Me, Liam, and Jav got closer after their drunk moments at home. Kapag may time ay matiwasay silang dumadalaw sa bahay. Naiilang pa rin sila kay Papa at Mama pero bihira na lamang iyon dahil napaka-welcoming ng magulang ko sa kanila. Minsan doon sila sa bahay pupwesto para gumawa ng projects at assignments. Kapag wala namang school work, nanonood kami o 'di kaya naman ay naglalaro ng online games. My dull life brightens because of their presence. Dinoble nila ang kulit at ingay ni Morrie kaya kahit papaano ay hindi na boring ang maghapon ko. Kaya lang hindi katulad kay Morrie, hindi ko kayang i-share sa kanila ang ibang thoughts at experiences ko. Lalaki pa rin sila at alam kong iba ang magiging pagkakaintindi nila sa sasabihin ko. Sa school ay ganoon din. Sabay-sabay papasok. Dadaanan namin ni Liam si Javier para sabay-sabay ulit sa pagla-lunch. Marami akong naririnig tungkol sa pagiging close ko sa dalawang lalaki pero hindi ko na 'yon pinansin dahil mas mahalaga sa akin ang positive vibes na ibinibigay nila sa akin. Sa mga natitirang linggo namin sa pagiging Grade 11, naging busy kami sa pag-aaral lalo na at last quarter na. Kinailangan naming mag-focus sa pagkukumpleto ng ipapasang requirements at pagre-review para sa aming quarterly exam. Nakahinga kami nang maluwag noong dumating ang buwan ng Marso at finally, tapos na kami sa unang yugto ng pagiging senior high namin. Isang taon na lang at tutuntong na kami sa kolehiyo. Kasalukuyan akong nakaupo sa bleachers kung saan malapit sa mga players na kakampi ni Liam. Buwan ng Mayo ngayon at sumali si Liam sa paliga sa aming lugar. Every summer ay may paliga dito sa amin para magkaroon ng pampalipas oras ang mga kabataang nagpapahinga sa natapos nilang school year. Naka-cap at mask ako na black. Sinadya ko talagang itago ang mukha ko dahil hindi alam ni Liam na manonood ako. Championship na ngayon at alam niyang hindi ako pupunta dahil wala si Javier. Palagi ko kasing kasama si Javier manood kapag may laro sila pero ngayon may inasikaso siya kaya ako lang mag-isa. Pero hindi ako mapakali. Last game na ito at ayoko namang palampasin ang pagkakataon na mapanood siyang maglaro. Magaling mag-basketball si Liam. Naalala ko pa noong namimili pa lang siya ng team na sasalihan, maraming interasadong makuha siya. Kaya madalas ay asar talo siya kay Javier dahil inaasar siya nitong feel na feel niya na pinag-aagawan siya ng mga team. Maingay ang paligid. Kadalasan puro babae ang sumisigaw. Nakakabingi lalo na sa bawat score na nagagawa ng players, talagang sumisigaw sila sa abot ng makakaya ng kanilang lalamunan. Kung ano-ano pa ang sinasabi nila na nakakainis sa pandinig. "Go, Babe!" "Kaya mo yan, Liam, asawa ko!" "Anakan mo 'ko walo!" "Tirahin mo na!" tili ng mga kababaihan. Wala silang hiya at sa kahit anong lalabas sa bibig nila. Lalo silang naha-hype dahil maraming sumusuporta at tumatawa sa pagsigaw nila. Tahimik lang akong nagmamasid. Nakatingin lamang ako kay Liam na seryosong seryoso sa pagdi-dribble ng bola. Naghiyawan muli ang mga tao nang tumira si Liam sa three-point lane at pumasok ito. Lamang ang team nila Liam ng limang puntos at may dalawang minuto na lamang ang natitira sa oras. "Time-out," sigaw ng announcer. Agad bumalik sa bleachers ang mga players at nagkumpol. Hindi ko napansin na malapit rin pala si Angel sa upuan ng mga players kasama ang mga kaibigan niya. Narinig kong tinawag niya si Liam kaya agad naman silang inasar ng mga nakarinig. "Liam, here!" abot ni Angel sa bottled water. Hindi naman nag-atubuli si Liam na lumapit at kuhanin ang inaabot nito. Nakangiti pa siya habang kinukuha niya ang tubig. Kaya naman todo hiyaw ang mga nakapaligid sa kanila. "Thanks, Gel," kumindat pa siya na nagpapula kay Angel. Napairap ako sa nakikita ko. Tss. Ano 'yon? Nakakakilig ba ang kindat? Duh! I don't mean any harm pero hindi niyo ako masisisi. Kung noon nababaitan ako sa kaniya ngayon iba na. Lumabas ang tunay na kulay niya noong naging madalas ang pagsasama namin ni Liam at Javier. Nasa loob ang kulo. Isa siya sa mga estudyanteng bumubulong sa tuwing makikita nilang magkakasama kaming tatlo. Minsan pa ay nahuhuli kong masama ang tingin niya sa akin. Hindi mapagkakaila na may gusto siya kay Liam kaya ganoon siya sa akin. "Attention seeker," bulong ko nang punasan naman ni Angel ng panyo ang noo ni Liam na puno ng pawis. Tuwang-tuwa siya dahil inaasar sila ng mga tao sa paligid nila. Ito namang si Liam sagana sa ngiti. Parang gustong-gusto niya ang ginagawa nito sa kaniya. Laking pasalamat ko nang pumito ang referee para pabalikin na ang mga players sa court. Gusto pa kasing punasan ni Angel ang likod ni Liam na parang alagang-alaga niya ito. Umaasta siyang supportive girlfriend at nakakainis makita 'yon. Sinasamantala niya ang pagkakataon na wala ako sa tabi ni Liam. Kapag kasi alam niya na kasama ako ni Liam hindi siya lumalapit. Agad nagsimula muli ang laro at nagpalitan ng puntos ang dalawang kuponan. Hanggang sa segundo na lang ang natira at parehas ang score ng dalawang team. Nasa team ngayon nila Liam ang bola at kapag nashoot nila ito tiyak na sila na ang champion. Kahit hindi ako ang naglalaro ako ang kinakabahan para kay nila Liam. Magkasiklop ang mga kamay ko at halos mamawis iyo sa higpit ng pagkakahawak ko. Hawak na ni Liam ang bola at dini-driblble niya ito. Nafu-frustrate ako dahil baka maagaw pa ng player na nakabantay sa kaniya ang bola kadi-dribble niya. "Last 10 seconds," sigaw ng announcer. Humiyaw naman ang mga nanonood at inaabangan ang sunod na galaw ni Liam. "Boo! Ang tagal mo!" "Wala 'yan!" "Kabado!" "OT, OT, OT" sigaw ng mga cheerer sa kabilang team. "Kaya mo 'yan, Liam!" "I-shoot mo na!" "Uwian na!" "Champion!" "You can do it, Liam," si Angel ang sumigaw niyon. Napatingin naman si Liam at ngumiti. Nagtilian naman ang mga nakakita at tinulak-tulak naman si Angel ng mga kaibigan niya dahil sa kilig. Umatras si Liam sa three-point lane at hinahanda ang sarili sa pag-shoot ng bola. Ay gano'n? Kailangan may specific na taong sisigaw para gumawa na siya ng kilos niya? Buti hindi naagaw ang bola dahil sa kalandian nila. Umirap ako sa kawalan at pinanood ang pagbuwelo ni Liam. Hindi ko maintindihan ang logic nila. Ano bang nakakakilig sa tingin at ngiti ni Liam? Well, ano nga ba, Shanaia? "Huwag mo sanang ma-shoot," puno ng pagmamaktol na bulong ko. Pero kabaligtaran ito ng gusto ko. Syempre gusto ko silang manalo. Iyon nga ang nangyari. Binitiwan ni Liam ang bola at pigil-hininga ang lahat nang nasa ere na ang bola. Sabay-sabay naghiyawan ang lahat nang pumasok ang bola kasabay ng pagtunog ng buzzer. Buzzer beater! Agad nagkagulo sa loob ng court dahil sa kasiyahan. Ang mga teammates ni Liam ay binuhat-buhat siya at binatukan. Pabalik na sila sa bleachers at handa na akong magpakita kay Liam nang harangin siya ni Angel. Agad na namang umingay ang paligid at napuno ng tuksuhan. "Yes naman! Ang inspirasyon ni Boss Liam,"dinig ko pang tukso ng isa niyang teammates sa kanila ni Angel. Imbis na maghintay ulit kay Liam, tumayo na ako at lumabas sa court. Nainis na ako. Ano ba sila? Inspirasyon? The heck! Wala naman akong magagawa dahil wala naman silang alam sa nararamdaman ko. Isa pa, hindi naman responsibilidad ni Liam na pagaanin ang loob ko dahil wala naman siyang nararamdaman para sa akin. Kaibigan lang ang tingin niya sa akin at isa iyong masakit na katotohanan. Naglalakad na ako pauwi at bawat daanan ko ay tinitingnan ako. Siguro ay kinikilala nila ako dahil sobrang tago ng mukha ko. Daig ko pa kasi ang kriminal sa porma ko. Hindi ko naman sila pinapansin at nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Ilang saglit pa, may humawak sa kamay ko at hinila ako. Babawiin ko na sana ang kamay ko pero nang nakita ko ang surname sa likod ng jersey nito, hinayaan ko na lamang at nagpatianod sa paghatak niya. Paano niya 'ko nakilala? Samantalang 'yong mga tao kanina na madalas akong nakikita ay inaaninag pa ako. Napunta kami sa likod ng court kung saan madalang ang mga taong dumadaan. Binitiwan ni Liam ang kamay ko at tinanggal ang cap ko. "Akin na nga 'yan! Epal ka!" inis na sabi ko habang inaagaw ang cap sa kaniya. Umiling lamang siya at itinaas ang kamay kung nasaan ang cap. Pinagtitripan niya ba ako? Kung oo, 'wag ngayon. Badtrip ako sa kanila ni Angel. Dahil hindi naman nagkakalayo ang height namin lumapit ako nang bahagya at tumingkayad ako para makuha ko ang cap. Hinawakan ko ang braso niya para ibaba niya iyon pero lalo rin siyang nagpapatangkad. Sa kapipilit kong abutin ang cap hindi ko napansin ang batong natapakan ko na naging dahilan ng pagkatapilok ko. Naging mabilis ang pagkilos ni Liam. He grabbed my waist to prevent me from falling. Ang sakit! Sobrang sakit! Pero hindi ako makahinga sa sobrang lapit ni Liam. Hapit na hapit niya ako at halos mabuhat pa dahil sa paraan niya ng pagkakahawak sa akin. "Shit! Ang sakit!" inda ko sa paa ko. "Hindi ka kasi nag-iingat eh," naiinis na sambit ni Liam. Binitiwan niya naman ako at agad bumalik sa normal ang paghinga ko. Umupo siya para kuhanin at tingnan ang paa ko. Aba! Siya pa ang galit. Siya 'tong may kasalanan kung bakit ako natapilok. Pwede namang ibalik na sa akin ang cap ko, pinagtripan pa ako. "Hoy! Ikaw pa ang galit? Eh ikaw 'tong may kasalanan," bulyaw ko sa kaniya habang busy siya sa pagtingin sa paa ko. "Tsk. May sugat tuloy. Itapak mo nga," inis na utos niya sa akin. Aba, talaga! Hindi niya pinakikinggan ang galit ko ah. Galit din siya dapat. Sinunod ko naman ang sinabi niya at agad akong dumaing nang maitapak ko ang paa ko. Gusto kong sabunutan si Liam sa sakit pero pinigilan ko ang sarili ko. Sumuntok suntok na lang ako sa hangin para maibsan ang sakit na nararamdaman ko. "Kasi! Umupo ka nga dito," talagang inis niyang sabi. Bakit ba siya galit? Siya na nga ang dahilan kung bakit ako natapilok, parang ako pa ang mali. "Sa susunod mag-ingat ka naman. Tingnan mo oh, may sugat ka, may pilay ka pa. Nakakainis naman. Ayokong nakikitang may sugat o kaya nasasaktan ka eh," he sounded so annoyed while he's busy tying a handkerchief on my injured foot. Ah! Kaya siya galit dahil nagkasugat at nasaktan ako? Wow, amazing! Natameme naman ako. Gago, may tama na ako. Mas malala pa ako kay Angel. Kinilig ako sa sinabi niya. Tahimik lang akong pinagmasdan siya at hinintay siyang matapos sa pagtatali sa paa ko. Nang matapos siya sa ginagawa umupo siya sa tabi ko at nagtaka naman ako kasi nakakunot ang kilay niya. Sa malayo pa siya nakatingin at hindi ako tinitingnan. "Hoy, Liam!" tawag ko sa kaniya pero hindi niya ako pinansin at nanatili ang tingin niya sa malayo. "Galit ka? Bakit?" tanong ko pa pero hindi niya pa rin ako pinapansin. Gano'n? Galit siya? Pwes, galit din ako! "Kung ayaw mo akong kausapin, uuwi na lang ako," sabi ko at pinilit tumayo. Agad naman akong umaray dahil aksidente kong naitapak ang paa ko. Tumingin sa akin si Liam at parang mas lalo pa siyang nainis sa akin. "Sige, dagdagan mo pa ang inis ko. Umupo ka lang diyan," bulyaw niya sa akin. "Bakit ka ba kasi galit?" Hindi ako magpapatalo. Hindi ko siya maintindihan kung ba't siya galit kaya magagalit din ako. Nagiging isip bata na ako dahil sa lalaking ito. "Hindi ka nga kasi nag-iingat!" parang nawawalan na niyang pasensya sa akin. Kumunot naman ang noo ko, "Huh? Eh, ikaw nga dapat ang sinisisi ko. Bakit ba kasi kinuha mo ang cap ko?" inis na tanong ko. Ang lakas pala ng topak niya eh! Hanep talaga! "Ba't 'di ka man lang nagpakita sa akin? Nagtago ka pa gamit 'yang mask at cap mo akala mo hindi kita makikilala." 'Yon pala. Nakita na niya pala ako sa loob? "Nakilala mo na pala ako, bakit hindi mo 'ko nilapitan?" I fired back. Syempre nandoon si Angel, bulong ko sa isip ko. "Dapat, no'ng tapos na 'yong laro. Pero umalis ka na. Hindi mo man lang ako binabati," nakangusong sabi niya. "Paanong lalapit ako sa 'yo eh hinarang ka na ni Angel," mapait na sabi ko. Nakita ko ang pagka-amuse niya sa sinabi ko. Anong nakakatuwa? Inirapan ko naman siya at tumingin sa malayo. "Buti pa nga siya binigyan ako ng tubig, chineer at binati," pagpaparinig niya sa akin. Nainis naman ako. E 'di do'n siya. "Tuwang-tuwa ka naman? E 'di bumalik ka na ulit do'n sa kaniya," I frowned. Hindi ko na naisip ang sinabi ko. "Are you jealous?" marahan niyang tanong sa akin. Lumapit pa siya para tingnan maigi ang reaksyon sa mukha ko. Naiilang ako sa lapit ng mukha niya. Titig na titig siya sa akin na parang ginagalugad niya ang katauhan ko at magiging reaksyon ko. Hinayupak 'to! Assumero! Totoo naman, pero hindi ko aaminin sa kaniya 'yon. "Why would I? Hindi naman kita gusto," matapang na sabi ko kahit sa pakiramdam ko ay nanginginig ang labi ko. Hindi ko kinakaya ang lapit ni Liam sa akin. Naghuhuramentado ang sistema ko sa tuwing ganito siya kalapit sa akin. Feeling ko, anytime ay mababasa niya ang mga reaksyon ko at malalaman niya ang lihim kong pagtingin sa kaniya. Napasimangot naman siya at parang dismayado ang naging reaksyon niya sa sinabi ko. Umupo ulit siya nang maayos at tumingin muli sa malayo. Huwag mo 'kong artehan ng ganiyan Liam baka ma-misinterpret kita. "Well, wild guess lang naman," walang ganang sabi niya. Tinanggal ko sa isip ko ang maaaring kahulugan ng reaksyon ni Liam. Ayoko pa ring umasa kahit maraming beses ko nang napapansin kay Liam ang ganiyang reaksyon niya. Pati ang mga galaw niya ay hindi ko mahulaan ang ibig sabihin. Basta ilalayo ko ang sarili ko sa posibleng sakit na mararamdaman ko sa pagkakagusto ko sa kaniya. Mawawala rin ito. "Uwi na ako," sabi ko pagkatapos ng mahabang katahimikan. "Tara, pumasan ka na sa akin." Tumayo si Liam at bahagyang binaba ang lebel para makasampa ako sa likod niya. "Huh? 'Wag na! Katatapos lang ng laro mo at baka hinahanap ka na nila doon sa loob," pagtukoy ko sa teammates niya. Baka may celebration sila kaya hindi ako papayag. Isa pa pagod siya galing sa paglalaro tapos bubuhatin niya ako. "Ano naman? Sakay na!" walang pakialam na sabi niya. Hindi ako sumagot at tiningnan lang siya. Napatingin siya sa akin at tumayo sa harap ko. Mukhang nawawalan na siya ng pasensya sa akin. "Papasan ka sa akin o bubuhatin kita ng bridal style? You choose," inis na sabi niya. Literal na nanlaki ang mata ko. Seryoso ba siya? Tangina talaga nitong lalaking 'to. Ayoko ng mapalapit sa'yo pero ikaw naman ang gumagawa ng paraan para mapalapit sa akin. Alam kong kaya niyang gawin ang huling choice na ibinigay niya sa akin kaya naman padabog ko siyang pinatalikod at pumasan sa likod niya. Ang awkward sa pakiramdam habang nakapasan ako sa likod niya. Nacoconscious tuloy ako dahil baka mabigat ako at nahihirapan siya. "Kung nabibigatan ka sa akin ibaba mo na lang ako," alanganing sabi ko. "Hindi ka naman mabigat. Para nga akong nagbubuhat ng papel," mayabang na sabi niya. Pinalo ko ang braso niya at parang wala lang iyon sa kaniya dahil natawa pa siya. Tumitibok na naman 'tong walang-hiyang puso ko sa simpleng tawa niya. Kitang-kita ko ang mukha niya dahil halos magdikit na ang mukha namin. Hindi ko na kaya ang ganito kalapit. Pinapanalangin ko na sana hindi tumagos sa likod niya ang lakas at bilis ng pintig ng puso ko. I rested my head on his shoulder while he's walking down our street. Baka mawala na ako sa sarili ko kapag nanatili akong nakatingin sa kaniya. It's absurd! Buti na lang ay naka-cap at mask ako kaya naman less ang hiya ko sa mga nakakakita sa amin. May ilan pang bumabati kay Liam pero nginingitian niya lang iyon at lalagpasan. In no time we arrived in front of our house. Pinilit ko pa si Liam na ibaba ako dahil gusto niya ay hanggang sa loob ay buhatin niya ako. Hiyang-hiya naman ako dahil hinihingal siya nang ibaba ako. Hindi na ako nag-atubiling yayain siya sa loob para painumin. Nagpa-alalay na lang ako papasok sa bahay at hindi na sumunod sa gusto niyang buhatin muli ako. Pagpasok sa loob nandoon pala si Mama at Papa sa sala, nanonood sila sa TV. "Oh, anong nangyari sa 'yo, Shai?" nag-aalalang tanong ni Mama nang makita niya akong naka-akbay kay Liam habang patalon-talon na naglalakad. "Ah, ano po, natapilok lang po. Hindi ko po kasi napansin na may bato sa lalakaran ko," I half heartedly said. "Good afternoon po, Tita, Tito," bati naman ni Liam sa mga magulang ko habang inaalalayan akong makaupo sa sofa. Tumango naman si Papa sa kaniya. "Champion?" tanong niya kay Liam. "Po?" nagtatakang tanong niya. Hindi niya siguro inaasahan na alam ni Papa na championship game nila ngayon. "Ah, opo," sagot niya nang marealize niya ang tanong ni Papa. Ngumiti naman si Papa at bumaling sa akin para tingnan ang paa ko. Agad nilang pinakuha si Liam ng first aid kit at yelo sa kusina. Talagang close na sila. Feel at home na feel at home naman itong si Liam sa bahay. Kumportableng kumportable na sila sa isa't-isa na siyang nagpapatuwa sa puso ko ngayon. Minsan naiimagine ko na boyfriend ko si Liam at napaka-supoortive ng mga magulang ko sa aming dalawa. Baliw na nga yata ako para isipin iyon. Paano ba ako makakaahon, kung sa simula pa lang hindi ko na iniwasan ang pagkahulog? Gusto kong mawala sa sistema ko ang nararamdaman ko at maging isang normal na kaibigan ni Liam. Pero habang tumatagal lalo lang lumalim, lalo lang akong nahuhulog dahil sa mga unpredicted acts na ipinapakita niya sa akin. Mixed signal ba ang tawag dito? Nah. Hindi 'yon applicable sa kaniya dahil wala nga siyang gusto sa akin. Inabot na ng gabi si Liam sa bahay. Hindi na siya nakatanggi ng yayain siya nila Mama na maghapunan sa amin. "Baka may celebration kayo? Pwede mo naman sabihin sa kanila," bulong ko sa kaniya habang nakaupo kami at hinihintay ang pagkain. "Ayos lang 'yon. Nag-chat na ako sa kanila. Mas mahalaga sila Tita." Kumindat pa siya sa akin at saka bumaling sa ulam na kalalapag lang ni Mama sa mesa. He never failed to amuse me. Magaling siya sa salita at ibibigay ko sa kaniya iyon. Isa nga siguro 'yon sa dahilan kung bakit kapit na kapit ako sa pag-asang magkakagusto siya sa akin. Nakakatawa ang sarili ko dahil sa bilis ng pagbabago ko. Kung dati wala akong pakialam ngayon, halos lahat ay mapapansin ko lalo na't pagdating kay Liam. Hindi ako 'yong tipo na ipipilit ang nararamdaman ko kapag wala naman talagang pag-asa pero pagdating kay Liam nag-iba 'yon. Ang pag-iisip ko ay nag-iba na rin. Hindi ko nagugustuhan iyon pero nag-eenjoy ako. "Liam, baka gusto mong sumama sa outing namin before ang start ng klase niyo," biglang sabi ni Papa. Oo nga pala may swimming kami bago matapos ang buwan na ito. Last na ito dahil susunod na buwan ay magsisimula na naman ang klase. "Pwede po ba?" excited na tanong ni Liam. "Kaya nga kita niyayaya ngayon. Imibitahan mo na rin si Javier, Shanaia," ani Papa habang sumasandok ng ulam. Agad naman na-excite sa tabi ko si Liam. Tuwang-tuwa siya dahil wala daw siyang napuntahan ngayong bakasyon maliban sa bahay nila. Busy daw ang mga magulang niya kaya sa bahay lang sila. Natutuwa ako kasi kahit papaano kapag binabanggit niya ang pamilya niya ay hindi na siya ganoon kalungkot. Parang nasasanay na siya sa setup ng pamilya niya. Sana nga nasasanay na siya. Nandito naman kami para punan ang kulang sa kaniya. Lalo na ako. Matapos kumain kinuha ko sa kwarto ko ang regalo ko dapat sa kaniya noong birthday niya. Ilang beses ko ng nakalimutan iyon at buti ngayon ay naalala ko dahil sakto sa pagiging champion nila. Inabot ko sa kaniya ang maliit na black paper bag na naglalaman ng box sa loob. "Oh," abot ko sa kaniya ng regalo. Lumiwanag naman ang mukha niya at excited na binuksan iyon. "Birthday gift ko sana sa 'yo 'yan kaya lang nakalimutan ko. I think this is the right time to give it to you since nag-champion ka rin naman ngayon," nakangiting sabi ko. Tumingin naman siya sa akin at hindi pa man siya ngumingiti, nakangiti na ang mga mata niya. Before I could say anything again, he pulled me for a hug. "This is the best gift I have ever received in my life, Shanaia. Thank you," bulong sa akin ni Liam habang nakayakap. "Bolero," I chuckled and hugged him back. Nakaka-overwhelm ang ganitong pakiramdam. Sana ganito na lang palagi. Kapag yakap niya ako parang gusto ko na lang doon manatili at huwag nang umalis pa. Parang siguradong sigurado na ako sa kaniya. Umalis siya sa pagkakayakap at kinuha ang authentic mood bracelet na laman ng box na ibinigay ko sa kaniya. Talagang nag-iiba ang color no'n base sa kasalukuyang nararamdaman ng may suot niyon. Agad namang niyang sinuot iyon at lumitaw ang kulay violet sa mood bracelet na iyon. Tumingin ako sa kaniya at ngumiti, " You're happy," marahan na sabi ko. Iyon kasi ang kahulugan ng color na iyon sa mood bracelet. "I am," masayang sabi niya at muli ay hinatak niya ako para yakapin. Naisip kong bilhin iyon kahit mahal dahil minsan ay tinatago niya ang tunay niyang nararamdaman. Aminado naman siya doon kaya naman naisip ko sa pamamagitan ng bagay na iyon malalaman ko ang tunay na nararamdaman niya. Kinabisado ko rin ang kahulugan na nakapaloob sa bawat kulay na lalabas doon. Ganoon kaimportante sa akin malaman ang nararamdaman niya. Nagpaalam din agad si Liam sa akin nang may mareceive siyang message sa cellphone niya. Bago pa siya umalis ay nagpasalamat ulit siya at hinalikan pa ako sa noo. Pumasok naman ako sa kwarto ng masayang-masaya. Naalala ko ang sinabi ni Papa kanina kaya naman kinuha ko ang cellphone at aanyayahan ko si Javier sa outing namin. "Hello." Bati ko kay Javier pagkasagot niya ng tawag ko. Namimiss ko rin 'tong lalaking 'to. Madalas ay missing in action na siya. Pinilit ko na nga lang siya manood sa mga nagdaang laro ni Liam. "Oh, Shanaia." The usual lively tone of Jav filled my ears. "Gusto mong sumama? Swimming tayo kasama si Liam." "Kayo na lang may gagawin ako eh." Nanibago naman ako sa tono ng boses ni Jav ng sagutin niya ako. Wala siyang gana at parang umiiwas. Feel ko ay excuse niya lang na may gagawin siya. "Si Papa pa naman nag-aya sa 'yo, Jav." Pamimilit ko. Tagal ko nang hindi nakikita 'to eh. Tsaka para malibang naman siya bago ulit magpasukan. "Talaga? Sige ta-try ko, Shai" Bumalik ang sigla sa boses ni Jav kaya naman nagkaroon ako ng pag-asa na makakasama siya sa amin. "Sige, Jav. Asahan kita ha?" Sabi ko at ibinababa na ang cellphone. Humiga ako sa kama at pumikit. Nahihiwagaan din ako diyan kay Javier eh. Bigla-bigla na lang umiiwas. Kahit anong pilit niya na huwag ipahalata, nahahalata ko pa rin dahil paulit-ulit ang excuse niya sa tuwing yayayain namin siya ni Liam. Hindi rin ako sure kung dahil ba sa akin kasi sa tuwing mapipilit namin siya, lumalayo siya sa akin o 'di kaya naman ay nililimitahan niya ang pakikipag-usap sa akin. May nagawa ba ako sa kaniya? May mali ba akong nasabi na na-offend siya? Hayaan na nga. Kapag sumama siya, doon ko na lang siya tatanungin para maliwanagan ako. Para kasing bumabalik sa alaala ko 'yong nangyari sa amin ni Morrie. Ganitong-ganito 'yon. Iniwasan niya ako at hinayaan ko naman siya sa gusto niyang mangyari. Hindi ko na siya tinanong kung ano ba talagang problema kaya naman lalo siyang nawala. Ayokong maulit muli 'yong nangyari noon. Ayokong mawalan ulit ng kaibigan dahil lang sa pag-iwas. Dapat ay isantabi ko na ang takot at kaba dahil baka pagsisihan ko na naman sa huli na hindi ako nagtanong hanggang sa iniwan na lang ako sa ere ng taong napakahalaga sa akin.
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
hoppy
08/09/2024
0sex
02/09/2024
0so good
31/08/2024
0Tingnan Lahat