kapag hindi talaga naagapan. Iniisip ko tuloy kung mapapatawad ba ako ni Ravier sa oras na malaman niya.
"Fine. Sorry na hindi ko na uulitin promise, umuwi ka na sa bahay nag-aalala na sila manang baka isumbong pa nila tayo kayla Dad. Lagot tayo pag nagkataon, baka mas mapaaga ang pag-uwi nila."
"Oo na, basta ba bigyan mo muna ako ng 20k."
"Tangina nito! Geh! Magkulong ka sa condo mo. Gipit ako kaya 'wag ka ng umuwi, garapal ang puta."
Nagkatitigan sila't sabay na natawa, nakitawa na rin ako dahil ibig sabihin nito bati na sila. Magbabati rin pala kailangang ako pa ang gumawa.
Kung tutuusin, hindi rin naman nila mapipigilan ang hindi magbati. Masyadong mahal nila ang isa't isa hindi lang nila pinapakita.
"Buti naman at nagbati na kayo, sa susunod sa mamahaling restaurant ko naman kayo ipupunta kapag nag-away kayo para naman makakain ako ng maraming mamahaling pagkain," biro ko.
Mahinang hampas ang binigay sa'kin ni Ryla bago inumin ang kapeng binili ng kambal nito.
"Matalino ka kapag sa mga ganyang bagay pero bobo kapag dating sa school," natatawang sabi ni Ryla matapos uminom ng kape. "Baliktarin mo naman, Mara para magka-dos ka at hindi puro tres."
"Burn."
Sinamaan ko ng tingin si Ravier sa sinabi niya pero tanging ngiti lang ang sinagot niya sa'kin. Mali atang pinagbati ko na sila, pinagtutulungan nila ako.
"Mag-away na lang kayo ulit."
"Hahaha... masyado atang maraming kalamansi ang nilagay mo sa siomai natin ang asim ng mukha niya oh!"
Malakas na hampas ang natanggap sa'kin ni Ravier pero mas lumakas lang ang tawa nilang dalawa. Tangina ng mga 'to ako ang napagtripan shete!
"Bwisit kayo."

Komento sa Aklat (25)

  • avatar
    Prince Kenneth Crisostomo

    8ii

    17/08/2024

      0
  • avatar
    LunaJr

    wow

    11/08/2024

      0
  • avatar
    JA Y AR

    good for me

    05/07/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata