Dalaw

NAKASIMANGOT na pagmumukha ni Kuya Mago ang natanaw ko mula sa sala sa aktong pagbaba nito ng hagdan mula sa kuwarto ni Kuya Ihara.
Bawat hakbang niya ay mabigat at maingay. Nagtataka pa nga ako at bakit hindi pa siya nasusubsob, magkakamali siya ng apak sa pinanggagawa niya.
“Saniaaa! Ang kuya mo, tulog pa! Nag-marathon ba 'yon ng anime kagabi ng mag-isa?” tanong niya nang tuluyang makababa. “Traydor! 'Di ako 'sinama!” Nagtungo siya sa puwesto ko.
Pabagsak siyang naupo sa tabi ko at dumipa. Pumatong sa itaas ng sandalan ng sopa ang mga braso niya kaya ramdam kong umabot 'yon sa likuran ko. Sa ginawa niyang 'yon ay bumukas nang husto ang naka-unbutton niyang puting shirt.
“Ano ba 'yan, Kuya Mago? Ano ba'ng silbi niyang necktie mo riyan sa uniform ninyo?” tanong ko at ininguso ang nakasampay na kurbata sa kaniyang batok.
Nakanguso siyang yumuko para silipin ang kaniyang suot. Nakapa-disheveled ng itsura niya; mula buhok, style, at pananamit.
Ang pinakamalaki kong tanong sa tuwing nakikita ko siya ... paano kaya ito nakalulusot sa masungit na guard ng school namin?
“Eee ... hindi ako marunong magtali kasi, e,” aniya. “'Tsaka, ang init!”
“Luh. Nandiyan daw 'yong board of directors ngayon, 'di ba? Lagot ka 'pag nag-rounds ang mga 'yon.”
Ipinagpatuloy ko ang pag-inom ko ng kape nang makuha ko ang mug niyon mula sa katapat naming coffee table.
Siguro'y nahintakutan, napadiretso ito ng upo.
“Tsk! Kasi naman!”
Pinanood ko kung paanong ipinailalim niya sa kaniyang kuwelyo ang kurbata at itinali 'yon na para bang nagbuhol siya ng sintas ng sapatos.
Hindi ko na napansin na tumutulo na pala mula sa bibig ko ang 'di ko nalagok na kape.
Diyos ko ... ano'ng katangahan 'to?
“Paano ba kasi 'to?” Mangiyak-ngiyak siyang nagkamot ng batok at tumingin sa akin. “Saaan!” atungal nito.
Pinanlakihan ko siya ng mga mata habang pinapunasan ko ang bibig ko.
Luh. Ba't siya nakatingin?
“Pleaseee~” Pinagkanguso niya pa.
“Sino ba ang nagtatali niyan para sa 'yo 'pag may classroom check?”
“Kung sinu-sino lang. Nanghaharang ako ng mga babaeng Flight Attendant student sa building namin 'tsaka ako nagpapatali ng necktie ko kapag natanong kong marunong ba sila at umoo sila.”
“Hindi ka man lang ba nakararamdam ng kahihiyan sa pinanggagawa mo?”
“Ha? Siyempre, hindi!”
Inilapag ko ang mug sa mesa at tahimik na lang na humarap sa kaniya at lumapit. Ibinutones ko na muna ang dalawang naka-unbutton sa unahan ng kaniyang shirt 'tsaka maayos na itinali ang dark blue-ng necktie. Taimtim naman ang lalaki sa panonood, siguro ay pinagmamasdan niya kung paano iyon gawin. Kaniya lang ay litong-lito ang itsura niya, binilisan ko kasi ang pagtatali.
“'Yan,” anas ko at inayos ang kaniyang kuwelyo. Gusto ko pa sanang dagdagan iyon ng nagmukha siyang kagalang-galang.
“Salamat, San ... ano? Guwapo, 'no?” Ngiting-ngiti siya, para bang hinihintay na sumang-ayon ako sa kaniya.
Ako naman ay pinagkatitigan siya.
Well ... kahit ano naman ay bagay sa kaniya. I can't deny na kahit iyong pagiging magulo ng damit niya kanina ay bagay pa rin sa kaniya. Guwapo kasi kaya kahit ano ay puwede ... o siguro na rin ay marunong lang siyang magdala sa sarili niya.
Moreno si Kuya Mago, maganda ang hugis ng mukha, at matangos ang ilong. Hindi sabog ang makapal niyang kilay kaya maayos tingnan. Ala-model ang figure niya dahil matangkad, at malapad ang kaniyang balikat.
Sa totoo lang, ang tipo niya ay 'yong kung hindi mo siya kilala at makikita mo siyang nakatayo mag-isa sa daanan, mapagkakamalan mo siyang seryoso sa buhay.
But the moment he opens his mouth ... it's a disaster.
Maingay kasi. Sobra.
Pero para naman sa akin ay iyon ang isa sa magandang qualities niya. Kuya Mago has this bright aura that radiates from him whenever he's talking. Nagli-lit up ang mga mata niya sa tuwing dumadaldal siya't nagkukuwento ng kung anu-ano kaya nagaganang makinig sa kaniya.
Palangiti rin siya na siyang maganda pa sa personality niya. Kaniya lang, si Kuya Mago ay iyong tipo bang kahit walang nakatutuwa ay ngingiti pa rin kaya nakapag-iinit siya ng ulo, minsan.
“Puwede na,” anas ko matapos ng pagkatagal-tagal kong appraisal sa kaniya.
Ano'ng oras na ba? Napakatagal naman ng Ailyn na iyon, porke't alam niyang hindi maaga ang klase ni Kuya Ihara ngayon, babarat-barat siya sa pagkilos.
“Uy! Ano na? Tara na? Bagal naman, e!” umaatikabong saad ng malakas na boses ni Ailyn kahit naroon pa lang siya sa pintuan. Lakas ng loob mag-demand, s'ya 'tong kanina pa hinihintay.
Oh. Speak of the devil.
Ang nakasimangot na mukha ni Ailyn ay lalong nangasim nang dumapo ang paningin niya kay Kuya Mago nang tuluyan siyang makapasok rito sa sala.
“At ano na naman ang ginagawa mo ritong mukhang lumot ka?!” asik nito. “Juskuuu! Ang aga, sakit na ng mga mata ko!” Kinati niya ang mga mata niya na para bang irritated nga iyon.
“Maria Ailyn naman! Talaga bang allergic ka sa mga guwapo?” ngingisi-ngising sagot sa kaniya ng lalaki, 'di man lang tinablan ng mga maaanghang na salita Ailyn.
“Animal!” Umirap ito. “T'ragis! Taas ng confidence mong depungkal ka! Tonsillitis ka sa lipunan!”
“Tama na nga 'yan.” Tumayo na ako at hinila ang bag kong nakatabi sa paanan ng sopa sa gawing inupuan ko kanina. “Tara na, oras na.”
“Magko-commute lang kayo? Sama na ako! 'Di ko dala motor ko, e,” anang Kuya Mago at tumayo na rin.
Diretso kong tinitigan si Ailyn nang makita kong bubuka na naman ang bibig niya, siguro'y magpoprotesta.
Tumigil na muna siya, please lang. Sumasakit ang ulo ko.
“Nasaan ang bag mo?” tanong ko kay Kuya Mago nang mapansin kong wala siyang kadala-dala liban sa isang shades na isinabit niya sa neckline ng kaniyang shirt.
“Hindi ako nagba-bag, iniiwan ko sa room namin.” At saka niya 'yon sinundan ng malutong na halakhak.
Diyos ko, tuwang-tuwa siya sa pinanggagawa niya sa buhay niya.
Iling na lang ako nang iling kay Ailyn para mapigilan siyang magsalita. Masakit na ang pakiramdam ko para pakinggan pa ang mga bangayan nila.
Bus ang sinakyan namin. Sa three-seater side ng bus ay nakipag-unahan si Ailyn sa tabi ng bintana nang magtangkang uupo roon si Kuya Mago.
Nagkatinginan na lang kami ng lalaki. Ngumuso siya at napakamot sa kaniyang sentido.
“Una ka na lang, San,” aniya at ininguso ang upuang susunod kay Ailyn.
Sumunod siya sa pag-upo matapos ko. Napagigitnaan nila ako ngayon ni Ailyn na siyang tanaw kong nag-e-edit ng pictures ni Kuya Ihara sa Picsart. Kitang-kita ko 'yong pinapakat niyang mga puso sa litrato ng kapatid ko. Hapdi sa mata.
Inayos ko ang puwesto ko at sumandal sa upuan. Ang pangit ng pakiramdam ko ngayon. Para bang ... iyong pakiramdam ko sa tuwing dadalawan ako.
“San?”
Tumingin ako sa earphone na ino-offer ni Kuya Mago. Nakasuot iyong isa sa kaniyang tainga at music library ang nasa screen ng malapad niyang cellphone.
Tinanggap ko iyon at pumikit na nang marinig ang musika sa isinuot kong earphone. Tumutugtog ang kantang Cover Me Up. Maganda ang kanta kaya kahit paano'y nakapag-relax ako.
Ang daming daldal ni Ailyn nang naglalakad na kami sa pathway. Tango na lang ako nang tango habang si Kuya Mago ang sagot nang sagot sa kaniya kahit nababara lang ito.
Sumunod ang mga mata ko sa barkong building habang nilalagpasan namin 'yon.
“'Di ka pa papasok?” tanong ko nang lingunin ako ni Kuya Mago matapos ko siyang kalabitin sa balikat.
"Kakabasa ko lang ng mga message sa group chat namin kanina sa bus, e. Wala raw 'yong una naming prof." Kinindatan ako nito kaya napangiwi ako.
Sumama ito sa amin hanggang canteen. Hindi pa nama  kami late ni Ailyn dahilan na nag-abiso na noong last meeting ang unang instructor namin ngayon na male-late siya ng thirty minutes kaya puwede pa kaming tumambay-tambay na muna rito.
“Gusto ko ng pancit canton!” giit ni Ailyn nang maibaba ang bag sa isang monoblock chair.
Hindi na siya natuloy pang maupo dahil dumiretso na siya sa tinderang busy sa pagwawalis sa tahimik na canteen para magpaluto.
Ako naman ay dumuko kaagad sa mesa nang makaupo ako. I felt sticky in an instant.
Urgh ... I feel ... it.
Bakit ngayon pa kung kailang wala na kami sa bahay?
“San, okay ka lang?” Nilingon ko si Kuya Mago nang maramdaman kong may sumuklay ng ilang ulit sa buhok ko.
Nakaupo siya sa tabi ko at nakatitig sa akin. Taas ang mga kilay niyang inaabangan ang sagot ko.
Hindi ko siya puwedeng sabihan ... nasaan na ba 'yang Ailyn na 'yan?
Tinanaw ko kung nasaan ang babaita. Iyon, siya ang nagluluto ng pancit canton niya, nakapamaywang pa sa harapan ng gas stove.
“Pakitawag na lang muna si Ailyn,” mahinang sambit ko.
“Ha? A? O, sige! Sige!” anas ng lalaki at saka lumingon sa puwesto niyong isa. “Maria Ailyn! Kailangan ka ni Sania!”
“Ha? E, nagluluto, ako e!”
“Pumunta ka na muna rito!”
“Nagluluto nga ako, e! Depungkal ka!”
“Haist! Ako na riyan! Punta ka na rito, dali! Namumutla 'tong isa, o!”
“Ano?! Oo! 'Andiyan na! 'Andiyan na!” Narinig ko ang mga patakbong yabag ng takong mula sa sapatos ni Ailyn. “ayusin mo 'yang luto mo sa canton ko, ha! 'Pag na-overcooked 'yan, ikaw ang ilalaga ko!”
Hindi ko na narinig pang sumagot si Kuya Mago. Sunod ko na lang naramdaman ay ang pagpihit ni Ailyn sa leeg ko para magkita ang mga mata namin mula sa pagkakaduko ko sa mesa.
Aray ko ... leeg ko na yata ngayon ang masakit. Buwisit talaga ang babaeng 'to!
Pinanlakihan niya ako ng mga mata. “Huy! Napa'no ka?”
“Huwag kang maingay,” bilin ko muna. “Mayroon ako, ngayon-ngayon lang ... tinagusan na 'ata ako.”
“Ano?! Nireregla ka?! Tinagusan ka na?! Uskupu!”
Para bagang nag-echo ang malakas na boses na iyon ni Ailyn sa buong canteen. Mabuti na lang at walang ibang estudiyante dahil karamiha'y umpisa na ang klase.
Diyos ko po, Ailyn...
“Kung may lakas lang ako, ihahambalos ko sa 'yo 'tong inuupuan ko,” sabi ko. Sumisirit ang sakit sa'king puson dahilan para mawalan ng lakas ang boses ko.
“Ay!” Napatakip siyang bigla ng bibig at mas lalong nanlaki ang mga mata niya. “Sorry! Sorry! Sorry na nga, e!” Hiyang-hiya 'yong pagmumukha niya.
Huli na, Ailyn ... huli na!
May naglapag ng plato ng pancit canton sa mesa kaya parehong umangat ang mga paningin namin ni Ailyn.
Si Kuya Mago.
“Anong regla? Sania, mayro'n ka?” Taas-kilay itong nang-usisa sa akin na para bang okay lang sa kaniyang sabihin ang mga ganoong salita.
“A ... oo ... kani-kanina lang,” sagot ko na lang, finding it useless to hide.
Mukha namang open-minded sa ganitong mga bagay si Kuya Mago, ni walang bahid ng pagkailang ang mukha niya.
“Tinagusan ka?”
Parang pang-elementary Math na na-solve niya ng mabilis ang sitwasiyon. Tumango na lang ako at dumuko ulit. Ako ang nahihiya sa kaniya!
“May pamalit ka ba?” ani Ailyn na siyang nagpaangat ulit ng ulo ko. Nakita ko siyang ngumunguya, bahagya pang nagmamantika ang mga labi.
Diyos ko...
“Mayro'n. Para sanang pagkatapos ng swimming class kay Sir Carreon.”
Iyon na lang ang ipinagpapasalamat ko sa kamalasan ko ngayong araw. May P.E. mamaya kaya nakapagbaon ako ng mga pamalit.
“Hay, nako! Magpalit ka na ngayon dahil no choice ka na rin naman! 'Di ka na rin niyan makakapag-swimming!” Sumubo pa siya ulit ng canton habang sinisilip-silip ang kinauupuan ko.
“May dala ka bang ano?” Nagkamot ng ulo si Kuya Mago at tumitig ng matagal sa akin, tila may iniisip. “'Yong ... ano kasi 'yon? Ano'ng tawag sa gano'n? Pasador?”
“Jusku! Anong klaseng hayop ka, Mago!” bulyaw ng mukhang naii-stress nana si Ailyn. “Sanitary napkin 'yon!”
“Sorry naman, o.” Saka tumingin ulit sa akin si Kuya Mago.
“Wala na, e,” sagot ko.
Hindi ko naman kasi alam na ngayon darating kaya hindi ako nagbaon. Inilabas ko rin kasi 'yong mga excess na dalahin sa bag ko dahil nga sa mga baon kong damit para sa P.E. class.
“O, sige. Ibibili na lang kita,” anito at inilabas ang wallet mula sa bulsa ng kaniyang itim na slacks. “'Te? May napkin kayo rito?”
Umiling ang tindera na nangingiti sa pagkakahalumbaba habang nanonood sa aming tatlo. “Wala, e. Ubos na.”
Ako ay napatuwid na lang ng upo. “Sure ka, Kuya Mago?”
“Oo naman. Kailangan mo, e.” Tumango siya na parang wala lang ang ginagawa niya. “Ano pa? Ano pa ba ang kailangan? Lalabas ako ng campus, titingin ako sa ibang tindahan.”
“Ibili mo na ng gamot 'yan sa dysmenorrhea, masakit sigurado ang puson n'yan,” sagot ni Ailyn habang pinatatayo ako. “Dalian mo! Huwag ka nang sumilip dito!”
“Ma'am, yes, ma'am!” At saka kumaripas ng takbo si Kuya Mago paalis.
Nang tuluyan akong makatayo ay mas lalo kong naramdaman ang malagkit na pakiramdam sa aking ibaba. Narinig ko pa ang histerikal na reaksyon ng tindera na siguradong nakikita ngayon ang likuran ko.
“Jusku! Para kang nabaril!” asik ni Ailyn at binuhat ang mga bag namin. “Tara! Tara! Doon tayo sa C.R.!”
Lalakad na sana kami nang bigla niyang iangat ang plato ng kaniyang canton at sinimot iyon. Ngumiwi na lang ako nang magkatinginan kami habang pilit siyang tumatawa mula sa pagsisimot niyon. Hiyang-hiya siya sa pinanggagawa.
Taena.

Komento sa Aklat (40)

  • avatar
    delMundosusan

    deserve mo ng 500 tip Kasi maganda

    25/05/2025

      0
  • avatar
    Cristy San Felipe Buenaventura

    Thank you for the help with me

    11/10/2024

      0
  • avatar
    Justin Adap

    nice stodyt

    14/07/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata