Homepage/14 Days of Journey/
Charm
[CIOS’ POINT OF VIEW]
Kasalukuyan akong nakaupo sa gilid ng kama ni Coleen. Nakatulog na siya sa aming pagkukuwentuhan. Nakatulugan na niya ang pag-iyak. Marahan akong tumayo at kinarga siya upang ihiga nang maayos sa kaniyang kama. Sa bandang gitna ko pa siya inilagay upang hindi siya mahulog. Naglagay rin ako ng mga unan sa magkabilang gilid niya para na rin sigurado.
Sandali akong napatitig sa maamo niyang mukha. Bakas pa rin ang luha sa kaniyang pisngi. Mapula pa rin ang kaniyang ilong dahil sa pag-iyak kanina. Ngunit hindi ko maitatanggi na nitong mga nakaraang araw... Mas lalo siyang gumaganda sa paningin ko. Sa isip-isip ko'y iba talaga ang charm ng babaeng ito. Na kahit sa pagtulog ay hindi siya pumapalya sa pagpapatibok ng puso ko.
Hinila ko ang kaniyang kumot at kinumutan siya. Muli kong pinulot ang box at tiningnan ang nasa loob. Napabuntong-hininga na lamang ako sa itsura ng kaniyang sirang camera. Agad kong dinukot ang aking phone mula sa bulsa ko at sinimulang kuhanan ito ng litrato. Pagkatapos ay nag-dial na ako ng numero sa aking phone. Sumagot naman kaagad ang tinawagan ko.
"Hello? Yes. Have you received my message? Yes. I need a brand new camera. I want the same brand and type." Pakikipag-communicate ko sa kabilang linya. "Kaya bang mai-deliver tonight? Yes. Okay. Okay, thank you."
Ibinaba ko na ang tawag dahil um-agree naman sa demands ko ang tinawagan ko. Tinakpan ko na ang box at inilapag ito sa side table ni Coleen. Nag-stretch pa ako nang kaunti bago ko tinungo ang pintuan. Muling hinagod ng aking mga mata ang buong silid. Mula sa lumang aparador, papunta sa electric fan. Ang kurtinang kulay pink at ang kamang maliit na kulay pink din. Lahat ito ay may touch ni Coleen. Sinulyapan ko rin ang dingding na may mga picture frames na nakasabit. Pihadong lahat ng ito ay kuha niya. Napapangiti ako habang binubuksan ang pintuan. Sa huli ay ginawaran ko ang natutulog ng si Coleen ng huling sulyap bago ako umalis.
Hindi ko maintindihan kung bakit nakakaramdam ako ng awa at ng lungkot sa sitwasyon niya. Siguro'y normal naman ito para sa mga taong makakarinig sa kwento niya. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit nakakaramdam ako ng sense of protectiveness sa kaniya ngayon. Gusto kong paniwalaan na ito'y dahil lang sa kaibigan siya ng kapatid ko. O kaya naman ay dahil nitong mga nakaraang araw, naging kaibigan ko na rin siya. Hindi ko naman gustong isisi sa tadhana ang lahat dahil in the very first place, hinayaan ko rin naman siyang makalapit. Hindi ko nga lang inaasahang ganito kalapit. Sobrang lapit na napapaisip akong it's fine to share my burdens with her.
Argh. Hindi ko alam. Hindi ko na talaga alam. Ang gusto ko lang ngayon ay ang malaman kung ako lamang ba ang namomroblema tungkol sa kung anong namumuong damdamin dito sa aking dibdib. Gusto kong malaman kung matagal na ba itong mayroon at mas lumala lamang ngayon. Ang sagot ay hindi pa rin malinaw. O baka malinaw na pero hindi lamang ako handang aminin at tanggapin ang totoo. Basta. Mananatili na lamang na blurred ang lahat. Hindi dahil blurred talaga. Kundi dahil mas safe kapag blurred lang.
May buntong-hininga akong humakbang palabas ng kwarto ni Coleen. Isang hakbang na parang napakahirap. Isang hakbang na alam kong kailangan kong gawin. Dahil kung hindi ko gagawin, baka gustuhin ko na talagang manatili roon. Sa tabi niya. Buong gabi. Para bantayan siya kung sakaling magising siya at mabigat pa rin ang pakiramdam niya. Para kung kailangan niya ng dibdib na maiiyakan ay nandoon ako. Available ako. Nag-aalala ako na sa pag-alis ko ay bigla siyang magising at maisip na nag-iisa na naman siya. Pero wala akong magagawa dahil ito ang kailangan kong gawin. Ang mas nakakabuti. Dahil parehas lang naman kaming mga ligaw na kaluluwa sa buhay ng isa't-isa. In short, wala talaga akong permanent na lugar sa buhay niya. Kaya mas mamabutihin ko ang paglayo. Ang pag-alis.
Kulang sa emosyon ang mukhang bumaba ako ng hagdan at tinungo ang salas. Narinig ko ang mga bulungan ng mga magulang ni Coleen. Sinadya kong lakasan ang panghuli kong hakbang papasok sa salas upang maipaalam sa kanila na parating na ako at baka marinig ko ang usapan nila. Tagumpay naman iyon dahil tumigil sila sa pagbubulungan.
Tumayo kaagad ang Nanay ni Coleen. Ganoon din ang kaniyang Tatay. "Oh, anak, tapos na pala kayo. Ah... Nasaan si Cola?" Bungad ng Nanay ni Coleen.
"Tulog na po, Tita." Magalang kong sagot. May ngiti pa sa aking labi. Lumingon ako sa Tatay ni Coleen nang marinig ko ang pagtikhim nito. Nawala ang ngiti sa aking labi at napalitan ito ng kung anong pag-iinit ng aking pakiramdam. Naiinis ako, sa totoo lang. Naiinis ako para kay Coleen. "Mauna na po ako."
Tumungo ako nang kaunti bago nagmano sa kanilang dalawa. Tinungo ko na ang pinto nang may maalala ako. Nilingon kong muli ang dalawa. "Bago ko ho pala makalimutan," panimula ko. "Mabuti hong tao si Coleen, Tito, Tita. Napakamasiyahin po at hindi mo maiisip na mayroon siyang bagaheng dinadala. Kaya nga... Kaya nga ayaw ko ho sana na nalulungkot siya."
Diretso at walang paligoy-ligoy ang mga salita ko. Mukha namang naintindihan nila ang ibig kong sabihin dahil nagkatinginan sila. Napayuko sila at napabuntong-hininga.
Nagpakawala na rin ako ng isang buntong-hininga. Pero hindi iyon marahas. It was more of a sigh of relief. "Alam ko po na mahal na mahal niyo ang anak niyo. Nakikita ko po iyon. Masuwerte po si Coleen kasi may mga magulang siya na kagaya niyo. At the same time, masuwerte rin po kayo na mayroon kayong anak na kagaya ni Coleen. She has everything that it takes to be successful. She's competitive and sporty. Hindi ko na ho iisa-isahin. Pero we could all agree po na she's everyone's light and sunshine. H'wag ho sana natin siyang pupundihin."
Inayos ko ang aking sarili at tuluyan nang binuksan ang pintuan palabas. "May darating po palang package ngayong gabi. Paki-receive na lang po at pakiabot kay Coleen. Bagong camera ho iyon," sambit ko. "Maraming salamat po sa mainit ninyong pagtanggap. Sobrang na-appreciate ko po. Sana po ay welcome pa rin ako rito sa susunod," tuluyan ko ng pamamaalam. Tumungo pa ako nang kaunti bago tumalikod at naglakad na palabas.
Hanggang ngayon ay gulat pa rin ako na ang Nanay ni Coleen ay ang tutor ko na ini-hire ni Mommy. Mas lalong hindi naging maganda ang aking pakiramdam. Kailangan ko talagang protektahan si Coleen. Nagkandabuhol-buhol na kasi ang lahat. May koneksiyon na ngayon si Mommy kay Coleen, through Coleen's mother. At hindi ko nagugustuhan ito. Paano na lang kapag pinaglaruan ni Mommy ang career ng Nanay ni Coleen? Hindi ko kakayanin na manood na lang. Pero mas hindi ko kakayaning sa akin naman ma-disappoint si Mommy.
Nang marating ko ang aking kotse ay isang marahas na buntong-hininga ang aking pinakawalan. Binuksan ko ang pinto sa driver's seat at bahagyang nag-alinlangang pumasok. Pagkakuwan ay napagdesisyunan ko rin na dapat na talaga akong umuwi.
Bago ako pumasok ay nilingon ko sa huling pagkakataon ang kwarto ni Coleen. Bukas ang ilaw nito at kitang-kita ko ang marahang pagsayaw ng pink niyang kurtina. Napapangiti akong umiling. Parehong-pareho sila ni Camila ng paboritong kulay. Sinilip ko ang aking relo bago tuluyang pumasok sa aking kotse. Ini-start ko ito at nagsimula na sa pagd-drive pauwi.I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (93)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
so excited
30/03/2025
0please robux
26/11/2024
0awesome
15/11/2024
0Tingnan Lahat