Chapter 24: Desperate

Namumungay ang mga mata ko nang igala ko iyon sa lugar na unang bumungad sa akin paggising ko. Halos hindi pa rumihistro sa utak ko kung nasaan ako nang sumalubong sa akin ang chandelier na nasa kwarto ni Phoenix. 
Nang makita ko si Phoenix na naka-upo sa sofa ay doon ko lang tinigil ang paglibot ng mata ko.
Balot na balot ang katawan ko ng kumot at ramdam na ramdam ko ang lambot ng kamang hinihigaan ko. Wala pa man sa tamang pag-iisip ay unti-unti ko nang tinanggal ang kumot na nakabalot sa akin, dahilan para mapansin ako ni Phoenix.
"Good afternoon," bati niya. Hindi ko siya sinagot at ang mga tingin ko ay nanatili sa kan'ya. Isinara niya ang laptop niya at tumayo sa kinauupuan niya. Nakita kong may kinalikot siya sa cellphone niya bago magtungo sa cabinet na malapit sa akin.
Akala ko ba aalis siya? Bakit hindi man lang niya ako ginising? O baka hindi natuloy? Minsan pa naman ang gulo gulo nito. Kung anong gusto niya ay talagang gagawin niya. Ang ilan nga sa mga nakaka-usap niya sa meeting ay tila takot na takot sa kan'ya, ngunit sa ilang linggong pagsama ko sa kan'ya ay hindi ko talaga makita ang dahilan kung bakit sila natatakot dito. 
Parang low-key naman siya masyado, ni hindi ko pa nakikita kung paano siya kabagsik pagdating sa business.
Dinungaw ko siya at doon ko lang napansin ang mga nagkalat na paper bags sa sahig. Marami ito, at may mga tatak pa ng mga sikat na brand. Ano pa bang aasahan ko? Dior, Chanel, Hermes? 
"I already bought a dress for you. Hindi na kita ginising at ipinahatid ko na lang dito. Mag-asikaso ka na mayamaya dahil hindi ka pa kumakain at aalis na tayo."
Gano'n ba ako kahimbing sa pagtulog para hindi magising? Hapon na at mukhang naasikaso na ni Phoenix ang lahat ng kailangan ngunit hindi man lang ako naalimpungatan.
"Why you didn't wake me up?" Tanong ko nang makabangon ako. Agad ko namang nakita ang tsinelas ko sa tapat ng kama.
Tsaka, teka nga, paano ba ako nakarating sa kama?!
"Anong oras tayo aalis?" Dagdag ko hindi pa man siya nakakasagot. Hindi pa man gising ang diwa ko pero isang bagay lang ang nasa isip ko ngayon, at 'yon ang baka mahuli kami sa pupuntahan dahil sa akin. 
Ayoko namang malate. Paniguradong hihintayin ako ni Phoenix kahit nag sisimula na ang party. Ang kapal ko naman kung gano'n. Lalo na sa mga party na gan'yan ay isa si Phoenix sa pinaka hinihintay ng lahat.
"Four-thirty—" Mabilis kong inilipat ang aking nanlalaking mga mata sa wall clock at doon na ako tuluyang namutla. Patakbo ko siyang dinaluhan sa kung nasaan siya at agad na hinakot ang lahat ng paper bag na naroon. Ni hindi ko nga alam kung lahat ng ito ay akin, eh. Basta kinuha ko na lang iyon. 
Bakit ba kasi hindi niya ako ginising? Ang liit na oras lang tuloy ang mayroon  ako para mag-ayos.
4:30 kami aalis at halos mag 3:30 na?!
Papalabas na sana ako nang mapahinto ako dahil naabutan ko ang gulat niyang mukha, at tila naguguluhan sa mga ginagawa ko. "Bye, magbibihis na ako! Katukin mo ako kapag aalis na tayo!"
Sinong hindi matataranta kung alam ko mismo sa sarili ko na hindi kasya ang natitirang oras para mag-ayos ako?
Nang makapasok ako sa suite ko ay maingat kong binaba ang mga paper bag sa kama. Madilim at hindi man lang nagalaw ang kwarto simula kagabi, ngunit hindi na ako nag-aksaya ng oras na buksan pa ang ilaw dahil papasok na rin naman ako sa banyo.
Hindi pa man ako nakakapagsimula sa pagligo ay narinig ko na ang katok mula sa pintuan ng banyo.
Huh? Sabi ko kumatok kapag aalis na, aalis na ba siya agad ngayon? Ang bilis niya naman atang magbihis? 
Kaya imbis na sagutin siya ay mas lalo pa akong nagmadali sa pagligo ko. Nag-umpisang bumuhos ang tubig galing sa shower nang marinig ko siyang magsalita. 
"Alliesha, there's no need to rush. Hindi ka ba muna kakain? Hindi ka pa kumakain ng almusal at tanghalian." Malalim at rinig sa boses niya ang pagkairita.
"Mamaya na lang!" Sagot ko naman. Naiirita ba siya? Saan naman? Sa akin?
Hinintay kong marinig ang pag-alis niya bago ako nagpatuloy. Ngunit hindi naman na ako nagtagal sa banyo dahil na rin sa hinahabol kong oras.
Wala na nga akong balak kumain, eh. Pero baka maski siya ay hindi pa rin kumakain kung kaya pinipilit niya na kumain kami? Edi kung gano'n go lang naman ako. Ang akin lang naman ay ayokong magmukhang pabigat. Sasama na nga lang ako sa kan'ya sa party perwisyo pa ako. Mamaya iniisip niya na sana hindi niya na lang ako sinama.
Nang makalabas ako sa banyo ay doon ko lang binuksan ang ilaw, at halos matutop naman ako sa kinatatayuan ko nang makita ang mga paper bags. 
Anong nangyari?
Kumpara kanina ay mas marami na ang paper bags na nasa kama kaysa sa mga binitbit kong paper bag bago ako pumasok sa banyo. Wala naman na akong naiwan sa kwarto ni Phoenix, ah? Huwag niyang sabihin na dinagdagan niya pa ito?! Eh, sobra sobra na nga 'yung kanina, ah!
Hindi talaga siya nakukuntento, 'no?
Isa-isa kong binuksan ang mga 'yon at pinagsama sama ang parehong mga laman. Natagpuan ko sa loob nito ang iba't ibang bags, accessories, dress, sapatos, at mga make-up. Ang ilan pa ay mga tag price na halos ikinaluwa ng mga mata ko. 
Tingin niya masusuot ko ang lahat ng ito?! At talagang binigyan niya pa ako ng pagpipilian sa magiging outfit ko ngayon sa party, huh. 
Malakas akong bumuntong hininga at tinanggap na lang ang mga ito. Ano pa nga bang magagawa ko, nandito na rin naman ang mga ito. Tsaka, hindi ko naman aangkinin ang lahat ng mga 'to, eh. Hangga't maaari ay ibabalik ko sa kan'ya ang lahat ng ito. 
Napagdesisyunan kong isuot ang isang kulay peach na long dress. Ito ay deep v-neck at ang likurang bahagi ay backless. Ito ang pinili ko dahil hindi ito hapit na hapit sa bewang ko at kalat ang tela nito, at tila nakikipagsabayan sa hangin kapag gumagalaw. Habang ang sapatos ko naman ay isang puting heels na galing sa Hermes.
Naglagay lang ako ng kaunting kolorete sa mukha. Nakakapanghinayang galawin 'yung mga make-ups, lalo na't ang gaganda ng design at galing sa mamahaling brand. Ang buhok ko naman ay pinanatili ko lamang na nakalugay. Kumuha ako ng isang white hand bag na galing sa Chanel bago tuluyang lumabas at mambulabog kay Phoenix.
Bahala na kung sabog sabog 'yung gamit sa kwarto ko. Aayusin ko na lang mamaya.
Nang makapasok ako sa suite ni Phoenix ay naabutan ko siyang nakatayo sa harap ng salamin, naglalagay ng necktie. Pabagsak akong naupo sa kama at doon inayos ang suot kong heels. Pa'no ba naman kasi sa kakamadali ko hindi ko naayos masyado 'yung sapatos ko. Pilipit ang strap nito at ang isa ay hindi pa nasasara nang maayos.
Agad kong binalingan ng tingin si Phoenix nang matapos ako. Nakasuot siya ng isang white suit na terno naman sa kan'yang pantalon na puti. Maayos rin ang pagkakahawi ng kan'yang buhok na mas lalong dumagdag sa tindig niya. 
He's really handsome. 
Natatakot lang naman ako na sa sobrang late namin ay mag-aagaw pansin kami sa mga bisita mamaya.
"Before we go there we will eat first. Hindi ako papayag na pupunta tayo ro'n nang walang laman ang tyan mo." Naabutan ko siyang matalim ang mga tingin sa akin at ang kan'yang panga ay umiigting. 
I smiled awkwardly. May magagawa pa ba ako?
Kaya kagaya ng gusto niyang manyari ay bumaba kami sa buffet area ng hotel. Papalakad pa lang kami sa lamesa namin, ay pinagtitinginan na kami ng iilang tao ro'n. Mabuti na lang at kaunti na lang ang tao, mukhang nagsipag kainan sila ng saktong 12 ng tanghali.
"Stay there, ako na ang kukuha ng pagkain." Hindi ko mapigilang mapangiti habang pinapanood siyang makalayo sa akin. 
Hanggang sa kuhaan ng pagkain ay nakatanaw ako sa kan'ya. Mabuti na lamang at buffet ito. Hindi niya kailangang mag-order ng iba't ibang putahe. Pero gano'n pa rin, ang plato na binigay niya sa akin ay naglalaman ng halo-halong putahe. 
Hindi naman kami gano'n katagal kumain pero dahil may hinahabol kaming oras ay tila sobrang bilis lumipas ng oras. Kaya gaya ng inaaasahan ko ay late na kami. Habang naglalakad kami papasok sa venue ay walang ibang maririnig maliban sa mga tunog na nililikha ng sapatos namin. Mabagal din kami maglakad at tila hindi inaalala ang oras. 
"Wala sila Tita Phoebe?" Tanong ko habang tinitingnan ang mga tao. Nakahanap ng mauupuan si Phoenix at agad akong hinila ro'n. Patuloy sa pagsasalita ang nasa harap na lalaki, at ang iba ay napapalingon naman sa amin.
"They're  both still in Canada." Nang marinig ko ang sagot niya ay nanahimik na ang din ako sa gilid. Lumipas ang ilang minuto hanggang sa maging isang oras na ang lumilipas ay naka-upo pa rin kami, at walang ginagawa. 
Ang ilang waitress ay nag-aabot sa amin ng makakain at maiinom, na hindi ko naman halos magalaw. 
Pakiramdam ko sa lahat ng aksyon ko ay may nakamasid, at tila hindi ako makahinga sa kinauupuan ko. Mabigat at mabagal ang paghinga ko. Hinawakan ko ang kamay ko at panay ang pagpisil na ginawa ko ro'n. Iwas na iwas din ang mga mata ko sa ibang tao. Ngunit nang hindi ko sinasadyang maiangat iyon, ay tila natulos ako sa kinauupuan ko nang tumama ang paningin ko sa pamilyar na mukha.
Don Lucio Grande.
Siya ang tatay ni mama. Siya lang din naman ang isa sa dahilan kung bakit nagkagulo-gulo ang sitwasyon. 
Hindi ko mabawi ang tingin ko rito, at tila nahihipnotismo ako ng mga tingin niya. Kilala niya ako, ngunit lumaki akong hindi siya kilala. Kagaya ng ginawa ko ay tuloy pa rin ang pagtingin nito sa akin. Tila walang gustong magpaawat sa amin. Tamad na tamad ang mga mata ko at walang ekspresyon, habang ang kan'ya naman ay napupuno ng pagkamuhi at pagkapoot.
Base sa mga kwento sa akin ni mama, aksidente lamang ako. And that's not a big deal for me. Lalo na at naramdaman ko naman na mahal na mahal talaga ako ni mama. Dahil sa nangyari ay pinilit ni Don Lucio si Papa na pakasalan ang nanay ko. Ang ipinagtataka ko lang talaga ay kung bakit sila pumayag sa gano'n, ni hindi nga nila mahal ang isa't isa. Noong mga panahon na 'yon ay walang sariling boses si mama sa mga kagustuhan niya, dahil ang nasusunod ay si Don Lucio at si Papa, sila ang may usapan na hindi naman matanggihan ni mama dahil kapalit ng pagtanggi niya ay ang pagpapalaglag sa akin.
My mom doesn't want the situation. Kaya nang maipanganak ako ay doon niya lang inasikaso ang annulment nila ni Papa. Ang pagtago sa amin sa mga tao ang nakatulong para mapabilis ang pangyayari dahil hindi ito kumalat o naging issue man lang. Ngunit kapalit ng mga desisyon ni mama ang siyang pagtakwil sa kan'ya ng mga Grande.
Nabawi ko lang ang tingin ko sa kan'ya nang may biglang umupo sa harapan namin. At hindi na ako nagulat nang makita ko ang pagmumukha ni Angelo at Lovely.
"We met again, Guevarra," panimula nila. Ngunit kumpara ng una nilang pagkikita hindi sila binati pabalik ni Phoenix. I saw him smirked as he sipped his champagne.
"By the way this is my cousin, Lovely Mhae Grande," pagpapakilala ni Angelo kay Lovely. Wala ba siyang sariling boses? Bakit kailangan pa ipakilala. 
"But you can call me Love, Mr. Guevarra." Nilahad nito ang kamay niya ngunit hindi iyon inabot ni Phoenix, ang tanging ginawa niya ay inangat ang baso ng kaniyang champagne. Napayuko si Lovely sa nangyari ngunit agad na humalakhak si Angelo at nakisali, para pagtakpan ang pagkapahiya ng pinsan niya.
"About what we talked days ago Guevarra, did you already made your mind?" Panimula ni Angelo. Ramdam ko ang kakaibang atmosphere na nakapalibot sa aming apat. Masama ang mga tingin na pinupukol nila sa akin, ngunit kapag nililipat nila ang tingin nila kay Phoenix ay tila sobrang amo nila.
"Yes, and I'm not accepting your proposal, Grande. I'm sorry, but there's a lot of rumors reached to me about you. I know you know what I'm talking about, and I don't like be involved with Grande anymore--"
Hindi pa man natatapos magsalita si Phoenix ay agad siyang pinutol ni Lovely. Lagot talaga. Baka imbis na pagbigyan si Angelo sa gusto nitong mangyari ay mas lalo pang masira ang plano niya dahil kay Lovely. Lahat pa naman ng ugali na ayaw ni Phoenix ay na kay Lovely.
"You don't want to get involve with us, yet you're with Alliesha? She's also a Grande! Or maybe not? My apologies, nakalimutan kong itinakwil nga pala sila sa Grande." Ang boses niya ay malambot at tila nakikipaglaro at sagutan kay Phoenix sa magandang paraan, ngunit alam kong naging iba ang dating ng sinabi nito kay Phoenix.
She chose the wrong words to use. Binigyan ko siya ng makahulugang tingin at hindi ko naman na mapigilang mapangiti. 
Kung gusto niya palang makipagsabayan kay Phoenix dapat alam niya muna ang limitasyon niya. Ni hindi nga siya marunong makiramdam.
Mahigpit siyang hinawakan ni Angelo sa braso at may binulong dito. Kitang kita ang pamumula ng tainga ni Angelo.
"I'm sorry Mr. Grande, but your cousin here just showed me that I should really not involved myself with the Grande. Huwag kayong mag-alala, makakarating ito sa mga Montevarde at Oranza." Hinawakan ni Phoenix ang kamay ko at hinila ako patayo. Hindi naman na ako nagreklamo pa at sumunod na lang sa kan'ya. Ngunit hindi pa man kami nakakalayo ay agad na humabol si Angelo.
"Guevarra!" Sigaw nito dahilan para pagtinginan kami ng lahat. Napahinto si Phoenix dahil hinawakan ni Angelo ang braso ko. Mahigpit ito at tila ako pa ang ginagawang alas laban kay Phoenix. 
Maghahanap na lang siya ng panglaban kay Phoenix ako pa talaga ang pipiliin niya. Sino ba naman ako para gawing alas laban sa mga Guevarra. Eh, sa Grande at Saranza nga ay pinagtatabuyan ako at itinatakwil, eh.
Mabuti na lang at hindi kilala ang mga nandito sa party. Wala ang pamilya ni Jadaza at ni Von, maski sila Papa ay wala rin, talagang pili lang ang mga narito. Pero panigurado makakalabas ang lahat ng nangyari rito.
"Fucking let go of her, Grande," mababa ang tono ni Phoenix ngunit madidiin ang mga ito. Ni hindi man lang ako nabahala kay Angelo at tila mas natakot pa ako sa ekspresyon ni Phoenix. Matatalim na tingin ang binigay niya kay Angelo na hindi naman nagpapatinag sa kan'ya.
Hindi ako natatakot kay Phoenix mismo, ngunit natatakot ako para kay Angelo. Lalo na't si Phoenix pa ang kinalaban niya. Alam kong maraming koneksyon si Phoenix na maaaring tumulong sa kan'ya kung maisipan man niyang patulan si Angelo.
"Hindi mo ata alam kung anong kaya kong gawin, Grande?!" Napalakas na ang boses ni Phoenix at tila naghahamon na ng away. Nakahawak si Phoenix sa kamay ko, at ang isa niya namang kamay ay ginamit niya para luwagan ang necktie niya. 
"My cousin was just joking Guevarra! Hindi ka naman ganito, ah! Dahil ba rito sa babaeng 'to?! Dahil dito puputulin mo ang ugnayan ng mga pamilya natin?!" Natigil ang buong programa at lahat ay tutok na tutok sa amin dahil sa pag-eeskandalo ni Angelo. 
Hihilahin pa sana ako ni Angelo papalayo kay Phoenix nang bigla na lamang siyang bumulagta sa sahig. Marami ang napatili at tila ang bilis ng pangyayari. Naabutan ko na lang si Phoenix na hinihimas ang kamao niyang tumama sa mukha ni Angelo. 
Maraming dumalo kay Angelo para itayo siya, habang kami naman ni Phoenix ay nagtungo na palabas. 
Hanggang sa pagdating namin sa sasakyan niya ay hindi pa rin siya kumakalma. Tahimik ako sa gilid niya at nakikiramdam lang. Ang mabilis at mabigat niyang paghinga ay rinig na rinig sa buong sasakyan. Patuloy pa rin siya sa paghimas ng kamao niya habang umiigting ang panga niya. 
Habang naglalakad kami papunta sa sasakyan ay tinanggal niya na ang necktie niya at ang pagkabutones ng ilang butones ng damit niya.
"Are you alright?" May pag-aalinlangan kong tanong habang tutok na tutok sa kan'ya. Binigyan ko pa siya ng isang ngiti. Maski ang pagngiti ko ay hindi sigurado. Tumango naman ito.
"Dapat ako ang nagtatanong niyan. Dapat hindi na talaga tayo pumunta ro'n," sabi niya pa. Nagkibit balikat na lang ako at hindi na sumagot. 
Nilamon kami ng katahimikan at ilang minuto pa ang lumipas ay pinaandar niya na ang kotse. 

Komento sa Aklat (34)

  • avatar
    GozonLiezel

    i love the story❤💚

    05/05/2022

      0
  • avatar
    Adrian Dalit Gajutan

    it's a great story

    12/07/2024

      0
  • avatar
    Arnold Galendez

    The best

    16/05/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata