Homepage/Maybe This Time/
Chapter 52
Kakarating lang namin sa rest house nila Steve. Maganda at malawak 'yung sakop ng lugar, kung gugustuhin mo ngang mag-soul searching ay tiyak na masusulit iyon dito. Bukod kasi sa sariwang hangin na dulot ng mga puno at halamang nakapaligid sa lugar ay kitang-kita rin ang malumanay na ambiance. Kahit na kailan, hinding-hindi ako mananawa na tignan ang dagat. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit pinipilit ni Steve 'yung idea na magpunta kami dito.
"Grabe! hindi ako makapaniwala sa mga parents ninyo," ani Keighla at bitbit ang maleta niya. Mabuti nga at hindi ako nahirapang ayain ang babaeng 'to kahit walang kasiguraduhan na sasama siya. Sa pagkakaalam ko kasi, may balak siyang magpunta ng Hong Kong for a week.
"U-uy teka!" Pigil ni Keighla pero wala na rin itong nagawa. Sinundan na lang nito si Kevin na ngayon nga'y bitbit na 'yung bagahe niya.
Napasiko tuloy ako sa katabi ko ng wala sa oras dahil sa kilig na nararamdaman ko para sa dalawa.
"What?" ani Steve. Napatingin naman ako sa kaniya at hindi maipinta ang itsura niya dahil sa pagkakalukot ng mukha.
"Ano?" nagtatakang tanong ko sa kaniya. Napailing naman siya tapos biglang kinuha 'yung maletang hawak ko. Napatulala na lang ako at nang mapagtanto ko 'yung ginawa niya ay sinundan ko na rin ang paglalakad niya. Medyo nagmadali lang ako, kung bakit naman kasi ang laki humakbang ng taong 'to?
"Mga babae talaga, gustong-gusto inaalila 'yung mga lalaki. Palibhasa alam nilang hindi kami makakatanggi." Narinig kong binubulong ni Steve. Ano raw? Pinagsasabi ng isang 'to?
Bahagya ko naman siyang hinampas sa balikat para sirain 'yung moment niya. Magsalita raw bang mag-isa? May imaginary friend siguro.
"Ano?" tanong na naman niya. Tagalog naman ngayon. Hays.
"Anong ano? Napapano ka ba riyan? Saka bakit mo ba inagaw 'yang maleta ko?" sunod-sunod na tanong ko sa kaniya.
Napailing na naman siya at parang naguguluhan na rin. Siya pa 'tong may ganang maguluhan? Ang weird.
"Ang hirap n'yo talagang i-spelling-in na mga babae. Kanina gusto mong dalhin ko rin 'yung maleta mo tapos ngayon naman parang ayaw mo na. Ano ba talaga?" tila napu-frustrate nang sabi niya. Ayun nga't naihilamos niya pa 'yung kamay sa mukha niya.
Natawa naman ako nang makuha ko 'yung pinapatukuyan niya. "Bakit, narinig mo bang sinabi ko? Kaya maraming nasasaktan sa mundo eh, binabase sa interpretasyon ang mga bagay-bagay tapos ang ending? Hindi naman pala tama kaya ayun at sumablay."
Kinuha ko na 'yung bagahe kong hawak niya. Hindi dahil sa mag-iinarte ako o ano, syempre dahil sa kaya ko namang gawin 'yun. Nagpatiuna na ako at hindi ko na lang pinansin 'yung pagtawag niya sa akin. Natatawa pa rin kasi ako sa kaniya. At baka mamaya ay kung saan pa humantong ang pagkaaliw ko sa lalaking 'yun. Ang harot, Ali!
"Hello? Yes po... Opo, dito nga po sa... Wait po..." Kanina pa parang tangang kumakausap sa wala si Keighla. Hawak-hawak pa nga niya ang cellphone niya bilang props. "Saan nga ulit 'to sa Batangas?" Kausap niya naman sa amin.
"Nasugbu," sagot naman ni Althea dito. Hindi ko alam kung naniniwala ba siyang may kausap nga si Keighla. Diskumpyado ako, knowing her? For sure bored na naman 'yan kaya walang magawa.
"Ayun po, nasa Nasugbu raw po... Eh ayun nga po... Kanina pa po kasi kami nandito kaso mukhang may gera pong nagbabadya... Pwede po ba kayong magpadala ng tauhan dito? Pang-depensa lang po..."
See? Lakas ng sayad. Pero tama 'yung sinabi niya. Mula kasi ng makapasok na kaming lahat dito sa bahay ay wala namang nagtangkang magsalita liban kay Keighla. Para kaming mga nagpapakiramdaman lalo na at mukhang wala sa mood si Steve. Ewan ko ba naman sa isang 'to. Kanina naman maayos pa kami, kahit nga medyo naiirita na siya sa mga parents nila na hinatid pa talaga kami hanggang dito. Nagbago lang talaga 'yung mood niya matapos nga naming mag-usap tungkol sa maleta.
"Ano, wala pa ring magsasalita sa inyo?" tanong ulit ni Keighla sa amin. Sa huli ay sumuko na rin ako. Nabibingi na rin kasi ako sa katahimikang bumabalot ngayon.
"Ano ba kasing problema mo?" tanong ko kay Steve. Kaunti na lang talaga ay maiinis na ako sa kaniya, bigla na lang nagbago 'yung mood niya at hindi ko talaga ma-gets kung bakit?
Humugot muna siya ng malalim na buntong hininga bago sinagot 'yung tanong ko, "wala. Huwag n'yo na akong intindihin." Tumayo siya sa kinauupuan niya at lumapit sa akin. Hinayaan ko na lang 'yung sarili ko na magpatangay sa kaniya kasi baka mas lalo lang mawala sa mood 'tong si Steve kung mag-iinarte pa ako.
Huminto lang kami sa paglakad nang maramdaman naming humahampas na sa mga paa namin 'yung alon. Yes, nandito kami ngayon sa pampang at malaya naming nasasaksihan 'yung mapayapang ambiance nito. Ang sarap tuloy humugot ng isang malalim na hininga dahil sa sariwang hangin.
"Sabi na nga ba at magugustuhan mo rito," ani Steve. This time, nakangiti na siya. Kung susuriin mo ang itsura niya ay hindi mo aakalaing may topak siya kanina. Nakuntento na rin ako doon, at least okay na siya.
"Salamat, Steve. Actually hindi ko in-expect na ganito kaganda dito. Akala ko naman kasi simpleng bakasyunan lang pero may ganito pala."
Bahagya kong nilaro ang paa ko sa mga along patuloy lang na humahampas sa pampang. Naalala ko tuloy 'yung nabasa ko dati, na kahit daw anong lakas ng hampas nito ay hindi nito kakayaning tibagin ang kastilyong buhangin na ginamitan ng semento. Akala kasi ng marami sa atin, walang silbi ang ganda ng sand castle na magagawa natin kung aabutan lang din naman ito ng alon. Masisira at masisira lang din, masasayang ang effort at pagod. Pero mali iyon, kasi kung gugustuhin talaga nating huwag mabalewala ang na-exert nating effort ay gagawa tayo ng paraan. At kung hahaluan nga ng semento ay tiyak na titibay iyon. Na para bang sinasabi na kung totoong matibay ang pundasyon, hindi iyon basta-basta kakayaning tibagin ng anumang unos.
"Ang lalim ng iniisip, ah. Sabihin mo lang kung malulunod ka na kasi handa akong sisirin maisalba ka lang," puna niya sa akin.
"Ah wala naman, may naalala lang."
"Ano naman iyon?"
"Naalala mo 'yung na-kwento ko sa'yo noong nabasa ko? 'Yung tungkol sa sand castle." Paalala ko sa kaniya.
"Yes, naalala ko 'yun. Paanong hindi? Halos hindi mo ako tinantanan sa paghahagis ng buhangin sa akin noon."
Totoong na-kwento ko na 'yun sa kaniya. Nasa Subic kami noon para um-attend sa school retreat namin. Lahat kami ay nabigyan ng chance na maligo noon sa dagat bago umuwi sa Manila. Para nga naman makapag-relax kami at masulit na rin 'yung bayad sa resort na nirentahan ng school.
"Huwag kang mag-alala, Ali. Gagawin ko ang lahat para maging katulad tayo ng sand castle na 'yun. Pangako, hindi na ako papayag na magkahiwalay tayo ulit. Sisiguraduhin ko na habang lumilipas ang oras ay uunti-untiin kong buuin ang kastilyong iyon. Para kapag kinatok ulit tayo ng problema ay malalagpasan natin iyon ng magkasama."
And with that statement, I felt secured. Mas lalo akong napapa-look forward sa magiging journey namin ni Steve.
"Ali! Kanta ka na. Please," pagpupumilit na naman sa akin ni Keighla. Nakanguso pa ang bruha na akala mo isang bata na nagpapa-cute sa magulang para lang bilhan ng lollipop. Nandito kami ngayon sa labas ng rest house at damang-dama namin 'yung malamig na simoy ng hangin. Nakasalampak kami sa mga malong na inilatag sa buhangin, nasa tapat kami ng bonfire na ginawa namin. May kaniya-kaniya rin kaming hawak na stick at iniluluto sa apoy 'yung nakatusok doon - marshmallow, barbe cue, at gulay.
"Ayoko nga," tanggi ko na naman. Kanina niya pa talaga ako pinipilit. May dala-dala kasing gitara si Kevin at kanina pa kanta ng kanta si Keighla sa tuwing tutugtog si Kevin. Napagod na marahil ang bruha kaya ako naman ang naisipang kulitin.
"Oo nga, Ali. High school pa tayo nung last ka naming narinig kumanta eh," segunda naman ni Althea. Tama ang sinabi niya, fourth year ata kami 'yung last time na narinig nila akong kumanta. May competition kasi noon sa school at as usual, ako na naman 'yung pinanlaban sa section namin.
"Aba, kasalanan ko bang kahit man lang mag-karaoke ay hindi natin nagawa since nagkita-kita tayo ulit?"
"Dali na kasi, nakalimutan na namin 'yung boses mo kaya gusto na ulit namin marinig," pilit naman ni Jhela.
"Marunong bang kumanta si Ali?" tila naa-amaze na tanong naman ni Kevin. Obviously, wala siyang idea. Hello? Ano akala niya sa akin, walang talent?
"Yes, my loves. Nako sinasabi ko sa inyo, na-sold-out 'yung ticket noong nag-musical play kami sa school. Sikat na sikat kaya 'tong si Ali sa campus! Nang magsabog ata ng talento si Papa God ay hindi niya lang basta sinalo, in-offer pa mismo sa kaniya."
"Ang exagge mo na naman Keighla. Tumantan ka nga, baka maniwala sila," sabi ko naman sa kaniya. Naiilang din ako sa kung paano niya ako ibida sa mga kasama namin.
"Bakit hindi kami maniniwala? Hindi naman kataka-taka 'yun," ani Steve. Halatang masaya ito sa nalaman niya, at nandoon na nababasa ko sa kaniya 'yung kumpyansa siyang tama ang mga sinabi ni Keighla.
"Yiee, syempre magpapakitang gilas ka na niyan 'di ba? Si Steve na 'yung nagsalita eh," kantiyaw naman bigla ni Keighla. Lalo lang akong nailang nang halos lahat sila sabay-sabay na akong kinakantiyawan. Ito namang si Steve, ang sarap kaltukan. Hindi naman kasi halatang enjoy na enjoy siyang napapahiya ako ano?
"Oo na! Kakanta na nga 'di ba? Ang iingay n'yo," sa huli ay napasuko na rin ako. Tumayo ako at lumapit sa pwesto ni Kevin. Hinawi ko si Keighla at pinausod, pang-asar lang ba para makabawi ako sa kaniya. Tumabi na nga ako kay Kevin at nagsimula na siyang tumipa sa gitara nang sabihin ko sa kaniya 'yung kantang kakantahin ko.
"Ladies and gentlemen! Palakpakan natin ang babaeng pinakamaganda sa paningin ni Steve, Alisha Marie Gan!" eksaheradang sabi naman ni Keighla. May pa-intro pa ang loka, para namang mga uto-utong nagsipalakpakan 'yung mga kasama namin.I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (73)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
oiii
04/07
0apaka Ganda
10/11/2025
0salamat sa follow
25/10/2025
0Tingnan Lahat