logo text

RED FLAVOR SEVENTEEN

ANG maging magulang kaagad ng tatlong ANAK na siguro ang pinakamabigat sa mga trabaho ng natanggap nina Raine at Yuan. Hindi naman sa hindi nila expected na triplets ang magiging anak nila, handa na sila roon. Nagkataon lang na kapag umiyak ang isa sa kanila ay iiyak na rin ang dalawa na parang walang bukas, kaya madalas na sila ay natataranta pa rin sa pag-aalaga. At hindi iyon nakaligtas sa paningin ng mga kasamahan niya sa trabaho.
"Sigurado ba kayo na hindi ninyo pa kakailanganin ang isang stay-in na yaya para sa tatlo ninyong chikiting?" tanong ni Juris nang nakita niyang malalaki na naman ang eyebags ni Yuan nang pumasok ito. "You need some help."
"Kaya pa naman naming mag-asawa na alagaan ang tatlong bata," sagot ni Yuan. "Ayaw naming ipagkatiwala sa ibang tao ang mga bata. Mahirap na, baka masaktan sila nang hindi namin nalalaman. "
Isang malalim na hininga na lamang ang pinakawalan ni Juris. May punto rin naman ang lalaki sa sinasabi nito sa kanya. Iyon nga lang, kahit na hindi magsabi si Yuan sa kanya ay alam niyang kusa na ring susuko ang katawan nila sa pagod. Alam na niya iyon dahil minsan na rin naman iyon naranasan bago pa man nila tanggapin ang offer ng mga biyenan nilang sila ang titingin sa anak nila kapag nagbalik na sa trabaho si Sunny.
"Sigurado naman akong nag-offer na sa inyo ng assistance ang biyenan mo," sabi ni Juris kay Yuan. "Walang masama kung tatanggapin ninyo iyon."
"Gusto sana naming tanggapin kaso nahihiya kami," sagot ni Yuan. "Baka mahirapan sila sa triplets. I mean, may edad na sila para -"
"Isantabi ninyo na ang hiya ninyo, halata na ang pangangailangan ninyo ng tulong mula sa kanila," sambit ni Juris. "Himala na lang na hindi pa kayo nag-aaway dahil sa pag-aalaga."
Isang mahinang tawa na lamang ang pinakawalan ni Yuan. Wala talaga siyang maitatago sa kaibigan niyang daig pa ang imbestigador sa pagkastigo sa kanya. Nag-aaway naman talaga sila ng asawa niya dahil nagkaroon na sila ng usapan noon na magpapalitan sila sa gabi kapag nagising ang mga anak nila. Iyon nga lang, mas madalas pa na hindi sila magkakapalitan ng asawa dahil kapag malalim na ang tulog niya ay hindi na siya gigisingin ng asawa para puntahan ang mga anak nila. Kaya ang ending, inaaway siya nito sa umaga lalo na at nadiskubre niyang may topak ito kapag sa maling pwesto ng kama ito nagising.
"Mas makabubuti kung papayag ka na sa alok ng mga biyenan mo," sambit ni Juris sa kaibigan. "Wala namang mawawala kung may makakasama si Raine sa pag-aalaga sa bahay para hindi ka na rin niya awayin."
Isang malalim na hininga na lamang ang pinakawalan ni Yuan nang sandaling iyon. Hindi niya alam kung tama bang sundin niya kaagad ang suhestiyon ng kaibigan nang hindi man lang kinakausap ang asawa. Kasama pa rin naman ang nasabing babae sa decision-making kaya marapat lamang na may alam ito sa mga naiisip niya. Para rin naman sa family nila kung tutuusin ang gagawin niyang desisyon kung sakali.
"Huwag mo nang pag-isipan pa kung tama ba ang gagawin mo," sabi ni Juris sa kaibigan. "Gawin mo na lamang kaagad para makakuha rin kahit papaano ng pahinga ang asawa mo. Sigurado akong kailangan na niya iyon."
"Kausapin ko muna si Raine para maintindihan din niya kung bakit ganoon ang naisip ko," sabi ni Yuan. "Mahirap na ang mapunta sa labas ng kwarto dahil lang sa hindi pagkakaintindihan."
"Ikaw ang bahala, kayo namang mag-asawa ang mag-uusap tungkol sa bagay na iyan," sambit ni Juris. "Kayo rin naman kasi ang maaapektuhan."
Isang mahinang bahala na si Batman na lamang ang napakawalan ni Yuan nang sandaling iyon. Wala naman nang mawawala kung susubukan niyang kausapin ang asawa.
TULAD nang inaasahan ni Yuan, nagsalubong kaagad ang kilay ni Raine nang nalaman niya ang tungkol sa plano ng asawa. Hindi naman sa ayaw niyang papuntahin ang sarili niyang mga magulang. Nagkataon lang na nahihiya talaga siya sa kanila lalo na at tatlo ang batang aalagaan nila. Isa pa, sila ang magulang ng triplets kaya responsibilidad na nila ang pag-aalaga sa tatlo.
"Raine, walang masama kung tatanggapin natin ang offer nila," sabi ni Yuan sa asawa. "Sila na ang nagsasabi sa atin na willing silang tumulong sa pag-aalaga."
"Kahit na, alam mo namang mahihirapan sila dahil tatlo ang mga alagain natin," sagot ni Raine. "Baka mapagod lang din sila."
"Actually, sinabi ko na rin naman iyan sa kanila, sabi nila, nakakapagod man, worth it naman daw," tugon ni Yuan. "Maski naman mga magulang ko willing na lumuwas kung sasabihan lang natin sila."
Isang malalim na hininga na lamang ang pinakawalan ni Raine. Hindi naman sa minamasama niya ang offer ng mga magulang nila. Nagkataon lang na mas gusto niyang magfocus sa pag-aalaga dahil gusto niyang masiguro na developed ang trust habang sila ay lumalaki. Isa pa, nangangamba siya na baka may mapunta ang mga magulang niya sa way ng pag-aalaga niya sa mga bata.
"Hindi naman sa gusto na kitang patigilin sa pag-aalaga sa kanila," sambit ni Yuan sa asawa. "Ang akin lang ay gusto kong masiguro na may time ka rin para sa iyong sarili. Ang laki na kaya ng eye bags mo."
"Alam kong malaki na, huwag mo nang ipaalala pa," sagot ni Raine. "Sanay naman na ako sa puyat kaya madali na rin para sa akin kahit na wala akong kasama sa pag-aalaga sa kanila. Isa pa, sapat na rin ang tulong mo sa akin kaya sa tingin ko ay okay lang kahit na hindi na natin sila istorbohin pa."
Umangat na lamang ang isang kilay ni Yuan sa narinig, "Sigurado kang malaki ang naitulong ko? Hindi mo nga ako ginigising sa gabi para lang palitan ka kapag nagising sila."
"Well -"
Hindi na nagawa pang tapusin ni Raine ang argumento niya dahil umiyak nang muli ang tatlo. Nawala na sa utak niya ang tungkol sa pinag-uusapan nilang mag-asawa dahil natuon na naman ang atensyon niya sa mga anak nila. Hindi na niya nagawa pang makita ang marahang pag-iling ni Yuan nang sandaling iyon.
"I guess kakailanganin na talaga natin ang tulong nina Inay," sambit ni Yuan sa kanyang sarili.
MABILIS na lumipas ang mga araw at tuluyan na ngang nawala sa utak ni Raine ang tungkol sa pinag-uusapan nilang mag-asawa. Sa sobrang busy niya sa pagiging nanay ay hindi na niya napapansin ang kalagayan ng sarili niyang katawan. Ang alam lang niya ay mas mabilis na siyang manghina kapag puyat na puyat siya.
"Tama nga ang sabi ng manugang namin na napababayaan mo na ang sarili mo," sambit ni Aling Mila nang nakita niya ang anak.
Literal na nagulat si Raine sa biglaang pagsulpot ng mga magulang niya. Wala siyang ideya tungkol doon lalo na at wala rin namang nabanggit sa kanya bago ito pumasok sa trabaho. Napanganga pa siya nang nakita niya ang masamang tingin na ibinibigay ng sarili niyang ama sa kanyang direksyon. Thankfully, tulog pa ang triplets kaya magagawa pa niyang makipag-usap sa kanila kahit saglit.
"Tatang..."
"Ang sabi namin, sabihan mo kami kapag kailangan mo ng tulong sa pag-aalaga ng mga bata," sabi ni Mang Raul sa anak. "Ano ang nangyari at nagdesisyon kang huwag humingi ng tulong sa amin?"
Bago pa man makasagot si Raine ay naunahan na siya ni Aling Mila, "Wala kaming ideya na namamayat ka na sa pagod at puyat. Kung hindi pa kami pinuntahan ng asawa mo ay hindi namin malalaman."
Napapikit na lamang si Raine. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o hindi sa ginawa ng asawa niya. Alam naman niya ang tungkol sa kagustuhan ng mga magulang nila na tulungan sila sa pag-aalaga. Iyon nga lang, hindi rin ipinaalam sa kanya ni Yuan ang desisyon nitong papuntahin na ang mga magulang niya.
"Huwag mo sanang isiping mabigat na para sa amin ang pag-aalaga sa mga apo namin," sabi ni Mila sa anak. "Sa totoo lang ay gusto rin naman namin silang aalagaan hangga't kaya namin. Unang apo namin ang mga anak ninyo."
"Huwag ka na ring magtangka pang kagalitan ang asawa mo dahil tama lang ang ginawa niya," dagdag ni Mang Raul. "Inaalala lang din niya ang kalusugan mo. Hayaan mo kaming tumulong sa iyo."
"Inang, Tatang, kaya ko naman po silang aalagaan," sabi ni Raine. "Baka makaistorbo lang kami sa -"
"Wala kaming magawa ng Inang mo sa bahay," sabi agad ni Mang Raul sa anak. "Kahit kailan ay hindi kayo magiging istorbo sa amin kung iyan ang tumatakbo sa utak mo ngayon. Hangga't nandito kami ay samantalahin mo na ang pagkakataon at magpahinga ka."
"Pero -"
"Alam naming gusto mong maging perfect ang pagpapalaki mo sa kanila," saad ni Aling Mila. "Pero hindi mo iyon magagawa kung masyado ka nang pagod. Kami naman ang bahalang sumalo sa inyong mag-asawa, okay?"
Bago pa man makatango si Raine ay naramdaman na lamang niya ang pagtulo ng kanyang luha. Bigla siyang naguluhan nang oras na iyon lalo na at hindi naman niya alam kung bakit naiyak na lamang siya kaagad. Ang alam lang niya ay kailangan lang niya iyong ilabas sa ngayon lalo na at pakiramdam niya ay ilang araw rin niya iyong kinimkim. Mas lumala pa iyon nang niyakap siya ng kanyang ina.
"Sige lang, umiyak ka ngayon," sabi ni Aling Mila sa anak. "Ilabas mo lang iyang nararamdaman mo."
Napatingin na lamang si Mang Raul sa asawa niya nang sandaling iyon. Hindi man siya magsalitang muli ay alam na ni Aling Mila na nagtatanong na siya kung nag-away ba ang mag-asawa. Nakahinga lang siya nang maluwag dahil umiling ang asawa niya. Bago pa man siya makapagsalita ay sinenyasan na siya nitong huwag munang magsalita.
Isang malalim na hininga na lamang ang napakawalan ng matandang lalaki nang sandaling iyon. Tatanungin na lamang niya ang asawa niya kapag okay na ang anak nila.

Komento sa Aklat (12)

  • avatar
    j******o@gmail.com

    nice one

    07/10/2022

      0
  • avatar
    QueenSamarra

    Catchy ng blurb! Very memorable din ng first meeting nina Raine at Yuan! I just found a gem, will be reading more of the author's stories for sure! 🥰

    13/07/2022

      0
  • avatar
    Virgllio Enriquez

    oo malakas

    19/06/2022

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata