Chapter 98

      Muntik nang mabilaukan si Eclaire dahil sa kaniyang narinig. Limang taon nang kasal ang mga ito at halos nasa kuwarenta na rin ang edad ng mga ito pero para pa ring mga bata kung mag-asaran. Pinandilatan ni Seojun ng mga mata ang asawa nito pero tumawa lang si Marion sa ginawa nito. Hinawakan lang ng Mommy niya ang kamay ng Daddy niya at bahagyang pinisil.
      “What? Hindi ko getz...” Kinuha ni Seojun si Ethan at pinaupo ang bata sa pagitan ng mga hita nito. “Ano ba dapat ang ibig sabihin no’n?”
      “Ang ibig sabihin ng anak mo… Kailangan din nating bumili ng bagong damit. Minsan lang tayo ga-graduate sa college, ‘no? Dapat na mukha rin tayong presentable sa araw na iyon. Saka… Ang cute siguro, no’n… Kumpleto ang family natin sa graduation picture natin.” Iyon ang pinakamagandang aspeto ng pag-aaral nila sa iisang university. Hindi na kailangan mahati pa ang pamilya nila para pumunta sa graduation ceremony.
      “Saka, Dad… Dapat lang na mag-ayos ka ro’n… Ikaw ang dapat na pinaka-pogi sa lahat ng graduates sa gabing iyon.” Mauuna lang ng isang linggo ang graduation niya kaya excited siyang makadalo sa graduation ceremony ng kaniyang mga magulang. Pagkatapos kasi no’n, hindi na niya makakasama ang mga ito para magpuyat kapag malapit na ang exams o kung may kailangan tapusin na projects. Mami-miss niya ang mga moments na iyon kapag naging abala na sa trabaho ang mga ito.
      “Sus! Sa tanda kong ito, hindi ko na kailangan iyon. Mas matanda pa nga tayo sa ibang instructor natin.” Nakasimangot si Seojun, halatang hindi kumportable sa topic.
      “Okay lang iyon… Mas pogi ka naman kaysa sa kanila.” Nag-thumbs up pa si Marion at masiglang humalakhak. “Ano ka ba? Baby face ka kaya… Kung hindi mo sasabihin na thirty seven ka na, hindi naman nila malalaman.”
      “Kaunting confidence naman kasi, Dad… Hindi naman kami magiging ganito ka-ganda at ka-gwapo ni Ethan kung hindi dahil sa genes niyo,” pagsakay niya sa biro ng kaniyang ina.
      “Hay, naku… Bahala kayo diyan. Wala akong alam diyan.” Namumula na ang mga tenga ng kaniyang Daddy dahil sa hiya. Itinutok na lang nito sa bata ang atensyon nito. “Anak, masarap ba? May gusto ka bang ibang flavor?”
      “Grabe talaga ito si Daddy… Hanep mag-change topic.” Tumingin siya sa ina dahil mas malakas ang ESP nila. “Ano po kayang magandang isuot, Mom?”
      Ibinigay muna ni Marion ang lalagyan ng tissue kay Seojun bago sumagot. Marumi na kasi ang bibig ni Ethan at mukhang hindi ito kumportable sa malagkit na pakiramdam. “Matagal ‘yong samin saka hindi ako sigurado kung malakas ang airconditioning system ng pagdarausan ng ceremony. Malamang, manipis lang na long sleeve at pencil skirt ang isusuot ko. Ikaw ba? May graduation party pa kayo kaya mas maganda kung hindi ka na magpapalit ng formal to semi-formal.” Ito talaga ang paboritong topic ni Eclaire, ang mga ‘kikay’ moment nila ni Marion.
      “Kasi po, Mom… May nabanggit sakin si Miss Emily.” Binuksan niya ang cellphone niya at ipinakita sa ina. ““Ang ganda po, ‘di ba? Tapos kung maisusukat ko daw siya mamaya, mas maganda. Si Miss Emily ang nag-order nito sa *** Boutique, naka-design daw ito ayon sa measurements ko dahil kakilala niya nang personal yung designer. Iyon nga lang, medyo pricey siya kumpara sa mga ready-made dress dahil sa special feature –”
      “Gusto mo ba yung dress?” direktang tanong nito.
      “Ugh…” Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin ang totoo dahil nasa twenty thousand pesos ang damit na iyon. Nanghihinayang siya kung hindi niya naman iyon magagamit ulit. “Gusto ko po siya kaso…”
      “Great! Tatanungin ko si Emily mamaya kung saan ang address ng shop nila para malaman natin kung may kailangang alterations, okay?” Sumingkit ang mga mata nito na tila may nababasa sa kaniyang facial expression. “Kung nag-aalala ka sa presyo, huwag na. Hindi tayo maghihirap kung bibilhin natin iyan, okay?”
      “Okay lang ba talaga, Mom? Nakakahiya kasi… Baka mamaya, sabihin nila na masyado kong pinaghandaan –” Hindi itinuloy ang sinasabi niya dahil sa paghagikhik ni Marion.
