Distraction

[CIOS' POINT OF VIEW]
Deretso ang naging paglalakad ko patungo sa canteen. Ang totoo, ni hindi ko nga alam kung saan ako pupunta. Kaya kung alin ang pinakamalapit ay siya ko ng pupuntahan. At ang canteen ang pinakamalapit kong opsyon.
"Cios! Sandali lang!"
Tumigil ako sa paglalakad at napalingon ako sa pinanggagalingan ng boses. Bahagyang guilt ang dumaan sa aking damdamin nang maalala ang mga nangyari. At nasaksihan iyon ni Coleen. Lahat. Nandito pa nga pala siya. Bakit ko nga ba nakalimutan iyon?
Humahangos siyang tumakbo papunta sa akin. Pagkarating sa tapat ko ay nakayuko siya. Habol ang hininga habang nakatuon sa kaniyang mga tuhod. "Ano ka ba naman? Saan ka ba pupunta? Bigla mo na lang akong iniwanan do'n!"
"I'm sorry, Coleen." Sagot ko. Bahagya akong napakamot sa batok ko. Isang guilty'ng ngiti ang iginawad ko sa kaniya.
"Bakit ka ba kasi umalis kaagad?" Tanong niya. Tumuwid na siya sa pagkakatayo at dumukot ng panyo sa kaniyang bulsa. Nagsimula na siyang magpunas ng pawis. Pero hindi niya tinatanggal ang tingin niya sa akin. "Saka ano nga ulit ang sabi mo kanina? You were just inspecting the list? Talaga ba?"
Bahagyang gumalaw ang aking panga. Inobserbahan kong mabuti ang itsura ni Coleen. Kung galit ba siya o tensiyonado. Kung naiinis ba siya o nagtatanong lang. Ngunit sa tono ng kaniyang boses, alam kong nanunubok siya. May pagkasarkastiko rin kasi ang naging dating sa akin ng kaniyang tanong. "I lied," pag-amin ko. "Pero ginawa ko 'yon because I need to. Hindi ko intention na—"
"What are you so afraid of?"
"What?" Kumurap ang aking mga mata sa pagputol niya sa pagpapaliwanag ko. Kitang-kita ko ang seryosong tensiyon sa pagitan naming dalawa ni Coleen. Alam ko na kapag hindi ako naging maingat, baka may mangyaring hindi ko gugustuhin pangaganap. Kaya kahit gusto kong gumanti sa pabalang niyang mga pananalita ay hindi ko magawa.
Huminga nang malalim si Coleen. Tinapos niya muna ang pagpupunas niya ng pawis bago ako hinarap muli. "Alam naman nating dalawa na you are doing well with your studies, hindi ba? Alam din iyon ng lahat, Cios. Itong... Itong mga kaganapan sa sports fest, magandang practice rin ito para sa ating mga estudyante. It reminds us to have fun and take a break. Isang linggong pahinga through social and sports-inclined activities. This is our chance to make friends, Cios. This is our chance to learn new skills. To meet new people. To support other students. And for you... It is your chance to acknowlede na there is something more to school other than just studying."
Parang may isang mabigat na bato ang dumagan sa aking dibdib. Ramdam ko ang wirdong pakiramdam sa aking tiyan. Hindi ko maipagkakaila na lahat ng sinabi niya ay totoo. May parte sa akin na gustong sumang-ayon sa kaniya at sabihing tama siya. Pero may parte rin sa akin na nagsasabing hindi ako maaaring bumigay. Na hindi ko deserve ang pahingang sinasabi niya.
"Coleen, look... I know that you're only looking after me, pero masaya naman ako ngayon. Ayos lang naman ako sa buhay kong ito. I don't need a week of rest kasi I would rather use that time to study," marahan at malumanay kong pagpapaliwanag sa kaniya. "Now, I do believe na whatever we're doing now, paniguradong those things will help in shaping our future. And I'm busy shaping mine just like how other people are busy making theirs. You see, Coleen, iba-iba tayong lahat ng dapat gawin. Iba-iba tayo ng pinagkakaabalahan, at mas lalong iba-iba ang mga pinaglalaanan natin ng lakas at pagod sa bawat araw."
Napayuko si Coleen sa mga sinabi ko. Nakagat niya ang kaniyang pang-ibabang labi. "Pero, Cios..."
"You need to understand, Coleen. This is what I wanted. Ito ang pinaglalaanan ko ng lakas at pagod dahil ito ang gusto ko. Ito ang kailangan kong gawin."
"Hindi naman ako humahadlang sa mga pangarap mo," sagot ni Coleen. Nag-angat na siya ng kaniyang mga mata at sinalubong ang tingin ko. "Hindi pangarap ang pinag-uusapan natin dito, Cios. Ang pinupunto ko lang... Magsaya ka naman paminsan-minsan. Kailangan mo rin 'yon. Kailangan mo rin ang kaunting pamamahinga. Iyong malayo sa libro at sa mga expectations ng iba."
Napamasahe ako ng aking sentido. "Coleen, please... Don't make me do every single thing you want. Hindi naman lahat ng tingin mong tama ay makakabuti sa akin e. Hindi mo ako naiintindihan, Coleen... Magagalit sa akin si Mommy."
"So, kapag magagalit ang Mommy mo sa tuwing may isang bagay kang gagawin, hindi mo na itutuloy 'yon? Ganoon ba?" Tanong ni Coleen. Kunot ang kaniyang noo. "And you regard yourself as happy with your life today? Ni hindi mo magawa ang gusto mong gawin e."
"Coleen—"
"Huwag mong itanggi na hindi mo gustong tumugtog," putol niya sa sasabihin ko. Matalim ang mga mata ni Coleen. "Noong araw na sabihin mo sa akin na gusto mong tumugtog ulit, alam ko na iyon ang totoo. Kinakabahan ka pa nga na baka hindi pumayag sina Kuya Red, 'di ba? Hindi ganoon ang magiging reaksiyon mo kung napipilitan ka lang. Duwag ka, Cios."
 
Nagpanting ang tainga ko sa sinabi niya. "Hindi ako duwag, Coleen," mabilis kong sagot. Malalim ang paghingang pinakatitigan ko siya. Pero halatang hindi siya nasisindak. Nagpakawala ako ng isang buntong-hininga. "Look, Coleen... I don't want us to fight. Masiyado na tayong tensiyonado. I won't let this escalate further. Kaya, please, for once... Just drop it."
Umawang ang bibig ni Coleen upang magsalita. Pero hindi ito nangyari dahil tumunog na ang aking phone. Agad ko itong dinukot mula sa aking bulsa at tiningnan kung sino ang caller. Mas lalong bumigat ang aking dibdib nang makita kung sino.
"Sasagutin ko lang. Wait here. Mag-uusap pa tayo," ang sabi ko kay Coleen bago siya tuluyang tinalikuran. Naglakad na ako papunta sa gilid kung saan mas tahimik. Kaunting hakbang lamang naman ang layo kay Coleen. Kailangan ko lang talagang sagutin si Mommy para hindi na rin magkagulo.
*****
[COLEEN'S POINT OF VIEW]
Naiinis ako. Gusto kong magalit. Gusto kong manigaw. Pero gustuhin ko mang gawin iyon ag hindi ko kaya. Si Cios ang kaharap ko. Hinding-hindi ko kayang sigawan siya.
"Look, Coleen... I don't want us to fight. Masiyado na tayong tensiyonado. I won't let this escalate further. Kaya, please, for once... Just drop it."
Ibinuka ko nang muli ang bibig ko upang makapagsalita pero tumunog na ang phone niya. Sino kaya iyon, at bakit sa lahat ng oras na mapipili niyang tumawag ay ngayon pa?
"Sasagutin ko lang. Wait here. Mag-uusap pa tayo."
Itinikom ko na lamang ang aking labi. Tumango ako at napabuntong-hininga. Pinanood ko si Cios na naglalakad na palayo sa akin habang nakikipag-usap sa phone niya. Bawat hakbang niya palayo sa akin ay naging isang paalala sa sitwasyon naming dalawa. Ang tunay na kinalalagyan namin.
Hindi naman talaga kami magkalebel e. At sa bawat araw, marami ring mga bagay at tao ang nakakapagpaalala sa akin ng agwat na mayroon sa pagitan namin. Speaking of which, naalala ko tuloy ang nangyari kaninang umaga, bago pa dumating si Cios upang sunduin ako.
Maliwanag ang mukha ko habang palabas ng aming bahay. Hindi pa man tuluyang naaayos ang away sa pagitan namin ng mga magulang ko ay natutuwa naman ako na makitang kahit papaano ay alam nila na may mali sila. Pagkalabas ko sa bahay ay dali-dali ko ng isinara ang gate dahil may tumigil na na itim na kotse sa harapan ko. Marahil ay si Cios na ito. Ganitong-ganito kasi ang kotse no'n.
Laking gulat ko na lamang nang bumaba ang bintana at tumambad sa akin ang isang babae. Kita sa kaniyang mukha at pananamit ang yaman. Mula sa maganda at kumikinang niyang hikaw at kwintas. Papunta sa maputi at makinis niyang kutis. Napaisip tuloy ako kung ano ang lotion na gamit ni madam. Sa kasamaang palad nga lang ay nakikita ko rin na mukha siyang mataray. Ipinapamukha ba nito sa akin kung gaano kami kahirap? Hello? Magkakakotse rin ako, 'no!
"A-Ah... Magandang araw po. Sino po sila? May maiitulong po ba ako sa inyo?" Tanong ko. Niluwangan ko ang aking ngiti kahit kabadong-kabado na ako sa tingin ng babae.
Nagsimulang maglandas ang matatalas niyang mga mata mula sa aking buhok, sa aking mukha, sa aking dibdib, sa tiyan, at pababa sa aking paa. Inulit niya pa ito ng ilang beses bago niya sinulyapan ang bahay namin.
"K-Kung may plano po kayong bilhin ang bahay namin ay huwag niyo na pong subukan. Hindi po namin ito ipinagbibili," maagap kong sabi. Iniharang ko pa ang payat kong katawan upang hindi na niya matanawan ang kabuuan ng maliit at simple naming bahay.
 
Tumaas naman ang kilay ng babae at nasilayan ko ang pagngisi niya, na agad niya ring tinakpan ng isang masungit na tingin. "Me? You think I will buy this house of yours?" Sinulyapan niyang muli ang bahay namin. "It doesn't even look like a house, young lady."
Umawang ang labi ko. Sinulyapan ko rin tuloy ang aming bahay at bahagyang napanguso. "Grabe naman po kayo. Bahay pa rin naman po iyan kahit hindi ganoon kalaki..." mahina kong bulong.
"You are Coleen Fabian?"
Agad kong nilingon ang babae. Hindi ko alam kung sasang-ayon o sasagot pa ba ako. Sa tono ng boses niya ay alam ko na kaagad na hindi iyon isang tanong. Ramdam ko na kinukumpirma lamang niya. Wala sa sariling napatango ako.
"Your hobby is photography, hm?" Dagdag pa ng Ginang. Binuksan niya ang kaniyang ipad at nagsimulang mag-scroll doon. "I heard that you're a friend of... various rich students in your school. I wonder if that's a good thing though."
Kumunot ang noo ko. Hindi man ako tuong kagalingan sa pag-iingles ay naiintindihan ko ang mga sinasabi niya. Pilit kong ikinalma ang aking sarili kahit na nalalasahan ko ang akusasyong ibinabato niya sa akin nang hindi deretsong inililitanya ito.
"I suggest you stay away from him."
Him? Sino? Napakamot ako sa aking noo at bahagyang lumapit sa kotse. "Sino po?" Tanong ko.
Nag-angat ng mga mata ang babae at nilingon ako. "You should focus on your study, iha. Huwag kang manggulo sa buhay ng iba. If there are things you should be doing, it's to keep studying and get into the honor roll."
"Sumusobra na ho kayo," sabi ko. Nauubusan na ako ng pasensiya. Hindi ko matanggap ang mga sinasabi niya dahil mukhang kilala niya ako. Mukhang alam niya ang mga bagay tungkol sa akin. Nakakainsulto dahil mukha akong tanga na hindi siya kilala at basta na lamang tinatanggap ang mga sinasabi niya. "Bakit ho hindi niyo ako deretsuhin? Sino ba ang dapat kong layuan?"
"Si Cios Montereal," mabilis na sagot ng Ginang. Dinukot niya ang lip stick sa kaniyang designer bag at nagsimulang maglagay. Mas nabastusan tuloy ako. "He's busy reviewing, isn't he? And he's supposed to be doing just that para sa quiz bee niya. The problem here is that... mayroong bubuyog na aasu-asungot sa kaniya."
Kumunot ang noo ko. Bakit ang lakas ng pakiramdam ko na ako ang tinutukoy niya? Kailan pa ako naging asungot?
Ibinalik niya ang kaniyang lip stick sa kaniyang bag. Hinarap niya akong muli at bumuntong-hininga. "Listen carefully to me, iha. Cios is a good child. He's insanely capable of anything, lalo kung ang focus niya ay nakalaan lang dito. But as you can see, Coleen, there are times na even the geniuses has their own weakness. And as for Cios, even the smallest thing and differences can affect his whole performance. Maraming responsibilities si Cios at... everyone is expecting high and perfect results from him. You know what I mean, right? Siguro naman ay alam mo na ang dapat mong gawin."
Umawang ang bibig ko. Ilang beses na kumurap ang aking mga mata. "Ano... Ano po ang ibig niyong sabihin?"
"I want you to stay away from his life. Masisira mo ang buhay niya, Coleen. You're being a distraction. And I'm pretty sure you don't want that."
Pucha. Hindi ko na naiwasan ang paglunok. Hindi ako makasagot. Hindi ko maramdaman ang aking mga paa. Para akong sandaling hinugutan ng hininga.
Hindi ko na namalayan ang pagbusina ng isa pang itim na kotse sa aking harapan. Doon lamang bumalik sa huwisyo ang utak ko. Nakangiti na si Cios sa akin. Agad na hinanap ng aking mga mata kung nasaan na pumunta ang kotse ng babae. Nakita ko itong paalis na. Nakagat ko ang aking labi at nilingon si Cios.
Hindi pala si Cios ang naunang tumigil sa harap ng aming bahay. Sa pakiramdam ko ay nanay niya ang babae. Mula sa tono ng pananalita niya at sa kung paano niya ako kinuwestiyon tungkol kay Cios, ramdam ko na agad. Malakas din naman ang pang-amoy ng lola niyo. Hindi lang halata dahil aminado naman ako na shushunga-shunga talaga ako minsan.
At dahil sa nangyaring iyon, hindi na ako pinatulog ng konsensiya ko. Madalas akong natutulala at napapaisip kung nad-distract nga ba si Cios sa kaniyang pag-aaral dahil sa presensiya at walang sawang pangungulit ko. Asungot nga ba ako sa buhay niya?
Tinitigan ko ang likod ni Cios. Busy siya ngayon sa katawagan niya. Marahil ay importante ito. Kung sa totoo lamang tayo, gusto ko siyang lapitan at yakapin. Pero hindi ko na naman maramdaman ang paa ko. Hindi ko na naman maigalaw ang katawan ko upang humakbahg palapit sa kaniya. Nasulyapan ko sa huling pagkakataon ang mukha niya nang sulyapan niya akong saglit. Bakas sa mukha niya ang pagod. Natatakpan lamang ito ng natural na kagwapuhan niya.
Binalikan ko tuloy lahat ng mga bagay na ginawa niya para sa akin. Ang lahat ng abalang naidulot ko sa tahimik at perpekto niyang buhay. Mula sa pagkuha ko ng litrato sa kaniya nang walang paalam. Sa ilang beses na pagbuhat sa akin papunta sa kung saan. Sa ilang beses na na-late siya sa review session nila. Sa ilang beses na pinilit naming pagkasiyahin ang session naming dalawa sa hectic schedule niya. Sa pagpilit ko sa kaniyang sumali sa banda at bumalik sa pagtugtog dahil lang tingin ko ay magiging masaya siya roon. At sa lahat ng iyon, hindi siya nagreklamo.

Komento sa Aklat (93)

  • avatar
    AcuñaJilwin

    so excited

    30/03/2025

      0
  • avatar
    Francis Almer Bool Fortu

    please robux

    26/11/2024

      0
  • avatar
    kyglaze

    awesome

    15/11/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata