Lutang

“LOURDELL, lutang!” anang Ailyn. Matatalim ang mga mata nitong nakatingin sa gawi ni Lourdell na patawa-tawa lang sa kinauupuan niya.
“Ano na naman 'yan, uy!” tawag ni Dian na naroon sa dulo ng row nila, abala ito sa pag-a-apply ng liptint.
Gigil na dinuro ni Ailyn ang katabi. “E, kasi 'tong babaeng 'to, kakasabi ko lang sa kaniya, hindi niya na naman maalala! Nakailang ulit na ako, huh!”
“E, nalimot ko nga, e. Saka nanonood ako ng mga video sa TikTak, o! Tapos kuwento ka nang kuwento r'yan, parang tanga,” katwiran naman ni Lourdell, ipinakita nito ang video-ng nagpe-play sa cellphone niya.
“Heh! Ewan ko sa 'yo, lutang!” Pairap na umikot ng puwesto si Ailyn sa upuan niya at humarap na lang sa akin na nasa likuran niya, nakiupo ako sa upuan ni Vanessa. “Abnormal talaga 'tong babaeng 'to. Panay kasi ang pagpupuyat kaya 'yong utak niya, puyat din.”
“Hayaan mo na nga,” sabi ko at nagsimula na ulit magbunot ng hibla ng buhok gamit ang syaning hiniram ko kay Lyca. Wala ang huli, nasa CR kasama si Vanessa at Jhoma.
“Uy, inaano mo na naman 'yang buhok mo, baliw ka!”
Hindi ko siya binalingan at nagpatuloy sa pagbubunot ng buhok ko habang nakatitig sa compact mirror ng blusher ni Lyca.
Taena ng babaeng 'to, ako naman ang nakita.
“Bakit na naman ba? Maiikling buhok lang naman ang binubunot ko. Hinahanap ko 'yong mga kulot,” sagot ko sabay bunot ng panibagong hibla ng buhok.
“Ay, gaga! Ano'ng kulot hanap mo, e, kulot nga lahat ng buhok mo!” bulyaw niya't hinampas na ang braso ko nang tangkang bubunot ulit ako.
“'Patay, I mean. Patay na buhok. Tanga nito. Common sense ba, common sense,” imik ko.
“Ewan ko sa 'yo! Bahala ka kapag nakalbo ka.” Inilabas nito ang cellphone at mukhang nagbukas na lang ng social media account.
Balik na lang din ako sa ginagawa ko. Habang hindi pa masiyadong nakaka-distract ang ingay sa loob ng classroom namin ay dadalasan ko na ito. Wala pa kasing teacher dahil maaga pa at palagay ko'y male-late na naman ng dating dahil si Ma'am Fah ang first bell namin ngayon. Palaging late 'yon ng halos isang oras kaya siguradong mataas na ang tirik ng araw kapag nagklase kami.
Maya-maya lang din ay nakabalik na sina Lyca mula sa pagsi-CR, tinitigan ko silang nagtatawanang nang pumasok. Nangunguna si Jhoma na malawak ang ngiti at nauna nang sumuot sa row ng upuan namin. Tumabi siya kay Isabelita na pa-headbang headbang lang habang naka-earphone, nakatingin sa bintana sa tabi niya.
Si Vanessa ay kinalabit ako, indikasyon na pinaalis ako sa puwesto niya. Ininguso ko lang ang upuan ko na nasa tabi ni Lyca at nakuha niya na 'yon. Doon siya umupo.
“Grabi naman 'yan, wala pa ba si Ma'am?” ani Lyca na dinudungaw ako.
Umiling lang ako at napabuntong-hininga. Naaalinsangan na ako sa nalalugay kong buhok. Itatali ko na 'to.
Nang matapos ako sa pananali ng buhok ay ibinalik ko lahat ng hiniram kong gamit kay Lyca. Agad niyang itinabi ang syani, pero sandali niya pang ginamit ang blusher para mag-retouch.
Ilang minuto ang lumipas nang bigla na lang akong tinawag ni Ailyn, nanlalaki ang mga mata niya at inihaharap sa akin ang screen ng cellphone niya.
“Tingnan mo 'to, dali!” aniya. “Tingnan mo 'to! May naghahanap kay Mago sa confession page ng school natin!”
Kumunot ang noo ko at hinablot sa kaniya ang cellphone para mabasa ng maayos ang recent post ng page.
hi po pinatatanong po ng friend ko na baka sakaling may nakakikilala po sa lalaki na to na nakisama na lang bigla sa picture kahit di naman namin kilala??? kahapon po itong nung nagschool visit kami ng mga kaibigan ko sa PCEC,, ano po kaya ang course at year nya?? guwapo at moreno na matangkad po sya
Naka-attach sa ibaba ng post ang halatang cropped na picture ng isang lalaking nakasuot ng puting polo shirt na may nakatatak na logo ng school namin sa gawing kanang dibdib. Malaki ang ngisi nitong nakalitaw ang kaniyang mga pangil habang nakatingin sa camera.
Hindi makapagkakailang si Kuya Mago nga iyon.
“Pumo-photo bomb na naman siya sa ibang tao,” natatawang sabi ko at ibinalik ang cellphone kay Ailyn.
May pa-school visit kahapon ang eskuwelahan namin, open sa mga magsi-Senior High o College, magma-March na naman kasi, at sandaling panahong ay panibagong school year na naman. Nag-i-inquire ang mga estudyante para makapag-decide kung saan mag-e-enroll.
“Usku, Mago! Hindi na nahiya!” asik ni Ailyn na naiiling habang ina-angry 'yong post.
Nakisilip na ako nang makitang nagta-type siya ng comment doon sa post.
Wag n'yo nang hanapin yan kasi wanted yan! Saka guwapo???? Saan???? Matangkad lang yan saka maitim na mukhang manyakis yan sa personal
Nanliit ang mga mata ko sa comment na i-s-in-ent ni Ailyn.
“Baka ma-bash ka, huy,” nakangising lintaya ko habang papaupo ng maayos sa puwesto ko. “Maraming nakakikilala kay Kuya Mago dito sa saka mga karatig na school. Nakiki-follow 'yang mga 'yan sa page at secret files page ng school natin.”
“Paki ko naman?” Tumaas ang kilay nito. “Kahit isang batalyon pa silang magtulong-tulong, hindi nila nagbabago ang pagtingin ko kay Mago na mukhang tubol.”
“Inano ka ba n'on at inis na inis ka?”
Natigilan siya kaya natigilan din ako. Ilang sandali kaming nagtitigan hanggang sa ako na ang bumasak ng katahimikan sa pagitan naming dalawa.
“Wait ... huwag mo sabihing hindi mo alam?” Pinangunutan ko siya ng noo.
“Sandali ... sandali, Sania, ha? Magpapaliwanag ako...”
Napailing na lang ako.
Kung ako naman kasi ang tatanungin, hindi naman mapagkakailang may pagkamapresko ang dating ni Kuya Mago, lalo na kung ngumiti siya ay para bang palagi siyang nang-uuyam. Pero sobrang bait n'ong tao, wala akong masabi sa kabaitan niya. Halimbawa na lang dito sa katapat ko, sagad sa buto kung sagut-sagutin 'yong tao, pero hindi siya pinapatulan. Kung ako si Kuya Mago, baka matagal ko nang d-in-ribble sa inis ko itong kulot na 'to.
Hindi nga ako nagkamali nang mag-iisang oras na ang nakakain sa oras niya nang dumating ang teacher namin sa unang bell na si Ma'am Fah. At partida, dumating pa siya para lang sabihing wala kaming klase ngayon sa kaniya.
“Hm! Talaga naman, Fah! Talaga naman!” Ngitngit ang mga ngiping inuulit-ulit iyon ni Ailyn matapos nang makaalis ni Ma'am Fah sa room, padabog niyang inaayos ang bag niya.
Sa kalagitnaan ng pag-aayos ko ng sariling bag ay napansin ko ang paglapit ni Kris Chan. Sukbit ng lalaki ang isa sa mga strap ng itim niyang bag pack sa kaliwa niyang balikat habang nilalamutak sa isa niyang kamay ang hawak niyang panyo.
“Tara na mga bruh! G!” anito.
Tumango lang ako habang si Ailyn ay humihiyaw ng “tara”, isinusukbit sa likod niya ang bagong bag niyang iba na namang shade ng pink ang kulay.
“Game! Game!” ani Lourdell. Malawak ang ngising magkasunod na naglakad paalis ng row nila ni Ailyn.
“Saan kayo pupunta?”
Bumaling kami sa nagtanong. Ang nakataas ang kilay na si Lyca ang nandoon.
“Secret~”
Sabay-sabay naming sagot at nagtawanan. Kaming apat ang nangungunang lumabas ng front door ng classroom. Busy pa magkuwentuhan 'yong iba kaya hindi pa nag-aalisan.
“Saan pala tayo pupunta?” tanong ni Lourdell nang pababa kami ng hagdan.
Sabay-sabay namin siyang nilingon.
“Jusku naman, Lourdell! Lutang ka na naman!” asik ni Ailyn. Nagsasalubong ang mga kilay niya.
“Ih, Lourdell,” umiiling na sabi ni Kris. Ewan ko kung natatawa ba siya o ano.
“Kausap ka naman namin sa GC natin kagabi, 'di ba?” sabi ko. “Ikaw pa ang nagyayaya.”
“Huh?” Blangko ang ekspresyon ng mukha niya.
Nagbuntonghininga ako at inilabas ko ang cellphone ko mula sa aking bag. Kinalkal ko ang screenshot album sa gallery n'on para ipakita sa kaniya.
“O, 'yan. Screenshot for proof dahil alam ko nang mangyayari 'to.” Tinapat ko sa kaniya ang screen ng cellphone.

Nanliit ang mata niya roon at kalauna'y natawa. “Ay, oo nga, 'no?”
“Ikaw talagang babae ka!” Nakapamaywang nang nagpatuloy sa pagbaba ng hagdan si Ailyn, nagsisunod kami. “Alam mo, paano ka na lang talaga kung wala kami? Pasalamat ka, tanggap ka namin kahit ganiyan ka!”
“Thank you~” may pagpilantik ang mga pilikmatang sagot naman nito.
“Bespren, dala mo ba 'yong sasakyan mo?” tanong ni Ailyn nang nasa corridor na kami.
“Hindi, e.” Ngumisi ito. “Para maranasan ko namang mamasahe, pagod na 'ko maging rich kid.”
“Alam mo? Kayong dalawa ni Lourdell, bagay talaga kayo. Pareho kayong abnormal.” Pairap-irap si Ailyn bago natuon ang mata sa harap niya. “O, iyan pa ang isa pang abnormal.”
Sinabi niya iyon habang nakatingin sa papasalubong sa aming lalaki, si Mago. Busy pa pagse-cellphone ang huli kaya hindi kami kaagad napansin. Kinalabit ko siya nang madaan sa gilid ko kaya ito napatingin.
“O, San?” Labas-pangil agad siya nang mangisi, lalo na noong makita pa si Ailyn sa tabi ko.
Bahagya akong napapikit nang kumislap ang mga hikaw na suot niya sa kanan niyang tainga dahilan ng sikat ng araw na tumama roon. Sandali silang nagtanguan ni Kris na sandaling tumigil sa pagse-cellphone nang hintuan niya kami.
“Sa'n papunta?”
“Gala lang,” sagot ko. “Punta kami ro'n sa bagong bukas na sunflower farm.”
“Ah! 'Yong sa citio? Galing na kami ng mga barkada ko ro'n kahapon.”
“Maganda ba?” tanong ni Lourdell na nasa likuran ko.
“Maganda naman, presko pa kasi maraming puno sa paligid.”
“Kasama mo si Ihara kahapon?” nakataas ang kilay na tanong ni Ailyn, bahagyang malumanay ang tono sa pangalan ni Kuya.
“Oo. Lima kami, e. Si Robert, ako, si Ihara, Joseph, saka si Vince.”
Tumango na lang ako. “Sige na, Kuya. Una na kami.”
“Sigiii~” Makulit ang tono niya sa pagsagot.
“Ay! Mago!” Papalagpas na sana kami sa kaniya nang muling humarap si Ailyn sa kaniya.
“Po?” Napalingon ulit si Kuya Mago sa amin at kumurap-kurap.
“Wanted ka pala,” ani Ailyn.
Nanlaki ang mata niyong isa. “Ha?”
Pa-mysterious ang babaita dahil bigla na lang niyang tinalikuran ang lalaki at nangunang naglakad. Naiiling na sumunod si Kris at Lourdell na tanong nang tanong kung ano ang mayroon sa kaniya.
“Kuya, check mo 'yong confession page ng school.” Nag-thumbs up ako.
Kahit itsurang lito ay tumango siya, ay kakamot-kamot na nag-browse sa cellphone niya. Sumunod na rin ako sa mga kasama ko.
Kaagad din naman kaming nakasakay ng tricycle nang makalabas kami ng gate ng school dahil mahaba ang pila niyon sa lipat-daan. Sa likod ng driver magkatabing naupo sina Kris at Lourdell habang kaming dalawa ni Ailyn naman sa loob.
“Hindi naman kaya magtulakan 'yong dalawa sa likod?” tanong ko nang makapag-settle ako sa pag-upo sa bungad ng tric. Naririnig ko na naman kasi ang bangayan ng dalawa sa labas.
“Taena! Bahala silang dalawa—Hoy! Mga punyeta! Magtigil kayo riyan sa kakaaway kung ayaw ni'yong itaob ko kayo!” bulyaw niya nang pabigla siyang sumilip sa lugar niyong dalawa.
“E, ito kasing bespren mo! Arte, arte, nasisikipan sa puwesto niya, malalaglag daw siya, e halos pumakat na nga ako sa likod nitong si Kuyang driver! Siya nga 'tong pampasikip!” pasigaw na sagot ni Lourdell. Hindi ko na siya masilip dahil sa kinalalagyan ko.
“Ang dami mo namang sinabi, sabi ko lang, usog ka pang kaunti!” narinig kong asik ni Kris.
“Heh! Pare-parehas na lang kayong buto at balat, ano pa'ng karapatan n'yong hindi magkasya r'yan! Umayos na kayo! Hindi na tayo na kaalis! Kala n'yo ba, gold kayo!” Binalingan na ni Ailyn ang driver. “Sige na, Kuya! Alis na tayo! Hayaan mo 'yang dalawa sa likuran mo, kapag may nalaglag, wag mo nang pulutin!”
Nagsimula nang paandarin ng driver ang tricycle.
“Mga abnormal! Aarte! Palagi na lang nag-aaway, akala mo ba, mga nana!” Umayos na ng puwesto niya si Ailyn. Hindi na kumalma ang mga kilay niyang iyon, kanina pa magkasalubong magmula pa kaninang umaga.
“Hayaan mo na nga, malalaki na sila.” Nag-scroll ako sa cellphone ko, mangilan-ngilan ang sh-in-are ko sa timeline ng social media account ko. Iyong huli ang nagpangisi sa akin bago ako tuluyang nag-offline.

Abala mag-laro ng farming game sa cellphone niya si Ailyn kaya hindi dumadaldal. Nagpasiya akong tunguin na lang ang gallery ng cellphone ko para mag-delete ng mga unwanted photos, malapit na ring mapuno ang storage ng cellphone ko.
Nasa 'Own Photography' album na ako nang makaramdam ako ng presensiya malapit sa balikat ko.
“Ailyn ... ano'ng ginagawa mo?” Kinunutan ko siya ng noo.
“W-Wala bang bagong picture si Ihara riyan?” mahinang tanong niya. Parang maamong outing, akala ko, hindi nagwala kanina.
Napaisip ako at nag-scroll.
“Ito, marami,” anas ko.
Napamura si Ailyn ay mabilis na hinablot ang cellphone sa akin. Umawang ang labi ko.
Taena, ang bilis.
“Pogi mo talaga, mahal! Bakit ka ganiyan!” nangggigigil niyang sinabi. Malalaki ang mga mata niya habang pinagmamasdan ang mga picture ng kapatid ko, malawak na ang ngiti. Para siyang tanga.
Mostly naman kuha ko kay Kuya ay stolen, kadalasang hindi niya alam kaya genuine ang dating. Model ang dating niya. Madalas na pumapasok sa isip kong magpasa ng application at portfolio ng mga picture na iyon sa mga modeling agency para naman mapagkakitaan ko siya, magkaroon ng mabuting ambag sa buhay ko.
“Kinikilig ako, Saniaaaa—” Natigilan si Ailyn nang makita ang sumunod ng picture. “Taena! Ba't may nasamang mukhang surot dito!”
Si Kuya Mago iyon, buhat si Alpha. Nakita ko siya minsan na kinausap si Alpha habang buhat-buhat niya na para bang naiintindihan niya, natuwa lang ako kaya kinuhanan ako.
“Puwede ba 'to i-delete?” nakangiwing tanong ng babaita sa akin.
Umiling ako. “Abnuy, huwag. Ang ganda ng kuha.”
“E, ang sakit sa mata! Bakit ba nahalo 'to rito? Parang nandilim paningin ko!”
Inagaw ko na sa kaniya iyong cellphone ko. “Ako, nandidilim paningin ko sa 'yo.”
“Uy! Titingnan ko pa mga picture ni Ihara!”
“Tingin, e, puro lait ginagawa mo.”
Sasagot pa sana ito nang matigilan siya, gagad na napatingin sa paligid.
“Hala, hoy! Nasaan na tayo!”
Tumingin din ako sa paligid, puro na puno.
“Kuya, sa sun flower farm po kami, sa citio lang,” tawag ko sa driver.
“Ha? E, wala namang nagsabi sa inyo!”
Nagkatinginan kaming dalawa ni Ailyn, sa isang iglap ay magkasalubong na naman ang mga kilay niya sabay sigaw sa mga nakapuwesto sa labas.
“Lourdell! Sabi ko kanina, bago tayo sumabay, ikaw na nagsabi!”
“Ha? E? Ako ba?”
“Urgh! Lutang ka namaaaaan!”

Komento sa Aklat (40)

  • avatar
    delMundosusan

    deserve mo ng 500 tip Kasi maganda

    25/05/2025

      0
  • avatar
    Cristy San Felipe Buenaventura

    Thank you for the help with me

    11/10/2024

      0
  • avatar
    Justin Adap

    nice stodyt

    14/07/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata