PART 8 KABANATA 7

ILUMINA (POV)
Sa pagkumpas ko ng aking kamay, siya ring pag­laho ko mula sa toreng aking kinalakihan.
"Pangako, Ina... sa aking pagbabalik, hindi paghihiganti ang aking dala. Nangangako akong isasama ko siya—isasama ko si Kuya sa aking pagbabalik," bulong ko sa aking isipan.
Hindi kita bibiguin, aking mapagmahal na Ina. Hindi ko kayo bibiguin.
Naramdaman ko na lamang ang paglapag ng aming mga paa sa damuhan.
Ilang taon na nga bang nakalipas mula nang huli akong bumaba rito? Ang huling alaala ko, kasama ko pa si Ina noong mga panahong iyon.
"Ilumina, anong problema?" nag-aalalang tanong ng taong anyo ni Clover sa akin. Ngumiti ako sa kanya at inakbayan siya.
"Tara na," yaya ko sa kanya. Kahit naguguluhan, nakisabay na lang siya sa akin.
Tama ang Dyosa ng Kalangitan—ang paghihiganti ay magiging daan sa kasamaan. Kaya napag-isip-isip ko, hindi ko na kailangang maghiganti. Hahayaan ko na lang ang langit ang humusga sa mga kasalanan nila.
Huminto ako sa paglalakad at tinanaw ang toreng naging saksi ng aking nakaraan.
"Paalam, aking Tore," mahina kong bulong habang nakatanaw. Unti-unti na akong tumalikod at nagpatuloy kami sa paglalakad.
"Clover, may sarili bang lengguwahe ang mga taga-lupa?" tanong ko sa aking kaibigan na nasa anyong tao ngayon.
"Oo, meron pa silang ibang salita," sagot niya. Huminto ako at hinarap siya.
"Talaga? Ano naman ’yon?" tanong ko, parang batang sabik sa kaalaman.
"Ang tawag sa salitang ’yon ay salitang Ingles," sagot niya. Napataas ang kilay ko sa narinig.
Ingles? Pagkain ba ’yon?
"Pagkain ba ang Ingles, Clover?" tanong ko muli. Biglang namula ang mukha ni Clover at parang baliw na tumawa nang malakas. Halos umiyak na siya sa kakatawa, habang ako nama'y takang-taka sa kanya.
Anong meron sa isang ito? At anong meron sa Ingles? Bakit siya tawang-tawa? Sunod-sunod kong tanong sa isipan.
"Ayos ka lang ba, Clover?" Sa sinabi kong iyon, nagbalik ang dati niyang postura at kunwari'y inubo-ubo pa siya.
"Yung Ingles na tinutukoy ko ay hindi pagkain. Isa itong uri ng salitang ginagamit ng mayayamang nilalang o ng mga Maharlika," paliwanag niya.
Ah, kaya pala parang mamamatay na siya sa kakatawa—akala niya siguro wala akong maayos na pag-iisip.
Tinarayan ko na lang siya at mabilis na naglakad palayo.
"Hoy, best friend! Hintay!" sigaw niya mula sa aking likuran. Bigla akong tumigil at humarap sa kanya.
"Ginagamitan mo ba ako ng Ingles, Clover? Anong ibig sabihin ng... ano... ng ‘best’—basta yung sinabi mo bago lang?!" masungit kong tanong. Kita ko ang pag-guhit ng ngisi sa kanyang mukha.
"I love you, Ilumina," seryosong sambit niya. Lalo akong napakunot-noo.
Ano daw?
"Ano ba pinagsasabi mo, Clover? Pwede ba, ’wag mo akong gamitan ng Ingles na ’yan!" asar kong bulyaw sa kanya, pero ngumisi lang ang loko at mabilis na lumapit sa akin, saka ako inakbayan.
"Kapag sinabi kong ‘I love you,’ sagutin mo ako ng ‘I love you too,’" wika niya pa. Lalong lumalim ang kunot ng noo ko.
"Ha? I love you too? Anong ibig sabihin nun?" tanong ko, parang isang inosenteng bata. Ngumiti siya at sumagot.
"Tawagan ’yan ng magkakaibigan. Kaya kapag sinabi kong ‘I love you,’ sasagot ka ng ‘I love you too.’ Maliwanag ba, best friend?" paliwanag niya, na akala mo kung sinong mayabang.
Tumango-tango na lang ako.
"I love you, Ilumina," ulit niya. Kahit may pagdadalawang-isip, sumagot na rin ako.
"I love you too, Clover," sagot ko. Kita ko ang pagningning ng kanyang mga mata at ang pag-guhit ng matamis na ngiti sa kanyang labi.
"Tayo na," yaya niya sa akin. Hinawakan niya ang aking kamay at sabay kaming naglakad sa madilim na kagubatan.
"Alam mo ba kung saan tayo tutungo, Ilumina?" tanong niya. Tumango-tango muna ako bago sumagot.
"Hindi rin eh," sagot ko, sabay tawa. HAHAHA! Nakakatawa kasi ang mukha niya—ngiting-ngiti tapos biglang naging ngiwi.
"Oh, anong nakakatawa?" tanong niya. Inubos ko muna ang aking tawa bago ako sumagot.
"Biro lang. Ang totoo niyan, sinabi sa akin ng Dyosa ng Kalangitan na may ipapadala siyang paro-paro para sundan natin. Pero ’di ko alam kung saan—" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil biglang may lumitaw sa aming harapan—isang puting paro-paro.
"Ang ganda," manghang sambit ko habang nakatitig sa paro-paro.
"Mas maganda ka pa sa paro-parong ’yan," bulong ni Clover. Napalingon ako sa kanya.
"May sinasabi ka ba, Clover?" takang tanong ko. Umiwas lang siya ng tingin.
"Wala, sabi ko ang ganda ng paro-paro," sagot niya. Tumango-tango na lang ako at muling itinuon ang atensyon ko sa puting paro-paro.
"Kaibigang paro-paro, gusto ko sanang ituro mo sa amin ang tamang daan," masayang sabi ko rito.
Umikot-ikot ito sa paligid ko, na parang sinasabing sundan ko siya. Dahan-dahan akong humakbang.
Naramdaman ko muli ang mainit na palad ni Clover habang magkahawak pa rin kami ng kamay. Tiningnan ko siya at ngumiti—ngumiti rin siya pabalik.
Sa buong buhay ko, ngayon ko lang naranasang maging malaya at tunay na masaya. Buong buhay ko, ikinulong ako ng sarili kong galit at paghihiganti.
Salamat sa Dyosa ng Kalangitan. Dahil sa kanyang mga pangaral, muling nabuksan ang isipan kong dati'y sarado.
Ngayon, ako'y maglalakbay kasama ang aking kaibigan upang muling buuin ang unti-unting nasisirang mundo ng mahika.
Ipinikit ko ang aking mga mata at nag-usal ng panalangin.
"Aking Dyosa ng Kalangitan, salamat sa munting kaibigang iyong ipinadala para sa amin. Nawa'y kabayan mo kami sa aming paglalakbay." Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at nagpatuloy kami sa paglalakad.
"Ilumina," tawag ni Clover kaya napatingin ako sa kanya, nagtataka kung bakit.
"Uhm... kilala mo na ba ang nakatakda sa ’yo?" seryosong tanong niya. Ngumiti ako ng matamis bago sumagot.
"Hindi pa, pero sabi ng Dyosa ng Kalangitan—malapit na." Masaya kong kwento. Muling binaling ko sa kanya ang aking atensyon. Napansin ko ang pagdaan ng sakit at pait sa kanyang mga mata—pero agad din iyong napalitan ng masayang aura.
"Nakakapanabik naman ’yan," sabi niya sabay tawa. Hindi ko alam kung namamalik-mata lang ako o nag-iilusyon, pero parang nakita ko talaga ang lungkot sa kanyang mga mata… at ramdam ko rin ang pait sa kanyang boses.
May problema ba si Clover?

Komento sa Aklat (63)

  • avatar
    Rochelle Mondin

    Nice story

    07/09/2023

      0
  • avatar
    Ken Salinay

    Ken

    01/11/2024

      0
  • avatar
    Arvin Pamfilo

    ang ganda ng kwento

    22/10/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata