Homepage/Maybe This Time/
Chapter 57
"...kahit anong pilit naming kumbinsihin 'yung sarili namin na wala na talaga siya, gumigising pa rin kaming hinahanap-hanap siya. Halos taon-taon, sa tuwing sumasapit ang petsang ito ay hindi ko maiwasang sariwain 'yung pangyayaring iyon... I still can't find exact words to define how devastated I was when I saw him... Lying inside a coffin we never imagine him to be with... Ang dami-dami pang opportunity na pwedeng kumatok sa kaniya... He's too young, yet we've nothing to do but wake up every morning... Not hearing his voice... Hindi ko tuloy maiwasang isipin na sana pala... Sana pala... K-kasama n-niya ako h-habang lumalaki s-siya... Anak, kung nasaan ka man ngayon... T-tulungan mo kaming tanggapin na w-wala ka na talaga... W-wala na kasing m-mas sasakit sa paraan ng paglisan mo... M-mas madali sigurong tanggapin na w-wala ka n-na kung h-hindi sa ganoong paraan..."
Hindi ko mapigilan 'yung luha ko habang pinapakinggan ang Mommy nila na nagsasalita sa harapan, malapit sa puntod niya.
Limang magkakasunod na taon na rin akong pabalik-balik dito. At magkaparehong mga salita lang mula sa Mommy nila 'yung naririnig namin ng paulit-ulit pero hindi ko pa rin maiwasang maiyak. Ramdam na ramdam ko 'yung bawat salitang naririnig ko na para bang nananariwa sa alaala ko 'yung mga nangyari limang taon na ang nakakalipas.
Kung sana lamang ay nalaman ko ng mas maaga, hindi sana humantong sa ganoon ang lahat...
"Tissue..." Narinig kong sabi niya sabay abot sa akin ng hawak niya. Walang pagdadalawang-isip naman na tinanggap ko 'yung iniabot ni Kevin.
"Pasensya ka na. Kung bakit kasi taon-taon na lang ganiyan si Tita. Hindi ko tuloy maiwasang ma-carried away," pakunwa'y tumawa pa ako para mapagtakpan 'yung pagiging emosyonal ko.
"Okay lang. Totoo naman kasi 'yun, every year, masakit pa rin kapag naaalala ko..." may lungkot at sakit na namang gumuhit sa mga mata niya. Napaiyak na naman tuloy ako. Sabi ko pa naman sa sarili ko na hindi ako iiyak ulit, pero pasaway talaga 'tong mga mata ko eh.
Napalingon naman kami nang biglang may tumikhim mula sa likuran namin. Iniharang niya 'yung kamay niya sa pagitan namin ni Kevin sabay hawak sa balikat ko. Wala tuloy akong nagawa nang tuluyan niya akong mailayo kay Kevin nang hapitin niya ako palapit sa kaniya.
"Ano, magsisimula ka na naman." Pinandilatan ko siya ng mata. Para kasing tumatandang paurong. Akala naman niya talagang aagawin ko si Kevin sa kung sino man.
"Ano? Hindi ba sabi ko sa'yo huwag mong kakausapin si Kevin ng kayo lang dalawa? Napapasama ka eh..."
5 years ago; September 26, 2015
Naiinis na umalis ako sa bahay nila Ali. Gusto ko mang pagsisihan ang mga nasabi ko kanina ay hindi ko na tinangka. Alam ko namang nasasaktan rin siya habang sinasabi ko ang mga 'yun pero masisisi ko ba 'yung nararamdaman ko? Kung may parte sa akin na gusto ko lang namang ma-secured sa nararamdaman niya para sa akin. Alam ko naman na mahal niya ako, pero ganoon ba talaga kahirap sabihin iyon sa akin?
Tapos kanina habang pilit kong kinukumbinsi 'yung sarili ko na intindihin na naman 'yung mga kadramahan niya ay bigla namang i-entertain niya si Kevin? Putcha! Kung alam lang niya kung paano ako nagseselos tuwing nagkakausap sila. Alam kong mali pero anong magagawa ko? May bahagi pa rin sa akin na naaasiwa sa tuwing masaya si Ali na nakakausap siya. Parang bumabalik sa akin lahat nung pambabalewala sa akin ni Alisha noon sa tuwing nakaka-text o nakakausap niya si Kevin. Idagdag pang mas nauna niyang napatawad ito.
Tapos bakit biglang dumating sina Keighla at Jhela nang hindi naman sinasabi sa akin ni Ali? Ito ba 'yung sinasabi niya na gagawin niya at para lang sa mga girl's thingy nila? Akala ko ba maglalaan kami ng oras sa isa't isa kaya nga nag-leave pa ako kahapon para lang doon. Kaso hindi naman ako informed na may ibang pagkakaabalahan pa pala siya. Mas pinansin pa nga niya sina Keighla kanina kumpara sa akin. At mukhang papunta rin sina Kevin, for Pete's sake! Nadadagdagan lang talaga 'yung rason para maisip kong wala lang talaga ako sa kaniya.
