Chapter 30

"So, anong gagawin mo? Sinong pupuntahan mo?" Tanong ni Krisha dahilan para mapabuntong hininga ako. Kahit ako rin ay medyo nagigipit kung sinong pupuntahan. Ilang beses ko ring chinachat si Levi pero hindi siya nagrereply. Si Rowan naman, nahihiya akong puntahan siya. Kapag naiisip ko ang pangalan niya, naaalala ko lang 'yong kiss.
Gaya ngayon.
"Bakit namumula ka riyan?" Malisyosang tanong ni Krisha habang nakaarko ang kilay. Mabilis akong napailing-iling. Kinwento ko sa kaniya lahat ng nangyari kagabi pero syempre maliban sa kiss part.
"Sus. Mukhang may naiisip kang maganda. Share naman."
"Wala 'no!"
"Defensive." Komento niya saka ako tinawanan. Binelatan ko na lang siya. Hindi niya naman na ako kinulit pa kaya nakahinga na ako nang maluwag. Sa daldal ba naman ni Krisha at saka nahihiya akong ikwento sa kaniya.
"Alam mo, support kita girl." Untag niya saka ako tinapik sa balikat. Sakto namang tinawag na ang section namin para sa pagpractice.
Kaninang umaga lang din kasi nagsimula 'yong practice. Panay reklamo si Krisha dahil nasa may init kaming part. Actually, hindi rin talaga ako makapaniwalang nakapasa siya at makakasabay sa graduation. Don't get me wrong, masaya akong kasabay namin siyang gagraduate pero kapag naaalala ko mga performance niya sa school, nakakapagtaka talaga. Kahit siya rin ay nagtataka, aniya'y gano'n yata talaga sa school. Hindi maiiwasang doctorin ang grades. Hindi ko tuloy maiwasang mag-alala sa kaniya in the future.
"Ba't ganiyan ka makatingin?" Tanong niya habang naglalakad kami para pumila.
"Wala." Untag ko saka kami naghiwalay dahil magkalayo naman ang agwat ng surname namin.
Napalingon ako sa gawi ng mga kaklase kong lalaki pero wala talaga si Rowan. Hindi ko tuloy alam kung mas okay bang wala siya ngayon o ano. Nakakaloka talaga ang lalaking 'yon.
Mag-iisang oras din yata bago natapos ang practice at hindi ko alam kung may napala ba kami bukod sa init. Ang sakit na rin ng mga braso at binti ko. Bawal kasing magdala ng payong. Nakakainis. Ang aarte ng facilitator. Balak yata nila kaming pagraduate-in na sunog at maitim na.
Nakayuko akong naglalakad sa ilalim ng araw. Dalawa kasi ang stage dito, una sa gymanasium pero maliit kaya hindi kayang iaccomodate lahat ng graduates samantalang sa labas (pinakaunang stage ay malawak dahil diretso na soccer field 'yon. Inshort, stage lang ang may bubong, the rest wala na. Walang duda, sunog talaga kami nito kahit sa mismong graduation. Mabuti na nga lang at 3 pm na ang start 'yon nga lang siguradong aabutin kami ng sobrang gabi na.
Napaangat ako ng tingin nang maramdamang nasisilungan na ako. Isang kamay rin ang umakbay sa braso ko. Bumungad sa akin ang nakangiting mukha ni Rowan.
"Nagdala ka dapat ng payong, baka magkasakit ka dahil sa init." Nakangiting sabi niya dahilan para maramdaman ko ang pag-init ng mukha ko. Napaiwas ako ng tingin. Bakit ang cool niya lang tingnan? Samantalang 'yong puso ko nagwawala na naman.
"Uuwi ka na ba? Sabay na tayo." Rinig kong sabi niya. Nagpapasalamat akong inalis niya na ang pagkakaakbay sa 'kin. Para kasi akong hindi makahinga.
"H-hindi pa." Mahinang sagot ko habang diretso ang tingin sa daan.
"Pupunta ka mamaya sa bahay 'di ba? May surprise ako."
"Hindi na 'yon surprise dahil sinabi mo." Sagot ko dahilan para matawa siya.
"Basta. May sasabihin ako." Untag niya kaya napatango na lang ako nang wala sa oras. "Bakit hindi ka makatingin sa akin?"
"W-wala 'no!" Mabilis na sabi ko kaya lalo siyang natawa. Hindi na siya nagsalita pa pagkatapos no'n.
Gusto ko nga sanang itanong kung bakit wala siya kanina at ngayon lang nagpakita pero hindi na lang ako umimik pa. Sabay kaming naglalakad at pakiramdam ko sobrang stiff ko! Lalo na sa tuwing magtatama ang mga braso naming dalawa. Geez. Hindi ko rin alam kung dahil ba sa init kaya ang init ng mukha ko o dahil nandito siya sa tabi ko.
Sabay na rin kaming sumakay ng jeep, pinagpapasalamat ko ngang dala na ang bag kahit practice lang. Hindi ko na kailangang bumalik pa sa room.
"Sige, hintayin kita mamaya ah?" Nakangiting sabi niya nang makarating na kami sa tapat ng bahay namin.
"S-sige." Pilit akong napangiti saka siya tinalikuran. Pagkapasok sa bahay ay mabilis kong nasapo ang dibdib at ang isang kamay naman ay sa pisngi.
"Anong nangyari sa 'yo, 'nak?" Napalingon ako kay Mama saka napaayos ng upo. "Bakit pulang pula ang mukha mo?"
"Ma-mainit lang po sa labas." Mukha namang nakumbinse siya at hindi niya rin naman nakita si Rowan na kasama ako kaya wala siyang issue. Malisyosa pa man din si Mama. Napaisip tuloy ako kung anong magiging reaction niya 'pag nalamang nagkakatotoo mga issue niya noon.
"Ma," saka ako naupo sa hapag kahit hindi pa naman manananghalian. Alas diyes pa lang kasi sa umaga.
"Ano 'yon?"
Napabuntong hininga ako saka kinwento sa kaniya lahat ng worries ko. Magmula sa pagchachat ni Eren sa akin, kay Levi at sa nangyari kahapon, minus ulit 'yong kiss part. At hindi ako nagkamali ng naiisip. Parehong-pareho sila ng reaction ni Krisha. Nakailang hampas si mama sa akin sa braso dahil sa kilig.
"Bakit ngayon mo lang 'to kinwento sa 'kin, 'nak?" Kinikilig na tanong niya saka pa ako sinundot sundot sa tagiliran. Syempre dahil kinikilig din ako panay hagikhikan kaming dalawa.
"Eh nahihiya po ako." Pagrarason ko kaya hinampas niya na naman ako sa braso. Feeling ko tuloy naging punching bag 'yon.
"Magiging mother-in-law mo pa rin pala talaga si Camille. Hay nako, sabi ko na nga ba at kayo pa rin ni Rowan. Ano? Mamamanhikan na ba anak?"
"Mama!" Natawa siya nang makita ang reaction ko. Ang advance masyado mag-isip ni Mama, grabe. Hindi ko kinakaya! Napahagikhik lang ulit siya saka nagsimulang magsalita. Kesyo hindi siya nagkamali ng hinala at naglalayag na raw ang ship niya.
"Mabait naman si Levi, 'nak pero para lang kayong magkapatid kapag magkasama. Waleg chemistry 'nak." Saka niya pinisil ang ilong ko, "Dalaga na ang anak ko." Untag niya. Nagtawanan ulit kami bago natigilan nang marinig na tumatawa rin si Papa.
"Mukhang masaya rin ang Papa mo para sa 'yo." Nakangiting sabi ni Mama saka kinausap si Papa.
"Pero paano 'yon anak?" Napalingon ulit ako kay Mama, "Kung gusto nilang makipagkita sa 'yo nang sabay. Sinong pupuntahan mo?"
"Hindi ko po sigurado, Ma. Bahala na po."
----------
Dumating ang oras na pinakahihintay ni Mama. Tinulungan niya pa nga akong mag-ayos. Ang supportive niya masyado ano? Sabi niya naman kahit sino puntahan ko ngayong gabi, mas okay na mag-ayos pa rin.
Kaya heto ako at nakasuot ng bestidang kulay yellow. Hindi ko talaga masyadong trip ang kulay na 'to pero sabi ni Mama bagay daw sa akin kaya naniwala na lang ako. Ika nga, mother's knows best.
Napabuntong hininga na lang ako pagkalabas ng bahay. Tanaw ko ang bahay nina Rowan at tanaw ko rin ang daan papunta sa waiting shed. Hindi ko alam kung saan pupunta.
"Bahala na nga." Napakamot na lang ako sa ulo saka tinahak ang daang napagdesisyonang puntahan. Naglakad lang ako nang kaunting minuto bago narating ang destinasyon.
Sa waiting shed.
Agad kong nakita si Levi na nakaupo. Nakapambahay lang siya at suot 'yong hood niyang itim. Hindi ko maiwasang maalala na minsang doon din nagsimula ang lahat.
"Dumating ka." Nakangiting sabi niya saka napatayo nang makita ako. Bakas ang tuwa sa mga mata niya kaya hindi ko maiwasang makaramdam ng konsensya.
"Levi..." Napabuntong hininga muna ako. "Ayaw kitang paasahin."
"Alam ko," nakangiting sabi niya kaya napayuko ako.
"Sorry."
"Allison," hinawakan na naman ako nito sa magkabilang braso saka hinarap sa kaniya. "Hindi naman ako nag-eexpect ng sagot. Masaya na akong nagpunta ka kahit alam kong may usapan din kayo ni Rowan ngayon." Napaangat ako ng tingin.
"Alam mo?"
"Sikreto dapat pero sinabi sa 'kin ni Roy." Natawa siya nang mahina.
"Levi..."
"Alam ko naman na 'yong isasagot mo, sabihin mo na." Saka niya ako tinanguan at nginitian pero hindi ko na makita 'yong saya sa mga mata niya. Hindi ko na mabasa kung anong nararamdaman niya.
"Sorry..."
"Ayos lang. Una pa lang, I am out of the picture. Sinamantala ko lang 'yong pakiusap ni Rowan." Nagkibit-balikat siya saka ako muling nginitian.
Bakit ba nakangiti pa rin siya? Lalo akong nakokonsensya.
"Alam ko namang si Rowan ang gusto mo." Untag niya na mas ikinagulat ko. "Nagbakasakali lang talaga ako."
"Levi..."
Umiling siya saka ako hinila para yakapin. "Hayaan mo na lang akong gawin 'to for the last time." Bahagya niyang hinaplos ang buhok ko. Hindi ko naman magawang yakapin siya pabalik.
"Kapag pinaiyak ka ni Rowan, aagawin kita sa kaniya. Mas mag-eeffort ako." Natatawang sabi niya bago ako binitawan. Naramdaman ko rin ang mabilis na pagdampi ng labi niya sa noo ko.
Ako tuloy ang naluluha. Ganito pala ang feeling ng nambabasted? Nakakaguilty. Pero alam ko namang paaasahin ko lang siya pag pinatagal ko pa.
"Ang ganda mo na naman ngayon. Sige na..." Saka niya ako tuluyang binitawan. Hinawi niya rin paitaas ang bangs niya.
"Baka akala ni Rowan mabo-broken hearted siya ngayong gabi." Natawa ulit siya bago ako bahagyang tinulak. Mas nakakagulat dahil hinatid niya pa mismo ako sa tapat ng bahay ni Rowan.
Speechless ako. Hindi na ako nakakaimik pa. Nginingitian niya ako pero ramdam kong peke ang ngiting 'yon.
"Pasok na." Marahan niya akong tinapik sa balikat. "Good night, Allison." Saka siya naglakad paalis.
Naiwan akong tulala sa tapat ng bahay nina Rowan. Kung hindi lang dahil kay Rouie na sumilip, hindi ako matatauhan.
"Kanina ka pa ba nandiyan? Kanina ka pa hinihintay ni Rowan." Nangungunot ang noo niya nang sabihin 'yon bago sumulyap sa relo niya. "45 minutes late ka."
"Sorry po." Bahagya niya akong nginitian.
"Halika."
Sumunod na lang din ako sa kaniya. Ramdam ko ang bilis ng tibok ng puso ko. Kinakabahan din ako to the point na feeling ko, natatae ako.
Dumiretso kami ni Rouie sa kwarto ni Rowan saka niya pinihit ang doorknob. Sarado ang ilaw kaya halos wala akong maaninag. Napailing lang siya saka pinindot ang switch ng ilaw. Nanatili naman akong nasa likod niya.
Pagbukas ng ilaw ay hindi ako makapaniwala sa nakikita. Nagkalat ang kulay pink na construction papers na ginupit sa hugis puso. May lobo ring hugis puso. Daig pa nito ang valentines.
Sa gilid ay nakasalampak sa sahig si Rowan. Mabilis pa sa alas kwatro siyang napatayo nang makita ako.
Nawala yata ang kaba ko nang makita ang itsura niya. Nakawax pa yata ang buhok niya pataas. Nakasuot din siya ng pink na t-shirt at nakatuck in sa fit niyang pantalon na itim.
"Kuya." Gulat na untag niya habang si Rouie naman ay patawa-tawa sa tabi ko. Naglakad siya palapit sa amin saka ako sinulyapan.
"Sinabihan mo dapat ako!" Aniya. Napapakamot din siya sa dulo ng ilong niya, siguro dahil sa hiya.
"Alis na 'ko. Ikaw na bahala diyan. Tandaan mo mga pangaral ko sa 'yo." Huling sinabi ni Rouie bago siya tinapik sa balikat. Naiwan kaming dalawa ni Rowan.
Ako, hindi makapaniwala. Natatawa ako na natutuwa. Una, napuno ng kulay pink ang kwarto niya hater pa naman siya ng kulay na 'yon. Pangalawa, first time ko siya makitang magtuck-in!
"Ano..." Nagkatinginan kami ni Rowan bago sabay na natawa. Hindi ko alam pero para bang may pagkakaunawaan kami at bigla na lang natawa.
"Taena." Pagmumura niya nang matapos kami sa pagtawa. "Akala ko hindi ka pupunta. Taena. Sabi ni Levi may usapan din kayo."
Ang totoo niyan, balak ko silang puntahan dalawa.
"Ro, para saan 'to?" Tanong ko saka pumasok sa kwarto niya at pinasadahan ng tingin ang buong kwarto pero mas nagulat ako nang makita ang dingding sa bandang paanan ng kama niya.
Nakasulat doon ang mga katagang, 'Pwedeng manligaw, Ally?'
Kulay pink din lahat 'yon.
Nanlaki yata ang mga mata ko to the point na halos lumuwa na 'yon. Hindi ako makapaniwala. Ngayon, bigla kong naalala na siya lang pala ang nag-iisang taong tumatawag sa 'kin sa palayaw na "Ally", na siyang tawag din sa akin ni Eren.
"Ally..." Rinig ko rin ang pangangatal ng boses niya, siguro dahil sa kaba o hiya.
"Hindi ko pa nasasabi sa 'yo 'to. Matagal na pero gusto kita." Saka niya ako nilapitan. "Sorry walang bulaklak. Hindi ko kasi alam kung anong hilig mong bulaklak."
"Ro..."
"Sabi ni kuya, pag-isipan kong mabuti. Marami raw pwedeng mangyari dahil mga bata pa tayo. 19 lang daw ako at ikaw kaka-18 lang. Baka raw paglipas ng araw, linggo o taon, marealize nating hindi natin talaga mahal ang isa't-isa. Baka raw kapag nagbreak tayo, maputol o masira rin ang matagal na nating friendship." Mahabang litanya niya habang seryosong nakatitig sa akin ang mga mata niya.
"Sabi ko naman, hindi kita nakikita bilang girlfriend lang Allison. Simula no'ng marealize kong gusto--- mali." Napangiti siya, "Simula no'ng marealize kong mahal kita, ikaw na ang babaeng gusto kong pakasalan. Hindi ako papayag na mauwi tayo sa break-up. Ayokong maputol ang friendship natin pero gusto kong mas humigit pa ro'n."
"Ro..." Nagtaka siya at nagpanic nang makita akong umiiyak.
"Teka, bakit ka umiiyak?" Aligagang tanong niya habang panay lingon sa paligid.
"Ang corny mo kasi. Kainis." Saka ko siya hinampas sa dibdib. Natawa na lang siya saka napakamot sa batok.
"Sorry. Kinakabahan ako. Baka bastedin mo ako. Baka mas piliin mo ang friendship natin. Uso raw 'yon sa stories sa Novelah sabi ni Krisha. Napapraning ako. Baka iwasan mo ako pagkatapos mong bastedin. O kaya baka hanggang pagkakaibigan lang ang kaya mong ibigay sa akin---"
"Rowan Gabriel." Pagtawag ko dahilan para maputol ang sinasabi niya.
"Hindi ba sabi mo hindi ka papayag na maghiwalay tayo? Ano pang ikinakabahala mo?"
"Ha?" Maang na tanong niya kaya nginitian ko siya.
"Aasahan ko lahat ng sinabi mo kanina." Nakangiting untag ko kaya napakunot noo siya. Ilang segundo yata ang lumipas bago tuluyang umaliwalas ang mukha niya.
"Ibig bang sabihin sinasagot mo na ako?"
"Hindi!" Sigaw ko kaya nagtataka niya akong tiningnan. Agad ring napawi ang ngiti niya kaya binatukan ko siya.
"Ligaw muna!" Untag ko kaya muli siyang napangiti. Hinila niya ako at niyakap.
"Promise, Ally. Hindi ako papayag na magbreak tayo. Hindi ako papayag na masira tayo." Ramdam kong masaya siya habang naririnig ang boses niya.
Nakangiti rin ako saka siya niyakap pabalik.
Alam kong mga bata pa kami pero panghahawakan ko ang sinabi at mga pangako niya. Siguradong marami pa kaming mararanasang pagsubok o marami pang makikilalang bagong tao pero naniniwala ako kay Rowan. Naniniwala akong kaya naming magtagal.
Patutunayan naming dalawa na pwede ring mauwi sa pagkaka-ibigan ang dating pagkakaibigan.
(end)

Komento sa Aklat (32)

  • avatar
    PascualAngel

    <3super gandaa

    04/12/2024

      0
  • avatar
    De GuzmanJenrel

    dhdjjjajjshdhd

    20/10/2024

      0
  • avatar
    MariaMonina De Jesus

    it's so good

    25/07/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Tapusin

Mga rekomendasyon para sa iyo