Chapter 23

NAKATINGIN sa karimlan si Honey. Dalawang araw na ang lumipas nang lisanin niya ang poder ni Edward. Nasaktan siya sa nang marinig na alam na pala ng binata ang tungkol sa kanyang ina pero mas nasaktan siya sa nalamang ang ina pala niya ay si Mr. Cabrera. Maya't maya pa ay naramdaman niya ang paglapit ng butihing lola.
"Lola..." Agad siyang yumakap dito.
"Apo, kahit hindi ka magkuwento, alam kong may problema ka. Kahit pa sabihing mong wala, nararamdaman ko iyon."
Napayuko siya ng ulo. Hindi na rin naman niya natiis ang sarili, isinalaysay niya ang nangyari sa Manila, maging ang tungkol sa pagkikita nilang mag-ina at ang pang-aalipusta nito.
"Apo, hindi ba't sabi ko sa iyo'y masarap ang magpatawad?"
Napahikbi si Honey, "Alam ko po 'yon, pero paano po ako makakapagpatawad agad gayong hinusgahan niya ako. Malaki po ang ginawang sugat niya rito sa aking puso." Muli siyang napahikbi.
Hinagod-hagod muna ng matanda ang likod niya. "Wala akong masasabi riyan, apo. Pero alam ko, darating ang araw na mapapatawad mo rin siya," naisagot ni Lola Caring kasabay ang paghaplos sa buhok niya.
"Opo, Lola, sa paghilom po ng pitak sa puso ko alam ko po na mapapatawad ko rin s'ya." Muling napahikbi si Honey. Animo'y batang musmos na nagsusumbong sa isang ina.
"Alam ko naman na mapapatawad mo rin ang iyong ina, Honey. Mabait ka kasing bata eh!"
Napalabi siya sa narinig. "Hindi na po ako bata, Lola."
"Sus! Hindi raw! Kaya pala isang linggo bago ka umalis dito'y umihi ka pa sa higaan mo."
"A-aah Lola naman!" maktol niya kasabay ang pagpadyak ng paa. "Pinaalala pa 'yon, eh. Nakakahiya!"
Napangiti lamang si Caring at muli ay niyakap ang dalaga. "Dalaga na talaga ang apo ko. Kung buhay lang siguro ang iyong tatay, tiyak na masayang-masaya iyon."
"Masaya po siya sa kung nasaan man si Itay ngayon." Gumanti na rin siya ng yakap dito. "Namiss po kita, Lola."
"Ikaw din, apo, ko."
"Siyanga po pala, may gusto lang po akong malaman tungkol sa aking ina," humiwalay siya sa matanda. "Bakit po sila nagkahiwalay ni Itay?"
Nagsimulang magkuwento si Caring kay Honey. Lahat ng nalalaman ng matanda ay ipinaalam nito sa kanya.
"Ang lungkot naman po pala! Akala ko'y kapag mahal nila ang isa't-isa, sila na ang magkakasama panghabangbuhay, hindi pala!"
"Marahil ay sadyang ganoon na ang kanilang tadhana. Kahit mahal nila ang isa't-isa, hindi naman sila ang nakatakdang magsama panghangbuhay. Ngunit, tiyak kong ang Itay mo ang tanging lalaking minahal at nasa puso ng Inay mo." Nangiti si Caring sa dalaga kasabay ang paghaplos sa mukha niya.
Maya-maya pa ay napalabi si Honey, "May kasalanan ka po sa akin, Lola."
"Ano naman ang kasalanan ko sa iyo?"
"Ilang beses po kitang tinanong tungkol sa aking ina, hindi po ba? Ang palagi mo pong sagot ay hindi ko alam."
Napahagikgik ng tawa si Caring, "Iyon ba, apo? Gusto ko kasi na ikaw ang makadiskubre at tsaka ayaw ko na ring ipaalam sa iyo dahil sa ayaw ko ngang masaktan ka tulad ngayon."
Muli siyang napalabi, "Dapat bayaran mo po ang kasalanan mo sa akin!"
"At ano naman ang ibabayad ko sa iyo?"
"Isang bilaong pansit at ginataang saging. Na-miss ko po kasi ang luto mo."
"Ikaw talagang bata ka! Oh siya sige, magpahinga ka na at masaya akong nagtagumpay ka sa pagpunta mo sa Manila."
Ngiti lamang ang naitugon ni Honey dito. Lumabas naman na ng silid si Caring upang makapaghinga siya.
Malalim na sa gabi ay hindi pa rin dalawin ng antok si Honey. Nasa isipan pa rin niya ang mga binitwang salita ng kanyang Lola Caring. Nagtagumpay nga ba siya? O baka'y nabigo? Oo, nagtagumpay siya dahil natagpuan niya ang inang matagal nang hindi nakikita. Natagpuan din niya ang lalaking unang nagpatibok ng kanyang puso. Subalit, kapwa naman ito nag-iwan ng lamat sa kanyang puso. Si Mrs. Cabrera, hinusgahan siya at nilait ang pagkatao niya, ito pala ang kanyang ina. Si Edward, minsan nang napahamak siya dahil dito. At masakit pa'y, inilihim nito sa kanya ang tungkol sa kanyang ina.
Napabuga siya ng hangin. "Ano kayang ginagawa mo ngayon, Sir?" Tumagilid siya ng higa. Hinaplos-haplos ang isa pang unan. "Hmp. For sure naman ako na hindi mo ako naiisip kaya bakit pa kita iisipin. Diyan ka na nga!" Hinila niya ang kumot upang italukbong sa mukha. Animo'y nasa tabi niya ang kausap.
ISANG LINGGO ang lumipas mula nang umalis ni Honey ang Manila, sa pagbabaka-sakali na makalimutan niya ang nangyari sa pinanggalingang lugar ay kung anu-anong gawain na ang kanyang nagawa. Subalit sadya yatang magnet iyon na nakadikit na sa isipan niya. Oras-oras, minu-minuto na lamang ay laman ng isipan niya si Edward at maging si Mrs. Cabrera.
"Lola, tama po ang naging desisyon ko?" naitanong niya sa matanda, kasalukoyan silang nasa maliit na sala at magkahungko sa upoan.
"Bakit apo? Nagugulohan ka ba?"
Tumango lang siya.
"Kasi nga'y hindi naging maayos ang pag-alis mo roon. Kumbaga, hindi tapos ang inyong pag-uusap. Hindi ba't kaya ka nagpunta roon ay hinahanap mo ang iyong ina? Nakilala mo si Mrs. Cabrera, na sabi mo'y galit na galit sa iyo pero sa huli'y humingi rin ng tawad."
"Eh kasi po Lola, hindi ko po maaatim na tapak-tapakan, husgahan at maliitin niya ako. Kahit pa siya ang ina ko at dapat mas alam niya kung ano ang nararamdaman ko dahil nagmahal din po pala siya ng isang mahirap na tulad ni Itay."
"Kaya nga humingi siya ng tawad sa iyo, hindi ba?"
Hindi nakasagot si Honey. Naibaba na lamang niya ang paningin at nilaro ang daliri.
"Eh si Edward?"
Mabilis siyang napa-angat ang mukha matapos marinig ang pangalan ng binata.
"Sabi mo'y nagalit ka dahil sa inilihim niya ang tungkol sa 'yong ina. Baka nama'y inilihim lang niya dahil ang gusto niya'y si Nancy ang unang magsabi sa iyo. O baka nama'y humahanap pa siya ng tamang tiyempo," muling pahayag ni Lola Caring.
Muli siyang hindi nakasagot. May punto naman ang kanyang lola. Kung sana'y pinagpaliwanag muna niya ang binata, disinsana ay hindi ngayon magulo ang isipan niya. Ganoon din ang tungkol sa kanyang ina. Pero hindi ganoon kadaling magpatawad, kahit pa nga hindi masyadong malalim ang naging sugat ng kasalanan nito. At isa pa, kung hindi ba nito nalaman na siya ay anak nito'y hihingi ba ito ng tawad sa kanya?
"Mukhang malabo pa sa tubig ng ilog Pasig!" naisatinig niya.
"Anong sinasabi mo?"
"Wala po, Lola." Nakahaba ang kanyang nguso nang ituon ang paningin sa pinapanuod. Agad namang napansin iyon ng katabing matanda.
"Oh, bakit nabusangot 'yang mukha mo? Nami-miss mo si Edward, noh!"
"Hindi po ah! At bakit ko namn siya ma-mimiss?"
"Sigurado ka?"
Tumango nang ilang beses si Honey na hindi man lang tinatapunan ng tingin ang matanda.
Sinimsim muna ni Caring ang tsaa bago muling hinarap ang apo.
"Apo, sino ba 'yong Edward na sinasabi mo?"
"Ahm, siya po ang boss ko."
"Boss mo lang ba talaga siya?"
Lumaki ang mata ni Honey at unti-unti'y napasulyap sa lolahin. "Lola talaga oh! Siyempre, O-opo,"
"Sigurado ka?"
Kinurap-kurap niya ang mata at saka ay nagyuko ng ulo habang marahang tumatango.
"Ako pa ba ang paglilihiman mo!"
"K-kasi po, Lola--"
"Hindi ako magagalit."
"Nahihiya po ako, Lola, eh!"
"Ang apo ko, dalaga na talaga! Umiibig na!" Niyakap siya ni Caring, hinagkan din nito ang kanyang ulo.
"Pero magkaiba po kami. Mayaman siya, mahirap lang tayo. Kaya imposible po na maging kami," paliwanag ni Honey na bahagya pang ini-angat ang ulo.
"Apo, sa pag-ibig, pantay-pantay ang mga tao. Walang mahirap, walang mayaman."
"Pero bakit ho si Itay? Hindi siya tinanggap ng ama ni Mrs. Cabrera."
"Siguro apo, hindi talaga sila ang nakalaan para sa isa't-isa. May mga bagay na kahit alam mo nang sa iyo pero 'pag nagipit ka, kailangan mo ring bitiwan."
Napa-isip si Honey sa narinig. Oo nga naman. Tama ang lola niya. Saglit pa ay nanlaki ang mata niya sa sumunod pang katanungan ng lola.
"Apo, magsabi ka sa akin ng totoo, mahal mo na ba talaga ang Edward na 'yon? Hindi naman ako magagalit kung sabihin mo na oo, bagkus ay matutuwa pa ako. Huwag ka lamang sasaktan ng lalaking 'yon dahil ako ang makakalaban niya!"
Hindi agad siya nakasagot. Mahal nga ba niya ang boss niya? Paano kung oo? Pero kahit mahal niya ito, siguradong wala naman itong pagtingin sa kanya. Sino ba siya sa buhay nito? Isang hamak na personal assistant lang siya nito.
"Hmm, ibig sabihin ng katahimikan ay oo at tulad nang sinabi ko sa iyo, huwag na huwag mo akong paglilihiman."
"A-ano po kasi-uhm..." Napakamot si Honey sa kanyang ulo at mataman na nag-isip.
Tumaas ang dalawang kilay ni Caring. Halatang naghihintay sa isasagot niya.
"Ano 'la, ahm -o-opo, e" tila nahihiya pang tugon niya rito.
"I heard that, Honey," tinig na nagmula sa likuran nila. At kilala na niya kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon.

Komento sa Aklat (149)

  • avatar
    MasaudlingJerald

    tinawanam tulog siya ng mga yong nakakita sa kanya at Lalo nawalang pakinabang sa kanya

    18/11

      0
  • avatar
    Loyd Leid

    I'm so happy

    25/07/2025

      0
  • avatar
    CampaneroJanet

    us and foods to eat when pregnant at all net 10 day weather for me ser wala nga loed pang of it and get the store for the schhol to be expected ok I will let her get home 🏠 to be expected ok lang po yun paden yun na nga rinapun to be there by mo to Springfield mo to Springfield IL be expected to get it to work out tayu ngayun sa phase of the schhol my pera ka i can need a uwian lang po kung pwde kasi ako sa manila kas nakalabas to get the same as all the schhol my pera ko pls to get it done 👍

    06/05/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata