Homepage/Blurring The Lines/
Chapter Thirteen - Confidante
Saktong pagbaba ko sa tapat ng subdivision namin mula sa taxi na sinasakyan ay nag-vibrate ang cellphone ko sa aking bulsa. Imbes na diretsong maglakad papasok sa gate upang makauwi na ako sa bahay namin ay tumabi na muna ako sa sidewalk upang silipin ang screen ng phone ko.
Nagsalubong ang dalawang ko nang mabasa ang nag-iisang chat ni Yago na nag-pop out sa notification ko.
Yago: How's my Chianna? Binabantayan mo ba siya?
Malakas na napaihip na lang ako ng hangin sa bangs ko at mabilis na nagtipa ng mensahe para sa kanya. Out of town kasi ang banda nila dahil may gig sila sa kung saan-saan. Ilang linggo na rin silang wala dito sa Mariano.
Jasmine: Huwag kang mag-alala. Walang ibang lalaking aaligid sa Chianna mo.
After I hit sent, isinuksok ko na muli ang cellphone ko sa bulsa ng aking palda at mabibigat ang mga hakbang na pumasok ako sa convenience store upang bumili ng slurpee nang sa gano'n ay lumamig-lamig ang ulo ko.
Kumag na Yago! Talagang ako ang ginawa niyang tagapagbantay kay Chianna porket malapit ako sa pinsan niya? Ano bang tingin niya sa James my loves ko, isang predator na sasalakay sa Chianna niya habang wala siya?
Though suportado ko sila ni Chianna dahil nice guy naman itong si Yago kung tutuusin at napatunayan na niya ang sarili niya sa akin. Kitang-kita ko naman na mahal na mahal niya talaga ang kaibigan ko at inaalagaan niya talaga ito ng husto. Sobrang spoiled na spoiled nga ang gaga sa panliligaw niya.
Bukod do'n, galante pa ito at laging nanlilibre kapag sinasama ako ni Chianna doon sa studio, pero siyempre kay James pa rin ang loyalty ko. Ayokong sirain ang deal namin na tutulungan ko siyang mapansin ni Chianna ang feelings niya.
"Ma'am, wala po ba kayong smaller bill?" tanong ng cashier nang ilapag ko ang isang libo sa counter.
Napadukot na lang ulit ako sa wallet ko kaso puro tig-five hundred pesos na ang laman no'n. Ang barya ko na lang ay six pesos, kulang na kulang na pambayad sa slurpee at clubhouse sandwich na binili ko.
"Five hundred pesos, ate. Pwede na?"
Sinilip nung cashier 'yong kaha na lagayan ng pera at bagsak ang balikat na umiling. "Sorry, ma'am. Baka meron pa kayong mas smaller bill? Sunod-sunod kasi 'yong bumili na puro one thousand pesos ang pera. Naubusan na po ng panukli."
"Ah, gano'n ba, ate? Balik na lang ako. Diyan lang naman ako nakatira," imporma ko saka inginuso 'yong subdivision namin. "Iwan ko na lang itong cellphone ko para siguradong babalik ako."
"Po?" Napakamot ito sa ulo. Halatang nag-aalangan.
"Ate, mukha ba akong batang hamog na itatakbo itong kinakain ko at hindi magbabayad?" Itinuro ko ang mukha ko gamit ang daliri. "Sa cute kong ito? Pagsususpetsahan mo pa?"
Natatawang pinasadahan na lang niya ako ng tingin, from head to toe. Partida, naka-uniform pa ako ng Henris University. Kilalang-kilala ang university namin sa pagiging prestihiyoso nito, hindi pa rin ba siya kumbinsido?
"Wait, ate. May naisip ako," sabi ko na lang saka inilapag 'yong slurpee ko at clubhouse sandwich na kinagatan ko na.
"Ma'am, saan po kayo pupunta?!" tarantang tawag nung cashier sa akin nang bigla akong lumabas.
Akala niya siguro tinakbuhan ko na talaga siya, eh nagpunta lang naman ako sa guard house ng subdivision namin,bpara manghiram ng sixty pesos doon sa guard na bantay doon.
"I-ito na ate 'yong...bayad ko. Para hindi ka na ma-hassle," hingal na sambit ko nang makabalik sa harapan nung cashier. Dinampot ko na ulit 'yong clubhouse sandwich ko at dahan-dahan na uminom sa slurpee ko upang mapawi agad ang uhaw ko.
"Thank you po, ma'am! Come again!"
Tumango na lang ako at binigyan siya ng tipid na kaway nang makatalikod na ako. Paglabas sa convenience store ay tumawid ako sa kabilang kalsada upang maglaro muna sa claw machine sa tapat. Kaso naalala ko, wala nga pala akong barya. Ang tungaw lang.
May coin changer machine naman dito kaso hanggang two hundred peso bill lang ang pwedeng papalitan. Ano nang gagawin ko rito? Tutunganga na lang?
Naiiling na napaupo na lang ako sa stool at pinagmasdan na lamang ang mga stuffed toy sa loob nung mga claw machines habang inuubos ang pagkain ko. Sayang naman, ang cute pa naman ng mga pokemon na naroon. Gusto ko nung Squirtle.
"Young Lady, anong ginagawa dito? Nag-cutting ka ba?"
Napalingon ako sa gawing kaliwa ko nang makarinig ako ng isang pamilyar na boses. Dali-dali akong bumaba sa inuupuan ko na awang ang mga labi at mabilis na itinapon sa basurahan ang hawak kong cup na wala nang laman.
"Sir!" I greeted a bit shock when Sir Aga took a step closer to me, his both hands were shoved inside the pocket of his white pants.
Hindi ko naman inaasahan ang biglang pagsulpot niya kaya natulaley ako ng bahagya. At sa paglapit niya pa sa akin, nanuot sa ilong ko ang pinaghalong manamis-namis na halimuyak ng tarragon at cardamom kaya hindi ko mapigilan ang sarili na pasimpleng mapasinghot.
"Mr. Burberry," wala sa loob na usal ko.
"Hmm?"
"Wala po, sir!"
With a deep frown covering his face, Sir Aga pulled the neckline of his blue gray t-shirt towards his nose and took a sniff.
"Paano mo nahulaan ang pabango ko?" manghang tanong niya nang iangat ang tingin sa akin.
"May kakilala lang po ako na mahilig sa mamahaling perfume. Collection po niya. Kapag may occasion, madalas mga pabango po ang nireregalo ko sa kanya."
"Kaya pala pamilyar ka na. Ang galing mo naman," puri niya at matamis na ngumiti. "Kumusta ka naman?"
"Ayos lang naman, sir. Cute pa rin," biro ko.
"Oo nga," pagsang-ayon naman niya bago sipatin ang pambisig na relo na ang strap ay kakulay nung t-shirt niya. "Pasado alas-dose palang, ah. Tapos na ba ang klase niyo?"
"Opo, sir. Half-day lang po kami ngayon."
"I see." Umangat ang kamay niya sa ulo ko at bahagyang ginulo ang nakalugay kong buhok kapagkuwa'y isinuksok niyang muli iyon sa kanyang bulsa. "Akala ko nagka-cutting ka na. Bad 'yon."
"Naku, sir. Aaminin ko, I'm not good with academics pero never po akong nagbulakbol. Kapag ginawa ko 'yon, sinturon ang aabutin ko kay daddy."
"Sinisinturon ka pa rin niya kahit malaki ka na?"
"Hindi na, kasi hindi na ako pasaway. Pero noong bata ako, wala akong ligtas sa hagupit ng belt niya kasi napakakulit ko no'n," pagdaldal ko na siyang ikinatawa niya. "Bakit po pala kayo nandito? Napadaan lang?" usisa ko pa.
"Parang gano'n na nga," aniya saka itinuro ang puting kotse niyang nakaparada sa tapat. "Kagagaling ko lang sa bahay ng kapatid ko, inihatid ko 'yong pinabili niyang stroller ng baby niya. Hindi ba sabi ko sa'yo, malapit lang dito ang tinitirhan nila. Doon lang sa kabilang subdivision to be exact."
"Ah, kaya po pala. Iisa nga lang po 'yong way papunta roon."
"Tapos sakto, nakita kita. Napababa tuloy ako."
"Bakit naman bumaba pa kayo, sir? Pwede namang sulyapan niyo lang ako tapos sabihin niyo sa sarili niyo, 'Oh, si Jazz 'yon' tapos alis na kayo."
Inilibot lang ni Sir Aga ang tingin sa paligid matapos pakinggan ang mga tinuran ko habang naroon pa rin ang maaliwalas na ngiti sa labi bago bumaling ulit sa akin.
"Mag-isa ka lang yata dito. Baka gusto mo ng kasama?"
Napapitik ako ng daliri at kumikinang ang mga matang napatango ako.
"Hulog ka talaga ng langit, sir! Kailangan ko nga ng makakasama dito. May barya ka ba diyan?"
"Aanhin mo?"
"Maglalaro sana ako dito sa claw machine, pantanggal ng stress. Kaso wala naman akong barya. Tinatamad naman akong umuwi ng bahay tapos babalik dito. Ang tindi pa naman ng sikat ng araw tapos wala akong dalang payong," mahabang paliwanag ko.
"Stress ka? Bakit? Sa school ba?" sunod-sunod na pagtatanong naman nito, may halong pag-aalala sa tono.
"Sir naman. Sa dami ng sinabi ko, iyon talaga ang nakapukaw ng atensyon mo?"
"Concern lang naman ako sa estudyante ko. Kahit nakakatatlong session palang tayo sa workshop, napalapit ka na rin naman sa akin. Close na tayo, 'di ba?"
"Hmm." Hinimas ko ang baba ko gamit ang mga daliri at bahagyang ikiniling ang ulo pakanan.
"Ang tagal mo namang sumagot. Hindi pa ba tayo close?"
"Slight lang!" I replied beaming, as I shamelessly opened the palm of my hand in front of him. "Pero pahiram muna ng bente pesos sir, para mas lalo tayong maging close. Maglalaro lang ako."
"Nangongotong ka pala, ha?" sita niya.
I just offered him a wide grin.
Natatawang nilabas na lang niya 'yong wallet niya mula sa likod ng bulsa ng kanyang pantalon. Naghanap siya ng mga coins kaso wala rin siyang barya kaya two hundred peso bill ang dinukot niya.
"Ito na lang, papalitan natin."
"Weh? Ang laki naman niyan, sir! Bente pesos lang po ang hinihingi ko."
"Siyempre, maglalaro rin ako. Ang lagay eh, ikaw lang ba ang mag-eenjoy?"
Napangiti naman ako sa pagiging game niya at naghanap na ako ng maganda-gandang claw machine kung saan ako maglalaro. Doon ako sa gitna pumwesto samantalang si Sir Aga ay nagtungo na sa coin changer machine. Pinanuod ko lang siya sa ginagawa hanggang sa makabalik ito, bitbit ang maliit na plastic tray na naglalaman ng mga five peso coins.
"Game? Paramihan ng makukuhang toys?" paghahamon nito, itinaas-baba pa ang dalawang kilay niya.
"Mukhang magaling kayo maglaro sa claw machine, sir. Lugi ako."
"Hindi naman ako magaling. Sinuswerte lang paminsan-minsan."
Napangiwi ako at hinipan ang bangs ko. "Ako na ang malas. Noong nakaraang buwan nga, magkano rin ang naubos kong pera dito pero wala pa rin akong nakuha. Madaya talaga 'tong machine na 'to."
"Ganito na lang. Kapag may nakuha ako diyan sa claw machine, ibibigay ko na lang sa'yo 'yon."
"Talaga, sir?!"
"Oo naman," kindat niya.
Napatakip ako sa bibig ko habang nanlalaki ang mga mata, sabay lingon sa stuffed toy ni Squirtle sa loob ng machine at itinuro 'yon.
"Kaya mo bang kunin 'yon, sir? Kapag hindi mo 'yon nakuha, pitikin kita sa noo."
"Alright! Watch and learn, young lady. I will show you my skills," confident na sambit nito.
Nag-inat pa ito ng mga braso tapos pinagkiskis ang mga palad bago ihawak ang isang kamay sa controller. Nang maghulog siya ng pera ay nag-focus ang mga mata niya kay Squirtle.
Mukhang seryoso talaga itong si Sir Aga sa hamon ko. My gulay! Hindi ko rin naman siya kayang pitikin sa noo. Nakaka-guilty kayang saktan ang gwapong mukha niya.
***
Nawili kami ni Sir Aga sa paglalaro ng claw machine kaya halos dalawang oras din kaming napatambay doon. Out of twenty attempts niya, nakakuha siya ng pitong stuffed toys; tatlong Squirtle, dalawang Pikachu at dalawang Togepi. Samantalang ako, wala akong nakuha. Sabi na eh, malas talaga ako.
"Hindi ka na ba sa stress niyan?" Sir Aga blurted out to start a conversation while pouring some condensed milk on his patbingsu.
May malapit na Korean restaurant dito sa area namin, mga ten minutes drive lang mula sa subdivision kaya dito ako dinala ni Sir Aga nang mag-aya itong kumain. Wala pa rin namang tao sa bahay dahil gabi pa ang uwi nina Mommy kaya sumama na muna ako sa kanya.
Isa pa, hindi ko ugaling tumanggi sa grasya kapag inaambunan ako nito ng bongga. Baka kasi magtampo sa akin ang langit, kaya grab-grab lang tayo sa blessings.
"Mai-stress pa ba ako nito, sir? Eh, heto nga at nilibre niyo na ako tapos uuwi pa ako na maraming bitbit na stuffed toys. Ang cute-cute pa nilang lahat, nakakatanggal ng lumbay. Thank you po talaga dito!" energetic na tugon ko habang panay sulyap sa upuan sa tabi ko kung saan pinaupo ko rin iyong mga stuffed toys ko.
"You're welcome. Basta ikaw."
"Naks naman, sir. Favorite student mo siguro ako? Ang lakas ko sa'yo, eh!" biro ko.
Natigilan naman si Sir Aga sa tangkang pagsubo ng bingsu sa bibig niya at diretsong tinitigan ako sa mga mata. Sa hindi malamang dahilan, parang gusto kong bawiin 'yong biro ko dahil baka sumobra na ako. Masyado na akong feeling close sa kanya. Nakalimutan kong teacher namin ni Mommy sa workshop itong taong kaharap ko.
Hindi ko alam kung anong tumatakbo ngayon sa isip ni Sir Aga habang pinagmamasdan ako kaya naging sunod-sunod ang pagsubo ko sa ube macapuno bingsu na siyang naging dahilan ng biglang pagkirot ng sentido ko. Nabitawan ko tuloy ang kutsara ko at awtomatikong napamasahe ako doon sa nananakit na parte.
Hello, brain freeze!
"Dahan-dahan lang kasi sa pagkain. Wala kang kaagaw," sita ni Sir Aga at sandaling inilayo sa akin ang bingsu ko. "Press your tongue or thumb against the roof of your mouth, para mawala-wala," he also instructed and I just followed him.
Agad na humingi rin ito ng isang baso ng maligamgam na tubig at mabilis kong tinungga 'yon nang iabot sa akin 'yon ng waiter.
"Okay ka na?" he asked, still studying my face.
"Okay na po. Thank you," I replied, smiling. Inilapit ko na ulit 'yong bingsu ko sa akin at hinalo-halo muna 'yon habang ilang ulit na lumulunok.
"Ano na nga ulit 'yong topic natin—ah! Iyong tanong mo pala," pagpapatuloy ni Sir Aga sa naputol na conversation namin. "Wala akong favoritism sa mga naging estudyante ko. But I could say na magaan ang loob ko sa'yo. Hindi ko rin alam kung bakit, eh. Dahil siguro nakakaaliw kang kasama?"
"Nakakaaliw akong kasama?" I repeated, and he gave me a nod. "Kasi para akong clown?"
"Oo," walang kagatol-gatol na sagot ni Sir Aga at mahinang tumawa pa nang panlakihan ko siya ng mga mata bilang reklamo. "Ang ibig kong sabihin, kapag ikaw ang kasama ng mga tao, parang good vibes lang lagi. Walang dull moment. You are like a ball of sunshine. Nakakahawa 'yong mga ngiti at tawa mo."
"Nakalimutan ko na nga kung ano ba ang pakiramdam ng maging malungkot. Parang hindi kasi bagay sa akin lalo pa't nasanay ang mga tao sa akin na laging dinadaan sa biro ang lahat. Kaya minsan kahit sabihin kong down na down na ako, parang walang sumeseryoso sa akin. So in the end, ako na lang din ang nagche-cheer up sa sarili ko—Hoy, ano ka ba? Hindi ka pwedeng maging sad kasi sa'yo sila humuhugot ng positive energy."
"Iyon lang ang mahirap kapag ang tingin nila sa'yo, masyado kang masayahin. Ang hindi nila alam, may pinagdadaanan ka rin naman. Hindi mo nga lang maipakita kasi nga ang gusto mo, happy-happy lang ang vibes sa paligid. Wala namang masama doon, but don't make it a habbit," seryosong pahayag niya at matamang tiningnan na naman ako.
Pasimpleng ibinaba ko na lang ang mga mata doon sa stuffed toys ko habang nakikinig sa kanya.
"It's okay to be sad, to cry or to show them that you are hurting too, kung iyon naman talaga ang nararamdaman mo. Katulad na lang noong nakita kitang umiiyak doon sa parking lot."
"Wait lang, sir!" Dumampot ako ng tissue at ipinahid 'yon sa gilid ng mga mata ko. "Naiiyak ako, keshe nemen!"
"Wala namang luha, eh. Niloloko mo ako."
Binungisngisan ko naman siya saka nag-peace sign at sumubo muna sa bingsu ko bago magpatuloy sa nais kong sabihin. "Kidding aside, sir. Thank you sa words of wisdom mo. It's good to know that there is someone who can see right through me. Wala halong echos, na-appreciate ko po."
"Ito naman. Wala 'yon," aniya saka hinimas-himas ang kaliwa niyang tainga. "At pwede bang huwag mo na akong tawagin na sir? Wala naman tayo sa classroom."
Nagsalubong ang dalawang kilay ko sa request niya. "Ano namang itatawag ko sa'yo? Aga lang? Parang ang bastos ko naman no'n. Ten years po kaya ang tanda mo sa akin."
"Hmm...how about pogi?"
Walang emosyon na tumitig lang ako sa kanya bago tumayo. "Uwi na ko, sir. Korni mo ka-bonding."
"Hindi mo ba uubusin bingsu mo? Marami pang laman. Sayang naman," pa-cool na saad nito habang pangiti-ngiti pa.
Natatawang umupo na lang akong muli at napailing-iling. Medyo maloko rin pala itong si Sir Aga. Marunong na ring mag-joke.
"So, ano na nga ang itatawag ko sa'yo, sir? Utang na inside, huwag pogi! Kinikilabutan ako."
"Bakit ba kumukontra ka? Hindi ba ako pogi?"
"Medyo lang," ismid ko at sumubo ulit ng bingsu. "Mas pogi pa rin ang crush ko, siyempre."
Sumandal siya sa inuupuan at humalukipkip. "Okay fine. Just call me Kuya Aga. I prefer it that way, kaysa naman sa sir. Lalo mo lang akong pinapatanda, eh."
Sabagay. Aga nga lang ang tawag sa kanya nina Mommy at Tita Lindsey kapag tapos na ang klase namin.
"Okay po. Kuya Aga?" I mumbled, a bit awkward. "Ah! Parang ang sagwa, hindi ako sanay!"
"Masasanay ka rin. Isa pa," udyok niya.
Lumunok muna ako at humugot ng malalim na paghinga bago bigkasin ang nais niyang itawag ko sa kanya.
"Kuya Aga. Kuya Aga. Kuya Aga, pengeng pera!" sigaw ko kaya nagtinginan ang mga tao sa amin.
Ayos lang pala na tawagin siyang kuya, mas masarap nga sa pandinig kaysa sa sir. Feeling ko tuloy mas lalo kaming naging close tapos para lang akong nagkaroon ng instant big brother.
I so love it!
***
"Bakit pala ang galing mo mag-claw machine? Hindi ako naniniwalang tsamba lang 'yon kasi ang dami mong nakuha, eh. Siguro kapag nagde-date kayo ng ex mo, lagi rin kayong naglalaro sa claw machine, 'no?" walang prenong pagtatanong ko kay Kuya Aga habang nasa loob na kami ng convertible car niya.
Pabalik na kami sa subdivision namin at dahil nga gentleman ang kasama ko, nagprisinta itong ihatid ako hanggang sa aming bahay.
"Manghuhula ka ba dati? Bakit natutumbok mo ang rason kung bakit magaling ako sa claw machine?"
"Ay, weh?" Gumilid ako ng upo upang madali ko siyang malingon. "Tumpak 'yong theory ko?"
"Medyo," tipid na sagot lang niya, ang mga mata ay diretsong nakatitig lang sa harapan.
May follow up question pa sana ako kaso nagpasya na lang akong itikom na ang bibig at umayos ng upo. Napansin ko kasi ang pagbalatay ng lungkot sa mukha ni Kuya Aga nang mapasulyap ako sa rearview mirror, tapos iyong pagkakahawak niya sa manibela ay humigpit.
Marahil masakit pa rin sa kanya ang paghihiwalay nila ng ex niya. Hindi man niya naikwento sa akin pero halata sa kilos niya na hindi pa siya nakaka-move on.
Sa susunod iiwasan ko nang mabanggit ang ex niya.
"We're here," anunsyo ni Kuya Aga gamit ang pinasiglang boses.
Tinulungan pa niya akong tanggalin 'yong seat belt at pinagbuksan pa ako ng pinto ng kotse.
"Thank you po sa paghatid! At saka sa libre at saka dito sa mga stuffed toys!" magiliw na hayag ko habang yakap-yakap 'yong mga stuffed toy na pokemon.
Tila nakahinga ako nang maluwag nang muli kong masilayan ang maaliwalas na pagngiti niya. Akala ko nasira ko na ang mood niya dahil sa pagiging usisera ko.
"Welcome. Pasok ka na sa loob."
"Sige po! Ingat po kayo sa pagda-drive."
Tumango naman siya saka umikot na patungo sa driver's seat. Tinapunan niya pa ako ng huling sulyap at sumaludo sa akin.
"Thank you for this day, Jazz!" pahabol niya bago paandarin ang kotse.
"Babye po!" pagkaway-kaway ko sa kanya na parang bata hanggang sa tuluyan nang mawala sa paningin ko si Kuya Aga.
My newest confidante.I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (1)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
good
09/03/2025
0Tingnan Lahat