Chapter 56

Alas-onse na ng gabi nung makarating kami sa bahay. Nagulat pa nga sina Mommy na dumating kami, hindi na kasi nila kami inasahan pa dahil nga masyado ng gabi, balak ko pa nga sanang bilhan si Daddy ng cake kaso hindi na rin kami nakabili. Mula kasi nung bumyahe kami after bumili ni Steve kanina sa gasoline station ay hindi niya na rin ako pinansin. Kung hindi pa nga kami nakarating sa tapat ng bahay namin ay baka mas lalong napanis siguro 'yung laway namin.
Alam ko namang ang petty lang ng reason kung bakit nasa ganito ang drama namin. Habang tumatagal na gusto naming kilalanin pa ang isa't isa ay unti-unti ring makikita 'yung mga bagay na hindi naman napapansin noon. Kahit paano ay pinipilit ko pa ring masanay at matutunan kung paano ba i-deal 'yung ganito, kahit petty. Kasi feeling ko naman once I learned the exact routine of this, mas makakapag-compromise kami.
Ganoon naman yata talaga, hindi lang naman feelings ang puhunan once we enter another level of relationship, we also commit to the person we chose. And as we commit, we need to learn how to compromise and communicate. Siguro 'yung dalawang ito ang nakikita kong kailangan ko pang gamayin pagdating sa aming dalawa. Hindi pa rin kasi namin maiwasan ang namisinterpret ang ginagawa ng isa't isa.
Ito rin siguro 'yung struggle ng ibang partner na super close noon bilang magkaibigan tapos biglang nag-decide na tawirin 'yung friendship. Once pala pumasok na ang romantic aspects sa pagitan ng dalawang tao ay biglang may pagbabago na kailangan mong mag-adjust. Akala ko noon sapat ng magkakilala kami, na alam na namin ang trip ng isa't isa pero hindi pala. Mas marami pa pala kaming matututunan at madi-discover pa.
"Ali, asikasuhin mo na si Steve." Ganoon na nga ang ginawa ko, sinamahan ko siya papunta sa guest room para makapagpahinga na rin.
Gustuhin man naming magkwentuhan pa ay naaawa na ako kay Steve, halata kasi sa kaniya kanina pa na pagod din siya. Nakokonsensya tuloy ako na nag-inarte pa ako.
Bago pumasok sa guest room ay sinubukan ko ulit siyang kausapin.
"Steve."
"Hmm?"
"Sorry talaga kanina, ah. Nainis lang talaga ako pero okay na ako."
Tumango lamang siya at humalik sa noo ko bago tuluyang pumasok sa kwarto. Napabuntong-hininga na lang ako. Pakiramdam ko kasi hindi pa rin kami okay. Ang casual niya kasi kanina pa kahit nung nagkukumustahan na kami nina Daddy. Magalang pa rin naman siya sa parents ko kanina pero ramdam kong may mali pa rin. Magso-sorry na lang siguro ulit ako bukas.
Pagkapasok sa kwarto ay hindi rin ako kaagad nakatulog. May kulang pa kasi sa ginagawa ko kanina at hindi ko naman maituloy-tuloy sa sasakyan kasi sumasakit na 'yung mata ko. Nang makuntento na sa kinalabasan ay saka naman ako tumawag kina Keighla.
"Girl, ano kumusta si loverboy?" ani Keighla. Narinig ko naman ang mumunting tawa ng ibang kasama namin. Naka-conference call kami.
"Ali, excited na talaga ako! Hindi ka na ba mapipigilan?" boses naman iyon ni Althea. Hindi maikakaila 'yung kilig sa kaniya.
Napangiti tuloy ako at napalis 'yung pangamba at inis na nararamdaman ko kanina. "Yes," matamis ang ngiting sabi ko.
Nailayo ko naman bigla 'yung cellphone sa tainga ko nang marinig ko 'yung nakakabinging tili.
"Hoy ano ba! Sakit sa eardrums, sino ba yun?!"
"Ay, sorry guys."
"Julie?! Ikaw 'yun?" hindi makapaniwalang sabi ko. Kailan pa natutong tumili ang isang 'to? Nako kaunti na lang talaga ipapa-background check ko na mga kaibigan ko. Mukhang marami pa akong hindi nalalaman sa kanila.
"Ere naman, akala mo'y naging magandang bakla kung makatili," asar naman ni Keighla.
Patuloy lang silang nag-asaran at tawa lang din kami nang tawa.
"Enough guys."
"Oh, Jules. Nandiyan ka pala," ani Keighla. Napakabruha talaga!
"Hindi ah. Wala ako dito, naguguluhan ka lang."
"Babe naman!" singit ni Jhela.
"Okay guys. Back to our main agenda, ano na bang update?" tanong naman ni Kevin.
Halos dalawang oras na rin kaming nag-uusap. Bukod kasi sa marami kaming ni-settle na detalye about sa plano namin bukas ay may mga pasingit na asaran pa.
"Hay nako! Akala ko hindi na matatapos eh. Basta ha? Bukas asahan ko kayo," sabi ko at nag-inat-inat pa.
"Go, girl! Basta support ka namin."
"Pero syempre make sure na okay na talaga kayo ni Steve para naman kahit paano ay hindi topakin ang isang iyon. Baka mamaya magpaka-kj pa," paalala naman ni Althea.
"Wait guys."
"Ano na naman? Siguraduhin mo lang na matutuwa kami ah. Kasi kung hindi sisiraan ka talaga namin sa my loves mo," banta naman ni Julie dito.
Tumikhim naman si Kevin bago magsalita, "ehem. Nandito po kaya ako."
Napangiti naman ako pagkarinig nun. Edi lumabas din ang totoo, feel na feel nga nito ang kakirehan ng kaibigan ko.
"Huwag ka na munang makipag-ayos sa kaniya, Ali."
Halos sabay-sabay naman kaming nag-violent reaction sa sinabing 'yun ni Keighla.
"Bakit?"
"Wala lang, para mas iba 'yung impact."
"Ha?"
"Duh, parang hindi naman 'to gumagawa ng script oh. Basta! Magpakeme ka lang, kunwari galit-galitan ang peg mo tapos kapag dalang-dala na kayo sa eksena saka kami eentrada para sa surprise. Basta siguraduhin mo lang na doon kayo gagawi sa kung saan kami magse-set up. Para wagi!" tila proud pang sabi ni Keighla.
"Whoa! Sa lahat ng sinabi mo, ayan ang pinakamatino!" sabi naman ni Julie na hindi maitatago ang pagkabilib.
Bakit nga ba hindi ko naisip 'yun? Mabuti na lang talaga at humingi ako ng tulong sa kanila. Saka syempre gusto ko rin naman na masaksihan nila 'yung espesyal na sorpresa ko na 'yun. Afterall, Steve deserves it. Kaya tama lang na makasama rin namin 'yung mahahalagang tao sa buhay namin.
"Lalakad na talaga kita kay Kevin," sabi naman ni Althea kalaunan.
"Runner ako. Baka hindi mo maabutan," biro naman ni Kevin. Para naman kasing ewan 'tong mga 'to. Mag-usap daw ba na naririnig nung pinag-uusapan nila?
"Ay bongga ka, my loves! Hindi mo naman sinabing paspasan pala ang drama. Sige na, sinasagot na kita!" umiral na naman ang kakirehan ni Keighla. Hindi tuloy namin maiwasang matawa na naman.
"Tama na nga! Eeksena ka pa riyan, unahin muna natin 'yung bukas. Magpakipot ka naman kahit kaunti, Keighla," sabad naman ni Jhela.
Mga halos sampong minuto pa ang lumipas bago tuluyang matapos 'yung usapan namin. Agad na akong humiga sa kama ko at nakangiting tumingin sa kisame. Nae-excite na talaga ako!
I love you, Steve! Hindi na ako makapag-antay na sa wakas ay masasabi ko na rin ng personal ang mga salitang ito.
Malapad ang mga ngiti kong nag-inat-inat pagkagising. Ang gaan-gaan talaga ng pakiramdam ko at hindi na ako magtataka kung bigla na lang akong iduduyan sa alapaa. Mas na-excite pa ako nang makita ko 'yung finished product ng isang maliit na scrap book na ilang araw ko ring pinagkaabalahan. Laman niyon 'yung iba't ibang pictures namin ni Steve tapos sa kabilang side ay 'yung kwento ng bawat litrato. Mayroon ding mga random cheesy lines at tula na nakalagay sa bawat pahina. Mabuti nga ay hindi ko gaanong natuon doon 'yung pansin ko kagabi habang nasa byahe kami kasi kung hindi baka hindi pa maging kaaya-aya ang kinalabasan nito. At aaminin kong ang tanga ko sa part na 'yun. Kung naisip ko lang 'yun sana ay hindi na ako nag-inarte pang lumipat ng mauupuan. Pero okay na rin, akma na rin naman ito para sa sudden idea ni Keighla. Napangiti na naman tuloy ako habang ini-imagine 'yung pwedeng mangyar.
Pagkalabas ko ng kwarto ay sakto namang kalalabas lang din ni Steve ng guest room. Binati niya ako pero imbes na batiin siya pabalik ay simpleng ngiti lang ang ginawa ko tapos nilagpasan siya.
Bahala na talaga mamaya! Medyo kinabahan naman ako kasi nakita kong napakunot-noo siya. Nako, ang aga-aga ko namang na-badtrip ang isang 'to.
"Ali, jogging tayo," aya sa akin ni Steve. Ibinaba ko 'yung basong hawak ko sa lamesa bago siya pagtuunan ng pansin. Hindi ko namalayang nakalapit na siya sa akin. Dirediretso na kasi ako kaninang lumakad papuntang kusina dahil kung nag-stay pa ako sa tapat niya ay baka kainin na naman ako ng konsensya at mapaamo niya.
"May gagawin ako eh," tanggi ko sa kaniya. Gustuhin ko man 'yung idea na mag-jogging ay hindi pwede. Hindi ko tuloy malaman kung paano ko mapapanindigan 'to? Pakiramdam ko tuloy sobrang bagal ng takbo ng oras, gusto ko na lang talagang makapunta na sila dito para kahit paano ay ma-distract ako. Mas madali kasing iwasan si Steve sa idea na pwede kong kausapin sina Keighla.
"Anong gagawin mo? Samahan na kita," kahit halata na ang kaunting iritasyon sa itsura niya ay pinilit pa rin niyang pasiglahin ang boses. Halatang hindi na rin niya kinakaya 'yung gap na humaharang sa amin.
"Pang-babae lang na usapan eh," ayun na lang ang nasabi ko sabay alis. Wala talaga akong maisip na palusot at hindi ako expert sa ganito.
Nagpasya akong magkulong na lang muna pansamantala sa kwarto ko para makaiwas sa kaniya. Kahit paano, alam kong safe ako dito. Alam ko naman kasing hindi tatangkain ni Steve na pumunta rito, takot na lang niya sa parents ko.
Mayamaya ay narinig kong may kumakatok . Hindi ko naman kaagad binuksan iyon at sa halip ay nakiramdaman 'ko muna kung sino 'yun.
"Anak..." tawag ni Mommy at muling kumatok. Dali-dali kong binuksan ang pinto at pinapasok siya.
"Mi, okay na?"
"Yes, 'nak. Sinamahan na muna ng Daddy mo."
"Hay, mabuti naman po. Nahihirapan na akong magpanggap dito," sabi ko naman at kahit paano ay napanatag ako.
"Ano ba naman kasing drama 'to anak? Naaawa na ako dun kay Steve eh. Kanina pa hindi mapakali, halatang hindi sanay na hindi kayo nagkikibuan."
"Ako rin naman, Mi. Pero promise, ngayon lang po ito."
"Oh siya, sisilip lang muna ako sa storage room. Baka may makita pa ako roon na pwedeng mapakinabangan mamaya."
"Sige po, Mi. Maraming salamat po," nangingilid na ang mga luhang sabi ko sa kaniya. Wala lang, nao-overwhelm lang kasi ako.
"Sus, ikaw pa. Kaya mo 'yan! Nasa iyo ang suporta namin ng Daddy mo, fighting!" pahabol ni Mommy at parang ginaya pa 'yung mga Korean sa kung paano 'yung gesture nila tuwing sasabihin ang 'aja!', napailing na lang tuloy ako sa nanay ko.
Pinuntahan ulit ako ni Mommy para tawagin. Hindi ko namalayang lunch na pala at bigla tuloy akong nakaramdam ng gutom. Gusto ko tuloy i-congrats ang sarili ko. Napagtagumpayan kong iwasan si Steve, mabuti na lang talaga at hindi naman siya nagtangkang istorbohin ako dito. Sumipat ako sa wall clock at halos dalawang oras pa pala bago makarating sina Keighla dito. Kaunting oras na lang naman.
Tahimik lang akong naupo sa tabi ni Steve at panay naman ang tanong niya sa akin. Halatang gustong-gusto niya akong makausap pero tipid lang lagi 'yung sagot ko sa kaniya. Mabuti na lang talaga at na-orient ko sina Mommy at Daddy kanina kaya kahit paano ay hindi naman sila nawiwirduhan sa inaakto ko.
"Ali, sagutin mo muna 'yang tumatawag sa'yo," utos sa akin ni Daddy dahilan para iharap ko 'yung screen ng cellphone ko. Nakataob kasi 'yun, mahirap na at baka makita pa ni Steve. Kaso hindi pa rin pala nakaligtas sa kaniya kasi kitang-kita ko ngayon ang hindi maipintang itsura niya lalo pa nang mabasa niyang si Kevin ang tumatawag sa akin. Kinabahan naman ako ng very light, habang lumilipas kasi ang mga araw ay ramdam ko naman sa mga reaction ni Steve na may part sa kaniyang nagseselos kay Kevin. Kahit naman close na sila ay napapansin ko pa ring tila inilalayo niya ako sa presensiya nito, naiisip ko na lang nga na baka dala pa rin iyon noong nangyari dati. Aware naman kasi ako kahit paano na pinagselosohan ito ni Steve.
Nagdadalawang-isip tuloy akong sagutin 'yung tawag. Patuloy ko lang pinakiramdaman si Steve at tinignan ko siya na parang humihingi ng permiso mula sa kaniya.
"Answer it," may awtoridad na sabi ni Steve. Walang emosyon na mababakas doon kaya mas lalo akong kinabahan.
Kahit nagdadalawang-isip ay sinagot ko na rin ang tawag. Bahala na nga!
"Excuse me," paalam ko sa kanila at gumawi muna ako saglit sa sala.
Pagbalik ko sa kitchen ay si Steve na lang ang nadatnan ko roon.
"Ubusin mo na 'yang pagkain mo para makapaghugas na ng plato," sabi niya pagkaupo ko.
Ganoon na nga ang ginawa ko pero hindi ako makapag-concentrate kasi maya't maya naman akong gumagamit ng cellphone ko. Pasimple ko pang iniiwas sa kaniya kasi baka mabasa niya, ang epal naman kasi nitong si Keighla. Ang daming tanong.
"Could you please focus on your food first? Talaga bang kating-kati kang reply-an 'yang Kevin mo?" tila napipika nang sabi ni Steve. Napataas naman ang kilay ko nang ma-realize ko 'yung huling sinabi niya. Ano raw? Kevin ko? Tsk.
Sa halip na isusubo ko na lang 'yung pagkain na nasa kutsara ko ay ibinaba ko na lang ito. Biglang nag-init 'yung ulo ko. Para kasing sa tono ng sinasabi niya ay inaakusahan niya akong nakikipagmabutihan kay Kevin. My goodness! Matutuluyan pa yata ang pagkaasar ko sa kaniya.
Ali, kalma. Part lang 'to ng plano, okay? Isipin mo na lang na umaayon lang sa plano ang lahat. Pilit kong pagpapakalma sa sarili ko. Humugot na lang ako ng malalim na buntong-hininga.
Kalaunan ay napatingin na naman ako sa kaniya. Bigla kasi siyang tumayo tapos inayos na 'yung mga platong nasa mesa. Ano bang problema nito? Kitang hindi pa ako tapos kumain. Magpoprotesta na sana ako kaso hindi ko na nagawa kasi bigla na siyang tumalikod at naglakad papuntang lababo.
Naiinis na inilapag ko naman ang hawak kong kutsara at tinidor. Bigla akong nawalan ng gana. Ang sarap pa naman sana nitong niluto ni Mommy kaso hindi ko na maatim na ubusin pa dahil sa attitude ni Steve. Nakakairita talaga!
Inis na inilapag ko 'yung pinagkainan ko sa mga platong nasabunan na niya. Nagkalat tuloy roon 'yung mga pagkaing laman ng platong nilapag ko.
"Ali, ano 'to?!" medyo mataas na ang boses na baling niya sa akin. Halatang aburido na rin siya kaya hindi na napigil pa ang sariling magtaas ng boses.
"Edi plato!" pilosopong sagot ko. Hindi ako papatalo kaya tinapatan ko rin 'yung taas ng boses niya.
"Huwag kang pilosopo! Alam kong plato, pero ano 'yan? Ganyan ka na ba talaga kaisip bata ha? Hindi mo na nga inubos ang pagkain mo tapos dito mo pa talaga ilalapag?" galit pa ring sabi niya.
"Ako pa ngayon 'yung isip bata?"  naiinis na tanong ko sa kaniya.
"Bakit, hindi ba? Tingin mo ba gawain ng isang matured na tao 'yan? Kahapon pa ako naiinis sa'yo ah."
"Edi lumabas din 'yung totoo!" naaasar na sabi ko sabay hampas sa balikat niya. Hindi naman sadyang nalaglag 'yung basong hawak pala niya kaya nabasag iyon.
"Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa'yo!" frustrated na sabi ni Steve saka kumuha ng walis at dustpan. Nilinis nga niya 'yung mga bubog ng nabasag na baso. Hindi naman sadyang napaapak ako roon dahilan para mabubog ako.
"Ali, dumudugo 'yung paa mo!"
Dinaluhan niya ako at inalalayang makaupo. Dali-dali niyang kinuha 'yung first aide kit na nakalagay sa kitchen cabinet at sinimulan na ngang linisin 'yung sugat ko.
"Aray!" impit na sigaw ko habang dinadampian niya ng bulak na may alcohol 'yung sugat ko. Pero imbes na tumigil ay nagpatuloy lang siya. "Tama na, please. Masakit!" naiiyak nang sabi ko. Ito 'yung isa sa pinakaayaw ko kapag nasusugatan, 'yung katotohanan na nilalagyan ng alcohol. Alam kong para sa iba ay parang kagat lang 'yun ng langgam pero para sa akin, napakasakit na nun.
"Huwag ka ngang malikot, kahit kailan napakahina mo talaga."
Muli na namang nabuhay 'yung inis ko nang marinig iyon mula sa kaniya. Alam ko namang real talk lang 'yun pero kailangan ba talagang ipagduldulan niya 'yun? Alam naman niyang ayaw ko sa alcohol at normal lang na ganito maging reaction ko pero dapat bang ipangalandakan niya pa 'yun? Nakaka-offend na ah. Sa inis ko ay mas lalo kong inilikot 'yung paa ko. Hindi ko naman sinasadyang nasipa ko na pala 'yung mukha niya.
Masama ang tinging ibinaling niya sa akin. "Hindi ko alam bakit pinagtitiisan pa kita. Nakakasakit ka na, Ali. Hindi na nakakatuwa," tila may mas malalim pang pakahulugan na sabi niya. Hindi naman nakaligtas sa akin 'yung kakaibang sakit na gumuhit sa mga mata niya. Alam kong hindi iyon dahil sa iniinda niyang sakit sa pagkakasipa ko. Ramdam kong may mas malalim pang pakahulugan 'yun. At mas nakompirma ko 'yung hinala ko nang pasimple niyang punasan ang luhang naglandas sa mga mata niya.
Kahit may iniinda ay ipinagpatuloy pa rin niya 'yung paglilinis ng sugat sa paa ko. Abalang-abala siya na akala mo naman napakalaki talaga ng sugat na natamo ko.
"Hindi naman ganoon kalalim 'yung sugat. Makakalakad ka na rin naman mayamaya," malumanay na sabi niya. Tila kalmado na siya pero hindi pa rin maikakaila ang pananamlay niya. Hindi ko tuloy malaman kung ano na namang tumatakbo sa isip niya. Naguguluhan na ako.
"Steve, sorry..."
"Okay lang, sanay naman na ako."
"Steve, may hindi ka ba sinasabi sa akin?" kalaunan ay tanong ko. Kanina pa kami dito nakatutok sa palabas na umiere sa TV pero alam ko namang hindi nakatuon doon 'yung pansin namin. Mas lalo lang tuloy bumibigat 'yung pakiramdam ko.
Tatanungin ko sana ulit siya pero bigla namang bumukas 'yung pinto at bumungad doon si Keighla. Para tuloy akong nakahinga ng maluwag pagkakita sa kanila. Kahit paano ay magkakaroon na rin ng iba pang ingay rito. Umalis din kasi sina Mommy kaya no choice na pagtiisan ko 'yung presensiya ni Steve.
"Ali!" masayang bati sa akin ni Keighla at niyakap ako.
"Keighla, ano ba! Hindi ako makahinga," palag ko naman sa kaniya at pilit kumakawala sa yakap niya.
"Sorry, girl! Na-miss lang kita."
"Bruha ka talaga, magkasama lang tayo kahapon!"
"Ay oo nga pala!" aniya na parang natauhan pa, "hi, loverboy! Nandiyan ka pala," mayamaya'y bati naman niya kay Steve. Nakita ko namang kumaway lang si Steve dito at itinuon na naman ang pansin sa TV.
"LQ pa rin?" bulong naman sa akin ni Keighla.
"Oo eh, mukhang matutuluyan pa nga," pabulong din na sagot ko sa kaniya."
"Oh, by the way! Pinapasabi ni my loves na mali-late lang siya ng dating," masiglang sabi niya sa akin. Sabay naman kaming napalingon kay Steve nang pabagsak nitong ilapag ang remote sa center table at tumayo. Naglakad ito papunta sa gawi ng guest room.
"Sundan mo!" ani Keighla at ganoon na nga ang ginawa ko.
"Steve! Ano 'yun?!" dirediretso akong pumasok sa kwarto at nasa likod niya ako.
Humarap siya sa akin bago nagsalita, "Ali, sabihin mo kasi sa akin kung ititigil ko na. Para alam ko kung saan lang ako," tila nagmamakaawa nang sabi niya. Natigilan naman ako nang muli ko na namang makita 'yung sakit na gumuhit sa mga mata niya.
"A-ano ba kasing gusto mong sabihin?" naguguluhang tanong ko.
"Ito, 'yung tayo. Sabihin mo na lang na ayaw mo na hindi 'yung ganito. Nahihirapan na kasi ako," garalgal na ang boses na sabi niya. Napaupo naman siya sa kama at nakayuko lamang doon. Laglag ang balikat niya na para bang gustong sabihin na hirap na hirap na talaga siya. Hindi ko naman matagalan 'yung nakikita ko kaya nanghihinang umupo rin ako sa tabi niya. Kinuha ko ang nakakuyom niyang kamay at masuyong hinawakan iyon. Napapikit naman ako nang marinig ko ang unti-unti niyang paghikbi.
"Steve..."
"Ali, sorry. Alam ko namang hindi ko dapat 'to maramdaman pero hindi ko kasi maiwasan eh. Lalo na nung nakita kong tinawagan ka niya. Alam ko namang wala lang 'yun pero hindi ko lang maiwasang isipin na bakit kailangan mo pa siyang i-entertain gayong nandito naman ako sa tabi mo?"
Napailing naman ako at nagsimula nang malaglag 'yung mga luhang pilit kong nilalabanan. "No, Steve. Nagkakamali ka. Wala ka namang dapat ipagselos kay Kevin kasi ikaw naman talaga..."
"Ako 'yung?"
"Ikaw 'yung... Ang..." hindi ko masabi sa kaniya. Matagal ko nang gustong sabihin sa kaniya 'yun pero hindi pa ito 'yung tamang oras para doon. "Steve, kailangan pa ba talaga? Hindi pa ba sapat na pinaparamdam ko?" sa halip ay sabi ko na lang. Bahala na talaga.
"Yes, Ali. Kasi ako, hinding-hindi ako magdadalawang-isip na sabihin sa'yong mahal kita, alam mo naman 'yun 'di ba?" punong-puno ng pagmamahal ngunit may hinanakit na sabi niya. Napapikit naman ako. Tila nagsisisi sa kadramahan ko. Ngayon lang nagsi-sink-in sa akin na kailangan nga rin pala niyang marinig 'yun. Kailangan nga rin pala niyang ma-assured na siya lang naman talaga. Kailangan nga rin pala niyang maramdaman na buong-buo ang pagmamahal ko para sa kaniya.
"S-sorry, Steve," nagi-guilty na namang sabi ko. Gustong-gusto ko na talagang sabihin sa kaniya pero paano naman 'yung mga pinaghandaan ko? Namin? Nakaabala na ako kaya nasisingitan pa rin ako ng panghihinayang. Pero paano naman si Steve? God, please help me!
Unti-unti ko namang naramdaman 'yung pagkawala ni Steve sa kamay kong nakahawak sa kaniya. Gustuhin ko mang huwag mangyari iyon ay hindi sumapat 'yung lakas ko para pigilan siya. Mayamaya ay naramdaman kong tumayo siya at natauhan lang ako nang maramdaman kong hawak niya ngayon ang magkabilang pisngi ko. Napapikit ako nang maramdaman kong dumampi 'yung labi niya sa noo ko.
"I love you, Ali. Lagi mong tatandaan 'yun, pero sorry kasi nahihirapan na rin ako. Please give me time. Huwag kang mag-alala, hindi naman mawawala 'yung nararamdaman ko. Just please give me time to refresh. Kailangan kong makahinga para maging buo ulit 'yung loob kong ipaglaban ka," aniya at mayamaya pa'y narinig ko na lang ang pagsara ng pinto. Nanatili lang akong nakapikit habang sinasabi niya 'yung mga 'yun. At mas lalo akong napahagulgol nang marinig ko ang paglayo niya.
Bakit ganun? Okay naman kami 'di ba?
Normal lang naman 'yung mga petty reason sa pagkakatampuhan namin 'di ba?
Pero bakit humantong sa ganito?
Ang saya-saya ko pa naman kanina.
Ready na nga 'yung surprise ko para sa pagsagot ko sa kaniya pero bakit ganito 'yung nangyari?
Sana pala hindi na lang ako nag-agree sa idea ni Keighla.
Sana pala kanina pa ako nakipag-ayos sa kaniya.
Sana pala hindi na ako nag-inarte pa.
Edi sana hindi ganito 'yung nangyari sa aming dalawa.
Sana nandito pa siya at masaya kaming dalawa.
Shit! Hindi ko alam, pero ang sakit-sakit.
Halos isang oras na akong nakatulala rito sa loob ng guest room. Pilit ko pa ring kinukumbinsi ang sarili ko na hindi totoo 'yung mga nangyari kanina. Hindi totoong sinukuan ako ni Steve. Hindi totoong umalis siya. Baka bumabawi lang siya sa akin pero ang totoo ay hindi naman talaga siya umalis. Bigla tuloy akong napatayo at patakbong gumawi sa sala. Pero ganoon na lang ang panghihinayang at kawalan ko ng pag-asa nang makita kong wala siya roon. Nanghihinang napaupo ako sa sofa at muli na namang bumuhos ang luha sa mga mata ko.
"Ali, my gosh! Why are you crying?" may pag-aalalang tanong sa akin ni Keighla. Mukhang wala siyang idea sa nangyari. Baka nasa kusina siya kanina kaya hindi niya napansin ang paglabas ni Steve.
Bago ko pa man sagutin ang tanong ni Keighla ay nag-excuse muna siya. Ganoon na lang ang kabang bumalot sa akin nang marinig ko ang pagsigaw niya.
"Ali, si Steve!" nagpa-panic na sigaw ni Keighla. Mas lalo akong kinabahan nang marinig ko ang pangalan ni Steve. At nakadagdag pa 'yung hindi maipintang itsura ni Keighla ngayon.
Nanginginig na napatakbo kami sa labas. Sakto namang dumating na sina Daddy kaya dali-dali kaming sumakay roon nina Keighla at Jhela. Nauna ang dalawa sa bahay namin at magkakasama naman sina Kevin at ang kambal at wala pa sila rito.
"Daddy, sa St. Andrew Hospital please!" naiiyak nang sabi ko. Kaagad na ngang pinaandar ni Daddy 'yung sasakyan at bumyahe na kami papunta roon.
Habang papalapit sa ospital ay mas lalong bumibigat 'yung pakiramdam ko. Mas dumadami 'yung tanong ko sa isip ko. Bakit ganito? Bakit ito 'yung nangyayari ngayong araw? Gusto ko lang naman na maging espesyal 'yung araw na ito pero bakit parang pinagkakaitan kami? Masama ba akong tao para maranasan ang lahat ng ito?
Steve, please wait for us!
"Shh... Calm down, Ali..." patuloy na pang-aalo ni Keighla. Wala naman akong ibang magawa kundi ang umiyak lang ng umiyak. Pilit kong kinukumbinsi ang sarili ko na mali 'yung naiisip ko.
Lalong nanikip ang dibdib ko nang nasa tapat na kami ng ospital. Para akong patay na lumalakad papasok, namamanhid ang katawan ko at tulalang napaupo na lang sa waiting area.
"Ali..." boses iyon ni Keighla. Mahihimigan doon 'yung pagmamakaawa.
"Sige na... Ikaw na lang muna ang pumunta... Parang hindi ko kaya..." nanghihinang sabi ko sa kaniya.
Sinundan ko lang ng tingin ang paglakad niya at unti-unti na namang nanlabo ang paningin ko dahil sa luhang lumalandas sa mga mata ko.
Joke lang po ito 'di ba? Pilit ko pa ring kinukumbinsi 'yung sarili ko na hindi nangyayari ito.
Mayamaya ay nakatanggap naman ako ng text mula kay Kevin. Nag-reply ako sa kaniya at sinabi kong nandito ako sa waiting area. Hindi nagtagal ay nandito na nga siya sa tabi ko.
"A-ali, s-sorry..." basag ang boses na sabi sa ni Kevin. Halatang hindi nito kinaya ang nasaksihan kanina. Nakwento niya sa akin na habang papunta sa amin ay naipit sila sa traffic. At nalaman nilang may nangyari pa lang aksidente sa daan. Ganoon na lang ang panlalamig ng mga ito nang makitang sasakyan ni Steve 'yung tinutukoy ng insidenteng iyon. "A-ali... parang bumalik s-sa akin ang l-lahat..."
"I am sorry, ginawa na namin ang lahat para i-revive siya," narinig kong sabi ng doktor sa labas ng operating room. Kitang-kita ko ang pagpipigil ng luha ni Althea. Napasuntok naman sa pader si Jules.
Saka lang nag-sink in sa akin ang lahat. Bigla akong napasugod sa doktor na kausap nila at niyugyog ko 'yung balikat nito.
"D-doc... Please... Sabihin po ninyo, mali 'yung sinabi ninyo 'd-di ba? B-buhay pa p-po siya 'di ba?" nagmamakaawa nang sabi ko sa doktor. Umaasa ako na sana nga mali 'yung narinig ko. Na sana tama 'yung hinala kong maayos siya, na okay siya, na walang nangyaring masama sa kaniya. Pero sa halip, isang nakikiramay na ekspresyon ang ibinigay nito sa akin.
"I'm sorry, miss. Katulad nga ng sinabi ko, he didn't make it..."
And from that moment, nag-breakdown ulit ako. Agad akong napasugod sa loob ng operating room at mas nanlumo ako nang makita ang katawan ng isang tao na natatakpan ng puting tela.
Napatutop ako sa bibig ko at paluhod na sinugod siya ng yakap.
"S-steve... Bakit naman ganito? Akala ko ba babalik ka? Akala ko ba magpapahinga ka lang pero bakit ganito? Hindi ko pa nga nasasabi sa'yong mahal na mahal na mahal na mahal kita..."
Akala ko wala nang mas sasakit sa mga sinabi niya sa akin kanina bago siya umalis...
Akala ko may aasahan pa ako sa mga salita niya...
Akala ko ba hindi niya ako sasaktan?
Akala ko ba darating pa sa puntong sabay kaming haharap sa altar para magpakasal?
Pero bakit ganito?
Mas matatanggap ko pang napagod na siya...
Mas matatanggap ko pang wala na lang ako sa kaniya...
Mas matatanggap ko pang unti-unti ng nawawala 'yung pagmamahal niya sa akin kasi hindi na niya kaya...
Mas matatanggap ko pang magalit na lang siya sa akin buong buhay niya...
Pero hindi ganito...
Na kung kailan handa na akong ikompirma sa kaniya ang relasyon naming dalawa, ay saka naman siya mawawala...
September 26, 2015; date today
Alam kong hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na ito, dahil Steve, ito rin 'yung kaparehong petsa sa kung saan una mong pinaramdam sa akin 'yung pagpapahalaga mo. September 26, 2007. Remember the day when I was crying at the backyard of our school? You saw me being bullied by our schoolmate. Yet you came and saved me. Mula ng araw na 'yun ay naging masaya ako. Sobra akong nagpapasalamat kasi dumating ka sa buhay ko. Hindi ko ikakailang sa unang pagkakataon ay na-realize ko ang worth ko. Mahina akong tao pero ikaw 'yung nagiging lakas ko. Mababa ang tingin ko sa sarili ko pero ikaw 'yung nagpapataas ng morale ko. Kaya pinangako ko sa sarili kong babawi ako sa'yo. Hanggang sa noong prom, ready na ako noong tawirin 'yung pagkakaibigan natin. Kasi nakompirma kong mahal na pala kita. Pero nangyari ang hindi inaasahan, pinaghiwalay tayo ng pagkakataon. Napuno ng galit ang puso ko noon pero sa kabila nun ay hindi pala nabura ang pagmamahal ko. Tama nga yata 'yung sinasabing hindi galit ang kabaligtaran ng pagmamahal. Napagtakpan lamang iyon ng galit pero hindi maikakaila na sobra pa rin kitang mahal. Kaya nga sobra-sobra ang pasasalamat ko sa Diyos, kasi muli kaniyang ibinalik sa akin. Nabuhay ulit 'yung pag-asa sa puso ko. Maybe this is the right timing for us. At habang lumilipas 'yung panahon na iginugugol natin, mas lalo kong ginugusto na huwag nang kumawala pa. Kaya Steve, sana habang binabasa mo ito ay maging malinaw sa'yo kung gaano ko kagustong maging opisyal ang lahat ng ito. At hayaan mo akong sabihin sa'yo ng personal 'yung mga katagang alam ko na matagal na matagal mo ng gustong marinig...
"Steve... Mahal kita..." muli kong sinabi at napayakap ng mas mahigpit sa taong nasa ilalim ng puting tela na ito.
Totoo nga, hinding-hindi ko makakalimutan ang petsang ito...
Muli na namang bumuhos ang walang katapusang luha sa mga mata ko.

Komento sa Aklat (73)

  • avatar
    Sophia Atilano

    oiii

    04/07

      0
  • avatar
    DndMaye

    apaka Ganda

    10/11/2025

      0
  • avatar
    Carl Vincent Uba

    salamat sa follow

    25/10/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata