Chapter 18

      Napangisi naman si Peterson dahil naramdaman nitong napikon si Marion. Nang makarating sila sa harap ng limousine, si Andrew ang nagbukas ng pintuan para kay Marion. Umikot naman si Peterson para sumakay mula sa kabilang pintuan. Nang masiguro na maayos na ang lahat, umupo na si Andrew sa harapan, sa tabi ng chauffeur. Nagsimula nang mag-drive ang chauffeur kaya naging relax na ang mag-ama sa mga upuan nila.
      “Pahiya ka roon, ‘no? Mga ganiyan ba ang mga tipo mo sa lalaki?” pang-aasar pa ni Peterson.
      Pilit na ngumiti si Marion kahit nasasaktan ang pride niya noong mga oras na iyon. “HIndi po. Gusto ko, ‘yong gwapo, ‘yong mukhang artista. Tipong sa sobrang gwapo, baka bigla siyang ma-kidnap kapag naglakad siya sa madilim na lugar.”
       Mula sa bungisngis, unti-unting lumakas ang tawa ni Peterson. “Oo na… Sige na… Goodluck na lang sa paghahanap mo sa lalaking papasa sa standards mo.”
      Humaba ang nguso ni Marion, para siyang bata na gustong mag-tantrum. “Whatever, Dad. Kapag nakahanap ako ng lalaking nagustuhan ko, hindi ko na siya pakakawalan pa…”
      Napatingin naman si Peterson sa kaniya. “Don’t tell me… Balak mong magkaroon ng fake marriage sa lalaking gusto mong maging sperm donor para lang matupad ang mga plano natin?”
      Unti-unting lumitaw ang matamis na ngiti mula sa mga labi ni Marion. Kagaya ng inaasahan niya, naisip din ng tatay niya ang tungkol roon. “Wala naman akong choice, Dad. Illegal para sa mga kagaya kong walang asawa ang In Vitro Fertilization. Saka, ikaw ang may gustong magkaroon ako ng anak, ‘di ba? Bakit hindi mo naisip na gagawin ko iyon?”
      Tumingin naman si Peterson sa labas ng bintana, tila mabilis na nagpapalit-palit ng ilaw ang nagliliwanag sa repleksyon ng mga streetlights sa salamin ng bintana. Napabuntong-hininga ito dahil inakala nitong may lalaking nagugustuhan si Marion pero mukhang wala talaga sa bokabularyo ng anak nito ang salitang pag-ibig. Ang akala nito, hindi pa rin nakaka-move on sa dating karelasyon si Marion kaya hindi ito muling nagtanong tungkol sa nobyo ng anak nito. “Ang akala ko naman kasi… May nagugustuhan ka na. O kaya naman, kakaiba lang ang trip mo kaya gusto mo ang IVF para sa anak mo. Pero ‘yong kailangan mong maghanap ng lalaki para maging sperm donor – lalaking kailangan mong pakasalan – hindi ako papayag sa gusto mo.”
      Bahagyang sumama ang timpla ni Marion nang maalala ang kaniyang past relationships. Ang lahat ng mga ito ay babaero, manloloko, at mga control-freak. Ultimo pananamit niya at kung sino ang kasama niya sa araw-araw, tinatanong ng mga ito. “Pass ako sa mga ex ko, Dad. Kaya nga ako nakipaghiwalay sa kanila dahil nakakairita silang mga nilalang. Bakit ko gugustuhin na makita sila ulit? Saka sabi ko naman sa inyo, ‘di ba? Gusto ko na maganda o gwapo ang magiging anak ko. Hindi pwedeng mga lalaking makikita sa kanto lang ang magiging tatay nila. I have standards, you know!”
      Tumaas ang kaliwang kilay ng kaniyang ama dahil sa mga sinabi niya. “Wow… Fine. Ikaw na ang bahala. Tutal may divorce naman sa lahat ng mga bansa maliban sa Pilipinas at Vatican. Walang problema. Tandaan mo lang na kailangan mong magpapirma ng pre-nuptial agreement sa lalaking mapipili mo para wala kang maging problema sa huli. Maliwanag ba?”
      Bahagyang tumawa si Marion at napailing pa. “Of course, Dad. Ako pa ba? Saka ayoko rin namang magkaroon ng problema pagkatapos nito. Kailangan ko lang ng mga isang taon para maasikaso ang mga papeles ng future baby ko. Well, kung sakali lang na may makikita akong sperm donor sa South Korea.” Puno ng confidence ang tinig niya na para bang planado niya na ang lahat.
      “Whatever…” paggaya ni Peterson sa anak. “Hihintayin ko na lang ang magandang balita mula sa iyo.”
      Nang makarating sila sa hotel, nag-check in na ang mag-ama sa magkatabing suite na naka-book para sa kanila. Labinlimang minuto ang naging byahe nila para makarating doon. Pero pakiramdam ni Marion, sobrang tagal ng byahe. Inaantok na siya kaya natulog na siya kaagad nang buksan niya ang magiging suite niya. Hindi na niya iniintindi ang mga sinasabi ni Andrew dahil dumiretso na siya sa kama para matulog.
      Alas-nueve na ng umaga nang magising si Marion mula sa kaniyang pagkakatulog. Hindi na siya nakapagpalit ng damit, tinanggal na lang niya ang mga sapatos niya kaya may suot pa siyang medyas sa kaniyang mga paa. Kagaya ng kinagawian niya, una niyang tiningnan ang cellphone niya para malaman ang oras at kung may natanggap ba siyang mga messages.
      Nandoon ang mga chat messages mula sa mga magulang niya, pati na sa kaniyang kuya. Kinakamusta siya ng mga ito, at tinatanong ang mga detalye tungkol sa kaniyang pag-alis. Hindi maiwasan ni Marion ang mapangiti. Kahit hindi siya tunay na kapamilya at kadugo ng mga ito, hindi nagbago ang pagmamahal at pag-aalala ng mga ito. Masaya ang kaniyang mood nang mag-reply siya sa mga ito.
      Tatayo na sana siya sa kama nang marinig niya ang mga katok sa kaniyang pinto. Hindi ito nagpakilala kaya napilitan siyang tumayo para pagbuksan ito. Nang bumungad ang maluwang na ngiti ni Andrew kay Marion, doon lang niya naalala na wala pa siyang planong gawin para sa araw na iyon pero nandoon na ito.
      “Hello, Miss Marion. Pwede ba kong pumasok? Ang sabi kasi ni Mr. Viray, kayo na lang daw ang samahan ko dahil baka maisipan niyong gumala rito sa Seoul,” puno ng paggalang ang tono nito.
       “Sure. Pasok na.” Malamig naman ang kaniyang naging pagtanggap. Nawalan siya ng gana rito dahil pinamukha nito na mas matanda siya kaysa sa binata. Pakiramdam tuloy niya, sobrang tanda na niya para sa kahit na anong may kinalaman sa salitang ‘romance.’
      Magulo pa ang buhok niya, wala man lang siyang hilamos. Nagugutom na siya at hindi pa siya naliligo. Pero ang una talaga niyang ginawa pagkagising ay gumamit ng cellphone. Napakagaling…
      “Gusto niyo bang mag-almusal dito sa suite niyo o gusto niyong kumain sa labas?” tanong ni Andrew na tila hindi ininda ang pakikitungo niya rito.
      “Maliligo lang ako. Pagkatapos noon, gagala ako. Ewan… Wala naman akong maisip na puntahan. Siguro maglalakad-lakad na lang ako hanggang sa may maisip akong magandang tourist spot dito.” Binuksan ni Marion ang suitcase na dala niya at naghanap ng maisusuot niya. Pagkatapos noon, pumasok na siya sa loob ng banyo nang hindi man lang tinitingnan si Andrew.
      “S-sige po, Miss Marion –” Hindi na narinig ni Marion ang kasunod dahil isinarado na niya ang pintuan ng banyo at binuksan ang shower.
      Malamig ang tubig at malakas ang lagaslas nito. Bahagya niyang pinihit ang temperature stat para uminit nang bahagya ang tubig. Nang makuha niya ang temperaturang kailangan niya, nagsimula na siyang maligo at magbabad. Oktubre 12, 2021. Kalagitnaan ng autumn at nasa fifteen degree celcius ang temperatura sa labas. Para sa mga Pinoy, malamig na iyon dahil nasanay tayo sa halos triple ng ganoong temperatura kapag tag-init.
      Nagsuot siya ng pantalon at tshirt bago lumabas ng banyo. Tahimik na nakaupo si Andrew sa sulok ng kwarto at naghihintay ng sasabihin niya. Nagpatay-malisya siya at pinatungan niya ng sweater at coat ang damit niya. Nakapagpatuyo na siya ng buhok sa banyo at hinayaan na lang niyang nakalugay ang kaniyang buhok. Hindi na siya nag-abalang maglagay ng kolorete sa mukha dahil wala naman doon si Emily para pagalitan siya kapag lumabas siya na maputla ang mukha.
      “Saan niyo po ba gustong pumunta, Miss?” Matamis pa rin ang ngiti ni Andrew kahit kalahating oras itong nakaupo sa sulok.

Komento sa Aklat (25)

  • avatar
    WilliamsKatt

    we are up

    24/10

      0
  • avatar
    BeloJhon belo occeño

    nice

    20/10

      0
  • avatar
    FajuraJoyce

    it's so beautiful and fantastic

    04/04/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata