Homepage/One Hundred Billion Pesos Baby/
Chapter 28
Nagsimulang kumuha ng kanin si Marion sa rice cooker at inilagay iyon sa malapad na bandehado. Nauna niyang isinalang ang kanin bago magluto ng ulam pero mainit-init pa rin naman ang kanin. Inilagay niya iyon sa lamesa na kasya sa anim na tao ang puwedeng umupo. “Why? Aren’t you hungry?”
“Yes… I am… hungry,” pag-amin ni Seojun.
“Great! Then, get up there, and eat with me.” Naglagay din siya ng ulam sa bowl at ng serving spoon. Kumuha na rin siya ng mga baso at kubyertos na gagamitin nila at inayos sa ginawa niyang set ng mga plato at placemats.
Nahihiya pa si Seojun at halos hindi ito lumalapit sa kaniya. Pero nang maamoy nito sa malapitan ang niluto niya, tila tuluyang nawala ang kaartehan nito at umupo na sa bandang kaliwa ng puwesto niya. “T-Thank you for the food.”
“Sure… Just feel at home.” Inilapit pa niya ang bandehado sa lalaki para makakuha na ito ng kanin. Nang makakuha na ito, siya naman ang naglagay sa sarili niyang plato.
Si Seojun na ang nagkusang kumuha ng ulam at naglagay sa plato nito. Naglagay naman ng tubig si Marion sa kaniya-kaniya nilang baso. Sa unang pagkakataon simula nang maging ‘Marion Jade Viray’ ang pangalan niya, iyon ang unang beses na naghain siya para sa ibang tao. Mukhang nasanay na kasi kaagad siya na mag-isa sa bahay.
Bahagyang nanlaki ang mga mata ng binata sa una nitong tikim sa niluto niya. Wala itong sinabi ngunit ipinagpatuloy nito ang pagsubo kaya naman nakahinga siya nang maluwag. Mukhang nagustuhan naman nito ang niluto niya dahil magana itong kumain. Tahimik lang niyang pinanood ito dahil mukhang kung ano-ano pa ang tumatakbo sa isipan nito.
“You see… I need to tell you something.” Mukhang nabusog na ang binata dahil naubos nito ang dalawang bulos ng kanin na kinuha nito. Pasalamat na lang si Marion at nagkasya ang sinaing niya kanina.
Humintong muli sa pagsasalita si Seojun kaya napaisip si Marion. Ito ba ang problema ng language barrier? Hindi siya marunong magsalita ng Korean, at mukhang hindi rin ganoon katatas sa Ingles ang binata dahil matagal itong nag-iisip bago ito magsalita. Wala siyang magagawa tungkol sa problema nila kaya naman naisip niyang suportahan na lang ito. “Well… What is it?”
Napabuga ito ng hangin na para bang malapit na itong sumuko. “Ayoko na… Nahihirapan na kong mag-english.”
Natulala si Marion nang marinig ang mga salitang lumabas sa bibig nito. Nakaawang ang mga labi niya habang nakapaling nang kaunti ang kaniyang ulo upang makita nang diretso ang mga mata ng binata. Maraming mga tanong ang gustong lumabas sa bibig niya pero ang pinakaimportanteng tanong ang inuna niya. “Marunong ka palang magsalita ng Filipino?”
Bahagyang ngumisi si Seojun. “O-Oo. ‘Yong ex-girlfriend ko, ang ibig kong sabihin, ‘yong nanay ni Eclaire, isa siyang Filipina. Siya ang nagturo sa ‘kin na magsalita ng lenggwahe niyo kaya… Heto… Marunong ako at si Eclaire ng wikang Filipino.”
Napahawak siya sa kaniyang bibig. Bigla kasing naalala ng utak niya ‘yong mga beses na hirap na hirap siyang mag-type ng gusto niyang sabihin sa google translate para magkaintindihan sila kahit paano. Iyon pala… Naiintindihan naman siya ng mga ito. Parang gusto niyang manakit… Hindi niya alam kung tumataas ang presyon niya dahil sa inis o dahil sa kinain nilang baka.
“Okay… Mas maganda nga iyan para hindi na tayo mag-isip ng sasabihin natin sa ingles. Unfortunately, hindi ako ganoon kagaling sa pagsasalita ng ingles dahil nabubulol ako.” Ngumiti na lang si Marion at piniling maging mahinahon.
“M-mabuti naman…” May accent si Seojun kapag nagsasalita ng Filipino, pero para sa kaniya, cute ang mumunting punto nito sa huli ng mga pangungusap nito. “A… Alam mo kasi… Kailangan ko ng tulong mo. I think, ikaw lang ang makakatulong sa ‘kin.”
Bahagyang kumunot ang noo ni Marion. Ang akala niya, sasabihin nito ang sagot nito sa nauna niyang alok pero may iba pala itong pakay sa kaniya. “Ano naman ang pwede kong maitulong sa iyo?” Sa totoo lang, naiirita na siya dahil paligoy-ligoy ito.
“Kailangan ko ng… One hundred million won.” Napakagat sa labi si Seojun nang sabihin nito ang halagang iyon. “Kaya kong gawin ang lahat. Kung gusto mong magtrabaho ako bilang katulong o kung ano man dito sa bahay mo, gagawin ko. Kahit sabihin mo na ibenta ko ang kidney ko, papayag ako. So, please… Tulungan mo ko.” Bahagyang tinabig ni Seojun ang ginamit nitong plato upang hawakan ang mga kamay niya. Tila mga brilyante na nagniningning ang mga mata nito, parang tuta na nagpapaawa sa amo nito.
Pakiramdam ni Marion, biglang tumigas ang kaniyang puso dahil sa sinabi ng binata. Doon niya naintindihan na sa mundong ito, lahat ng bagay ay magagawan ng paraan kung pagaganahin ang isang bagay – pera. Hindi niya inaasahan na makikita pang muli si Seojun. Pero heto, nakaupo ngayon ang binata sa harapan niya, nagmamakaawa.
“I see… Iyon nga lang, Two hundred thousand won lang kasi ang budget ko.” Inilabas niya ang isa sa kaniyang mga pekeng ngiti. Mahigit eighty thousand US dollars o halos 4.3 million pesos ang hinihingi nito. Kung tutuusin, barya lang iyon kumpara sa ibinayad niya para sa mga pinamili niyang alahas kay Mr. Zafora. Pero dahil sa pride niya, hindi niya hahayaang maglabas ng ganoon kalaking halaga para sa isang lalaki. “I’m sorry…”
Hindi kumibo si Seojun at biglang tumayo mula sa kinauupuan nito. Tinanggal nito ang pagkakahawak sa kaniyang kamay. Inisip niyang aalis na ito dahil sa pag-ayaw niya sa gusto nito nang bigla itong lumuhod. Hindi pa ito nakuntento, tuluyan nitong ibinaba ang ulo nito sa sahig. Literal na nakayukod ang binata sa kaniyang harapan na tila isang alipin na naghihintay ng utos niya. Nanikip ang dibdib ni Marion sa ginawa nito kaya kaagad niyang hinila ang braso nito ngunit hindi ito natinag.
“Please… Nagmamakaawa ako sa iyo, Miss Marion. Ikaw na lang ang huling pag-asa ko…” mahina ang tinig nito ngunit sapat upang marinig niya.
“Ano bang ginagawa mo? Wala ka bang pride?” May bahid ng inis ang tono ng pananalita niya. Hindi niya inaasahan na gagawin iyon ng binata.
“Wala akong pakialam sa pride –” nabasag ang boses nito at nagsimulang yumugyog ang mga balikat nito.
Kahit hindi niya nakikita, alam niyang lumuluha ang binata sa kaniyang harapan. Bigla tuloy siyang naguluhan. Hindi siya ang klase ng tao na maaawa sa isang estranghero dahil lamang sa ilang patak ng luha. Para sa kaniya, hindi na niya problema ang kung ano mang problema ng mga ito sa buhay. Pero para sa taong nasa harapan niya, tila natutunaw na yelo ang pinaka-iingatan niyang pride…
“Anong gagawin mo sa ganoon kalaking halaga?”
Bahagyang iniangat ni Seojun ang ulo nito ngunit hindi ito tumingin sa kaniyang mukha. “Ang nanay ko… Kailangan niya ng heart bypass surgery para madugtungan ang buhay ng nanay ko. Please… Tulungan mo ko…” Muli nitong ibinaba ang ulo nito at halos dumampi na sa sahig ang noo ng binata.
“Bakit sa ‘kin ka humihingi ng tulong? Kilala mo ba ko?”
“H-hindi. Pero… Alam kong nasa fifteen million won ang renta ng unit mo sa isang buwan. Kung hindi ka mayaman, hindi mo kakayanin na tumira sa lugar na ito.”
Tumango-tango si Marion. Hindi man lang sumagi sa isip niya na alamin iyon kaya nagulat rin siya nang malaman na ganoon pala ka-mahal ang renta niya roon. Pero dahil hindi naman ininda iyon ng Daddy niya at tila normal lang dapat iyon sa mundo nila, hindi na siya nangingialam. “I see… Pero alam mo… Wala naman akong ibang kailangan sa iyo bukod sa isang bagay. Hindi mo pa naman siguro nakakalimutan iyon, ‘di ba?” Tumayo na siya at sinimulang ilagay sa lababo ang mga pinagkainan nila. Hinahayaan lang niya si Seojun sa ayos nito dahil ang binata naman ang may gusto sa puwestong iyon.
“Wala na bang ibang paraan?” tanong rin ang ibinalik nito. Umupo ito nang maayos upang makita ang reaksyon niya. Namumula ang mukha ng binata pero hindi alam ni Marion kung anong dahilan. Dahil ba sa nahihiya ito o dahil sa matagal na pagyuko. Kung ano man iyon, ipinakita niyang balewala iyon sa kaniya.
“Wala. Ang sabi mo nga, nanggaling ako sa mayamang pamilya. Hindi mo kayang ibigay ang kahit na anong materyal na bagay na kailangan ko.” Huminto siya sa harapan ng binata, hinawakan ang baba nito at bahagyang sinipat-sipat ang mukha nito. “Masuwerte ka dahil gwapo ka. Iyon lang naman ang dahilan kung bakit interesado ako sa iyo. Pero bukod doon, wala na kong pakialam.”
Namutla si Seojun at hindi nakakibo. Nawala sa konsentrasyon ang mga mata nito na para bang nawawalan na ito ng pag-asa sa buhay. Nawala ang panimbang nito at halos matumba sa sahig ngunit umayos itong muli ng pagkaka-upo, tahimik habang nakakuyom ang mga kamao. Nagkamali ang lalaki sa isang bagay… Hindi si Marion ang klase ng tao na magbibigay ng tulong sa iba dahil sa simpleng pagpapakita ng kabaitan.
“Ano bang kailangan kong gawin para sa iyo?” bulong ng binata habang nakayuko at nakatingin sa sahig.
Tumayo naman si Marion at kinuha ang mga natitirang baso at plato na naiwan sa lamesa. Inilapag niya ang mga iyon sa lababo bago humarap sa binata. “Simple lang. Kailangan mong pumirma ng non-disclosure agreement para sa pagiging sperm donor at ama ng magiging anak ko. Huwag kang mag-alala. Walang nangyayari sa pagitan natin dahil gagawin ang lahat sa laboratory. Kailangan ko lang ng samples mula sa iyo.”
“Pero… Hindi pwedeng magsagawa ng IVF treatment sa babaeng wala pang asawa. Nabasa ko iyon sa internet,” may halong pag-aalala ang tinig nito.
“A… Iyon ba? Plano ko sanang gumawa ng kontrata sa pagitan natin. Isang… kasal na nakabase sa isang kasunduan na pabor sa ‘kin, syempre. Bukod sa pre-nuptial agreement na wala kang magiging habol sa pera at sa anak ko, kailangan din nating magkasundo na magkahiwalay pagkatapos ng isang taon. Hindi ako sigurado kung magiging successful ba ang lahat pero… Hindi rin naman masama ang umasa sa magandang resulta, ‘di ba?” magiliw ang tinig ni Marion na para bang nagkukuwento lang siya tungkol sa isang palabas sa telebisyon. “Ano? Pumapayag ka ba?”
“Contract… marriage?” tila iyon ang pinaka-nagkaroon ng impact sa utak ni Seojun.
“Of course! Well, sa tingin ko, mukhang desperado ka na talaga. Ang totoo… Ayoko sanang pumayag dahil masyadong malaki iyon kaysa sa inaasahan ko. Pero kung mananahimik ka at makiki-ayon sa mga gusto ko, hindi na rin masama ang halagang iyon –”
Biglang tumayo si Seojun at sumugod sa kaniya. Hinawakan pa nito ang magkabila niyang mga balikat at bahagya siyang inalog. “Pumapayag ka na?”
“O-Oo… Pero… Ikaw? Payag ka ba sa gusto ko?”
Bahagyang kinagat ni Seojun ang mga labi nito bago muling nagsalita. “Wala na kong pakialam kahit itapon mo pa ang katawan ko sa dagat. Papayag ako!” Mukhang hindi na iniintindi ng binata ang kakaharapin nito dahil nakahinga na ito nang maluwag. Maipapagamot na nito ang ina sa tulong ng pera na ibibigay ni Marion.
Sumilay naman ang matamis na ngiti sa mga labi ni Marion. “Great! Simula ngayon, akin ka na. Well… Sa loob lang naman ng isang taon. So… Will you marry me, Seojun Song?”I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (25)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
we are up
24/10
0nice
20/10
0it's so beautiful and fantastic
04/04/2025
0Tingnan Lahat