Homepage/One Hundred Billion Pesos Baby/
Chapter 107
Nang maramdaman ni EJ na unti-unting bumabagal ang takbo ng bangka, bigla siyang naging alerto. Hindi pa rin siya gumagalaw o nagpumiglas man lang. Alam niyang sasayangin lang niya ang kaniyang lakas dahil nasisiguro niyang nasa kung saan sila at mas malaki ang tsansa niyang mabuhay kung susundin lang niya ang sinasabi ng mga ito.
“Buhay pa ba ito? Bakit hindi man lang gumigising?” tanong ng isa sa mga lalaki.
Lumapit ang isa pang lalaki sa puwesto ni EJ at itinapat ang daliri nito sa ilong niya. Nang mapansin nito ang kaniyang paghinga, walang kaabog-abog siya nitong binuhat sa balikat nito. “Tara na, kanina pa tayo hinihintay ni Boss.”
“Ang weird naman ng batang iyan. Hindi man lang siya sumisigaw o umiiyak. Normal ba iyan?” Napailing-iling pa ang lalaki na payat ang katawan. “Akala ko kasi magwawala siya kaya binusalan ko na rin. Pero mukhang balewala lang sa kaniya ang nangyayari.”
Ngumisi ang lalaking kalbo at balbas-sarado na bumubuhat kay EJ mula sa pampang papunta sa isang beach house. “Nagtaka ka pa ba? Iba na ang mga bata ngayon… Wala na silang kinakatakutan.”
“Pabor naman ito satin. Makukuha natin kaagad ang pera basta walang mangyayaring hindi maganda. Saka sabi ni Boss, bunsong anak at tagapagmana daw ang batang iyan. Bibigyan daw niya tayo ng bonus kung makukuha rin natin ang nanay niya!” Itinaas ng payat na lalaki ang manggas ng kaniyang suot na jacket. “Abel, walang lamangan kapag nagkataon, a!”
“Hoy, Berto! Huwag mo kong igaya sayo na walang isang salita. Saka bago mo isipin ang pera, siguraduhin mo lang na hindi tayo mabubulilyaso. Hindi natin alam kung kakanta si Xander sa mga kalaban.” Napailing na lang si Abel. “Kasalanan niya naman kasi. Masyado siyang sugapa sa pera. Nahuli siya ni boss na nag-transfer daw ng ten million sa ibang account na hindi alam ni Boss. Ayun! Siya tuloy ang napilitan na gumawa ng mahirap na parte ng misyon para maibalik niya ang tiwala ni Boss sa kaniya.
“Tingin mo… Makakabalik pa kaya siya?”
Napakamot si Berto sa ulo nito. “Hindi ko lang alam. Pero kung totoo ang mga sinasabi ni Boss, hindi tayo siguradong mapapatawad siya ng mga kalaban.”
Naramdaman ni EJ na umakyat sila sa tatlong baitang na hagdan. Naglakad nang kaunti sa isang tila balkonahe bago niya narinig ang pagbukas ng seradura ng pinto. Pinapakinggan niya ang bawat kaluskos kaya naman nagkakaroon siya ng ideya sa mga nangyayari. Muling may binuksang pintuan bago siya ibinaba sa malambot na kama.
“Whoa… Bakit parang ang lambing mo naman sa batang iyan? Ingat na ingat ka pa nung binaba mo siya,” pang-aasar ni Berto.
Binatukan ni Abel ang kasama nito. “Manahimik ka nga diyan. Isarado mo ang pinto. Tatanggalin ko ang tali niya sa kamay, pati na ang piring at busal niya sa bibig. Baka nagugutom siya, kailangan niyang kumain.” Ginawa nga nito ang mga sinabi nito bago ituro kay EJ ang tinapay at bottled water sa side table. Wala pa silang naluluto kaya iyon lang ang makakain ni EJ sa mga oras na iyon.
“Bakit niyo ginagawa ito –” tuyot na ang lalamunan ni EJ dahil hindi pa rin siya nakakainom ng kahit na ano hanggang sa mga oras na iyon.
Kinuha ni Abel ang bottled water at binuksan ang takip no’n bago ibinigay kay EJ. “Huwag ka nang masyadong matanong. Basta, magpakabait ka lang. Huwag ka nang sumigaw dahil walang tutulong sayo rito. Kahit subukan mong tumakas, wala kang ibang mapupuntahan dahil isla itong kinakalagyan natin. Naiintindihan mo ba?”
Tumango-tango si EJ pagkatapos nitong makainom ng ilang lagok. Pinakiramdaman muna niya kung may gamot na pampatulog iyon pero normal na tubig lang ang laman ng bote. “Okay! Hihintayin ko na lang si Mommy ko.”
Bahagyang humagikhik si Berto na tahimik lang na nakikinig kanina. “Mas maganda iyon. Mas malaki ang ibabayad samin kung nandito rin ang Mommy mo bago dumating si boss.”
Tiningnan lang ni EJ ang mukha ng dalawang lalaki bago niya muling isinara ang bote. Nararamdaman niyang may taglay na kabaitan si Abel kahit nakakatakot ang brusko nitong awra. Matigas ang tono ng pananalita nito ngunit walang halong galit ang tono nito. “Pwede na po ba kong matulog?”
Nagkatinginan ang dalawang lalaki ngunit walang nakakibo. Halata naman na iisa lang ang tumatakbo sa isipan ng mga ito. Kakaibang bata ang hostage nila sa mga oras na iyon. Kampante lang si EJ na bahagyan pinagpag ang higaan upang mawala ang alikabok doon. Hindi niya alam kung anong oras na. Pero base sa dilim ng paligid at lamig ng hangin, madaling araw na.
“Anong ipapagamit natin na kumot dyan?” tanong ni Berto.
Kinuha ni Abel ang kumot na nasa loob ng cabinet at ibinigay iyon sa kaniya. “Bata, gamitin mo ito para hindi ka lamigin.”
“Salamat po.” Hindi na siya nagdalawang-isip na kunin ang kumot. Tinanggal niya ang kaniyang sapatos at iniayos iyon sa bandang dulo ng kama. Ayaw niyang marumihan ang cover ng higaan. Halata naman na maayos sa gamit ang totoong may-ari no’n.
“Sige, matutulog na muna ako pare. Ikaw na ang bahala sa batang iyan.” Nag-inat pa ng mga braso si Berto at humikab nang ilang beses. “Gisingin mo na lang ako kapag kailangan mo ng kapalitan.”
“Ako na ang bahala rito, matulog ka na muna. Huwag mo lang kalimutan mag-alarm. Baka pagdating nila boss mamaya, tulog ka pa. Lagot ka na naman kapag nagkataon,” paalala pa nito.
Tumango-tango si Berto bilang pagsang-ayon. “Okay, walang problema pare…”
Lumabas na ang dalawa at narinig ni EJ ang pag-lock ng pintuan mula sa labas. Humiga na siya upang magpahinga. Dahil na rin sa pagod, mabilis siyang hinihila ng antok nang maramdaman ang lambot ng kaniyang hinihigaan. Isa lang ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Kagaya lamang ito sa mga kwentong binabasa niya. Ang ending, ang mabubuti pa rin ang mananalo sa huli.
“Mommy… Please… Kunin mo na ko rito…” mahina niyang bulong bago tuluyang mawala sa alapaap ang kaniyang kamalayan.
Mabilis na lumipas ang mga oras. Naging mahimbing ang tulog ni EJ dahil na rin sa pagod sa byahe nila sa dagat. Alas-siete na ng umaga nang buksan ni Berto ang pintuan ng silid na iyon. May dala itong almusal. Iniisip nitong gising na si EJ kaya nagulat ito nang madatnan na mahimbing ang tulog niya.
“Bata! Hoy, bata! Gumising ka na riyan. Napasarap naman yata masyado ang tulog mo.” Nagising si EJ mula sa mahinang yugyog sa balikat mula kay Berto. “Bumangon ka na riyan.”
“B-bakit po? May pupuntahan ba tayo?” tanong niya habang pupungas-pungas pa.
“A-Aba! Ano bang akala mo? Nasa bakasyon ka pa? Bumangon ka dyan. Ayusin mo ang sarili mo pagkatapos mong kumain ng almusal.” Itinuro nito ang plato na may laman na kanin at pritong itlog. Nandoon pa rin ang bote ng tubig na nangalahati na ang laman.
“Okay po. Salamat.” Bumangon na si EJ at inayos ang pinaghigaan nito. Itinuro sa kaniya ng mga magulang na kailangang siya mismo ang mag-ayos ng kaniyang higaan.
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa bago umiling-iling. “Ang weird mo talagang bata ka.”
Sinusunod niya ang sinasabi ng mga ito at hindi man lang siya nagtangkang tumakas kagabi. Ang sabi ng Mommy niya sa kaniya palagi, kaligtasan niya ang pinaka-importante sa lahat. Hindi siya dapat gumawa ng mga bagay na pwedeng magpahamak sa kaniya. Namumula pa ang mga marka ng tali niya kagabi. Mahapdi iyon dahil mahigpit ang naging pagkakatali sa kanya habang nasa bangka pa siya. Sapat na iyon para maging babala sa kaniya ng nagbabadyang kapahamakan kapag gumawa siya nang hindi magugustuhan ng mga kidnappers.
“May tiwala ako kay Mommy… Siguradong kaya niya kong kunin mula rito,” bulong niya.
Hindi na siya naging maselan at sinimulang kainin ang ibinigay sa kaniya. Siya rin naman ang mahihirapan kapag nanghina siya dahil sa gutom. Sigurado siyang kailangan pa siya ng mga ito nang buhay kaya hindi sila magtatangka na lasunin siya. Saktong natapos na siyang kumain nang pumasok si Abel sa kuwartong iyon. Sinipat muna nito ang pinagkainan niya bago tumingin ulit sa kaniya.
“Sumama ka sakin. May kailangan kang gawin. Bilisan mo.” Kinuha ni Abel ang plato at bote na wala nang laman bago ito lumabas.
Kinuha naman ni EJ ang mga sapatos niya at isinuot iyon. May hinala na siya kung ano ang susunod na mangyayari. Nang makita niya ang naka-set up na digital camera sa gilid, pati na rin ang upuan sa gitna ng salas; naisip niyang umupo na sa monobloc chair na inihanda para sa kaniya. Tumingin siya sa camera, napapaisip kung ano ang dapat niyang sabihin.
“Basahin mo lang itong nakalagay sa papel. Okay na. Naiintindihan mo?” Ibinigay ni Berto sa kaniya ang piraso ng papel na may ilang pangungusap. “Marunong ka nang magbasa, ‘di ba?”
Kagaya ng inaasahan niya, note iyon para sa kaniyang mga magulang. Humihingi ng limandaang milyon ang mga ito. Pero kumpara sa yaman ng mga Viray, barya lamang iyon. Lalo na no’ng naging matagumpay ang project ng pamilya nila noon sa Mindanao Airport. Tumango-tango siya at nagsimulang basahin ang mga nakasulat.
“Teka! Teka! Huwag mo munang basahin. Hindi pa naka-on yung record setting nito!” Nakakunot ang noo ni Abel. “Berto! Ikaw na nga ang bahala rito. Hindi ako marunong.”
“Ano ba naman iyan… Hindi mo kaagad sinabi.” Napakamot pa ng ulo si Berto bago lumapit sa pwesto ni Abel. “Tumabi ka muna. Ako na ang bahalang mag-record. Tumayo ka na lang sa bandang likuran nung bata para alam nilang may nagbabantay sa kaniya. Hindi ko isasama ang mukha mo sa frame para hindi ka nila makilala.”
“Sige… Ikaw na ang bahala. Trabaho kasi dati ito ni Xander, e.” Umiling-iling si Abel. “Hayaan na nga natin. Tapusin na natin itong video para makuha na ni boss ang kopya mamaya pagdating niya.”
Tumingin si EJ sa dalawang nagkekwentuhan. Palagay lang ang loob ng mga ito kaya inayos niya ang kaniyang upo. Mabait ang pakikitungo ng mga ito sa kaniya. Base sa mga naririnig niya mula sa mga ito, ang alam lang ng mga ito ay isang anak-mayaman lang siya na napili ng kanilang boss sa isang party sa cruise ship. Pinag-uusapan ng mga ito ang parte nila na tig-isandaang milyon pagkatapos ng operasyon nila. Halatang walang alam ang mga ito kung sino talaga siya…
“Sino ba ang boss niyo?” walang muwang ang tingin ng mga ito sa kaniya kaya naglakas ng loob siyang magtanong.
“Bakit mo tinatanong? Hindi mo siya kilala –”
“Hulaan ko po… Si Oscar po ba iyan?” I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (25)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
we are up
24/10
0nice
20/10
0it's so beautiful and fantastic
04/04/2025
0Tingnan Lahat