logo text

Chapter forty-four

"Taya."
"Habulin mo ako."
"Ang daya mo."
Nanariwa sa akin ang ala-ala ng aking kamusmusan.
Teka?
Parang naging makata ako dun ha?
Natanaw ko ang bangkang hinihigaan ko dati sa tuwing magtataguan kami, isa rin ang malaking punong kahoy sa karamay ko kapag naglalaro na kami. Ang malapad nitong katawan ang siyang nagpoprotekta sa akin sa anumang kalaban.
Napangiti ako dahil sa mismong kinatatayuan ko ngayon ay ang playground namin dati, isang malawak na buhanginan. Naalala ko pa kung gaanong napapalo kami dahil sa tuwing uuwi kami ay puno ng buhangin ang aming paa.
Kurot dito, kurot doon.
Dati, iyon lang ang nagiging dahilan ko ng pagpalahaw sa iyak pero ngayon palihim ang paghikbi at emosyonal na sakit na ang iniiyakan ko. Adulting things.
Napailing ako sa kung ano-anong kadramahan ang naiisip ko.
"Ate mamimiss ka namin," muli kong naramdaman ang mahigpit na yapos sa akin nang dalawa kong kapatid.
Hinayaan kong magpantay ang mga mukha namin at nakanguso ko silang tiningnan.
"Mamimiss din kayo ni ate," naiiyak kong sabi sa kanila habang hinahaplos ang kanilang pisngi.
Hayss napaka-emosyonal ko naman ngayon.
Sabay nila akong niyakap ulit at pinugpog ng halik ang aking magkabilang pisngi.
"Bilisan niyo na jan," sigaw ni mama.
Tumayo na ako at inakay na ang dalawa kong kapatid. Sumakay na kami sa bangka.
"Mag-iingat kayo."
"Balik kayo ah."
"Tumawag kayo kung nakarating na kayo sa Maynila."
Paulit-ulit ko iyong narinig sa mga kamag-anak ko na naroroon sa may dalampasigan para magpaalam sa amin.
Sari-saring padala rin ang bitbit namin ngayon. Natural iyon sa probinsya. Laging may pabaon. Saging na saba, alimango, mga gulay, at kahit mga kakanin.
Kumaway na ako bilang pamamaalan hanggang sa umalingawngaw na ang tunog ng makina.
Malaya kong napagmasdan ang mapaglarong karagatan, may mga maliliit na alon ang nagpapagalaw rito, ang bundok na nakapaligid, na sa mga oras na ito ay buhay na buhay ang kulay dahil nasisinagan ito ng panghapong araw. Pinagmasdan ko ang napakagandang pagpanaw ng araw, ang nag-aagawang kulay ng kahel at dilaw na pinapaligiran ng mga ulap. May napapadaan ring mga ibon na tanging itim ang kulay nito sa himpapawid.
Banayad ring hinahaplos ng hangin ang aking balat at tinatangay ang aking buhok.
Kahit man na ikinalulungkot ko ang pag-alis ay hindi ko maipagkakailang gusto ko ng bumalik sa Maynila.
Kailangan kong bumalik.
Para sa ikapapanatag ng loob ko.
Sinulit ko na lang ang ilang minutong biyahe sa dagat at kumuha pa ako ng ilang litrato para may mabaon akong ala-ala. Alam ko kasing matagal pa bago ako makakauwi rito.
Maya-maya pa ay tumigil na ang tunog at pakiramdam ko ay sobrang bigat ng paa ko dahil mismong paghakbang ko ay nahihirapan ako lalo pa't ramdam ko ang higpit ng hawak ng dalawa kong kapatid sa akin at naririnig ko na ang mahinang singhot nila. At iiwas sila ng tingin sa tuwing sisipatin ko ang kanilang mukha.
Naroon na naghihintay ang tricycle na maghahatid sa amin sa terminal.
Mahigpit ko nang yinakap sina Lhen-Lhen at Lance. Sabay na rin silang yumakap kay mama at papa na ngayon ay nagkakarga na ng mga dala naming gamit.
"Magpapakabait kayo ha?"
Sabay silang tumango at nagsisimula nanamang umiyak.
"H'wag pasaway sa bahay, tulungan niyo ang mga tiyahin sa gawaing bahay at?"
"Mag-aral ng mabuti," chorus nilang dagdag.
Ginulo ko ang buhok nila at hinalikan ko sila sa noo at pisngi.
"Sama kami sainyo mama," naiiyak na sabi ni Lance.
Hindi ko namalayang naroon na pala sila mama sa likuran ko. Yinakap nila ang dalawa.
Nakalalungkot isipin na muli nanaman kaming magkakahiwalay. Kaya mas lalo akong desidido na magtapos kasi gusto ko na mabuo na kami.
Tiis lang muna sa ngayon.
Naging pamilyar muli ang naging eksena namin nang huli kaming umalis.
Pigil ng aking tiyuhin ang dalawa dahil nagsisimula na silang pumalahaw sa pag-iyak samantalang parang dinudurog ang puso ko habang naglalakad ako palayo. Nauna na sila mama dahil alam kong pinipigilan nila ang sarili nila.
Kasabay ng tunog ng makina ay ang pagtulo ng luha sa aking pisngi. Pinigilan ko ang sarili kong lumingon dahil alam kong mahihirapan ako.
Ilang minuto pa ay nakarating na kami sa terminal at kasalukuyan na kaming nakasakay sa bus. Nasa may bintana ako, suot ang earphone ay pinagmasdan ko ang magulo at abalang siyudad.
Sa paglisan ko sa lugar na ito ay sana'y pagkawala na ng sakit at paglimot sa unang pag-ibig.
Hinayaan kong malanghap ko ang hangin sa pagmamaniobra ng behikulo. Tanaw ko mula rito ang malalawak na palayan at ang nagtataasang bulubundukin.
I will miss the place and the love ones I've left there.
But I'm also hoping that I'll be healing the moment I leave the place.
Pagod na akong masaktan.
Pagod na akong maging miserable dahil sa pesteng pag-ibig na yan!
Biktima ako ng malupit na tadhana pero sana naman sa susunod na pagkakataon ay pag-bigyan na ako.
H'wag puro sakit sarap naman.
Ay mali!
Saya pala.
Genuine happiness.
Para akong uhaw sa ganoong klase nang kasiyahan.
Yung maging proud sa akin sila mama, na makasama ko na ang mga kapatid ko, na wala ng mangyayaring trayduran sa kaibigan ko, wala ng panghuhusga at paulit-ulit na rejection.
Sapat ng kasiyahan iyon sa akin. Hindi na ako hihiling ng kahit ano pang bagay.
Pero kailangan ko pa atang magbilang butil, umiyak ng balde-balde at madurog ng maraming beses bago ko makuha at maranasan ang ganoong bagay.
Napahinga ako ng malalim at pinasakan na lang ng chichirya ang tumutulis kong nguso.
Nasa unahang upuan sila mama at nasa likuran naman ako katabi ang isang pasahero rin. Wala naman akong pakialam sa kaniya kasi ganoon din siya sa akin.
Alas-dose na ng hatinggabi pero imbes na matulog ay napagdeskitahan ko na lang ang chichirya.
Kinakabahan ako.
Huling pag-uusap namin ni Asher ay nasa hospital pa rin siya kaya atat na atat na akong
bumalik dahil kinakain na ako ng konsensya ko.
Hindi ko alam kung ano ang madadatnan ko. Malala ba ang kalagayan niya?
Naiimagine ko pa lang na may mga aparatus na nakakabit sa kaniyang katawan at nakahiga siya sa hospital bed ay nanginginig na ako at naiiyak.
Muli akong napahugot ng malalim na hininga at tumingin sa taas para pigilan ang nagbabadyang luha.
-
Maingay na kalsada ang gumising sa akin. Ramdam ko na rin ang sinag ng araw na tumatama sa aking mukha. Natanaw kong muli ang nagtataasang gusali at ang nagkalat na mga sasakyan.
Pero hindi gaya nang una kong tapak rito ay hindi na ako namamangha sa nasisilayan ko. Puro inis na lang dahil sa polusyon at ingay ng paligid.
Muling dumagundong ang kaba sa aking sistema ng maalala si Asher.
Nang marating namin ang bahay namin ay agad kong kinontak si Ash pero wala akong nakuhang sagot. Ilang mensahe pero walang reply.
Kaya mas lalo akong kinabahan.
Nakalabas na ba siya ng hospital?
Pagkatapos nang pag-aasikaso sa mga bagahe namin ay dinalaw ako ng matinding antok. Para akong hinihila ng kama kaya pinaunlakan ko na ito.
Narinig ko pang tinawag ako ni mama para maghapunan pero hindi ko na nagawang sumagot, at kahit narinig ko ang pagtunog ng cellphone ko ay kusa ng pumikit ang mata ko.
Bukas na bukas din ay dadalawin ko siya.
Pero sa ngayon ay kailangan ko munang ipahinga ang aking isip, puso at katawan.
Kahit sandali.

Komento sa Aklat (168)

  • avatar
    Carin Sarino

    nice

    06/06/2024

      0
  • avatar
    LogatchoMarryrose

    it's this poly? I wanna know if this is polymonari hehe😊

    16/04/2024

      0
  • avatar
    Jeandel

    wowww

    01/02/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata