Chapter 103

        “Salamat, hon. Mag-ingat kayo ni Ethan sa byahe… Ako na muna ang bahala rito.” Pinasadahan ni Marion ng mabilis na halik sa pisngi ang asawa. Iyon ang pinaka-gusto niya rito. Palagi itong rational mag-isip at tinitingnan ang mga bagay sa mas malawak na perspektibo.
        Pagkatapos ng mga laboratory tests na ginawa kay Peterson, dinala na ito sa VIP Suite ng ospital. Kailangan na lang nilang malaman ang sanhi ng pagsakit ng tiyan ng Daddy niya. Pero sa mga oras na iyon, nabigyan na ng pain reliever medicine si Peterson kaya kumalma na ito at nagsimulang makaramdam ng antok.


        “Bakit gising ka pa, Dad? Matulog ka na para bumalik ang lakas mo… Siguradong malalaman din natin ang laboratory results mo mamayang madaling araw,” untag ni Marion sa ama. Halata namang groge na ito sa gamot pero pilit pa rin nitong hinawakan ang manggas ng damit niya.


        “H-huwag mong hayaan na malaman ito ng iba, anak…”


        “I know, Dad. Huwag kang mag-alala. Nagpagawa na ko ng Non-Disclosure Agreement sa abogado natin. Sigurado naman akong pipirma ang mga staff dito sa hospital. Besides… Alam ko naman kung gaano kahalaga sa inyo ang bago niyong project.” Inayos ni Marion ang kumot ng Daddy niya upang hindi pasukan ng lamig ang paa nito. “Mayamaya, may pupunta nang private nurse para tumingin sa inyo, Dad.”


         “Marion… Kailangan ko ang tulong mo…” Muling hinila ni Peterson ang damit niya. “Gusto mo bang makipaglaro ulit sakin?”


         Hindi napigilan ni Marion ang pagbusangot ng kaniyang mukha. “Anong klaseng kalokohan na naman ang tumatakbo sa utak niyo Dad?”


        “Wala naman… Naisip ko lang na mukhang magiging masaya kung tutulungan mo ko. Ito ang pinakamadaling paraan para manghuli ng mga daga… Kapag nagpakita ng kahinaan ang pusa.”


        “Dad! Umayos ka nga… Hindi ka pwedeng magkasakit ngayon. Alam mo naman na malapit na ang pitch para sa bagong business venture niyo, ‘yong luxury cruise dito sa Pinas. Hindi pwedeng wala kayo roon.” Nagbuga ng hangin si Marion dahil naii-stress siya sa ama. Sa tono ng pananalita nito, mukhang alam na niya ang iniisip nito pero wala siyang balak na makisama. Siya ang lubos na mahihirapan sa gusto nitong mangyari. “Tigilan mo ko, Dad. Gusto mo lang itapon sakin ang schedule mo. No deal!”


        “Grabe ka naman… Hindi ko pa nga sinasabi ‘yong pabor na gusto ko.” Bahagyang humagikhik si Peterson. “Well, let’s just say na wala kang magagawa… Mukhang nasa panig ko ang pagkakataon. Hindi mo naman siguro iniisip na hindi malalaman ni Oscar na nandito ako ngayon dahil lang sa kapirasong papel galing sa abogado natin?”


        “Alam ko naman iyon, Dad. Malamang, tuwang-tuwa iyon ngayon at nangangati na ang dila para sabihin ito sa Board of Directors bukas.” Umupo si Marion sa reclining chair sa tabi ng kama ng Daddy niya. Bahagya niyang nilakasan ang volume ng telebisyon upang hindi masyadong marinig sa kabilang silid ang mga pwede nilang pag-usapan.


        “It’s time, anak… Kailangan na nating simulang linisin ang lahat…” makahulugang sambit nito.


        Sinabi ni Peterson ang naisip nitong plano. Pero para magtagumpay iyon, kailangan na maging aktibo si Marion sa lahat ng events. Simula sa araw na iyon, siya na ang tatayong ‘proxy’ o ‘representative’ ng kaniyang ama sa lahat ng meetings at events na dapat nitong puntahan. Sa madaling salita, iyon ang pinakamabilis na announcement sa lahat na si Marion ang tagapagmana at magmamaniobra sa FD Group simula ngayon.


        Inilihim nila sa lahat ang resulta ng laboratory tests ni Peterson, maliban kay Seojun. Hindi niya kayang magsinungaling sa asawa niya. Ganoon pa man, hindi pa rin niya sinabi ang mga importanteng detalye ng mga plano nila… Aminado si Marion na mas madaming nakakaalam, mas malaki ang tyansa na mahuli sila. Si Peterson ay idineklarang nagpapahinga at nagbabakasyon, iyon ang sinabi nila sa lahat ng client at malalapit na kaibigan.


        April 3, 2027. Iyon ang araw ng launch o grand ceremony ng kauna-unahang luxury cruise na lilibot dito sa Pilipinas. Mula Pagudpod, Cebu, hanggang Palawan ang ruta no’n at lima hanggang pitong araw ang byahe. Depende na lang sa kung anong klase ng ‘package’ na napili ng kanilang pasahero kung saan ito pwedeng mapunta. Dahil bakasyon iyon ng mga bata, isinama ni Marion ang buo niyang pamilya sa cruise na iyon. Exclusive lang iyon sa 100 passengers pero nasa singkwenta lang ang bisita na naroon. Literal na ‘cherry on top’ ng social ladder ang mga kasama nila roon. Bukod sa mga negosyante, may mga pulitiko at piling celebrities lang ang imbitado. Dahil doon, matindi ang security measures na kanilang sinusunod.


        “What do you think? Maganda ba?” tanong ni Marion kay Eclaire.


        Nakatingin ang dalaga sa langit, minamasdan ang buwan at maliliit na mga bituin habang nakababad ang mga paa sa maliit na jacuzzi sa kanilang suite. Two bedroom suite iyon at may area para sa maliit na swimming pool at jacuzzi. Ekslusibo ang gamit no’n para sa kanila at may ilan pang ganoong klaseng suite para sa mga VIP ng cruise ship na iyon. Isa ang pamilya nila sa mga investor doon kaya naman ibinigay sa kanila ang mga first class suites at ‘package’ na pwede nilang ma-enjoy.


         “Maganda… Pero siguro… Mas tamang sabihin na kakaiba… Maraming mga beach na available dito sa Pilipinas pero iba rin talaga ang experience sa bawat lugar.” Mukhang hindi pa rin ito maka-move on sa nangyari noong hapon. Dahil hindi nakakaintindi ng Ilocano, hindi naintindihan ni Eclaire ang sinasabi ng grupo ng mga babae sa beach kanina. Uminit ang ulo nito dahil inakala ni Eclaire na may sinasabing hindi maganda ang mga estrangherang iyon pero nakaramdam ito ng hiya nang malaman na pinupuri pala ng mga ito ang kaniyang kutis at ganda, sa lenggwahe ng mga ito.


        “Ayan… Dapat kasi, magtanong ka muna. Maging diretsa ka kung gusto mo. Hindi ‘yong bigla kang nagagalit tapos hindi namin alam kung bakit,” pahaging ni Seojun.


        Kumunot ang ilong ng dalaga dahil sa pagkairita. Kanina pa kasi ito inaasar ng ama. “Dad… Pwede ba? Nasaan na ba si EJ? Bakit hindi niyo siya binabantayan?”


        “Tantanan mo ‘yong kapatid mo. Oras na para sa pagbabasa niya. Ayaw niyang iniistorbo siya.” Sumalampak si Seojun sa tabi ng swimming pool at humarap sa panganay nila. “Ikaw ba? Ano na bang bago sayo?”


        “Huwag kang masyadong ma-pressure sa results ng entrance exam mo, anak. Ginawa mo ang best mo. Besides, marami namang universities dyan na pwede mong pasukan.” Ipinatong ni Marion sa maliit na bilog na lamesa ang dalawang tasa ng kape na itinimpla niya para sa kanilang mag-asawa. Kinuha niya ang isa sa mga iyon at ibinigay kay Seojun.


        “Mom… Huwag mo kong igaya sayo na nakapasok sa university na gusto mo nang hindi nag-e-exam sa ibang schools… Buti pa nga sila Clara, alam na nilang nakapasa sila.” Kinampay-kampay ni Eclaire ang mga paa nito kaya nagkaroon ng malalaking alon sa loob ng jacuzzi. Para itong bata na naglalabas ng tantrums sa harap ng mga magulang.


        “Well… It’s not my problem kung magaling ako sa mga ganyan,” humalukipkip lang si Marion at halatang pagod na dahil sumalampak na lang din siya sa tabi ng kaniyang asawa. “Huwag mo kasing ikumpara ang sarili mo sa ibang tao, anak. Mag-focus ka sa sarili mo at sa mga goals mo. Iyon ang importante. Kasi kung anong gagawin mo ngayon sa buhay mo, iyan ang magiging pundasyon ng hinaharap mo. Alam mo dapat iyan…”


        “Fine…” Humaba ang nguso ni Eclaire bilang pagsuko. “Paano nga po pala si Lolo Peterson? Matagal ko na siyang hindi nakikita… Tatlong linggo na yata simula no’ng umuwi siya sa bahay.”


        “A… Si Lolo mo…” Hindi alam ni Seojun ang sasabihin kaya pasimple nitong tinabig ang braso ng asawa.


        “Nasa ibang bansa ngayon ang lolo mo. Hindi ko ba nasabi sayo, ‘nak?” Kalmado lang magsalita si Marion pero kaagad itong tumayo upang kunin ang tasa ng kape na pinapalamig nito kanina.


        “Nagbabakasyon muna siya ngayon… Nagpapahinga. Alam mo naman iyon, umaatake na naman ang pagiging carefree niya sa buhay. Pumunta siya sa Italy para puntahan ang vineyard ng isa sa malalapit niyang kaibigan. Doon muna siya pansamantala dahil ramdam na daw talaga niya ang init dito sa Pilipinas. Grabe… Ang init naman kasi talaga…”


        “Nagrereklamo kayo na mainit ang panahon habang umiinom ng mainit na kape?” tanong ng dalaga.


        Ilang lagok lang ang ginawa ni Seojun sa laman ng tasa, ubos iyon nang muli siyang magsalita. “P-para sa digestion kasi ito, anak… Alam mo na, para bumilis ang pagtunaw sa kinain natin kaninang hapunan.”


        “Grabe… Nagiging weird ka na rin, Dad. Nahahawa ka na rin yata kay Mommy.”


        Pinandilatan ni Marion ang panganay nilang anak. “Oy, ha… Grabe ka naman. Nakasanayan na iyon dito sa Pilipinas. Huwag ka nang magtaka.”


        “Okay po… Okay po…” Tumayo na si Eclaire mula sa jacuzzi. Nabasa nang kaunti ang short at tshirt nito dahil sa paglalaro ng tubig kanina. “Magsa-shower na lang muna ako, Dad, Mom.”


        “Sige… Mabuti pa nga… Matulog ka na rin pagkatapos.” Nag-mwestra si Seojun sa kamay na tila pinapaalis na ang dalaga sa paningin nito. “Tutal papasok ka na rin naman sa loob, ipasok mo na itong mga mug na ginamit namin.” Ininom na ni Marion nang diretso ang kape niya dahil lumamig na iyon, tama lang ang temperatura para sa kanya.


        “Oo na po… Ako na pong bahala…” Mabilis na kumilos si Eclaire at kinuha ang mga tasa, pati na rin ang maliit na tray kung saan ipinatong ang mga ito kanina. “Kayo po ba? Hindi pa po ba kayo magpapahinga?”


        “Minsan lang kami makakaranas ng bakasyon kaya sinusulit na namin. Magpapahangin muna kami rito ng Mommy mo, mas gusto ko ang preskong hangin kesa airconditioner.”


        Sumingkit nang husto ang mga mata ng dalaga. “Oo na… Aalis na po ko… Mukhang ayaw niyong magpa-istorbo. Goodnight!”


        “Loko ka talagang bata ka. Pumasok ka na bago kita batuhin ng tsinelas!” pagbabanta ni Marion habang hawak ang kanang pares ng tsinelas niya. “Loko ito, a… Kung ano-ano ang sinasabi.”


        Humalakhak lang ang mag-ama sa naging asal niya. Bahagyang namumula ang mga pisngi niya sa hiya sa birong iyon kahit trenta’y sais na ang kaniyang edad. Nang maiwan silang dalawa, walang sabi-sabi na umakbay si Seojun sa asawa. Nakatingin ito sa langit, tila walang interes na magpaliwanag sa ginawa nito. Hindi siya ‘yong tipong mahilig magsabi ng malalambing na mga salita kaya naman idinikit na lang niya ang kaniyang ulo sa bandang kilikili nito.


        “Wala bang bagong balita sa Daddy mo?”


        “A…” Walang kahit na anong alam si Seojun sa naging usapan nilang mag-ama. “Wala pa. Pero sa ngayon, kailangan nating mag-focus sa trabaho pagkatapos nito… Siguradong lalong dadami ang kailangan kong gawin. Mawawalan ako ng panahon sayo, pati na sa mga bata.”


        Bahagyang pinisil ni Seojun ang kaniyang balikat. “Ano ka ba? Nandito lang ako palagi sa tabi mo… Susuportahan kita kahit anong mangyari –”


        “Dad! Mom! Dad! Mommy!” tili nang tili si Eclaire nang buksan nito ang sliding door, halatang natutuliro ito. “Si EJ… Nawawala si EJ! Nawawala ang kapatid ko!”

Komento sa Aklat (25)

  • avatar
    WilliamsKatt

    we are up

    24/10/2025

      0
  • avatar
    BeloJhon belo occeño

    nice

    20/10/2025

      0
  • avatar
    FajuraJoyce

    it's so beautiful and fantastic

    04/04/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata