December 3, 2021. Araw ng byernes, at ang huling araw bago ang mismong kasal. Dahil nasaktuhan na may exams sina Eclaire at Hae won sa tatlong subject na pang-umaga, hapon na nang umalis sila sa Seoul papunta sa Incheon. Dalawang linggo na lang bago ang winter break kaya abala ang mga ito ngunit pinilit pa rin ng mga ito na sumama sa magiging kasal. Nag-adjust ng schedule sina Andrew at Olivia dahil na rin sa utos ni Marion. “Sigurado ba kayong wala kayong nakalimutan?” tanong ni Seojun. “Opo. Ayos na ang lahat. Saka sabi ni Miss Olivia, sila na raw po ang magdadala ng mga gagamitin naming damit kaya wala naman po kaming masyadong kailangang dalhin.” Si Hae won ang sumagot sa tanong niya. “Grabe… Ganito pala ang pakiramdam kapag nakasakay sa limousine…” “Nanlalamig nga ‘yong mga kamay ko, baka mamaya, may bigla akong masira dito sa loob. Hindi ko kayang palitan,” segunda ni Eclaire. Kasalukuyan silang magkakaharap sa likurang parte ng limousine na nirentahan ni Andrew para sa kanila. Magkatabi si Marion at Seojun at nasa harapan nila ang mga dalagita. Naka-krus ang mga paa ni Marion at kampanteng nakasandal nang bigla nitong binuksan ang maliit na compartment sa tabi nito. Naglabas ito ng mga bottled water at banana milk na nakalagay roon. “Kumalma lang kayo. I-enjoy niyo lang ang byahe…” Ibinigay ng dalaga ang isang bottled water sa kaniya. “Parang ikaw… Hindi ka rin mapakali.” Alanganin siyang ngumiti habang binubuksan ang bote at mabilis na ininom ang laman no’n. Parang noong mga oras na iyon niya lang na-realize na nauuhaw pala siya. Kanina pa nagkukwentuhan ang mga kasama niya pero hindi siya nakikisali sa mga ito. Lumilipad ang utak niya at kung ano-anong senaryo ang lumalabas sa kaniyang balintataw. Naging maayos ang pagpapakilala niya kay Marion sa kaniyang ina. Kahit paano, naging close na ang mga ito dahil sa dalawang beses sa isang linggo na pagdalaw-dalaw ng dalaga. Pero sa sitwasyon niya, wala siyang ideya kung magugustuhan siya ng tatay ni Marion… O kung bakit big deal sa kaniya ang magaganap na pagkikita nila ng ama nito samantalang alam ng ama nito na nakabase lang sa kontrata ang kasal at pagsasama na mangyayari sa pagitan nila ni Marion… “Anong oras na ba?” tanong ni Seojun kahit may relo naman siya na nakakabit sa kaniyang braso. “Malapit na ba tayo?” “Oo. Pagkatapos ng ten minutes, dadating na tayo ro’n. Bakit? May problema ba?” tanong ni Marion. “A… Wala…” Ipinaling niya ang kaniyang tingin sa dinadaanan nila. Malapit na sila sa Incheon Port kaya marami silang nakakasalubong at nakakasabay na mga sasakyan. May ibinaon na mga sandwiches para sa mga dalagitang kasama nila kaya nagmimiryenda ang mga ito habang umiinom ng banana milk. Iyon siguro ang dahilan kung bakit si Marion lang ang nakakaramdam ng pagkabalisa niya. Nang dumating sila sa pantalan, naroon sila sa isang area kung saan walang mga sasakyan at mukhang pribadong lugar. May mga nakadaong na dalawang houseboats doon at mukhang nagsisimula nang umakyat dito si Mrs.Han, pati na ang iba pa nilang mga kaibigan sa palengke. Karamihan sa mga ito ay galak na galak habang tinitingnan ang bangka na sasakyan nila. Samantala, nagsimula nang maglakad sina Marion at Andrew papunta sa kabilang houseboat kaya sumunod na rin siya, hawak-hawak niya sina Eclaire at Hae won sa balikat kaya siya ang nasa gitna. “Anong oras daw darating si Daddy?” tanong ng dalaga. “May meeting pa raw po siya kay Mrs.Chua ng alas-kuwatro ng hapon kaya makakaalis siya sa Manila ng 6pm. Didiretso na raw po siya sa isla kapag dumating siya rito sa South Korea.” Sinenyasan ni Andrew ang ibang staff na tulungan si Marion sa pagpanhik sa hagdan upang makasakay sa bangka. “Thank you,” sambit ni Marion. Hinintay ng dalaga na makaakyat silang tatlo sa bangka bago ito muling tumalikod at sumunod sa mga staff ng houseboat. Kasalukuyan silang nasa fore deck o unahan ng bangka. Pagkatapos noon, pumasok sila sa pinto papasok sa loob. Para nang bahay iyon dahil kumpleto ang mga gamit. May sofa na nakalagay sa bandang kaliwa, katapat ang isang 32-inches television, kumpleto ng sound system. Sa kanan naman ang maliit na kitchen at dining set para sa limang tao. “Maam, dito po kayo matutulog ngayon.” Itinuro ni Andrew ang pangalawang pinto sa may kaliwa. Tatlong pintuan ang naroon at base sa paliwanag ng mga staff na naroon, ‘iyon ang magsisilbing tulugan ng mga guest. Double deck ang higaan kaya dalawang tao ang magsasama sa iisang kuwarto. Mabilis na nag-pares sina Eclaire at Hae won kaya naman kailangan na lang ng magiging kasama ni Marion sa kuwarto nito. “Sa tingin ko, wala tayong choice. Kailangan na magkasama kami sa kuwarto ni Seojun. Wala kasing extra na kuwarto,” sambit ni Marion. “Ha?” Napamulagat si Seojun sa sinabi nito. “Seryoso ka ba?” Nalukot na tila isang papel ang noo ni Marion bago tumingin sa kaniya. “Oo. Limang kuwarto lang ang nandito sa houseboat. Isa para kina Eclaire at Hae won, isa para kay Daddy, isa para kay Andrew at Romeo – ‘yong head ng security ni Daddy. Saka isa para sa dalawang bodyguard ni Dad. So... Dito ka matutulog sa kuwarto ko.” “P-pero… Hindi ba magagalit ang Daddy mo? I mean, technically, bukas pa tayo ikakasal. Baka kasi –” “Sus!” Bahagyang umigkas pataas ang kilay ng dalaga. “Alam mo… Kung susundin ang tradisyon sa bansa namin, hindi dapat tayo magkasama ngayon. Hindi dapat tayo magkikita bago ang kasal sa loob ng bente kuwatro oras. Iyon nga lang, hindi kasi naniniwala sa gano’n ang Daddy ko kaya… Ito… Magsi-share tayo sa kuwarto. Pero kung gusto mo namang sumama sa kuwarto ni Daddy, ayos lang –” “No! Hindi!” madiin niyang pagtanggi. “Ano… Ang ibig kong sabihin, nakakahiya naman sa Daddy mo. Siguradomg pagod siya pagdating kaya mas maganda nga ‘yong naisip mo.” “A… Okay. Akala ko kasi ayaw mo kong makasama. Huwag kang mag-alala. Double-deck naman ang mga higaan kaya hindi tayo magkatabi sa higaan.” “Bakit po namumula ang tenga niyo, Uncle Seojun?” singit na tanong ni Hae won. Mabilis itong siniko ni Eclaire sa sikmura bago nito hinila ang kaibigan. “Appa, dito raw po sa katapat niyo ang magiging kuwarto namin. Sisilipin lang po namin saglit ang loob. Bye!” Halos hindi siya nakapag-react dahil binuksan na ng dalagita ang doorknob at halos iwasiwas si Hae won sa loob nito. Dahil wala siyang sinasabi, nanatili lang na nakatingin si Marion sa mga tenga niya na tila nagtataka na rin. “W-wala ito. Baka ano… Mainit lang kasi sa labas. Oo. Gano’n na nga.” Tinakpan niya ang kaniyang mga tenga bago lumapit sa pintuan, huminto siya sa tabi ng dalaga. “Tara na… Parang bigla akong inantok. Gusto kong matulog.” “Sure…” Tumango ang dalaga bilang pagsang-ayon. “Andrew, gusto ko rin munang magpahinga. Tawagin mo na lang kami kapag kakain na ng hapunan, o kapag dumating na si Daddy. Ikaw na muna ang bahala sa lahat.” “Opo, Miss Marion.” Tipid na ngumiti ang binata bago ito tumalikod. Naiwan silang dalawa ni Marion sa maliit na pasilyo kung saan naroon ang mga kuwarto. Pakiramdam tuloy ni Seojun, tila sumikip ang espasyo na iyon kahit walang ibang tao bukod sa kanila. Hindi naman talaga siya inaantok. Ang totoo, hindi niya alam kung kaya niyang pumasok sa kuwarto na iyon. Hindi niya maintindihan pero big deal sa kaniya ang bawat maliliit na detalye noong araw na iyon. Ultimo ang pagpusod ng buhok ng dalaga – nakatirintas at may tali sa dulo – ay nagbibigay ng kakaibang charisma sa dalaga. Pati na rin ang scented shampoo na palagi nitong ginagamit, nagbibigay ng aliwalas sa kaniyang isipan. Habang tumatagal, ramdam niya ang pagbagal ng takbo ng kaniyang utak… Tila hindi niya ma-proseso na kanina pa siya nakatitig dito nang hindi man lang nagsasabi ng kahit ano. “Matutulog ka ba talaga? Kung gusto mo, pumunta tayo sa upper deck,” aya nito. “S-sige. Ikaw ang bahala…” Nang muling maglakad si Marion palabas, para lang siyang robot na sinusundan ang dalaga. Umakyat ito sa hagdan hanggang sa makarating sila sa ikalawang palapag ng houseboat. Nagulat siya nang makita ang dining area para sa gustong kumain doon. Pero ang pinaka-nagpanganga sa kaniya, ang jacuzzi na halatang mainit-init at bumubula pa ang nadatnan niya roon. Mayroon ding swimming pool doon. At ang matindi, ‘yong bar sa gilid ng pool kung saan pwedeng umupo ang mga customer kahit hindi umaalis sa mismong pool. Iyon ang unang beses na nakakita siya noon sa totoong buhay kaya hindi siya makakibo. “Anong ginagawa natin dito?” “Hindi pa ba halata? Magbababad…” Lumapit si Marion sa jacuzzi at nagsimulang maghubad ng mga sapatos. “T-teka… Maliligo ka? May pamalit ka bang damit? O baka gusto mong kumuha ako ng tuwalya –” Tumigil sa pagsasalita si Seojun nang mapansin na umupo sa gilid ng jacuzzi si Marion habang nasa tubig ang mga paa at binti nito. “I see… Binti at paa lang pala.” “Bakit? Ano bang nasa isip mo?” Tinakpan niya ang kaniyang bibig dahil sa kahihiyan. “W-wala. Sige…” Sumunod na rin siya sa pagtatanggal ng sapatos at medyas. Tinupi niya rin ang suot niyang pantalon hanggang sa kaniyang tuhod. Pagkatapos no’n, umupo siya sa tabi ni Marion na may halos isang dipa na pagitan. Ang mainit-init na tubig ay nakakapagpa-relax ng kaniyang mga kalamnan kaya madaling nawala ang stress na umaapaw sa sistema niya. “Natatakot ka ba?” tanong ni Marion. “Alam mo… Hindi na ko magtataka kung makaramdam ka ng kaba pero… Sana, magawa mong pakalmahin ang sarili mo. Ewan ko ba… Naiimpluwensyahan kasi ako ng mga kilos mo. Pakiramdam ko, hindi na rin ako mapakali.” Napakamot si Seojun ng kaniyang ulo. “Pasensiya na… Hindi ko kasi alam kung anong dapat isipin o gawin. Hindi ko alam kung masyadong maraming drama lang ang napanood ko sa telebisyon pero karamihan kasi ng mga magulang ng mayayaman, hindi tinatanggap ang mapapangasawa ng mga anak nila dahil sa mahirap na background. Alam mo na… Tipikal na kuwento sa isang palabas.” “Well… Gusto ko sanang sabihin na mali ka.” Bahagyang tumawa ang dalaga ngunit mabilis ring nawala ang ngiti nito nang makita ang seryosong ekpresyon ng mukha niya. “Tama ka. Hindi ka niya gusto. At kung darating ang panahon na hindi ka sumunod sa pinirmahan mong kontrata, siguradong gagawin niya ang lahat para maghiwalay tayo. Hindi niya hahayaan na magsama tayo nang higit sa isang taon na pinag-usapan natin.”
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
we are up
24/10
0nice
20/10
0it's so beautiful and fantastic
04/04/2025
0Tingnan Lahat