Kabanata 2

Ano ba..." May pumitik sa aking noo. Dahil antok na antok pa rin ako, hindi na ako nag-abalang imulat ang mga mata ko. Kinapa ko ang unan sa may tabi ko at niyakap.
Nakarinig ako ng mahinang tawa. Inis na iminulat ko ang aking mga mata.
"Good morning, mahal na prinsesa."
Bigla akong bumangon at sumiksik sa dulo ng kama.
Ang walanghiyang si Benedict! Siya agad ang una kong nakita ngayon araw! "Anong ginagawa mo dito?"
"Pinagigising ka na po ni tiya, tanghali na." Nakangisi siya sa akin.
"Tanghali na?" Napatingin ako sa kama. Wala na si Nanay Gloria. Sunod sa nakabukas na bintana, ang taas na ng sinag ng araw.
Oo nga pala. Wala na ako sa bahay namin.
"Ten-thirty na po. Akala ko kailangan mo nang kiss para magising ka." Pang-aasar niya.
Wala sa sariling tinakpan ko ang aking bibig. Ang aga-aga naman niyang sirain ang araw ko. Inirapan ko na lang siya. Umalis ako sa kama at lumabas ng kwarto.
Sinabayan niya ako palabas. "Masarap ba ang tulog mo?"
Hindi ko siya sinagot,  binilisan ko ang pagbaba sa hagdan.
"Suplada naman." Sabi niya at sumunod sa akin.
Dumiretso ako sa kusina. Nakita ko si Nanay na nagluluto. "Nay, sorry tinanghali ako ng gising."
"Okay lang anak, alam kong napagod ka kagabi sa byahe. Mag-ayos ka na, nasa c.r. na toiletries mo."
"Opo." Dumiretso ako sa c.r.
Pagkatapos kong mag-hilamos at magtoothbrush ay lumabas na ako. Naabutan ko si Ben na nagkakape sa lamesa. Tanghali na din palang gumising.
"Lara, magkape ka na. May pandesal din dito." Inilapag ni Nanay ang isang mug ng kape sa lamesa. Hinila niya ang upuan sa tabi ni Ben. "Upo ka na."
Kapag minamalas ka nga naman, katabi ko pa ang walanghiya.
Naupo na lang ako sa tabi niya.
"Lara, sasama ka ba kay Mikee mamaya?" Tanong ni Nanay habang nagluluto.
"Okay lang po ba na sumama ako?"
"Oo naman, tiyak na masaya dun. Birthday ni Maddie, kaibigan ni Mikee."
"Sige po. Kayo po 'di po ba kayo sasama?"
"Hinde, may aasikasuhin kami ng Tiya Charito mo. 'Yong kukunin naming pwesto sa palengke. Ihahatid na lang namin kayo doon sa bahay nila Maddie. Ipinaayos na ng Tiyo Dado mo 'yong tricycle." Sagot niya. "Nako! May nalimutan ako, pupunta lang ako sa likod-bahay mangunguha ako ng talbos ng sili." Lumabas na siya at naiwan kami ni Ben sa kusina.
Napalingon ako kanya na busy sa pagkain ng pandesal. Tumingin siya sa akin at inalok ako ng pandesal na nasa brown na supot.
"Kasama ka rin ba?" Tanong ko sa kanya.
Umiling siya. "May lakad kami ng barkada ko."
"Buti naman." Bulong ko sa sarili.
"Ano?"
"Sabi ko ingat ka."  Kumuha ako ng pandesal.
Nakatitig siya sa akin habang kumakain ako.
Nakakailang. "Bakit ka nakatingin?"
"Masarap ba?"
"Ang pandesal? Oo, bagay sa kape." Walang ganang sagot bago uminom ng kape.
"Hindi."
Napalingon ako sa kanya.
Nakangisi ang loko. "Masarap ba 'yong halik ko kagabi?"
Nabigla ako sa tanong niya. Nasamid tuloy ako ng kape. Pinaalala pa talaga!
"Okay ka lang?" Natatawang tanong niya.
Ang sarap ibuhos sa kanya nitong kape!
Bago ko pa magawa ang plano kong ibuhos sa kanya ang kape ay pumasok na si Nanay sa kusina. "Pag-kaluto nitong tinola kumain na kayo." Hinimay niya ang talbos ng sili.
"Opo." Nilingon ko si Ben na nakayuko. Nagpipigil ng tawa.
Pasimple kong sinipa ang paa niya na nasa ilalim ng mesa.
"Inaano ka ba?" Bulong niya sa akin.
Hindi ko siya pinansin. Uminom ako ng kape.
"Patay ka sa'ken mamaya." Bulong ulit niya.
Nagkunwari akong walang naririnig.
"Ben, bantayan mo itong niluluto ko. 'Pag kumulo na patayin mo na ang kalan. May bibilhin lang ako sa tindahan." Naiwan  na naman kami ni Ben sa kusina.
Tumayo akong bitbit ang kape nang bigla akong inakbayan ni Ben. "San ka pupunta?"
"Aakyat sa kwarto." Inalis ko ang kamay niyang nakaakbay sa akin.
"Sandali lang." Sabay harang niya sa pinto. "Ba't mo ako sinipa?"
"Kasalanan mo 'yon, maniac ka kasi."
"Maniac? Ako? Ikaw pa lang ang unang tumawag sa'kin ng ganon, ah. 'Yong ibang babae nga gustong-gusto pa ngang halikan ko. Nagtanong lang naman ako kung masarap 'yong halik ko."
"Sila 'yon, 'di ako at yung pag- kiss mo sa'ken kagabi. Ka-manyakan 'yon 'di ba."
"Kasalanan mo din 'yon. Tinawag mo akong bakla. Syempre, natural lang na ipakita ko sayo na 'di ako bakla!"
"Nag-sorry na ako. Kung ayaw mong tanggapin 'di wag. Bahala ka d'yan!" Sa sobrang inis ko sa kanya ay inapakan ko ang kaliwang paa niya.
"Ahhh!!! Aray!!" Sigaw niya habang hawak ang kaliwang paa niya.
Sinamantala ko ang pagkakataon, tumakbo ako palabas ng kusina. Natapon pa ang kape ko sa pagmamadali.
"Hoy! Bumalik ka dito!"
"Ayoko nga. Bantayan mo iyang niluluto ni Nanay." Dali-dali akong pumunta sa kwarto namin ni Nanay.
Ano ba yan. Wala pa akong isang araw dito may kaaway na agad ako. Tiyak na gaganti Ben. Lagot ako!
Mga two p.m. ay naligo na ako at naghanda para sa pag-alis namin.
Naka ripped jeans, white crop top T- shirt at white rubber shoes ako.
"Oy, kayong dalawa diyan, aalis na tayo!" Sigaw ni Nanay Gloria mula sa labas ng bahay.
"Tara na, Lara." Dumaan si Mikee sa kwarto bago bumaba ng hagdanan. Dala niya ang regalo para kay Maddie.
Kinuha ko ang aking sling bag at sumunod sa kanya. Hindi ko nakita si Ben, kanina pa siguro siya umalis. Mabuti naman.
Sa may likod kami ng tricycle sumakay ni Mikee, sa may likod ni Tiyo Dado. Sa loob si Nanay at Tiya.
Habang byahe ay nakita ko ang iba't- ibang puno na hindi ko napansin kagabi. May puno ng niyog, lanzones, rambutan, saging. May ilog pa kaming nadaanan. Binusog ko ang mga mata ko sa ganda ng lugar nila Nanay.
"Hindi na ba kayo papasok, Nay?" Tanong ko nang makarating kami sa tapat ng bahay nila Maddie.
"Di na anak, nandoon na sa may bayan 'yong kausap namin ng Tiya mo." Sagot ni Nanay.
"Sige po, ingat po kayo." At umalis na sila sakay ng tricycle.
Sa labas pa lang ay rinig ko na ang videoke.
Sinalubong kami sa may gate ng isang babae na halos ka edad namin ni Mikee. Mas mataas kami ni Mikee ng konti sa kanya. Bagay sa kanya ang kulay pink niyang dress. Itim na itim ang buhok niyang hanggang bewang. Medyo bilugan ang mata niya na bumagay sa matangos niyang ilong at mapupulang labi. "Kanina ko pa kayo hinihintay. 'Di nyo kasama sila Ben?"
"Hinde, eh. Kasama ang barkada niya. Happy birthday Madz." Iniabot ni Mikee ang kanyang regalo. "Si Lara nga pala, siya 'yong alaga ni Tiya Gloria dati. Sa bahay na namin siya titira."
"Hi, Lara. Ang ganda mo naman." Nakangiting sabi ni Maddie.
"Thank you. Happy birthday." Sabi ko kay Maddie.
"Thank you, pasok na tayo." Pumasok si Maddie sa gate. Sumunod kami sa kanya sa loob. Ang laki ng bahay nila at ang daming halaman na orchids.
"Kain na kayo ni Lara, Mikee." Sabi ni Maddie sa aming dalawa nang nasa loob na kami.
Ang daming handa ni Maddie na nasa malaking mesa sa sala. May Pansit, sopas, sphagetti, carbonara, puto, cake, fruit salad at ice cream. Mga lutong ulam. Carbonara at fruit salad lang ang kinuha ko.
"Nasa garden sila Jeannie sa likod nag-vi-videoke. Si Pia na lang ang kulang, nahihirapan sigurong tumakas." Sabi ni Maddie.
"Darating na 'yon. Nagtext kanina sa akin, on the way na daw siya." Sabi ni Mikee habang kumukuha ng pagkain. "Sa garden tayo kumain Lara, ipapakilala kita sa ibang friends namin ni Maddie.
Sumunod ako sa kanilang dalawa.
Ipinakilala ako ni Maddie sa ibang kaibigan nila ni Mikee. Sila Ayeen, Jeannie at Jared.
Kahit konti pa lang kaming bisita ay masaya pa din. Kumanta si Maddie, ang ganda pala ng boses niya. Nakilala ko din ang tatlong lola ni Maddie. Ulila na pala si Maddie at silang tatlo ang kasama niya sa bahay. Dumating ang ibang kamag-anak ni Maddie at isa pa nilang kaibigan, si Pia. Nahirapan daw siyang tumakas kaya na late siya nang dating.
Huling dumating si Ben. May kasama siyang mga lalake, barkada niya siguro. "Akala ko 'di na kayo pupunta, eh." Sabi ni Maddie.
"Hindi, ah. Happy birthday, Madz." Bati ni Ben. Bumati din kay Maddie ang mga kasama niya.
"Thanks. Kumuha na kayo ng pagkain sa loob, samahan ko na kayo." Sumunod si Ben at mga kasama niya kay Maddie.
Inaaya ako ni Mikee na kumanta, pero tumanggi ako. Nasabi ko na lang na baka umulan 'pag kumanta ako.
Pagkakuha ni Ben ng pagkain ay sa tabi ko siya umupo.
"Lara, kumain ka na?" Tanong niya sa akin bago sumubo ng cake.
"Oo." Tipid kong sagot na hindi man lang siya nililingon.
"Parang 'di ka naman kumain."
"Paano mo naman nasabing 'di pa ako kumakain." Inis na tiningnan ko siya.
"Ang liit pa din kasi ng tiyan mo." Sabay tingin niya sa tiyan ko.
"Kumain ka na nga lang diyan!" Inis kong tinakpan ng mga kamay ko ang aking tiyan sabay irap sa kanya.
Tumabi kay Ben ang mga kasama niya.
"Uy, Ben ipakilala mo naman ako sa katabi mo." Sabi ng isa sa mga barkada ni Ben. Gwapo, mukhang playboy.
"Di pwede, sa tao lang pwedeng makipagkilala 'to." Seryosong sagot ni Ben at pinagpatuloy ang pagkain.
"Grabe ka naman samin." Sabi naman ng isa sa mga barkada ni Ben na may suot na bullcap sa ulo.
Lumapit sa akin ang isa sa kanila. " Miss, I'm Kian. Ang pinakagwapo sa aming lahat." Naglahad siya ng kamay.
"Hi, nice meeting you, I'm Lara." Tinanggap ko ang kamay niya.
"Oh, tama na 'yan. Baka katihin si Lara." Singit ni Ben at pinaghiwalay niya agad ang mga kamay namin ni Kian.
"Ikaw pala si Lara." Ngiting-ngiti sabi ni Kian sa akin. "Totoo nga ang sinabi ni Ben ang ganda mo nga."
"Wala akong sinabing ganon, ah." Tanggi ni Ben sabay alis at nakisali sa pagkanta sa videoke.
"Nga pala mga barkada din namin ni Ben." Sabi ni Kian at tinuro isa-isa ang mga barkada nila ni Ben. "Sila Franco, Jet, Raiden, Aldritz, at si Brylle."
Kinamayan ko silang lahat. Napatitig ako sa isa sa kanila, 'yong Brylle.
Parang nakita ko na siya noon. Hindi ko lang maalala kung saan. Napansin ko rin ang suot niyang kwintas, katulad na katulad ng sa akin. Gold necklace ito na may pendant na hugis krus.
Ang likod ng pendant ng kwintas ko ay may nakaukit na pangalang Ricardo. Ang natatandaan ko ay binigay ito sa akin ng Mama ko noon. Ilang araw bago niya ako iniwan kay Papa Jerry.
Natigil ako sa pag-iisip ng lumapit si Maddie sa akin at niyaya din akong kumanta. "Lara, kanta ka naman." Nakangiting sabi ni Maddie.
"Hindi ako marunong kumanta, eh." Nahihiya kong sinabi kanya.
"Ganon ba. Uy, Kian. Kanta kayo." Aya ni Maddie.
"Mamaya na, nagkukuwentuhan pa kami ni Lara." Sabi ni Kian.
"Maddie, kung pwede ka daw makausap ni Raiden." Sabi nang nakangising si Jet.
"Busy ako." Sabay alis ni Maddie.
"Nako, wala ka ng pag-asa, tol!" Pang-aasar ni Kian kay Raiden.
"Di, ah. Kami na kaya." Natatawang sabi ni Raiden.
Nakikinig lang ako sa pag-aasaran nila. May crush pala itong si Raiden kay Maddie.
"May boyfriend ka na ba, Lara?" Tanong sakin ni Jet.
"Wala." Tipid kong sagot.
"Pwede bang manligaw?" Biro ni Kian sa akin.
"Yun, oh!" Sabay na sigaw nila Aldritz at Raiden.
"Ang bilis mo, tol!" Si Jet. "Paalam ka muna kay Papa Benedict."
"Anong ipagpapaalam sakin?" Tanong ni Ben na hindi ko namalayan na nasa likod ko na pala.
"Kung pwede daw ligawan si Lara." Sabi ni Raiden.
"Di pwede. May boyfriend na 'to." Sabi ni Ben.
Inis na nilingon ko siya.
Tinaasan lang niya ako ng kilay.
Kainis talaga 'tong lalake na 'to. Ginawa pa akong sinungaling.

Komento sa Aklat (19)

  • avatar
    QueenofHearts

    I Love the Title, interesting to read, keep writing🥰😍

    23/04/2022

      0
  • avatar
    DianaRoberta

    mganda ung story sana may story dn ung mga kaibigan nina Ben at Lara

    15/05/2025

      0
  • avatar
    Amben Riza

    nice story

    18/11/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata