Homepage/14 Days of Journey/
The Light is Green
[COLEEN’S POINT OF VIEW]
Tahimik ang naging byahe namin matapos ang aming heart to heart talk. Muntik pa akong makatulog sa byahe. Kung hindi dahil sa gutom kong nararamdaman, na lagi namang nariyan at present sa aking sistema, ay hindi pa ako mananatiling gising.
Nang marating na namin ang kanto malapit sa bahay namin ay umupo na ako nang tuwid. Sinakbit ko na nang bahagya ang aking bag. “Dito na lang ulit ako, Cios. Maraming salamat sa paghatid," nakangiti ko ng sabi. Nang hindi niya itinigil ang sasakyan at nagdire-diretso papasok sa kanto namin ay medyo nataranta ako. Hindi ko alam kung dahil saan ba ang nararamdaman kong kaba. Taka akong tumingin sa kaniya. "Cios? Saan ka... Sabi ko sa may kanto na lang e."
"Saan ang bahay mo?" Tanong niya. Para bang hindi niya narinig ang mga sinabi ko. Lumilingon-lingon pa siya sa paligid habang maingat na ipinapasok ang kaniyang kotse sa loob ng kanto. Nilingon niya ako nang hindi ako nagsalita. "What? Hindi na ba kita pwedeng ihatid ngayon? Bawal ko bang makita ang bahay mo? Come on, Coleen. Don't you think na it's about time na makita ko ang bahay mo? You've seen mine. Both my house and my condo. You've been there a lot of times. Bakit ako ay hindi pwede?"
"E kasi..." Patay. Hindi ko mahanap ang sagot sa tanong niya. Paano ko sasabihin na hindi pa ako pwedeng tumanggap ng bisita ngayon dahil hindi naman kami in good terms ng mga magulang ko sa ngayon? At paano na lang kung makalat ang bahay? Ang mga sinampay? Nalikom na ba ni Nanay ang mga 'yon? Mababaliw na ako kakaisip. Hindi na rin ako makatingin nang deretso sa kaniya. Gustuhin ko mang imbitahin siya, kasi bakit hindi e crush na crush ko ang isang 'yan, ay hindi ko naman magawa. Hindi pa sa ngayon. Baka bukas, pwede.
Natigil lamang ako sa pakikipagtalo sa aking loob nang tumikhim siya. Iniangat ko ang aking mga mata at nahihiya siyang hinarap.
"Okay. Look," panimula niya. "I'm sorry if I looked like I'm pushing you. Hindi sa ganoon. I'm sorry. Hindi ko sinasadya. It's just that... Naisip ko na kung hinayaan nga kitang pumasok sa bahay at sa buhay ko, ay pwede mo na rin akong papasukin sa bahay at sa buhay mo. Pero hindi tama 'yon. Hindi dapat kita pinipilit. Kung hindi ka pa ready, it's fine with me. Hindi ako papasok, Coleen. Gusto ko lang talaga na ihatid ka. Seeing you enter your house safely... That would be enough, Coleen. But that's only if you'll let me, of course."
My lips curled into a soft smile. Parang sasabog ang aking puso. Nakapagdesisyon na ako kanina na h'wag na muna siyang imbitahin e. Pero paano pa ako makakatanggi sa mga salitang binitawan niya at ang lintik! Iba ang ekspresyon ng mukha niya ngayon. Malambot ito at... At napakapogi! Nakakailang puntos na sa akin ang lalaking ito. At kung naglalaro man kami, kanina pa siyang panalo. Kainis! Nakakainis na hindi naman talaga ako naiinis. Pero alam mo 'yon? Kainis talaga siya!
"Ang bahay ko... Uh... Diyan lang sa panglimang bahay. 'Yung katabi ng green na dalawang palapag ang bahay. Iyang color pink," sabi ko. Itinuro ko pa sa kanang bahagi. Tanaw naman kasi ang bahay namin at ang mga bahayang katabi nito. Muli ko siyang nilingon.
"Sigurado ka ba?" Tanong niya. Seryoso ang pogi niyang mga mata habang nakatitig sa akin.
Diyos ko. Paano makakatanggi sa lagay na 'yan? Kung ganiyan ba naman kapogi ang kaharap mo at magtatanong sa iyo, makakatanggi ka pa ba? Saan ka pa kukuha ng lakas? Kaya alam niyo na. Wala sa sariling napatango ako.
"Sige. Tayo na," sabi ni Cios na ngayon ay nakangiti na. Lumingon na siya sa harapan at nagsimula na sa pagd-drive.
Malakas ang kabog ng aking dibdib habang papalapit kami nang papalapit sa bahay namin. Hindi ko alam kung paano ko kinakayang umaktong maayos ang lahat kahit na halos sumabog na ang aking dibdib sa sobrang lakas ng tibok ng aking puso. Humigpit ang hawak ko sa aking bag nang marating na namin ang aming destinasyon. Itinigil na ni Cios ang sasakyan sa harap ng bahay namin.
Lumingon ako sa aking gilid at nakita si Nanay na nasa pintuan. Nakatitig siya sa sasakyan na tumigil sa harapan niya. Napakagat ako sa aking ibabang labi. Hindi ko alam kung bababa na ba ako o sabihin na lang kay Cios na magpabaling siya at bumalik kami sa kanto. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit kabadong-kabado ako.
Nawala lamang ako sa pakikipagtalo sa aking isipan nang biglang bumukas ang pintuan sa gilid ko. Nanlalaki ang mga matang nagkatinginan kami ni Cios. Paano siyang nakalabas, nakaikot kaagad, at napagbuksan ako ng pintuan? Nang hindi ko namamalayan? At hindi ko man lang narinig na lumabas siya?
"May problema ba? Halika na," sabi ni Cios na nakakunot ang noo. Binuksan niya nang malaki ang pintuan bago tinanggal ang aking seatbelt. "Baba na, Coleen."
Napalunok ako. Bahagya pa akong sumilip sa kaniyang likuran. Nakita ko si Nanay na nakatitig sa likuran ni Cios. Huminga muna ako nang malalim at nag-ayos ng sarili bago ako bumaba.
Nang makita ako ni Nanay ay nagliwanag ang kaniyang mukha. "Cola, ikaw pala..." bati ni Nanay. Mula sa nagliliwanag niyang mukha na para bang lumuwag ang pakiramdam niya nang makita ko, ay nag-iba ito. Kumunot ang noo niya at tiningnan si Cios. Pagkatapos ay bumalik sa akin ang kaniyang tingin. Nagpatuloy ito at nagpabalik-balik sa aming dalawa ni Cios. Matapos ang ilan pang segundo ay itinuro niya si Cios. "K-Kaano... Bakit kayo magkasama ng anak ko, iho?"
Gusto kong lumubog sa aking kinatatayuan. Iyan na si Nanay. Magsisimula na siya sa mga tanungan niya. Ganiyan din siya noong una kong ipinakilala si Jonas. Akala mo'y husgado at nililitis ang kaharap. Hay. Panibagong problema na naman. Paano ko ipapaliwanag kung bakit ko kasama si Cios at kung sino siya? Paano ko rin ipapaliwanag kay Cios na ganito talaga ang ugali ni Nanay sa tuwing may bago akong ipinapakilala sa kaniya. Hindi rin nakatulong na lalaki siya.
"Magandang hapon po. Coleen is my sister's best friend. Nagm-model po ako kay Coleen para sa portfolio niya," magalang na sagot ni Cios. Maganda rin ang ngiti niya. "It's nice to meet you here po. If I'm not mistaken... Kayo ho siguro ang mother ni Coleen? What a playful world po pala."
Nilingon ko si Cios at napaawang ang labi ko. Magkakilala sila? Paano? Ano ang nangyayari dito? At bakit wala akong alam? Nilingon ko kaagad si Nanay at nakumpirma ang aking hinala. Magkakilala nga sila.
"Wait. Magkakilala po kayong dalawa?" Tanong ko. Kunot ang noo at nakaawang pa ang labi. Nilingon ko si Nanay. Pagkatapos ay si Cios naman. "Paano? 'Nay? Cios? Ano po'ng nangyayari? Saan po kayo nagkakilala?"
Tumikhim si Nanay at nilapitan ako. Hinawakan niya ang braso ko at bahagya akong hinila papasok sa bahay namin. "Tara na. Pasok na muna tayo sa loob," bulong sa akin ni Nanay. Pagkatapos ay tiningnan niya naman si Cios. "Halika muna sa loob. Tuloy ka, Cios. Tuloy."
Hinila na ako ni Nanay. Nilingon ko si Cios at nginitian siya. Nahihiya pa ako dahil hindi ko alam kung malinis ba o madumi ang bahay namin. Nakita kong pumasok at sumunod din si Cios sa loob. Kaya iniiwas ko na ang mga mata ko sa kaniya at tuluyan ng nagpahila kay Nanay.
Nang makarating kami sa sala ay binitawan na ako ni Nanay. Si Cios naman ang nilapitan niya at inasikaso. Ibinaba ko ang aking bag at nagtungo na sa kusina. Kumuha ako ng pitsel at nagsimulang magtimpla ng juice. Nagbukas din ako ng maliit naming refrigerator at nagtingin mg makakain. Pero bago pa ako makahila ng kung ano ay sumulpot na si Nanay sa likuran ko.
"H'wag ka ng kumuha riyan, Cola. Nagluto naman ako ng hapunan. Dito mo na pakainin," sabi ni Nanay. Ngumiti si Nanay sa akin at bumulong. "Kanina pa ako tinatanggihan, 'nak. Sabihin mo na kumain na siya rito."
Tumango ako. Tumayo ako nang maayos at nilingon siya. "Sige po, Nanay. Ako na ho ang bahala," sagot ko. Namaalam pa ako kay Nanay bago pumunta kay Cios na nakaupo sa maliit naming sofa.
Kasalukuyang nagmamasid si Cios sa aming bahay. Bahagya tuloy akong nakaramdam ng panliliit dahil sa pagkakaiba ng itsura ng aming mga bahay. Pilit kong isinantabi ang isiping ito at tuluyan na siyang kinulbit nang marahan. "Cios... Tara na sa kusina. Dito ka na raw maghapunan, sabi ni Nanay."
Nilingon ako kaagad ni Cios. Magaan ang kaniyang tingin. Hindi katulad noon na matapang at nakaka-intimidate kaharap. "Hindi na, Coleen. Kailangan ko na rin kasing umuwi," marahan at malumanay ang boses niyang pagtanggi.
"Sige na, please? Naghanda si Nanay ng hapunan. Ayaw ko naman na hindi ka pa pakainin e nandito ka na rin naman," pangungumbinsi ko. Nanatiling pabulong ang aking pananalita. Medyo nataranta pa ako nang pumunta si Nanay sa amin ni Cios.
Tumingin si Cios kay Nanay bago siua tumayo at hinarap ang Nanay ko. "Maraming salamat po sa alok, Tita, Coleen. Maraming salamat po sa pag-iimbita, pero kailangan ko na po talagang—"
"Dito ka na maghapunan," walang hesitasyon kong sabat. Titig na titig ako sa kaniya. Napatingin na sa akin si Nanay at si Cios. Pero wala akong pakialam dahil seryoso na ako ngayon. Nakakahiya naman kasi kung hindi ko siya pakakainin dito.
Nilingon ako ni Cios at sandaling tinitigan. Nababasa ko ang pagtatalo sa kaniyang mga mata. Bahagya siyang napakamot sa kaniyang batok saka siya ngumiti. "Okay... Okay, Coleen." Tumingin siya kay Nanay at ngumiti rin sa kaniya. "Sige ho, Tita. Dito na ho ako maghahapunan."
Sumilay ang isang ngiti sa aking labi. Tiningnan ko si Nanay at napansin ang pagtaas ng kaniyang kilay sa biglaang pagtanggap ni Cios sa imbitasyon namin na dito na siya maghapunan. Hindi ko maintindihan kung bakit nagtatatalon ang aking puso ngayon. Nawala lamang ang kasiyahang nararamdaman ko nang bumukas ang pinto.
Nilingon naming lahat iyon at nakita si Tatay na nakakunot ang noo sa aming tatlo. Gulong-gulo at nagtatanong ang mga mata niya habang tinitingnan si Cios at si Nanay. Agad namang sinalubong ni Nanay si Tatay. Nakita ko pa ang pagsulyap ni Tatay sa akin pero hindi ko siya pinansin. Sa halip, kinuha ko ang kamay ni Cios at hinila na siya papunta sa kusina.
Sumunod na rin kaagad sa amin si Nanay at si Tatay. Naupo na kaming lahat sa lamesa habang nagsasandok si Nanay ng ulam at kanin. Pagkalapag na pagkalapag ng kanin ay tumayo na ako upang ipagsandok ang sarili ko at si Cios. Ang kaso, nauna na sa pag-abot ng kanin si Cios. Dahan-dahan tuloy akong napaupo at pilit na iniwasan ang makahulugang mga tingin ng aking ina.
Ilang beses akong napakurap nang lagyan niya ng katamtamang dami ng kanin ang aking pinggan. Pahugis tatsulok ito, ang itsura ng kanin ko sa tuwing kumakain ako. Marahil ay nakikita niya kung paano ako kumain kaya ngayon ay alam na niya kung paano ko gustong iaayos ang pinggan ko. Lihim akong napapangiti habang nakatitig sa aking pinggan.
"Ilang patatas? Would 5 be enough for you? Or you want more?" Tanong niya habang hawak ang lalagyanan ng adobong patatas. Matapos niya kasing lagyan ang pinggan ko ng kanin ay saka niya lang nilagyan ang kaniya. Ngayon naman sa ulam, akin muna ang plano niyang lagyan ulit.
"Six," sabay naming sabi ni Tatay. Nagkatinginan tuloy kaming dalawa. Napatigil din si Nanay at si Cios sa ginagawa upang tingnan kami. Kung usual day ito, baka nagkatawanan na kami nina Nanay at Tatay. Ang kaso, hindi e. Hindi na ganoon ngayon.
Iniwas ko ang aking mga mata kay Tatay upang lingunin si Cios. "A-Anim, Cios." Pag-uulit ko sa kaniya. Nakita ko ang pagkunot ng kaniyang noo. Umiwas kaagad ako ng tingin at yumuko. Laking pasalamat ko na lamang na hindi na nagtanong pa si Cios.
Habang kumakain ay damang-dama ko, hanggang buto at kaluluwa, ang tensyon sa aming hapagkainan. Ako na ang nahihiya kay Cios dahil sa katahimikan. Patuloy lang ang sulyap niya sa akin habang ako naman ay tahimik lang na kumakain. Siguro'y nagtataka na siya kung bakit natural naman akong madaldal pero dito sa bahay ay wala akong maibuga. Ramdam ko rin ang pagsulyap ni Nanay at Tatay sa akin. Marahil ay nagbabaka-sakali sila na titingnan ko rin sila at makikipag-usap. Na siyang hindi ko ginawa. At hindi ko pa magagawa. Sa ngayon.
Natigil lamang ang katahimikan nang umubo si Nanay. "Ah, Cios, anak? Salamat nga pala roon sa adobong patatas na ipinadala mo kay Cola no'ng nakaraan. Ang sarap-sarap! Saka tingnan mo naman," panimula ni Nanay. Itinuro niya pa ang niluto niyang adobo. "Talagang inaral ko kung paano lutuin ang adobo na may patatas. Gusto ko rin sanang lagyan ng pinya kasi pwede naman daw, sabi ro'n sa napanood ko sa youtube. Pero hindi kasi kumakain 'tong si Cola ng pinya. Kaya sabi ko ay sa susunod na lang."
Ngumiti naman si Cios at tumango. "Ah, opo, masarap nga po at masustansiya. Ayos din po itong adobong patatas niyo, Tiya. Masarap po talaga," magalang na sagot ni Cios. Nilingon niya si Tatay at ngumiti rin dito. "Kain pa po tayo, Tito. Ako nga po pala si Cios Montereal. Kapatid po ako ng best friend ni Coleen, si Camila po. It's nice to meet you po."
Nag-angat ng kaniyang mga mata si Tatay. Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi bago siya tumango. "Ano ulit ang pangalan mo, iho? Cios? Paano ulit banggitin?"
"Ke-yus po," sagot ni Cios. "Saan po pala kayo galing kanina, Tito? Hindi naman po sa nakikialam ako. Pero ginabi na ho kayo ng uwi ah."
Oo nga. Saan nga ba nanggaling si Tatay? Bakit siya ginabi ngayon? Hindi naman siya ginagabi talaga dahil wala naman siyang trabaho at madalas na tigil siya sa bahay. Kaya ano ang dahilan kung bakit siya ginabi ng uwi?
"Ah, ayos lang, Cios. Galing kasi ako sa trabaho," sagot naman ni Tatay sa tanong ni Cios. "Matanong ko lang pala. Bakit nga ba kayo magkasama nitong si Cola?"
Tumingin ako kay Cios at hinintay ang isasagot niya. Lumingon din muna siya sa akin bago sinalubong ang mga nagtatanong na mata ni Tatay. Ngumiti siya rito. "Nagm-model po ako kay Cola. May tinatapos po kasi siyang portfolio para sa Photography Club. Kailangan ho kasi iyon at ipanlalaban niya sa sports fest."
Napakurap-kurap si Tatay at sinulyapan ako. Bakas sa kaniyang mukha ang gulat at pagtataka. Bahagya ring dumaan ang sandaling pagsisisi sa kaniyang mga mata. "A-Ah, ganoon ba? Salamat pala sa partisipasyon mo..." sagot ni Tatay na nakatingin pa rin sa akin.
Nag-iwas ako ng tingin at uminom na ng tubig. Ipinagsalin ko rin muna si Cios bago ako tumayo at kinuha na ang aking plato. Dinala ko na ang plato ko sa kusina. Ipinatong ko ito sa lababo at nag-ayos na upang hugasan ito.
"You alright?"
Muntik pa akong mapatalon sa bumulong sa aking likuran. Agad akong lumingon. Sapo ang aking dibdib ay sinamaan ko ng tingin si Cios na hawak na rin ang kaniyang pinggan. "K-Kung bakit naman kasi nanggugulat e!"
Ngumiti siya at kinuha ang sponge sa aking kamay. Inilapag niya ang kaniyang pinagkainan sa lababo saka tumabi sa akin. "Sorry naman. Mukhang malalim ang iniisip mo e," malumanay niyang sabi. Nilingon niya pa ako ng isa habang sinasabon ang mga pinggan. "Tinatanong kita kung ayos ka lang ba. Napakatahik mo ro'n kanina. Parang hindi ikaw 'yan."
"Ay wow, sorry ha?" Hirit ko. Natatawa-tawa pa. Umiling na lamang ako at isinandal ang sarili sa kitchen counter. "Okay lang ako. Masiyado kang observative. Saka gutom na gutom kasi ako kaya hindi ako umiimik."
"Talaga? Ni hindi mo nagalaw ang pagkain mo, Coleen."
Lumingon ako sa kaniya at sinilip ang pinggan ko na kasalukuyan niyang hawak. Mapait akong ngumiti at napakamot sa aking noo. "Sorry..."
Kaunting katahimikan ang bumalot sa aming dalawa. Nawala lamang ito nang sumulpot si Nanay. Dala na niya ang pinagkainan nila ni Tatay. Agad niyang tinungo ang kinaroroonan ng lababo kung nasaan si Cios. "Naku, anak! H'wag kang maghugas. Masama iyan. Talaga naman, Coleen! Bakit mo pinaghuhugas?"
Agad akong tumalima. Hinila ko kaagad palayo si Cios. Napanguso ako at napakamot sa aking batok. Ganoon na ba ka-occupied ang isip ko at hinayaan kong maghugas si Cios gayoong bisita namin siya? Argh! Nakakahiya talaga ang mga nangyayari sa akin nitong mga nakaraang araw. My goodness!
"Doon na lang muna kayo sa kwarto mo, Cola. O 'di kaya ay sa sala!"
Tinanguan ko si Nanay, na ngayon ay hawak na ang sponge at naghuhugas na, bago hinila si Cios paalis sa kusina. Patuloy ko siyang hinila hanggang sa paakyat na kami sa aking kwarto. Ngunit bago pa man kami makapanhik ay sumulpot na si Tatay sa likuran namin.
"C-Coleen, usap tayo mamaya ha?" Bulong sa akin ni Tatay habang iniaabot ang isang box. Tiningnan niya kaming dalawa ni Cios bago tumitig kay Cios. Nagtatanong na may pagbababala ang mga mata ni Tatay. "H'wag niyong il-lock ang pinto."
Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Cios. Tumango ako kay Tatay at napapahiyang hinila na si Cios paakyat. Nang marating namin ang aking kwarto ay dahan-dahan ko itong binuksan at sinilip muna. Napakurap-kurap pa ako nang makitang malinis na ang aking kwarto. Wala na ang sirang camera at ang punit-punit na mga litrato na nakakalat nitong nakaraan.
Binuksan ko na nang maluwag ang aking pintuan upang imbitahan si Cios sa loob. Pumasok na kaming dalawa at isinara ko ang pinto. Kagaya ng sabi ni Tatay, hindi ko ito ini-lock. Pinagmasdan ko si Cios habang naglalakad siya papunta sa aking kama. Iniiikot niya ang kaniyang mga mata na tila na ineeksamina ang bawat sulok ng aking silid. Nakahinga ako nang maluwag nang maupo na siya sa aking kama at ngumiti sa akin.
"Uh... Pasensiya ka na ha? Hindi kasing laki ng kwarto mo ang kwarto ko. Pero malinis naman kaya... Basta. Sana ayos lang sa 'yo," nahihiya kong sabi. Sinundan ko siya at naupo na rin sa gilid ng aking kama. "Kung napapangitan ka, bahala ka sa buhay mo."
Natawa si Cios. "You're really something, aren't you? Bakit naman ako mapapangitan? I like it. Your room looks nice and tidy. Simple lang at... kulay pink." Ngumiti siya sa akin nang malaki. Tinapik-tapik niya ang kama ko bago ako tiningnang muli. "Ito na talaga ang kama mo? Ang liit, Coleen. Nagkasya ka rito?"
Ako naman ang natawa. Inirapan ko siya. "Uy! Ilang taon na 'yang kama na 'yan. Hindi pa naman ako nahuhulog unless napakalikot ko talaga. Saka sakto lang iyan sa height ko!"
Tumawa si Cios at umiling-iling. Sandaling iniikot niyang muli ang kaniyang mga mata sa buong silid. Pagkatapos ay ipinokus na niya sa akin ang kaniyang tingin. Bumaba ang mga mata niya mula sa mga mata ko papunta sa kalong-kalong kong box, iyong ibinigay ni Tatay kanina. "Hey. Kanina pa ako nagw-wonder. What's inside that box?"
"Box? What box?" Tanong ko. Sinundan ng mga mata ko ang tinitingnan niya. Nagliwanag ang mukha ko nang makita ang box na tinutukoy niya. Ngayon ko lang naalala na may binigay nga pala si Tatay na box sa akin. "Ay, oo nga. Sorry..."
Siniyasat ko muna ang box. Itinaas at ibinaba. Sinilip ang bawat gilid para maghanap ng kung ano mang clue. Nang wala akong makita, bukod sa napakasimple lamang naman nitong box, ay napagpasiyahan ko na buksan na lamang ito. Tumambad sa harapan ko ang sira kong camera at ang mga punit na printed pictures ni Cios. Ito 'yung mga kalat na nasa kwarto ko nitong nakaraan. Inipon pala ni Tatay sa isang box. Tsk. Para saan? Remembrance kasi habang-buhay na niya akong pipigilan sa pagkuha ko ng litrato?
Puno ang isipan ko ng inis at lungkot. Inis dahil hindi ko alam kung bakit pa inayos at pinagsama-sama ni Tatay 'to sa isang box. At lungkot dahil hindi ko alam kung bakit ayaw na lang maging masaya ni Tatay sa mga desisyon ko sa buhay. Agad na namasa ang aking mga mata nang maalala ko ang nangyari. Pilit kong kinimkim ang aking mga luha dahil hindi ako maaaring mag-inarte rito. Sa isip-isip ko ay kailangan kong tatagan ang aking loob at magtiis hanggang sa makaalis si Cios.
Dahil sa dami ng tumatakbo sa aking isipan, hindi ko na napansin ang pagdungaw ni Cios sa box na aking hawak. Napaurong ako sa gulat at agad na sinubukang isara ang box. Ngunit wala na akong nagawa pa nang hablutin niya ito sa akin.
"What the..." reaksiyon niya. Nakaawang ang kaniyang bibig at bahagyang nanlalaki ang mga mata. Isa-isa niyang hinalwat ang laman ng box. "What happened, Coleen? Bakit sira ang camera mo? Kaya ba phone mo muna ang ginagamit mo sa sessions natin lately? Bakit? May nangyari ba? Sino ang gumawa nito? Punit pa ang mga pictures... Coleen? What happened? You can always tell me."
Sa sunod-sunod niyang mga tanong at salita ay hindi ko na malaman ang aking gagawin o sasabihin. Naramdaman ko ang paglingon niya. Isang maliit na butil ng luha ang kumawala sa aking kanang mata. Iniangat ko ang aking mga mata at bahagyang lumayo sa kaniya.
Nawala ang kunot sa kaniyang noo at lumambot ang kaniyang mukha. "Coleen..." sambit niya at mabilis na ibinaba ang box. Bahagya niyang inabot ang aking balikat. Pero umurong ako sa hindi malamang dahilan. Nanlambot lalo ang tingin niya sa akin.
Napasinghap ako nang sa isang iglap ay nahila na niya ako palapit sa kaniya at naikulong na sa kaniyang braso. Hindi ko na kinaya ang lahat. Tuluyan nang kumawala ang mga luhang kanina ko pang kinikimkim. Iniikot ko ang aking mga braso sa bewang ni Cios at niyakap siya nang mahigpit. Ang aking mukha ay mariing nagtatago sa kaniyang dibdib. Pilit ko kasing iniimpit ang aking pagsinghot ang ang pag-iyak. Mas lalo lang lumalala ang pag-iyak ko sa bawat marahang paghagod ng isang kamay ni Cios sa likod ng aking ulo, sa may buhok.
"You should've told me..." bulong niya. Mas humigpit pa ang yakap niya sa akin. "God, Coleen Fabian. Bakit... Bakit hindi ka nagsasabi?"
May kung anong kirot akong naramdaman sa aking dibdib nang bahagyang nabasag ang boses ni Cios sa kaniyang tanong. Lalong lumakas ang aking pag-iyak. Laking pasalamat ko na lamang dahil naiimpit ito sa pagkakalapat ng aking mukha sa kaniyang dibdib. Ayaw ko pang kumalas pero kinailangan kong gawin. Hindi dahil sa ayaw ko ang kakarampot na distansiya sa pagitan naming dalawa. Kundi dahil gusto kong bumawi. Tama kasi si Cios. Hinayaan niya akong makapasok sa buhay at sa bahay niya. Kaya bakit siya ay hindi pwede? Wala akong karapatang magdamot dahil ang totoo ay gusto ko rin naman na malaman niya ang lahat ng tungkol sa akin. At kung kinakailangang pati ang mga problemang kinahaharap ko ay malaman niya, siya kong gagawin.
Pagkakalas ko ay patuloy pa rin ang pag-agos ng aking mga luha. Agad na tumalima ang mga daliri ni Cios. Pinunasan niya ang aking mga luha kahit na walang tigil ito sa pagkawala. Napangiti na lamang ako. "A-Ayos na ako, Cios. Salamat. Maraming salamat talaga," sabi ko na bahagya pang sinisinok.
"No, you're not. Stop pretending and just... tell me what happened. Coleen, I want to comfort you. I want to help you. Help me understand, please," marahan niyang sabi. Ang kamay niya ay masuyo pa ring humahaplos sa aking pisngi. "Ayaw kitang pilitin. Iyon ang totoo. But I won't be able to do what I want to do kung hindi mo sasabihin sa akin lahat."
Sumilay muli ang ngiti sa aking labi. Hinawakan ko ang kamay niya na humahaplos sa aking pisngi. "Alam ko. I'm sorry. Ang totoo... Nagkaroon kasi kami ng pagtatalo ni Tatay. Hindi kasi talaga siya sang-ayon sa pagsali ko sa photography club. At ang... Ang totoo ay hindi ko naman din ginusto ang pagsali roon. Pero wala akong choice e," panimula ko. Kitang-kita ko na nakikinig si Cios sa mga sinasabi ko. Titig na titig siya sa akin. "Nagkataon na pumasok si Tatay sa kwarto ko at siguro'y nakita niya iyang printed pictures mo. Pinunit niya at sinira pa ang camera ko. Sinabi niya na... Puro daw siguro paglalandi ang ginagawa ko sa school."
Kumunot kaagad ang noo ni Cios. "He misunderstood everything."
"Oo," sagot ko. Tumatango-tango pa. "Kaya nitong nakaraan... Kina Kuya Vero ako umuuwi. Pinsan ko naman kasi siya. Ang totoo, ngayon lang ako umuwi rito. Kaya nga ayaw ko sanang magpahatid hanggang dito sa bahay kasi ang ine-expect ko ay makalat pa rito sa kwarto ko. Kaso ang kulit mo naman at hindi na kita napigilan."
Napabuntong-hininga si Cios. Tumango siya at binawi ang kamay. "Tama ka. I'm so sorry for forcing you. Hindi ko na dapat ipinilit ang sarili ko rito kung hindi ka pa handa. Hindi na mauulit, Coleen. I'm really sorry. Hindi ko na uulitin."
Ngumiti ako. Parang sasabog ang aking dibdib sa kilig na nararamdaman. Nag-iinit ang pisngi ko habang tumatango. "Ayos lang, Cios. Okay lang talaga. Actually, thankful ako kasi nandito ka. Mabuti at nailabas ko ang nararamdaman ko," pagtatapat ko. "Thank you so much for being here, Cios. Kung hindi ka nagpumilit, na hindi naman talaga pamimilit dahil um-agree din naman ako, my feelings would've been bottled up like always. Hindi ko naman kasi alam na mayroon akong mapagsasabihan."
"You know what? You're right. Ganiyan din ang nararamdaman ko. Growing up... I've always been told to just study. I have no time for friends, no time for fun. Kaya wala rin akong problema. But there are times na... Feel ko ang laki ng problema ko pero wala akong karapatang magreklamo. Na parang ang simple naman ng mga inaalala ko kumpara sa inaalala ng iba. Na wala rin namang gustong makinig..."
Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko. Nagsimula na namang mamasa ang aking mga mata. Sa tingin ko'y pulang-pula na ako sa pagpipigil na huwag umiyak muli.
Cios turned his head and looked at me. "Pero look what I found out, Coleen. Guess what? It turns out na there's actually someone who notices things even though walang subtle actions. Mayroon palang nakakakita sa akin. May nakakarinig. May nakakaintindi..."
Umawang ang aking labi. "Ano'ng... Ibig mong sabihin?" Tanong ko. May kutob ako pero hindi ko alam kung tama.
"It turns out that I actually have someone to vent to," dugtong niya pa habang titig na titig sa akin. Inabot niya ang aking kamay at bahagyang minasahe ito. "My life had been easier lately because I have you."
Tuluyan nang nanikip ang aking dibdib. Muling umagos ang mga luhang pinilit ko na namang kimkimin. Sobrang lakas ng tibok ng aking puso. Para akong sasabog sa pamumula at sa kilig. Sa pagkabigla at sa pag-ibig.
Diyos ko. Naiisip niyo ba ang naiisip ko?I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (93)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
so excited
30/03/2025
0please robux
26/11/2024
0awesome
15/11/2024
0Tingnan Lahat