Homepage/My Miracle Find/
End: The Coffee
HABOL ang hininga at tagaktak ang pawis ay bumalikwas si Mary ng tayo.
Katatapos lang nila mag-sparring ng tinuturuang estudyante. Kapwa sila hinihingal. Tila nakukuha na ng mga ito ang tinuturo niya at napapatumba na siya sa mga atake.
Nagpalakpakan ang mga nanonood sa kanila.
"Mahusay! Kaya mo na. Ipagpatuloy mo lang!"
"Salamat, coach Mary," sagot sa kaniya ng tinuturuang seventeen years old na lalaki.
"Mary, ako na muna d'yan. Madali ka at may naghahanap sa'yo," singit ng boses na papalapit sa kaniya sabay turo sa sinasabing naghahanap sa kaniya.
Hinihingal na napalingon siya kay Albert. Ang may-ari ng gym. Buong pagtatakang sinundan ng tingin ang tinuro nito.
Ang maliit na mga mata ay sumingkit lalo nang pag-aralan niya ang mukha ng lalaki na naglalakad palapit sa kinatatayuan niya—sa gita ng room. Pinunasan niya ng towel na nakasabit sa balikat ang mata. Balakid sa paningin niya ang mga pawis na mas gusto n'yang tumutulo kasya luha.
Hanggang mapagsino ang lalaking nakatayo isang metro ang layo sa kaniya. Nakangiti ito at nakatitig sa kaniya.
Ang mga mata, labi at ngiting 'yon. Kilalang-kilala niya ang taong nagmamay-ari ng mga iyon. At hindi siya puwedeng magkamali. Sa katunayan ay miss na miss na niya ang taong 'yon.
Hindi siya makapaniwala!
Ang puso niya na sa gulat at bilis nang pagpintig ay tila gusto pang maunang lumapit dito. Parang nagliwanag nang husto sa gym at huminto sa paggalaw ang lahat sa paligid niya. Liban sa mata na mabilis na namang naluha.
Walang pagsidlan ang kaligayahan! Ang mga paa ay nagkaroon ng sariling buhay at nagmamadaling tumakbo payakap sa lalaki.
“Kiel!”
At sinalo rin siya nito ng yakap.
Humihikbi na napayakap siya nang mahigpit at matagal sa pinakamamahal niyang lalaki at ang kaninang pawis ay napalitan ng masaganang luha.
"Ako nga, Mary! Miss na miss kita!"
Wala na siyang pakiaalam gaano man kalakas ang naging pag-iyak niya. Totoo naman kasing miss na miss niya ang taong ito. Maging ang boses nito na musika sa tainga n'ya. Nang mawala ito sa piling niya ay tila tumahimik ang mundo n'ya.
"Miss na miss din kita! Salamat bumalik ka. Salamat sa Diyos! Binalik ka n'ya sa 'kin!"
Sa tagal ng yakap na parang wala nang bukas ay hindi na rin nakakilos ang mga tao sa gym. Masaya na malungkot ang mga ito, na kahit hindi alam ang kwento, ang ilan ay naluluha. Marahil ay dahil kapwa umiiyak ang magkayakap.
"Patawad! Ang tagal kong nawala."
"Huwag ka na ulit aalis ah! Pakiusap! Ayoko na! Ayokong wala ka, Kiel. Mahal na mahal kita!"
"I love you, too, Mary!"
At nang sa wakas sila ay maghiwalay, kapwa sila ngumiti at tinitigan ang isa't isa. Totoo ngang sabik na sabik sila—na tila bang ang pagkakatong ito ay pinakahihintay rin ng mga puso nila. Ang muli nilang pagkikita. Tila magkausap maging ang mga puso na walang habas sa pagpintig nang malakas.
Sa paglapit ng kanilang mukha, gaya ng laging ginagawa ni Kiel. Pinahid nito ang kaniyang luha. At gano'n din ang ginawa ni Mary.
Pigil na pigil habang nanginigiti si Kiel ay muntik na niyang mahalikan sa labi si Mary. Kung hindi lang dahil sa mga nanonood sa kanila.
Kaya naman kinuha na nito ang dalawang kamay ni Mary. Pinayakap sa baywang nito at lumingon sa mga estudyante nito.
"Hi!" kumaway siya sa mga ito. "Ako nga pala si Kiel. Asawa ni Mary. Puwede ko bang hiramin sandali ang teacher n'yo?"
"Yeah!" hirit at masayang sagot naman ng mga ito na ang mga ngiti ay abot tainga.
"Salamat!" Sunod na binalingan nito si Albert. "Sir, thank you."
"Wala 'yon, hijo. Enjoy!" nakangiting sagot ni Albert. Kumaway pa ito.
"Ikaw?” Baling ng miss na miss niyang nobyo sa kaniya. “Noong wala kang mabugbog dahil wala ako, kung sino-sinong binubugbog mo ah." Kinuha na ni Kiel ang kamay niya. Isa sa napakaraming bagay na nami-miss niya rito.
At magkasabay, nagmamadali at patakbo na nilisan nila ang gym na parehong mga nakangiti.
~•~
"Last time I checked, love is imaginable for me but now...damn! Nakaka-addict pala. Oras-oras, araw-araw ikaw ang gusto kong makita. Sorry pero hindi na talaga kita pakakawalan ngayon."
Nakasandal sa kotse si Kiel. Yakap-yakap niya si Mary.
"I was trying to be that guy, that perfect guy for you. I told myself, I mustn't fail you. I don't want to lose you. Pero minsan habang kumakapit doon lalong bumibitaw. At 'yon ang pinakamahirap. 'Yong gusto mo pang kumapit pero wala kang makapitan."
"I'm sorry. It was me who let go. Sana hindi kita binitawan. Sana nagtiis ako. Kahit kaunti pa. Kahit sandali."
"No." Pinahid ni Kiel ang luha sa pisngi ng nobya. "Sa ating dalawa. Ako ang dapat na mas kumapit. Ako ang dapat na malakas. I'm sorry. I'm sorry I fail you."
Nagyakap sila ulit at ngumiti na si Kiel.
"Akala ko nga hindi na ako makakabalik. Alam mo bang nakita ko na nga ang langit? Pero hindi ako tinanggap ni San Pedro. Sabi n'ya hindi puwede. Dahil nasa ibaba raw si Mary. Buti na lang alam niyang ikaw ang Mary na hinahanap ko."
Natatawang hinampas ni Mary ang dibdib niya.
"Biro lang! Hindi totoong nakarating ako sa langit, pero ang totoo. Alam ko. Namatay na ako."
Bigla ay napaluha si Kiel.
"Wala akong magawa, Butter. Hinanap kita. I swear! Hanggang sa kabilang buhay hinanap kita. Pero hindi kita makita. Sobrang dilim. Hindi ko alam kung nasaan ako. Ayoko kasi nang hindi kita nakikita. Ang tagal! Ang tahimik! Naiinip na ako, natatakot! Ayoko ‘yung pakiramdam na hindi kita nakikita. Pero naghintay ako. Hanggang may dumating."
Nag-angat si Mary ng ulo. Nagtama ang mga mata nilang puno ng luha.
"Alam mo kung sino ang nakita ko? Si Papa Filo."
Lalong naiyak si Mary at bumalik sa pagkakayakap sa kaniya. Ibinaon ang mukha sa kaniyang dibdib.
"Niyakap n'ya ako agad. Tapos tinapik-tapik ang ulo ko. Ang sabi n'ya aalis na s'ya. Tinanong ko kung saan s'ya pupunta. Sasama ako sabi ko. Baka kasi nando'n ka. Ang sabi n'ya wala ka ro'n sa pupuntahan n'ya. Sabi n'ya hinihintay mo 'ko. Ayoko s'yang umalis. Pinigilan ko s'ya. Sabi ko hindi puwede. Magagalit ka. Hahanapin mo s'ya. Pero ngumiti lang s'ya tapos sabi n'ya. Hindi mo na raw s'ya kailangan."
Nagtaas-baba ang balikat ni Kiel. Humihikbi. Mahigpit na niyakap siya ni Mary.
"Ako na raw ang kailangan mo. Kaya nga raw dapat bumalik ako."
Hinigpitan din ni Kiel ang pagkakayakap sa nobya na parang ayaw na itong mawala ulit.
"Nag-sorry ako sa kaniya. Ako ang dahilan bakit s'ya aalis. Ang mga kasinungalingan ko. Pero sabi n'ya hindi. 'Wag ko na raw isipin 'yon. Hanggang doon na lang daw talaga s'ya. Tapos niyakap na niya ako ulit."
At sa sumunod na sinabi ni Kiel na bilin ni Mang Filo ay tila narinig ni Mary ang tinig ng ama.
"Noon, I only have few memories I can trust. Many times, my memory fails me. But this, my heart, I know it won't fail me. Kaya alam ko, ikaw ang para sa anak ko. At alam ko rin hindi mo ako bibiguin, Kiel. Kasama mo, dalhin mo ang puso ko papunta sa kaniya. Go find my daughter. She needs you."
Napahagulgol si Mary sa narinig na pagsasalin ng mga salita ni Kiel galing sa ama. Napahiwalay ito sa kaniya.
"Ako pa rin pala ang iniisip niyo ni Papa kahit sa kabilang buhay."
Minsan pa ay dinaluhan ni Kiel si Mary. Hinagod ni Kiel ang buhok ng nobya, pinunasan ang luha at mahigpit silang muling nagyakap.
"Pareho pala tayong parang nawala. Pareho tayong nagbayad pero magkaiba lang ng paraan. Nahirapan ka rin pala. I'm sorry, Kiel."
Bumaha ng luha. Magkahalong saya at pait ang mga nararamdaman nila.
"Salamat lumaban ka, Kiel. Salamat hinanap mo 'ko."
"Salamat naghintay ka."
Pagod man ang mga mata sa kaluluha ay nakakuha naman ng paraan si Kiel upang kahit paano ay maibsan ang mga sakit na nararamdaman nila. Sakit ng mga pinagdaanan nila nang wala sa piling ng isa't isa.
Sa muling pagyakap ni Kiel sa babaeng minamahal ay hinanap ng mga labi niya ang labi nito at marahan iyong hinalikan. Bagay na kaniyang talagang pinanabikan.
Kapwa sila pumikit.
Para sa kanila. Ito na ang siyang gantimpala nila. Ang minsan pa ay mayakap at mahagkan ang isa't isa. Halos mapatid ang hininga nang maghiwalay ngunit ang mga mata ay nangungusap.
Natatawang inayos na ni Mary ang sarili.
"Sabihin mo nga sa 'kin. Paano mo 'ko nahanap? Hindi naman tapos ang kwento mo e."
"Sige, tatapusin ko. Mamaya ikaw naman ang magkukwento ah. Habang nasa kwarto tayo."
Tinamaan si Kiel ng mahinang suntok sa tiyan, natawa siya.
"Ikaw talaga!"
"Bakit? Hindi mo ba na-miss abs ni Bun? Honestly, madali ka lang hanapin. Alam mo na, maraming connections si Dad." Niyakap na niya ulit ang nobya. "Buti nand'yan na ang Butter ko tapos may coffee pa. Aba! Kumpletong-kumpleto na pala tayo, ano?"
Hindi na napigilan ni Mary ang mapahalakhak. Ito ang isa rin sa mga nami-miss nito sa nobyo. Ang mga kalokohang sinasakyan naman nito.
"Speaking of coffee..." Pinakatitigan ni Kiel si Mary. "Noong paalis na si Papa. Sabi n'ya basta makikita raw kita. Magtiwala raw ako. Umiiyak na ako no'n alam ko. Basta nahihirapan akong huminga. Hanggang nawala na s'ya. At naiwan akong mag-isa. Tapos may narinig akong nagsalita. Ang sabi—coffee? Gusto ko raw ba ng coffee."
"Huh!" kunot ang noo na tanong ni Mary.
"May boses akong narinig. Umiiyak. Coffee raw. Bibigyan n'ya ako nang maraming coffee basta bumalik lang daw ako. Masyadong mahina ang boses, hindi ko na naintindihan ‘yong ibang sinabi niya. At hindi ko nga alam saan nanggaling." Ngumiti si Kiel. "Pero alam ko. Ikaw 'yon."
Kinilabutan si Mary. Sinalo ang mukha ng nobyo.
Sa pagkakataong ito ay hinayaan na ni Mary ang mga luhang naglalandas sa pisngi nito. Ang mas mahalaga ay ang sinisigaw ng puso. Ang masaya at nagdiriwang na puso ni Mary. Matapos titigan ni Mary si Kiel ay ito na ang humalik sa kaniya. And he kissed her back.
"I'll make sure to serve you only the best coffee every day of our lives. Salamat tinupad mo ang pangako mo.”
“Oo, bumalik si Bun. Bumalik siya para laging sabihing, I love you, Butter!”
At nagyakap sila nang ubod nang higpit at muling pinagsaluhan ang isang matamis na halik.
~•~
NANG hapon ding iyon ay napagpasyahan nilang puntahan ang puntod ni Mang Filo.
Maingat na inilapag ni Kiel ang puting mga rosas na nasa basket sa puntod ng father-in-law niya at isa pang bouquet ng pulang-pulang mga rosas para naman sa anak nila.
"Hi, Papa Fi! Nagkita na po kami," nakangiting sabi n'ya. Nilingon niya ang nobya. Hinilig naman nito ang ulo sa dibdib niya. Pagkahalik niya sa noo nito at pagkatapos na masamyo ang bango ng buhok ni Mary ay napatingin siya sa langit.
Napakaganda ng panahon. Sumisilip paminsan-minsan sa magandang asul na ulap ang manipis na sinag ng papalubog na araw.
‘Thank you, Pa. Nakauwi na ako. Kasama ko na ang pinakamamahal mong anak. And baby, hi! Hindi man tayo nagkita pero sobrang laki ng inambag mo sa pamilya natin. Magkasama na kami ng Mom mo. I will take care of her. Love ka namin ha, tandaan mo ‘yan. Play lang kayo lagi ni Lolo.’
Sandali silang tahimik na nanalangin hanggang naramdaman niyang humihikbi si Mary. Hinimas na lang niya ang balikat nito na kaniyang akbay-akbay at sila ay naupo na sa bench na nasa tapat ng puntod.
"I know I have a lot of explaining to do."
"Buti alam mo, Mr. Kiel Matthias M. Alonzo! Ayan sa harap ng puntod ni Papa. Sabihin mo sa 'kin bakit ang tagal mo bumalik ha?"
Natawa siya sa pagtawag nito ng kaniyang buong pangalan. At hindi naman maikakailang naaakit siya sa magandang mukha ni Mary na sobra niyang na-miss. Ang mukhang lagi niyang gustong nakikita. Salamat ngayon ay kaniya itong natititigan na muli. Gamit ang thumb ay hinimas niyang pisngi nito bago nagsalita.
"Ang tagal ko po kasi naka-recover. That moment I heard you shouting me coffee. Hindi pa ako agad nakabalik. Ang daming proseso. Siguro dahil hindi pa handa ang katawan ko. Sabi ni Mom, per her record. Isang taon ako bago nagising."
"Tapos?"
"Noong nagising ako. I felt nothing. I felt numb. I was paralyzed. I couldn't talk; couldn't walk. As in, wala akong kayang gawin. Talagang dumilat lang daw ako. And for them, miracle na 'yon. And many times, Mom and Dad saw me crying. Basta puro luha lang daw ang nakikita nilang pumapatak sa mata ko. I was thinking about you, then." Hinawakan ni Kiel ang kamay ni Mary. At pinunasan ulit ang mga luha nito.
"Si Dad, thankfully naka-recover agad within months of therapy. Humingi siya ng tawad sa lahat ng mga nangyari. Hiyang-hiya s'ya sa'yo. Gusto niyang humingi rin ng tawad sa 'yo. Ayun! Awang-awa raw sila sa 'kin. Si Mom minsan gumawa siya ng paraan para marinig man lang kita. Tumawag siya sa'yo. I wished I really could talk, back then. But I just couldn't. Lalo no'ng narinig kitang umiiyak at sinisigaw ang pangalan ko. Lalo akong nanabik sa ‘yo. Noon marinig ko ang boses mo, lalo kitang na-miss. Pero alam ko lumalaban ka. Kaya gusto kong tapangan pa. Mas lumaban pa. Gusto kong gumaling agad para makita na kita."
Dala ng emosyon kaya napaluha na rin si Kiel.
"Simula no'n. Nag-focus ako sa therapy. Ang gusto ko kapag bumalik ako ay 'yong mabubuhat na kita ulit. Nagpalakas ako at nagpagaling para sa'yo."
Napapangiting pinahid ni Mary ang mga luha ni Kiel. Hinawakan naman niya ang kamay nito at dinama ang init nito sa pisngi n'ya.
"Pero ‘yun. Inabot ng mahigit isang taon lahat. Hanggang unti-unti na kaya ko na ulit tumayo at maglakad at magsalita. Unti-unti bumalik ang lahat sa tulong ng mga therapy kaya heto nakakausap mo na ako ulit."
Tumango at ngumiti na si Mary.
"Sorry if Mom didn't contact you. She wants you to navigate your own life. Ayaw niya tayong pareho istorbuhin. Gusto niya mas lumakas tayo individually. At kapag nagkita raw tayo na libre pa tayo. E, bahala na raw tayong magpakasal. Tutulungan pa niya tayo kung gusto natin. Ang lahat naman ay proseso, at tama s’ya."
"Nasasabik akong makita sina Mom. Gusto kong magpasalamat sa kanila."
"You'll see them soon. Namamasyal pa ang matatanda sa America. Nagre-relax. Napagod yata kababantay sa 'kin kaya ngayon lang bumabawi."
"Gusto ko silang regaluhan."
"Anong regalo naman?"
"Apo."
Napangisi si Kiel sa sinabi ni Mary.
"Gustung-gusto na nila magkaapo. Sayang nga nawala si baby. At wala akong kahit na anong nakuha para itabi man lang sa puntod ni Papa. Dahil dugo pa lang siya. Kaya alaala lang meron tayo sa kaniya, Kiel."
"Don't worry. Nasaan man si baby. Masaya siya na magkasama na tayo. Puwede tayong gumawa ng maraming kapatid niya.
Hinigit ni Kiel ang mahal niyang nobya. Nagtama ang mga paningin nila.
"Angel. Angel ang ipapangalan natin sa panganay natin, Butter."
Pinahid niya ang luha sa pisngi ng asawa.
"I love it—Angel. We love you, Angel. Mommy and Daddy love you so much."
"Huwag kang mag-alala. Susundan natin agad si Angel."
Makahulugang tinitigan niya si Mary. Punung-puno ng pag-asa at pagmamahal.
"Will you marry me again, Mary?"
"Yes!" may kislap ang mata at walang gatol na sagot naman ni Mary.
Hindi kailangan ng mahaba at magandang salita. Hindi kailangan ng seremonya. At wala mang singsing ay tinanong niya ang agad ang nobya. Ang makasama lamang ito magpasawalang-hanggan ay sapat na para sa kaniya kaya hindi na siya magpapatumpik-tumpik pa.
Dinampian niya ng halik sa labi ang nobya at nang yakapin ay naramdaman niya ang mainit na hininga nito sa kaniyang dibdib.
"We fought together, magkalayo man tayo. I know. Sabay tayong lumaban. At ngayong magkasama na tayo. Sa tingin ko wala na sa 'ting makapaghihiwalay."
Nagkasya na siyang yakapin si Mary at sa kaniyang dibdib ay ipahinga ang mukha nito.
"Thank you, Mary, for being my best friend, partner, roommate, soulmate, and a lover—and soon, my wife." Nakagat ni Kiel ang ibabang labi matapos magsalita. "I love you so much! Every day I spend with you becomes the new best day of my life. Every day is the best day with you, Mary. "
"Minsan may mga bagay na hindi mo pinaniniwalaan pero alam mong nand'yan. Hindi mo nakikita pero isang araw, bigla mo na lang mararamdaman. Gaya ng miracle. Gaya mo. I love you, too, so much, Kiel."I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (163)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
I like your writing style, the narration, the plot so creative. Good job Author!
04/07/2022
0A work that is worth to read for everyone!! Highly Recommended ❤️❤️ Keep the pen bleeding author 😘
16/06/2022
0Interesting. Nangangamoy life lessons kaagad. Keep on a good work, Author~ By this story you can inspire more people.
09/06/2022
0Tingnan Lahat