Chapter 26

      Napabungisngis ang kaniyang ama nang marinig ang huli niyang mga kataga. Kung umasta ksi siya, para pa ring kulang ang pera na mayroon siya. Pero dahil ganoon ang mindset na kinalakhan niya, hindi na iyon mababago pa kahit nag-iba na ang uri ng kaniyang pamumuhay. “Dad!” Bahagyang nakanguso si Marion dahil habang tumatagal, lalong lumalakas ang halakhak ng kaniyang ama.
      “Sige…” Pilit na pinapatigil ni Peterson ang tawa nito kaya tumikhim na lang ito bago muling magsalita. “Ikaw ang may sabi niyan. Basta, alagaan mo na lang muna ang katawan mo. Bata ka pa naman, saka hindi ako nagmamadaling magka-apo,” tila labas sa ilong ang mga huli nitong sinabi. Inayos nito ang pagkakaupo sa silya nito at tumingin  ang diretso sa mga mata niya. “Hihintayin ko ang pagbabalik mo rito, anak.”
      Sa pagkakataong iyon, si Marion naman ang ngumiti. “Thanks, Dad. Ako pong bahala. Kapag wala akong nahanap pagkatapos ng tatlong buwan, lilipat ako ng bansa. Malay niyo… Nasa kalapit na bansa lang sa SouthEast Asia ang lalaki para sa ‘kin,” may himig pa rin ng pagbibiro ang kaniyang tono. Nasanay na siyang makipagkulitan sa kaniyang ama kaoag magkausap sila.
      “Hay, naku… Manunulat ka nga. Kung ano-ano kasi ang tumatakbo sa isip mo. Pero… Kung tutuusin, nang malaman ko ang tungkol sa iyo at nagbago ang mga buhay natin… para na nga tayong mga bida sa isang nobela.” Muli na namang lumakas ang tawa ng kaniyang ama.
      Bahagyang tumaas ang gilid ng labi ni Marion. “Dad…” sambit niya. Mukhang aliw na aliw ang kaniyang ama sa usapan nila kaya hindi niya magawang sambitin ang gusto niyang sabihin… Nami-miss na niya ang Daddy niya, pati na ang mga magulang at kapatid niya sa pamilya Perez. Doon niya na-realize na iyon pala ang pakiramdam na ma-homesick sa pamilya… Isang bagay na hindi niya nagugustuhan sa mga oras na iyon.
      “Bakit?” tanong nito. Mukhang binabasa nito ang kaniyang isipan kahit tahimik lang itong nakangiti sa kaniya.
      “Kapag… Kapag naging successful ang IVF treatment at nagdalang-tao ako, pwede niyo ba kong puntahan rito?”
      Lumuwang ang ngiti ng kaniyang ama dahil sa kaniyang simpleng tanong. “Oo naman, anak. Natural! Iyan ang bagay na pinakagusto kong mangyari sa buhay ko ngayon. Kapag nagkaroon ka ng anak, sinisiguro ko sa iyo na aalagaan ko siya nang husto. Baka nga sa sobrang pag-aalaga, magalit ka pa sa ‘kin at maging spoiled ang bata…” Kahit hindi pa sila nagkakasama nang matagal bago muling naghiwalay, tila salamin naman ng kaniyang personalidad ang Daddy niya kaya nababasa nito ang bawat galaw niya. “Gusto ko lang naman na magkaroon ka ng kasama sa buhay, Marion… Malungkot ang tumanda nang mag-isa at walang nag-aalaga.”
      Tumango-tango siya bilang pagsang-ayon. “Alam ko naman iyon, Dad. Salamat…” Naiintindihan niya iyon pero… hindi naman nabawasan ang takot niya.
      Madaling sabihin na gusto niyang gumawa ng anak. Pero alam ni Marion na hindi naman siya mag-aalaga ng kung ano lang… Kailangan niyang mag-alaga ng isang tao. Para sa kagaya niya na hindi mahilig sa bata at wala naman talagang interes sa pagbuo ng pamilya, malaking bagay ang hinihingi ng kaniyang ama. Gusto niyang sabihin na natatakot siya pero… Hindi niya magawa. Marahil, sa sulok ng isipan niya, nandoon ang ideya na baka bigla na lang siyang iwan ng kaniyang ama kapag hindi niya naibigay ang apo na matagal na nitong hinihintay.
      Pagkatapos ng ilan pang pagbato ng mga biro, nagpaalam na siya sa kaniyang ama. Sinabi niya na kailangan pa niyang maligo at magluto ng makakain. Dahil wala namang mag-aasikaso sa mga iyon bukod sa kaniya, hinayaan na siya ng kaniyang Daddy at pinatay ang tawag. Hindi tuloy alam ni Marion kung ano na ba talaga ang nangyayari sa kaniya… Masaya siya noong tumawag pero ngayon, para bang nawala ang lahat ng enerhiya niya sa katawan.
** * * *
      Nakatutok ang mga mata ni Marion sa screen ng laptop niya. Mayroon pa siyang espesyal na salamin sa mga mata para mabawasan ang radiation na napupunta sa mga iyon. Ayaw naman kasi niyang lumabo ang kaniyang paningin kaya iniingatan niyang huwag mababad nang husto sa screentime ang kaniyang sarili.
      Alas-singko na ng hapon. October 20, 2021. Bahagya nang sumasakit ang ulo niya kaya naman tumayo na muna siya mula sa kaniyang swivel chair. Dumiretso si Marion papunta sa kusina upang magtimpla ng kape. Dahil mag-isa siya sa bahay at may kakaibang schedule ang utak niya, balewala sa kaniya kung umaga, hapon, o gabi na pero iinom siya ng kape. Iyon na lang ang masasandalan niya kapag nawawala na siya sa katinuan dahil sa stress.
      “Nagugutom na ko… Ano kayang pwedeng lutuin?” tanong niya sa kaniyang sarili.
      Binuksan niya ang freezer at nagtingin-tingin sa mga karne na binili ni Andrew para sa kaniya. Isang beses sa isang linggo ito kung mamili ng mga groceries para sa kaniya kaya naman hindi na niya kailangan lumabas maliban na lang kung may gusto siyang bilhin sa conveniece store o gusto niya ng take out food. Wala rin naman siyang gustong puntahan kaya mas pinipili ni Marion na manatili na lang sa unit niya at mabuhay nang hindi tumatapak sa labas.
      Kinuha niya ang karne ng baka na naka-plastic pa galing sa meat shop. Inilabas din niya ang ibang mga ingredients para sa balak niyang lutuin bago niya tuluyang isinara ang refrigerator. Hindi pa naman siya nagugutom kaya ayos lang kung matagal lutuin ang gagawin niya. Inilagay na niya sa pressure cooker ang karne na nilagyan ng toyo at kalamansi. Pagkatapos noon, naka-set na ang timer para sa 80 minutes cooking sa medium heat. Alam kasi niyang mas masarap kung mas matagal ang gagawin niyang pagpapalambot sa karne.
      Pagkatapos niyang hiwain at i-prepara ang mga gagamitin niya para sa pagluluto, pumasok na siya sa banyo para maligo. Dahil malamig ang panahon sa labas at hindi siya sanay sa ganoon kababang temperatura, nakabukas na ang heater sa unit niya. Iyon din ang dahilan kung bakit pakiramdam niya, dry at malagkit ang kaniyang balat.
      “Kailan kaya magkakaroon ng snow?” wala sa loob na tanong niya sa sarili.
       Wala siyang kasama kaya nasanay na siyang nagsasalita kahit alam niyang walang sasagot sa kaniya. Kabaliwan man pero iyon lang ang paraan niya para hindi siya mapanisan ng laway. Hindi naman siya marunong mag-Korean kaya hindi siya pwedeng gumala nang mag-isa. Saka kahit anong pampalubag ng loob pa ang isipin niya, hindi mababago na kailangan niyang ipasa ang manuscript niya sa kaniyang editor bago matapos ang buwan na iyon.
       Pagkatapos niyang maligo at makapagbihis, tiningnan pa ni Marion ang orasan na nasa side table. Alas singko y’ medya pa lang ng hapon ngunit madilim na sa labas. Binuksan ni Marion ang telebisyon upang manood ng balita. Masuwerte siya dahil may foreign news channel siyang napapanood kaya naman kahit paano, may alam pa rin siya sa nangyayari sa mundo.
      Sinilip lang niya ang niluluto niya at dinagdagan ng isang basong tubig bago umupo sa sofa na nakaharap sa telebisyon. Gamit ang tuwalya, tinuyo niya ang kaniyang buhok. Tinatamad pa siyang patuyuin ang buhok niya gamit ang blower kaya iyon na muna pansamantala. Nakatutok ang mga mata niya sa pinapanood nang biglang tumunog ang doorbell.
      “Sino iyan?” tanong niya. Napaisip si Marion kung sino ang bisita niya. Huwebes pa lang at tuwing sabado pumupunta si Andrew sa unit niya para magdala ng groceries. Nagluluto rin siya ng pagkain niya kaya imposibleng order niya iyon.
      Walang sumagot sa tanong niya pero muli na namang nag-doorbell ang bisita niya. Halos padabog siyang tumayo at inihagis na lang sa sofa ang tuwalya sa ulo niya. Hindi pa siya nakakapagsuklay kaya naman sabog-sabog pa ang buhok niya pero wala siyang pakialam. Naisip niyang baka may nagkamali lang ng unit na pinuntahan kaya naisip niyang sigawan ito.
      Pinihit niya ang doorknob at akmang sisigaw nang makita niya ang mukha ng lalaking nakatayo sa kaniyang harapan. Bahagyang magulo ang buhok nito, namumugto ang mga mata na mukhang kagagaling lang mula sa pag-iyak at hindi maayos ang paglalagay nito ng jacket dahil isang kamay lang nito ang nakapasok sa jacket.
      “Okay ka lang? I mean… Are you okay… Seojun?” tanong niya sa lalaki.
      Nakatingin ito nang diretso sa mga mata niya ngunit para bang hindi siya nito nakikita. Tila may maitim na ulap ang nasa ibabaw ng ulo nito na kumukuha sa kislap ng mga mata nito. Hindi kumikibo ang lalaki kaya naman napaisip si Marion kung ano ang gagawin niya.
      “Do you need something from me?” muli niyang tanong. Pero kagaya noong nauna, hindi pa rin ito sumagot. “A… Do you want to come inside? It’s weird to talk while you’re still standing in the hallway so…” Para bang nawalan na ng kakayahan na makaintindi ang lalaki kaya marahan niya na lang na hinila ito sa loob. Dahil sa taglay nitong charisma, na kahit mukha itong may problema na tatapos sa sangkatauhan, hindi pa rin nababawasan ang kagwapuhan nito.
      “Hmmm… Do you want to drink some coffee?” Ngumiti siya habang inaalok ang bisita niya. “You can sit on the sofa if you want. I… I’ll just make a cup of coffee for you.”
      Hindi makapa ni Marion ang dapat niyang maramdaman noong mga oras na iyon. Dapat ba siyang matuwa dahil bumalik si Seojun sa unit niya? Dapat ba siyang mag-alala dahil kakaiba ang mga ikinikilos nito? O dapat ba siyang manahimik na lang at hayaan itong magsalita?
      Pumunta na lang siya sa kusina para paandarin ang coffee maker. Muli rin niyang tiningnan ang nakasalang sa pressure cooker. Habang abala siya sa kusina, sinisilip-silip niya ang mukha ni Seojun. Umupo naman kasi ito ngunit hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon ng mukha nito.
      “I… I need to tell you something about…” halos pabulong ang tinig ni Seojun.
      “Ha? Are you saying something?” Hindi narinig nang maayos ni Marion ang sinasabi nito. Pinatay na niya ang pressure cooker at kinuha ang mug na may lamang kape na ibibigay niya sa bisita. Habang naglalakad siya papunta sa salas, doon lang niya naalala na hindi pa pala siya nagsusuklay ng buhok. Mabilis niyang inilapag ang mug sa ibabaw ng lamesa na nakaharap kay Seojun bago pumihit para pumunta sa kwarto niya. “W-wait a minute! I… I need to comb my hair first.”
      Hindi na niya hinintay pa ang sagot nito at halos tumakbo papunta sa kuwarto niya. Bigla niyang naalala na hindi man lang niya inilagay sa laundry basket ang ginamit niyang tuwalya at nakasampay lang iyon sa sofa. Napahawak si Marion sa kaniyang mukha dahil sa labis na kahihiyan. Gusto sana niyang maging positibo ang impresyon ng binata sa kaniya ngunit nakita na kaagad nito ang nakakahiya niyang ugali – ang katamaran.
      Binilisan na lang niya ang pag-aayos ng kaniyang sarili upang hindi maghintay nang matagal si Seojun para sa kaniya. Nagsuklay siya ng buhok, naglagay ng moisturizing cream sa mukha at lotion sa katawan niya. Ang amoy ng apple at papaya mula sa gamit niyang lotion ang nagsilbing pabango niya.
      Bahagya pang inayos ni Marion ang damit niya. Kulay itim na maong na jumper-dress na hanggang tuhod at may suot siyang puting tshirt sa loob. Inayos pa niya ang manggas ng tshirt niya at bahagyang hinagod ang likurang parte ng kaniyang palda. Nang masigurado niyang ayos na at mukha siyang presentable, lumabas na siya ng kuwarto niya.
       “A… S-Seojun, what do you want to –” Napahinto siya sa pagsasalita nang mapansin niya na nakahiga sa sofa si Seojun. “What the…? Nakatulog siya?”
      Nilapitan pa niya ang lalaki para tingnan kung nagkukunwari lang itong natutulog. Pero nang hawakan niya ang medyo malamig nitong pisngi at mapayapang paghinga, doon niya napagtanto na tulog na nga talaga ang lalaki. Pumikit at muking dumilat pa si Marion, bawat pagpikit niya ay may halong diin at bawat pagmulat ay nagbabakasakali na wala na ang presensiya ng lalaki sa kaniyang harapan.
      “Nakatulog talaga siya sa unit ko…” mahina niyang bulong na tila natatakot na magising ang lalaki. “Anong gagawin ko sa iyo? Bakit dito mo naisipang natulog? Hindi ka ba natatakot sa ‘kin? Hindi mo ba alam na may tyansa na bigla na lang akong masiraan ng bait at galawin ka nang walang paalam?” Sunod-sunod ang mga tanong ni Marion na may halong desperasyon. Kahit gwapo at pasok talaga ito sa taste niya sa lalaki, literal na estranghero pa rin si Seojun. Dapat ba niyang hayaan itong matulog o magwawala na lang siya hanggang sa gumising ito?

Komento sa Aklat (25)

  • avatar
    WilliamsKatt

    we are up

    24/10

      0
  • avatar
    BeloJhon belo occeño

    nice

    20/10

      0
  • avatar
    FajuraJoyce

    it's so beautiful and fantastic

    04/04/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata