Homepage/14 Days of Journey/
Red Light
[COLEEN’S POINT OF VIEW]
Naalimpungatan ako nang may naramdaman akong katamtamang bigat mula sa aking balikat hanggang sa aking tuhod. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at hinayaang makapag-adjust muna ako sa liwanag. Bumungad sa akin ang nakatalikod at naglalakad nang palayo na si Cios. Marahan akong bumangon at nag-inat. Bumaba ang tingin ko sa aking sarili. May kumot na na nakakandong sa akin. Marahil ay ito ang naramdaman kong medyo mabigat kanina.“C-Cios, what time is it?”
Sandali akong nilingon ni Cios. “Gising ka na pala,” ang sambit niya. Tinungo niya ang lamesa at kinuha ang kaniyang phone. “Six pm na. Sapat na ba ang mga kinuha mong pictures? Kung hindi pa, bukas na lang ulit natin ipagpatuloy. I’m sorry, Coleen, pero kailangan na kitang ihatid pauwi.”
“Naku naman. Bakit ba kasi nakatulog pa ako? Hay,” dismayado kong sabi habang bumabangon at nagtutupi ng kumot. Medyo nanakit din ang aking likod dahil sa couch ako nakatulog. “Pwede bang hiramin ko muna itong damit mo? Saka ko na ibabalik. Pihadong basa pa kasi ‘yung mga damit ko kanina.”
Hindi umimik si Cios. Ngunit hinagod ng bilugan niyang mga mata ang aking kabuuan. Pagkatapos ay walang imik siyang nagtungo sa kaniyang kwarto. Dala ng kuryosidad at pagtataka, sumunod ako sa kaniya at pumasok din sa kaniyang kwarto. Nadatnan ko siya na naghahalungkat, pero hindi ginugulo ang mga gamit, at parang may hinahanap sa loob ng kaniyang closet. Lumapit ako at nakidungaw, ilang hakbang ang layo mula sa kaniyang likod.
“Ano ang hinahanap mo? May gold ba riyan?” Nagpapatawang tanong ko. Naitikom ko na lang ang bibig ko dahil hindi naman siya tumawa.
Nilingon ako ni Cios. May ngiti sa labi niya habang iniaabot sa akin ang isang pink na shirt at isang black na shorts. Lumiwanag ang mukha ko dahil kahit hindi siya natawa sa joke ko ay napangiti ko pa rin naman siya. “Magpalit ka. Kasya naman siguro sa ‘yo ang damit at shorts ni Camila, hindi ba? Iyan na lang ang gamitin mo, Coleen.”
Ngumiti ako at tumango. Tinanggap ko ang iniaabot niyang mga damit. “Thank you,” sambit ko. Tiningnan ko ang mga damit bahagyang natigilan nang mayroon akong maalala. Iniangat ko ang aking mga mata at pinanood siya habang isinasara ang kaniyang closet.
Pagkasara ay nilingon niya ako. Napaiwas ako ng tingin at napahawak sa aking batok. Paano ko sasabihin sa kaniya? Hindi ko alam kung kaya ko pa bang dagdagan ang hiyang nangyari sa akin kanina. Mukha mang walang pakialam at naka-get over na si Cios sa mga naganap kanina ay hindi ko pa rin maiwasang mag-alala. Pero mabait naman siya at paniguradong hindi ako babastusin, ‘di ba? Kasi kung iba ang nasa harapan ko ngayon, baka kanina pa akong napahamak. Pero paano ko sisimulan? At ano na lang ang magiging reaksiyon niya?
Muntik pa akong mapatalon sa gulat nang bigla siyang umimik. “Ano ‘yon, Coleen? May kailangan ka pa ba?”
Naiangat kong muli ang aking mga mata. Nagtama ang mga mata namin. Bahagyang nakatagilid ang ulo ni Cios. Seryoso ang mga titig na para bang ineeksamina ako upang malaman niya kung ano ang problema.
“Uh… Kasi… May… May pwede ba akong magamit diyan na pangtakip? Hindi kasi ako pwedeng umuwi ng walang ano…” lakas-loob na panimula ko. Ramdam ko ang pag-iinit ng aking pisngi.
“Walang what?”
Napakagat ako sa aking pang-ibabang labi sa tanong niya. Kaya ko ba talaga ‘to, Lord? Hindi ko na alam kung ano pa’ng mukha ang ihaharap ko sa lalaking ito! “Walang ano… Alam mo ‘yung… Uh… Walang b-bra.”
Ilang beses na kumurap si Cios. Bumaba ang mga mata niya mula sa pagkakatitig sa aking mata pababa sa aking dibdib. Nanlalaki ang mga matang iniangat niya ang kaniyang hintuturo at itinuro ang bandang dibdib ko. “Y-You mean… kanina ka pang walang…?”
“Y-Yes,” nahihiya kong tugon. Hindi ko alam kung saan ako nakakuha ng lakas ng loob na pakatitigan pa ang itsura ni Cios ngayon.
Nanlalaki ang mga matang tumalikod siya sa akin. Napahawak siya sa kaniyang sentido marahang minasahe ito. Narinig ko ang pagpapakawala niya ng isang marahas ng buntong-hininga. “Why didn’t you tell me sooner?” Mahina niyang sabi. Muli niyang binuksan ang kaniyang closet. “I can’t lend you Camila’s b-bra kasi personal niyang gamit iyon. Suotin mo na lang itong hoodie ko. Siguro nama’y… matatakluban iyan. Doblehin mo na lang kung halata pa.”
Nakayuko kong tinanggap ang hoodie. Niyakap ko na lamang ang damit at hoodie niya. Wala akong lakas na ngumiti o maglakad papalayo upang magbihis. Sa pakiramdam ko ay gusto ko na lamang mahimatay o maglaho na lamang sa kahihiyan. Hindi ko alam kung paano ko haharapin si Cios. “I… S-Sorry—”
“I’m sorry, Coleen.” Nangungunang sabi ni Cios. Iniangat ko ang aking mga mata at nakita ko ang sinsero niyang titig. “You must be so embarassed with everything that’s ever happened today. I’m really sorry about it. Nahihiya rin ako sa ‘yo. Hindi ko sinasadya na makita ang lahat. Hindi ko rin gusto na nakakaramdam ka ng hiya sa akin ngayon. Patawarin mo sana ako sa mga nakita ko. I should’ve been more attentive. Sana naihanda ko kaagad lahat ng kailangan mo para hindi mo na kinailangang humingi at… aksidenteng maipakita ang mga hindi na dapat naipakita.”
Kumurap ako ng ilang beses. Ang totoo, hindi ko inaaasahan na siya ang hihingi ng tawad sa mga nangyari. “Cios, wala kang kasalanan. Walang may kasalanan sa atin. Nagpapasalamat pa nga ako kasi lahat ng kailangan ko ay ibinibigay mo. ‘Yung… ‘Yung mga nangyari kanina… Nakakahiya talaga siya. Pasensiya na rin sa mga nakita mo. Sa susunod ay mag-iingat na lang din ako lalo’t ako rin naman ang nagsimula. Kung hindi ko ibinili ang pera mo ng maliit na payong, hindi sana tayo mababasa ng ulan. Hindi ko na rin sana kinailangang maligo at magpalit ng damit. Kaya kasalanan ko talaga. Sorry, Cios. Sana maayos pa rin ang tingin mo sa akin.”
Kumunot ang noo ni Cios. “Don’t ever say that, Coleen. I would never blame you kaya h’wag mo namang sisihin ang sarili mo,” mabilisan niyang sabi. Hinanap niya pa ang mga mata ko nang pilit kong iniiwas ang tingin ko sa kaniya. Bumuntong-hininga siya bago lumapit at inabot ang aking kamay. “Sa susunod... Ibibili kita ng mga damit na maaari mong iwanan dito para hindi ka mawawalan ng gagamitin sa tuwing bibisita ka.”
Umawang ang labi ko dahil sa mga sinabi niya. Ano? Sa susunod? Kung ibang tao ang makakarinig ay para bang ang labas ay live in partner kami. At bakit kailangang may mga damit na rin ako rito? Is he implying na mapapadalas pa ang magiging pagbisita ko rito sa condo unit niya? At bakit niya pa hinawakan ang kamay ko? Ano ba’ng nangyayari? Nangangarap na ba ako?
Napapitlag pa ako nang magsimula na siyang maglakad papalabas ng kaniyang kwarto. At dahil hawak niya pa ang kamay ko, nahila rin ako kasama niya. Tumigil lamang siya nang nasa labas na siya ng kwarto at nasa mismong pintuan na ako.
"Magbihis ka na. I-lock mo ang pinto. Maghihintay ako rito sa sala," malalim ang boses niyang sambit. Nginitian niya pa ako bago tumalikod at naglakad na papunta sa couch.
Maang akong sumunod at isinara ang pintuan ng kaniyang kwarto. Nanlalaki pa rin ang mga matang napasandal ako sa pintuan. Malalim ang iniisip at naguguluhan. Ilang minuto pa ang lumipas bago ako tuluyang magdesisyon na magpalit na. Ginamit ko ang lahat ng oras na kailangan ko. Hindi ako nagmadali sa pag-aayos at pagkolekta sa aking sarili. Kung tutuusin kasi ay sobra-sobra na't umaapaw ang mga kaganapan ngayong araw.
Nang nasiguro ko nang ako ay calm and collected ay lumabas na ako sa kwarto ni Cios. Tumayo na agad siya pagkarinig sa pagbukas ko ng pinto. Sumilay ang tipid na ngiti sa kaniyang labi. Dinampot niya ang phone niya at keys bago ako muling tiningnan.
"You good?"
Kinuha ko ang bag ko at isinakbit na ito. "Oo. Tayo na," sagot ko. Binigyan ko rin siya ng isang ngiti.
Nauna na siyang maglakad patungo sa pinto. Binuksan niya ito at nilingon ako. Nag-iinit ang pisnging naglakad na ako at naunang lumabas sa pinto. Pagkatapos ko ay lumabas na rin siya at ini-lock ang kaniyang unit. Sabay kaming gumamit ng elevator at naglakad palabas ng building. Nagpaalam siya na kukuhanin muna ang sasakyan kaya naiwan ako sa entrance ng condo.
Tiningala ko ang langit at nakita na nagbabadya na naman ang ulan kahit na natural na madilim na ang paligid dahil sa oras ngayon. Natigil lamang ako sa aking pagmamasid sa langit nang may bumusina na sa harapan ko. Ibinaba ko ang aking mga mata at nakita na si Cios na nasa harapan ko at naka-park ang kaniyang kotse. Lumabas pa siya ng kaniyang kotse upang pagbuksan ako ng pinto.
Napapangiti akong sumakay. Nang maayos na ang lagay ko ay inabot ko na ang seatbelt. Ang kaso'y may nauna ng kamay at umabot dito. Nahugot ko ang aking hininga nang maamoy ko ang pabango at body wash ni Cios sa paglapit niya. Inilagay niya sa akin ang seatbelt at in-adjust pa ito para komportable ako. Nang maayos na ang lahat ay lumayo siya sa akin at sinarado na ang pintuan na parang walang nangyari. Na parang hindi niya pinatibok nang napakabilis ang aking pusong malandi.
Bahagya pa akong napatalon nang marinig ang muling pagsara ng pinto. Nilingon ko ang kaliwa ko at nakitang nakapasok na pala si Cios at naglalagay na ng kaniyang seatbelt. Sinulyapan niya pa ako ng isa bago niya ini-start ang sasakyan.
Ibinaling ko na ang aking ulo sa gilid ko. Tumingin lang ako sa bintana at pinanood ang senaryo sa labas ng kotse. Ang byahe ay naging tahimik. Pero nang ma-stuck kami sa traffic ay hindi ko na napigilan pa ang aking kadaldalan.
"Kumusta kayo ni Camila?"
Sa wari ko'y nagulat pa si Cios sa biglaan kong pagsasalita. Pero mukhang may iba pang dahilan. Hindi kaya mas nagulat pa siya sa biglaan kong tanong? Iyan ang gusto kong malaman.
"Okay lang," sagot ni Cios. Hindi niya ako magawang lingunin. Nanatili sa harapan ang mga mata niya. "Bakit mo naitanong?"
"Magkaaway kayo, 'no?" Tanong ko. Hindi na ako nag-abala pang sagutin ang tanong niya dahil mas may mahahalaga pa akong tanong na dapat niyang sagutin. At oo. Tama kayo. Sapilitan na 'to.
Bahagyang gumalaw ang panga ni Cios. Napansin ko rin ang dahan-dahang paghigpit ng hawak niya sa manibela. Alam kong tensed na tensed siya sa sitwasyon at sa topic namin dahil bakit naman niya papakahawakan ang manibela kung nakatigil naman ang sasakyan at stuck kami sa traffic? Hinding-hindi ako mauutakan ni Cios kahit matalino siya.
"No. Why are you asking ba? Saka why do you think na magkaaway kami? We're not," sambit ni Cios. Katamtaman ang bilis ng kaniyang mga pananalita. Implikasyon na nagiging defensive siya.
Huminga ako nang malalim. Nanatili ang tingin ko sa kaniya. Pasalamat na lang ako sa traffic dahil hindi pa rin kami umuusad ngayon. At mas dumami ang oras ko para mag-conduct ng interview dito mismo sa kotse niya. "Sigurado ka? You sound so defensive."
Kumunot ang noo ni Cios. Nag-iwas siya ng tingin. Lumipas pa ang ilang segundo. Para siyang nag-iisip dahil sa direksiyon ng mga mata niya. Pagkatapos ng ilang minuto ay nilingon niya ako. "We... had an argument. Pero hindi kami magkaaway, Coleen. Hindi ko inaway ang kaibigan mo."
Sumilay ang ngiti sa aking labi. Medyo natawa pa ako dahil sa sagot niya. "Oo na. Hindi ko naman sinasabi na inaway mo siya. Akala mo nama'y mapapagalitan kita."
"Malay ko ba," sagot niya na nakangiti na rin. Tumingin siya sa unahan at nagpakawala ng isang marahas na buntong-hininga. "We fought because of her relationship with Vero. Sila na pala pero hindi ko alam. Nagalit ako, siyempre... Valid naman, 'di ba? Itinago nilang lahat sa akin. Alam ni Red. Alam ni Sho. Marahil ay pati si Dad at Tita Jen. Alam nilang lahat pero wala man lang nag-abalang magbalita sa akin."
Napakurap-kurap ako sa aking narinig. Nawala ang ngiti sa aking labi dahil dito. Humarap ako nang bahagya kay Cios at inabot ang kaniyang braso. I caressed it. Para lang alam niya na nandito ako. "I... I didn't know it was that serious," sabi ko. Nagsisisi na ako ngayon na pinilit ko pang alamin ang lahat. Bakit nga ba napaka-pushy kong tao? Nakakainis!
"You didn't know? Hindi pa ba naiikuwento sa iyo ni Camila? How about her relationship with Vero? Are you also not aware of it?"
"Hindi ko alam. Wala akong alam, Cios. Maniwala ka sa akin. Walang sinasabi sa akin si Camila," saad ko. Kinakabahan pa ako kasi baka hindi ako paniwalaan ni Cios. Pero totoo ang mga sinasabi ko. Hindi talaga ako aware na si Camila at Kuya Vero na. "I'm sorry. Hindi ko talaga alam. Promise."
Ngumiti si Cios at kinuha ang kamay ko na masuyong humahaplos sa kaniyang braso. Magkahawak ang kamay namin nang ibaba niya ito sa kaniyang kanlungan. "I believe you, Coleen. H'wag kang mag-alala," pag-aassure sa akin ni Cios. "I just... I really don't know how to react to that news aside from being angry. I mean, who wouldn't, 'di ba? Itinago nilang lahat sa akin. Hindi ko rin ine-expect na ganito ang gagawin ni Camila. Of all people... siya pa ang gagawa nito. That lie is one. Pero alam mo ba? We even had an argument about happiness and such. Nakapagsalita kami nang masama sa isa't-isa. We were both so full of emotions we want to release. Ang... Ang sakit lang din."
Mas lalong lumambot ang mukha ko sa pag-amin ni Cios. Bahagya ring humigpit ang hawak niya sa kamay ko. Hindi ko na naiwasang medyo maluha sa mga naririnig ko. Pero pinigilan ko ang sarili ko dahil mas kailangan ni Cios na mailabas ang emosyon niya kesa sa akin. "Cios..."
Nilingon niya ako at ngumiti nang mapait. "Ganito pala, 'no? Kahit gaano mo isipin at ipakitang wala kang pakialam... you'll end up showing it pa rin. In front of the right people, of course." Nag-iwas siyang muli ng tingin. Isang malalim na buntong-hininga ang muli kong narinig na pinakawalan niya. "She even defended Vero. That guy... he's not good for her. I don't know what's his relation to you pero... ganoon ba talaga kabuti si Vero para piliin niyo siyang lahat? Para mapalapit kayong lahat sa kaniya?"
"Ha? What do you mean, Cios? Ano'ng... Bakit ba? Ano pa'ng ibang nangyari?"
Yumuko si Cios at bahagyang pinisil ang aking kamay. Pagkatapos, ibinalik niya at inilagay niya ang kamay ko sa aking lap. "Red and Camila.... They both defended Vero. They are on his side. They support him. And you..." He trailed off. "You and him—"
"Magpinsan kami, Cios." Mabilis kong sagot.
"Mag... What?" Tanong niya. Tumingin siya kaagad sa akin. Kunot ang noo at puno ng kaguluhan at tanong ang kaniyang mga mata.
Ngumiti ako. "Malayong pinsan ko si Kuya Vero," sagot ko. Tumingin ako sa harapan upang ayusin ang aking mga sasabihin. Kailangan ko ring bantayan ang aking emosyon. "Si Kuya Red at si Camila... Do you really believe na may kakampihan sila? Kasi kung ako ang tatanungin mo? I don't think so, Cios. Maybe they were defending Kuya Vero kasi nadadala ka na ng galit that time. At baka dahil sa galit at betrayal na nararamdaman mo, naisara mo nang hindi sinasadya ang mga mata mo. Kaya hindi mo nakita na at some point, may mali ka rin kasi hindi mo sila pinakinggan. Pwede ko bang malaman kung bakit galit ka no'ng malaman mong si Camila at Kuya Vero na? Talaga bang dahil lang sa nilihim nila sa 'yo ang bagay na iyon kaya ka nagalit? O may iba ka pang dahilan?"
Cios blinked multiple times. As if he was taken aback from my questions and words. Bahagyang bumuka ang kaniyang bibig upang magsalita ngunit walang ano mang tunog ang lumabas galing dito. Tumikhim si Cios at umayos sa pagkakaupo. Kasabay nito ang pagbabago ng traffic light. Mula sa pula ay naging berde na ito. Tumalima kaagad si Cios at nagsimula na sa pagd-drive.
Napangiti ako at nag-iwas na rin ng tingin. Alam ko na dapat ko ng i-drop ang topic na ito dahil halatang hindi pa ready si Cios na ayusin ang lahat. Hindi pa siya ready na pakaisipin ang naging sitwasyon. At higit sa lahat, mas lalong hindi pa siya handang tanggapin na sa kabilang banda, kung titingnan niyang mabuti sa bawat anggulo, may kasalanan din siya.I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (93)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
so excited
30/03/2025
0please robux
26/11/2024
0awesome
15/11/2024
0Tingnan Lahat