Hindi ba kasi pwedeng kahit minsan lang ay kaming dalawa muna? 'Yung hindi na kakailanganin pa ng presensiya ng ibang tao. Para naman mas makapaglaan kami ng oras sa isa't isa. Kung anuman ang pakay nila ay wala na rin akong balak na alamin pa. Tutal parang wala lang din naman sa kanila 'yung kagustuhan ko na makapaglaan muna kami ni Ali ng oras para sa isa't isa.
Pinasibad ko na nga ang sasakyan at pilit binabalewala 'yung itsura ni Ali kanina bago ako umalis sa bahay nila.
"Damn! Ano ba 'tong nagawa ko?" kausap ko sa sarili ko. Tinatamaan na ako ng konsensya at nababahala na ako sa naging dating ng mga sinabi ko sa kaniya. Napapikit ako at nakita ko na naman 'yung itsura niya na umiiyak.
"Putcha ka talaga, Steve! Nangako kang hindi mo na siya papaiyakin dahil sa sakit! Shit, ano bang nasabi ko? I need to go back!" imbes na dumire-diretso na ay nag-U-Turn na nga ako. Nasa bente minutos na rin ang nakakalipas mula nang umalis ako sa bahay nila.
Habang lumilipas ang mga segundo ay mas nai-imagine ko 'yung pag-iyak niya. Hindi ko kaya na masaktan siya dahil sa kagaguhan ko.
Mas binilisan ko pa ang pagpapaandar ng sasakyan at bigla akong napapreno nang ma-realize kong may makakasalubong akong SUV mula sa kabilang linya. Sa tingin ko ay nawalan ng preno ang naturang sasakyan kaya gegewang gewang na umaandar at nang ma-realize kong sasalubungin nito ang sasakyan ko ay agad ko iyong inilihis upang iwasan. Ngunit huli na, sumalpok na nga ang sasakyan at ramdam na ramdam ko ang impact na nilikha ng pagkakabangga nito sa sinasakyan ko.
Agad nandilim ang paningin ko at bago pa tuluyang mawala ang ulirat ko ay rinig na rinig ko pa ang komosyon ng mga taong hindi ko alam kung saan nanggaling. Sumasakit ang ulo ko at kahit pilitin ko ang sarili kong buksan ang mga mata ko upang alamin kung anong nangyayari sa paligid ko ay hindi ko magawa.
Sa halip ay iisang tao lang ang nakita ko, nag-aalalang mukha iyon ni Alisha. She's still crying. Tila nagmamakaawa siya at kinukumbinsi ako sa isang bagay na huwag kong hayaang mangyari. Hindi malinaw sa akin 'yung mga sinasabi niya ngunit ramdam na ramdam ko ang kagustuhan niyang huwag mangyari ang isang bagay na hindi ko maintindihan kung bakit tila ikinakatakot niya.
Muli na naman akong nakaramdam ng matinding kirot mula sa ulo ko, gustuhin ko mang sumigaw ay hindi ko magawa. Sa halip ay tuluyan na nga akong nawalan ng malay habang unti-unting minamasdan ang itsura niya. Pinilit kong ngumiti at bago tuluyang mawalan ng ulirat ay batid kong nasabi ko pa sa babaeng nakikita ko sa aking balintataw na sobrang mahal ko siya...
"Steve..." boses iyon ng isang pamilyar na tao. Hindi nagtagal ay napadilat naman ako at ganoon na lang ang indang naramdaman ko nang maramdaman kong kumikirot ang bahagi ng ulo ko. Sinikap kong ilibot ang paningin ko sa paligid at pulos puting pader lamang ang nasasaksihan ko, liban sa maliit na lamesa, sofa, at TV set na nandito sa loob ng maliit na kwartong ito.
"N-nasaan ako? A-anong nangyari?" mayamaya'y sabi ko. Agad naman akong dinaluhan ng taong tumawag sa pangalan ko kanina.
"Steve, anong nararamdaman mo? Okay ka lang ba?" may pag-aalalang tanong sa akin ni Keighla. Bago sagutin ang tanong niya ay pinilit ko munang iupo ang sarili ko mula sa pagkakahiga sa kama.
Napatango ako bagama't ramdam kong pinanghihinaan pa rin ako ng katawan. "Anong mayroon?" mayamaya'y tanong ko. Napapikit ako at sinikap kong alalahanin ang mga nangyari bago ako mawalan ng malay.
Nanariwa sa alaala ko 'yung nasa loob ako ng sasakyan, bumabyahe na pabalik sa bahay nila Ali, tapos may sasakyang sasalubong sa akin kaya napilitan akong iliko 'yung sasakyang minamaneho ko. Malinaw rin sa alaala ko 'yung lakas ng impact nang mabangga ang likod na bahagi ng kotse ko.
"Woah..." sambit ko nang ma-realize na nabigyan pa rin ako ng pagkakataong mabuhay.
"Nakausap ko 'yung pulis na nag-imbestiga sa nangyari kanina. Mabuti na lang daw talaga at nailiko mo kaagad ang sasakyan dahil kung hindi ay baka napuruhan ka rin katulad ng driver nung SUV na nasalubong mo..." panimula naman sa pagkukwento ni Keighla. Nabanggit pa niyang sobra raw ang pag-aalala nila ni Ali kanina nang makatanggap siya ng tawag mula kay Kevin. Nalaman kong tumulong pala sila na madala kami sa ospital dahil nagkataong on the way rin sila sa bahay nila Ali. Halos dalawang oras raw akong nawalan ng malay bago magising. Isang malaking himala talaga at hindi ganoon kalala ang tinamo ko.
"Nasaan si Ali?" may pag-aalalang tanong ko sa kaniya nang mabanggit niyang kasama niya si Ali na pumunta rito sa ospital. Mas lalo akong nasabik na makita siya at puntahan, isipin ko pa lang na umiiyak siya dahil sa nangyari sa akin ay bumibigat na ang pakiramdam ko.
"Nagpaiwan siya sa waiting area kanina, akala ko nga ay susunod din kaso wala pa rin eh. Hindi ko naman kasi mapilit na pumunta dito kasi halatang shock na shock siya," paliwanag naman ni Keighla.
Pinilit kong bumangon at kahit nakakaramdam pa ng panghihina'y sinikap kong makatayo.
"Uy, anong ginagawa mo?" may pag-aalalang tanong sa akin ni Keighla.
"P-puntahan natin siya," sabi ko at bahagyang napainda na naman sa sakit ng ulo. Pero wala na akong pakialam, isa lang ang gusto kong mangyari ngayon. Iyon ay ang makita si Ali para sabihin na ring wala siyang dapat ipag-alala kasi maayos ako.
Kahit napipilitan ay napapayag ko na rin si Keighla. Inalalayan niya nga ako at lumabas na rin kami sa kwarto habang tangan 'yung swero na nakakabit sa akin.
Nang makarating kami sa waiting area ay hindi namin siya naabutan. Kaya tinawagan namin si Althea at nalamang nasa operating room sila. Nakabantay sila roon upang kumustahin 'yung lagay nung driver na sakay ng sasakyan na bumangga sa akin. Agad itong isinugod sa operating room dahil na rin sa malalang tinamo nito. Mabuti na nga lang daw at may pulso pa ito kaya umaasa kami na sana ay maging successful iyon.
Naglakad na nga kami pagawi roon ngunit bago pa man kami tuluyang makalapit ay ganoon na lang ang panlulumong naramdaman ko nang marinig namin 'yung sinabi ng doctor. Hindi na pala kinaya ng driver 'yung malalang tinamo nito. Lalapit na sana kami ngunit bigla akong natigilan ng makita kong magkasamang dumating sina Kevin at Alisha.
"Steve, okay ka lang?" tanong sa akin ni Keighla nang mapansing natigilan ako.
"Y-yes, dito muna tayo," sagot ko sa kaniya at bahagyang umatras upang makapagkubli sa board na bahagyang nagiging dahilan upang hindi pa nila makita ang presensiya namin.
Tila naman nagsikip ang dibdib ko nang marinig ko ang paghi-hysterical ni Ali. Gustong-gusto ko na siyang sugurin ng yakap dahil malinaw sa aking nagkakamali siya ng inaakala. Sa paraan kasi ng pag-iyak niya at paglapit sa doctor ay para siyang nawalan ng minamahal sa buhay. Hahakbang na sana ako palapit pero sa pagkakataong ito ay bigla naman akong hinawakan ni Keighla na para bang pinipigilan ako.
"Bakit?" may pagtatakang tanong ko.
"Saglit lang. Tignan muna natin siya," suhestiyon niya dahilan para mas mawirduhan ako sa kaniya. Sabagay, matagal na nga namang wirdo ang isang 'to. "Look, Steve. Feeling ko akala ni Ali ikaw 'yung namatay. Tignan mo oh, sa inaakto niya halatang mahal na mahal ka niya," mayamaya'y sabi niya. Napamasid naman akong muli sa labas ng operating room at aaminin kong tama nga ang sinabi ni Keighla. Hindi ko pwedeng itanggi na mahal na mahal ni Ali 'yung taong inaakala niyang wala na. At ang taong iyon ay walang iba kung hindi ako.
"Steve! Hala tara na, nababaliw na siya. Sumugod sa loob!" nagpa-panic na sabi ni Keighla at walang pasabi na hinatak ako.
Nang nasa pintuan na kami ng operating room ay ganoon na lang ang paninigas ng katawan ko nang makita si Ali na nakayakap sa isang taong natatakpan ng isang puting tela. Iyak siya ng iyak. Hindi maikakailang nasasaktan siya. At mas lalo akong hindi nakagalaw sa kinatatayuan ko nang marinig ko siyang nagsalita.
"Steve... Mahal kita..." rinig kong sabi niya. Malinaw na malinaw iyon na rumirehistro sa pandinig ko. Tila napawi 'yung iniinda kong sakit sa ulo ko. Parang bigla akong nililipad sa alapaap at kung panaginip man ito'y mukhang hindi ko na nanaisin pang magising pa.
Tama ba 'yung sinabi niya?
Mahal niya ako?
Sa wakas ay nasabi na rin niya?
Na mahal niya ako?
Bahagya naman akong natauhan nang maramdaman kong kinurot ako sa tagiliran ng taong katabi ko.
"Yieee. Lapitan mo na dali, gustong-gusto ko nang tumili sa kilig pero hindi na kita aagawan ng eksena. Dali na! Medyo creepy nang tignan na sinasabi niya 'yun sa bangkay ng taong hindi naman natin kilala," ani Keighla. Napapailing na lumapit naman ako. Dahan-dahan akong naglakad sa gawi ni Ali at pilit kong kinukubli 'yung ngiting gustong sumilay sa mukha ko. Gustuhin ko mang lubusang maging masaya ay hindi ko magawa. Dahil batid kong may isang tao na binawian ng buhay sa kwartong ito.
Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya at tila hindi pa rin niya napapansin ang presensiya ko. Bahagya akong umupo at tumapat ako sa tainga niya. Nang masiguro kong sapat na ang distansiya naming dalawa ay saka ako nagsalita.
"I love you more, Ali..." buong pusong sabi ko sa kaniya. Ngunit ganoon na lang ang gulat ko sa mga sumunod na pangyayari.
Mas lalong sumugod si Ali sa bangkay na nasa harapan namin at parang baliw na kinausap ito.
"S-steve! Ikaw b-ba 'yun? T-tama 'yung narinig ko 'd-di ba? S-sabi na nga ba eh," nauutal-utal na sabi niya habang nakatuon pa rin ang pansin sa nakahigang tao. Narinig kong tumawa pa siya na para bang kinukumbinsi 'yung sarili na malaking joke lang ang lahat. "B-buhay ka 'di ba?" aniya at walang pagdadalawang-isip na hinawi ang kumot na tumatakip sa mukha ng taong nakahiga. Napapikit na lang ako at ganoon na lang kalakas ang sigaw na bumalot sa kabuuan ng silid nang tuluyang tumambad ang itsura ng taong nakahiga.
"Wahhhh!" sigaw ni Ali at akmang tatakbo palayo. Ngunit bago mangyari 'yun ay nabangga siya sa harap ko. Agad ko naman siyang niyakap at pilit pinapakalma.
"Ali, ano ba?" kausap ko sa kaniya habang tila hindi pa rin siya makapaniwala sa nasaksihan niya. Mayamaya'y umangat ang tingin niya sa akin at hindi ko maiwasang maaliw sa ekspresyon ng mukha niya. Parang hindi siya makapaniwala na nasa harap niya ako ngayon at buhay na buhay.
"Steve! Buhay ka!" tila nabunutan ng tinik na sabi niya at muli akong niyakap. Mas mahigpit sa pagkakataong ito. "A-akala k-ko iniwan mo na talaga ako..." aniya sa pagitan ng paghikbi. Nanatili lang kaming magkayakap at tila natauhan lamang nung marinig namin ang pagtikhim ng isang bubwit na kasama namin. Oo nga pala, nasabi ko na bang si Keighla ay isang bubwit na parang sinapian ng kung anong elemento kaya sobrang energetic? Petite siya at hindi ganoong pinagpala sa height pero bumawi naman sa dami ng nalalaman.
"Ah... Medyo creepy na kasi... T-tara na sa labas, kinikilabutan na a-ako sa i-itsura niya," tila natatakot na sabi naman ni Keighla. Halos magkapanabay naman kaming napalingon ni Ali sa tinutukoy nito. At totoo nga, creepy ang nakikita namin. Hindi ko na ie-explain pa. Normal naman sigurong ganoon ang itsura ng taong napuruhan sa car accident.I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (73)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
oiii
04/07
0apaka Ganda
10/11/2025
0salamat sa follow
25/10/2025
0Tingnan Lahat