      “Anak… Hindi mo kailangan intindihin ang mga ganoong klaseng bagay. Ang importante, maging masaya ka kasama ang mga kaibigan mo. Sigurado ako, iba-iba na ang magiging kurso na kukunin niyo. Ikaw nga, hindi ka pa rin sigurado kung business o mass communications ang gusto mo. I-enjoy mo lang ang moment na ito, okay?” Masuyong hinawakan ni Marion anv kaniyang kamay. “Ano man ang gusto mo, dito lang kami ng Daddy mo para sa iyo.”
      “Thanks, Mom! You’re the best!” Hindi napigilan ni Eclaire na yumakap sa kaniyang Mommy. Pakiramdam niya, tila panaginip na lang ‘yong mga panahon na wala siyang tinatawag na Mommy… Hindi na niya makita ang kaniyang sarili na wala ito sa kaniyang tabi.
** * * * *
      March 29, 2027. Huling lunes ni Eclaire bilang isang high school student. Nakaayos na ang mga upuan sa school ground at nakapila na rin sila. Magkahiwalay ang mga babae at mga lalaki. Nasa bandang hulihan ng class 1 ang puwesto niya dahil alphabetical order at section ang gusto ng mga teacher nila. Puno ng daldalan ang buong lugar at mukhang walang nakikinig sa mga nagsasalita sa stage.
      “Students! Huwag kayong masyadong maingay!” sigaw ng teacher nila sa Filipino. Matandang dalaga ito at tila ikinasal na sa propesyon nito.
      “Uy, Eclaire! Tawag ka ni John…” bulong ng babae sa likuran niya.
      “H-Ha? Bakit?” Lumingon siya sa kaniyang likuran at napansin na nakatingin sa kaniya ang mga taga-kabilang section. Ipinakita sa kaniya ng kaklase niya ang maliit na kulay puti na envelope at isang long stem pink rose.
      “Pinapabigay ni John na taga-kabilang section…” bulong ni Angel. Ayaw nitong mapansin sila ni Ms. Alba – terror nilang teacher na kanina pa nagle-lecture sa kanila at hinahayaan lang silang nakatayo.
      Kahit hindi niya basahin ang laman no’n, mukhang alam na niya ang mababasa niya… Pasimple niyang binuksan ang envelope at tiningnan ang maliit na papel na nasa loob. Kagaya ng ine-expect niya, niyayaya siya ng binata na maging kapareha nito sa graduation party. Kung tutuusin, pang-labindalawa na ito na nag-aya sa kaniya kaya hindi na siya masyadong nangangapa kung ano ang dapat niyang sabihin. May daladala siyang ballpen sa bulsa ng kaniyang palda at isinulat ang dalawang salita sa pan-labindalawang beses. ‘No. Sorry.’
      Alanganin siyang ngumiti kay Angel noong inutusan niya ito na ibalik ang envelope kay John, kasama ang rosas. Nagkunwari na lang si Eclaire na balewala lang sa kaniya ang ginagawang rejections. Pero sa totoo lang, hindi na niya alam kung paano niya sasabihin na wala siyang balak na makipag-date sa graduation party nila. Kahit pa ginawang open iyon ng school sa mga hindi naman graduates, wala siyang pakialam. Wala siyang balak na gumaya sa ibang mga students na inayang pumunta ang mga kasintahan ng mga ito mula sa ibang schools.
      Sabi nga ng kaniyang Mommy Marion, baka hindi na maulit ang ganoon ka-saya na reunion kapag naging busy na siya at mga kaibigan niya sa college life. Kung may gusto man siyang isama sa party na iyon, si Hae won lang iyon. Para naman maipakita niya nang personal sa kaniyang best friend ang school campus niya nang apat na taon. At kung mayroon mang tao na gusto niyang maging ‘date,’ alam naman niyang suntok sa buwan na makapunta ito sa Pilipinas. Lalo pa ngayon na isa na itong sikat na commercial at runway model sa Seoul…
      Tapos na ang final exams nila noong nakaraang linggo. Bukod sa pagpa-practice para sa graduation ceremony, hinihintay na lang nila ang kanilang final grade. Kapag walang practice, tumatambay ang senior students para kumain at magpa-aircon dahil umiinit na naman ang panahon. Bumili lang si Eclaire ng spaghetti, burger, at isang 500 liters na softdrinks. Kasama niya ang kaniyang mga kaibigan na sina Angel at Clara.
      “Grabe… Namutla talaga si John no’ng pinabalik mo ‘yong envelope at rose. Hindi ko alam kung tatawa ako o maaawa sa kaniya…” Sa sobrang lapad ng ngiti ni Angel, halatang hindi nito itinatago ang kagalakan sa ginawa nito. “Buti nga sa kaniya…”
      “Hoy…” Halos gumuhit na isang linya ang mga kilay ni Clara. “Huwag mo na ngang ipaalala ‘yon. Nabubwisit lang ako. Hindi mo ba narinig ‘yong sinabi niya? Feeling maganda raw si Eclaire dahil ni-reject siya kahit maraming tao na nakakakita. Sino ba kasing may sabi na mag-feeling male lead siya sa kaibigan natin? Hindi naman siya ganoon ka-gwapo! Hmp!”
      “Totoo…” Bumungisngis pa si Angel. “Wait, dito tayo sa malapit sa aircon. Kanina pa ko naiinitan dahil naglakad tayo sa field kanina pa.”
      May bitbit na tray ang tatlong dalaga, iyon ang miryenda nila ngayong alas-tres ng hapon para sa twenty minutes break nila sa practice. “Kumain na lang tayo. Hayaan niyo na sila… Saka one week na lang tayo dito sa school, dapat puro happy memories lang ang gawin natin.” Wala namang interes si Eclaire sa mga narinig niya mula kay John. Hindi na bago sa kaniya ang ganoong eksena. Masuwerte naman siya dahil palagi siyang kinakampihan ng kaniyang mga kaibigan. Sinasabi ng mga ito na tama lang iyon, kesa naman paasahin niya ang kahit sino. Sabi nga ni Clara, mabilis at firm na rejection ang kailangan niyang gawin para tantanan siya ng mga lalaking hindi naman niya gusto.
      “Pero teka… Wala ka bang balak mag-invite ng kahit sino? Ito ang last chance na pwede tayong magpapasok ng outsider sa school natin. Naisip ko lang… Baka kaya ayaw mong may maka-date sa graduation party, kasi may gusto kang makasama sa araw na iyon pero hindi dito nag-aaral.” Kagaya ng inaasahan niya, iba talaga ang lakas ng ESP ni Clara. Iyon siguro kung bakit gusto nitong sumubok na mag-law. Sa grades nito bilang valedictorian ng batch nila, sigurado siyang magagawa nito ang kahit na ano.
      “W-wala, a… Grabe ka naman. Ayoko lang talaga pumunta na may ka-date. Saka okay na ko na kasama ko kayong mga friends ko.” Ngumiti nang malapad si Eclaire matapos niyang punasan ang spaghetti sauce sa kaniyang bibig.
      “Hala… Paano iyan? Ikaw lang naman ang walang lovelife sa barkada natin. Alangan naman ikaw ang maging pambansang third wheel? Ikaw kaya ang number one beauty sa buong school! Matigas lang ang bungo mo na huwag sumali sa mga school pageant.” Umandar na naman ang pagiging taklesa ni Angel.
      Hindi kaagad siya nakakibo. Kumagat na lang siya sa kaniyang burger at ngumuya nang husto para magkaroon siya ng panahon para makapag-isip. Baka bigla na lang niyang masapok ang kaibigan niya dahil hindi talaga nito alam kung kailan dapat i-preno ang bibig nito. Kung tutuusin, hindi naman sa ayaw niya sa mga lalaki in general. Wala lang talaga siyang nagustuhan sa mga lalaking nagbigay ng motibo sa kaniya.
      “Huwag mo naman ipamukha kay Eclaire iyan. Alam niya naman iyon…” Kumagat si Clara sa french fries nito bago muling nagsalita. “Malay mo naman… May secret prince charming pala itong friend natin, ayaw niya lang ipakilala satin.”
      “Tama na, okay? Gisang-gisa na ko. Pwede hayaan niyo na lang ako?” Sumimangot siya dahil napipikon na talaga siya. “Malapit na tayong umalis. Kailangan na natin maubos ang mga ito.”
      “Sure… Tapos mamaya, pag-usapan naman natin ‘yong gagamitin nating mga dress, okay?” Iyon lang ang gusto niya tungkol kay Angel. Madali itong kausap.
      Sa totoo lang, gusto sana niyang ikwento sa mga best friends niya ang tungkol kay Kenneth Jang. Kahit kasi matagal na silang hindi nagkikita ng binata sa personal, palagi pa rin itong nagcha-chat o nagvi-videocall sa kaniya kapag hindi ito abala sa trabaho o sa online classes nito. Kung tutuusin, naging trump card ni Kenneth ang pagiging multilingual nito. Dahil doon, may fan base din ito sa Pilipinas dahil pinagsasalita ito sa wikang Filipino sa ibang variety shows. Hindi niya kayang sabihin sa mga kaibigan niya na kakilala niya ng personal ang isang South Korean celebrity. Bukod sa ayaw niyang magtanong ang mga ito, mas gusto niyang itago ang moments na nakakausap niya si Kenneth sa kaniyang puso.

Komento sa Aklat (25)

  • avatar
    WilliamsKatt

    we are up

    24/10

      0
  • avatar
    BeloJhon belo occeño

    nice

    20/10

      0
  • avatar
    FajuraJoyce

    it's so beautiful and fantastic

    04/04/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata