Homepage/My Miracle Find/
Kiel Everywhere
AFTER 2 YEARS
Sa wakas ay nakalabas na ng kulungan si Mary.
Ang dapat na sampung taon ay bumaba ng dalawang taon lamang. Totoo ngang magaling ang abogado na binigay sa kaniya ni Donya Kiara. Nagawa nitong ilaban ang kaso niya na pumabor naman sa kaniya.
Ginawang witness si Mary at siya mismo ang nagsiwalat ng kasamaan ni Danny. Napatunayan din na napilitan lamang siyang manatili sa puder nito na kalaunan ay muntik niyang ikamatay at ikinamatay naman ng anak niya.
Sa ospital ay naging kritikal ang lagay ni Danny at ang huling balita niya ay namatay na ito habang ang mga dating kasama na hindi niya nakita noong engkwentro ay mga tinutugis na rin ng batas. Dito'y nabunot nang talaga ang lahat ng tinik na binaon ni Danny sa dibdib niya. At ngayon, totoong malaya na s’ya.
Lumuluha siyang nag-alay ng bulaklak sa puntod ng ama pagkalabas na pagkalabas ng kulungan.
"Natupad na, Papa! Malaya na ako!” Pinahid niya ang luha ngunit may isa na namang naglandas pababa. "Pero ikaw, malayo ka!" Napasinghot s'ya. "Miss na kita, Papa! Sana lang talaga nandito ka pa!"
At isa pang bouquet ng bulaklak ang inilapag niya. Hindi pa man nakakapagsalita ay napaluha na siya.
“Para sa apo mo, Pa. I’m sure magkasama kayo at laging naglalaro. Ang daya mo, Pa, sinama mo agad ang apo mo. Ano ba ang pangalan na binigay mo sa kaniya? Babae ba s’ya ha o lalaki?” Napangiti na rin s’ya. “Hi, baby! Hindi pa kami nagkikita ng daddy mo, pero alam ko binabantayan mo kami pareho. I love you both!”
At isa pang bulaklak…
"Para sa'yo, Leo. Hindi ko na alam kung nasaan ka. Sorry hindi na kita nadalaw. Hindi na rin tayo nagkita. Dalangin ko ang kapayapaan at kaligayahan mo, kaibigan, kayo ni Tatay Tabe nasaan man kayo ngayon."
Naglalakad-lakad na siya paalis ng sementeryo nang sumilay ang maliit na ngiti.
‘Ano kaya ang gagawin natin sakaling nandito ka, Pa, pati si baby? Marami malamang! Kung nandito ka malamang sasabihan mo lang akong lumaban. At iyon ang gagawin ko. Sisikapin ko ng mabuhay na ng tama. Ngayon na malaya na ako. Gusto kong tuparin ang pangako ko kay Donya Kiara. Mabubuhay ako--bumalik o hindi si Kiel.’
At nag-unahan na naman ang luha na dumausdos sa pisngi niya pababa.
~*~
MABILIS ang mga kamay na nagp-prepare si Mary ng mga ingredients na kailangan para sa iba-bake na chocolate fondant cake. May hairnet siya sa ulo at puti ang suot na blouse habang checkered na black and white naman ang slacks.
Nag-aral siya ng culinary na tumagal lamang naman ng dalawang buwan at totoong na-enjoy niya ito.
Tumunog ang telepono n'ya.
Sa messenger ay nakatanggap siya ng picture message galing kay Elizabeth. Sa larawan ay masaya at nakadila ito na nakayakap sa asawa.
Natatawa siya sa kaharutan ng kaibigan. Hindi pa rin ito nagbabago. At matapos na ma-browse ang lahat ng pictures ng kalandian nito at i-heart react ay bumaling na ulit siya sa ginagawa.
~*~
NAGTAAS si Mary ng kamay. Tinawag siya ng propesora n'ya. Nagtungo s'ya sa pisara para sagutan ang math problem sa board. Satisfied naman ito sa sagot n'ya at pinaupo na s'ya.
Bukod sa culinary ay nag-enroll siya para mag-aral. Gusto niyang maging guro.
Trenta anyos na si Mary pero para sa kaniya ay hindi hadlang ito para matupad ang mga naudlot na pangarap o para magbagong buhay. Maging ang naudlot na pag-ibig ay ayaw niyang maging dahilan para huminto na lang. Kahit na madalas pa rin niyang naiisip si Kiel.
Para sa kaniya ay marami siyang pangakong tutuparin. Kasama na ang maghintay sa nobyo. Bagay na tinutupad niya kasabay ng ilan pang mga pangako. Isa-isa o kahit sabay-sabay pa. Gagawin niya. Hindi siya susuko!
Kahapunan. Habang naglalakad palabas ng school.
"Mary!"
Tawag ng kaklase niyang si June. Babae ito na ang pangalan ay sa lalaki.
"Sa PE nakita ko, ang galing mo pala sa martial arts."
Napapahiyang nagyuko siya. "Hindi naman. Tyamba lang 'yon."
"No. Magaling ka. Ganito! May kilala kasi ako. May gym s'ya at gusto n'ya mag-start ng class para sa judo. Puwede ka ba? Try mo lang, part time. Magtuturo ka lang. Kahit mga basic lang."
"Kung kaya ng schedule sige. Bigay mo sa akin ang address."
Tinapik siya nito sa balikat. "OK. Text ko sa'yo. Bye!"
At sila na ay naghiwalay.
~*~
NANG matapos ang kurso sa culinary ay nagtrabaho si Mary.
Hindi dapat maubos ang perang binigay sa kaniya ng Donya. Kaya naisip niyang gumawa ng paraan paanong siya ay mabubuhay. Ang nais niya ay siya mismo ang tutustos sa mga pangangailan: pagkain, tirahan at ang tanging forever na mayroon siya. Ang mga bills na kailangang bayaran.
Wina-wipe niya ang salamin ng fast food na pinatatrabahuhan sa mall nang mag-play ang kanta nila ni Kiel noong kasal nila. Ang Count on You ni Tommy Shaw. Sinearch na niya ito kaya ngayon ay kabisado na niya. Pero bakit ang sakit hindi niya namemorya?
Napakagat labi siya; pilit pinipigil ang luha. Ngunit bigla ay nagtaka. Hindi ba niya magawang malinisan nang husto ang salamin? Hanggang mapagtanto, na ang mga mata niya ang nanlalabo, hanggang ang mga harang na luha sa mata ay tuluyan nang tumulo.
"I received five hundred," aniya sa customer na kaharap. Sinusuklian na niya ito nang madako ang mata niya sa babaeng customer na kapapasok lang. May dala itong rosas na kulay dilaw.
Bigla ay parang may karayom na tumusok sa puso n'ya. Sa sakit ay nagpayuko s'ya.
"Change n'yo po, two hundred seventy five," nanginginig ang boses na wika n'ya. Inabot n'ya ang sukli ng customer nang hindi tumitingin sa mukha nito. Napapailing na tumalikod na s'ya. Ayaw niyang ipakita ang pagsibol na naman ng mga makukulit na luha.
Bumuntonghinga siya bago i-prepare ang order ng customer. Pero hindi pa rin magawang mawaksi ang mga alaala.
~*~
KUMAKAIN si Mary ng ice cream na nasa cone sa loob ng mall. Katatapos lang ng shift niya sa trabaho. Pauwi na s'ya noon nang mapadaan sa isang electronics shop. Naglalakihang TV ang bumungad sa kaniya at tila nanunukso ang mga ito na iisa ang mga advertisement. Naka-flash sa mga ito ang mga salitang ‘new beginnings.’
Napatanga siya sa isang malaking TV. Hindi namamalayang natutunaw na ang ice cream sa kamay n'ya.
Sinabi ito ni Kiel sa kaniya at ng Donya. Ang hindi niya alam, ang ibig sabihin pala ng new beginning ay mag-iisa s'ya. Mag-isa s'yang magsisimula ulit.
Hindi kasama si Kiel!
Hindi na naman mapigilang masaktan. Ang lamig ng mall at ng ice cream ay tila nagpabigat pang lalo sa kaniyang nararamdaman.
Pero nasaan na nga ba ito? Ang laging tanong niya. Napabuntonghininga s'ya.
‘Kumusta ka na Kiel? Magtatatlong taon na tayong hindi nagkikita. Pero bakit hinahanap pa rin kita?’
Napatingala siya.
‘Mahal pa rin kita.’
Pinahid niya ang luha saka napatitig sa ice cream na tuluyan nang nalusaw sa mga kamay niya.
~*~
NAKAMASID sa kaniya ang boss niyang lalaki na may edad na habang nagtuturo siya sa gym.
Pawisan na s'ya pero maayos pa naman ang mukha niya. Base sa nakita niyang repleksyon mula sa naglalakihang salamin sa paligid ng gym. Pinahid niya ng braso ang pawis sa noo saka tumingin sa ka-sparring.
Sumugod ang babaeng kalaban. Dalawang kilos niya ay tumumba ito.
"Huwag mo lang basta hihilahin paharap at pabagsak ang kalaban mo. Ikaw ang masasaktan kapag gano’n. Gamitin mo rin ang paa mo. Make sure synchronize sila. Ganito—"
Ginawa n'ya sa isang estudyante na kunwaring kalaban ang sinabi niya.
Tinaas niya ang kanang paa at tinira nang malakas at paikot sa thigh ng kalaban na nasa bandang gilid sa likod pagkatapos ay hinila niya ito sa damit gamit ang kaliwang kamay at tinulak pababa sa tulong ng kanang kamay.
Tumba ang kalaban.
Sa bilis ng mga pangyayari ay parang ginawa niya lahat iyon nang sabay-sabay.
"Kapag nagawa mo 'yon kasama ang puwersa ay maitatapon mo ang kalaban."
Tumango-tango ang mga trainees niya.
“Isa pa!”
At lumapit ulit ang babaeng estudyante. Kapwa sila pumorma.
~*~
MINSAN ay masaya siyang umuwi sa inuupahang maliit na kwarto. Tangan ang isang stem ng sunflower ay mabilis na nilagay niya ito sa vase. At pagkatapos ay kumuha siya ng monay saka pinalamanan ng peanut butter. Ngumunguya siyang nakangiti pero maya-maya ay napaiyak.
Inilayo niya bigla ang tinapay, bote ng peanut butter at bulaklak.
At nang hindi makuntento ay binuksan niya ang cabinet. Doon niya itinago ang bote ng kape at peanut butter, kasama ang tinapay at naka-vase na bulaklak. Umiiyak na nahiga na lang siya sa kama. Dito ay tahimik na naman siyang umiyak.
Oo nga't malaya siya pero pakiwari niya ay nakakulong pa rin s'ya. Nakakulong sa mga alaala ni Kiel. Paano s'ya makakagalaw kung ang daming bagay na nagpapapaalala sa kaniya rito na nagsisilbing rehas n'ya? O kasalanan din niya sapagkat minsan ay siya mismo ang kusang nagbabalik ng mga ala-alang iyon? Hindi na niya maintindihan!
Hindi namamalayang kaniya na namang binabalikan ang nakaraan.
Mula ng unang beses niya itong nakita sa fast food, ang mga away nila at hanggang ikasal sila. Ang mga kasalanan at kasinungaling pinagsaluhan nila.
Ngayon, kahit ang pagtulog ay parang parusa para sa kaniya at parang naririnig niyang sinasibi na naman ni Kiel.
‘Apart from you, Mary. I am just a lonely bread...’
Napaluha na naman siya.
‘Are you lonely, too, Kiel? Ako kasi? Oo.’
~*~
SA gym ay naisipan niyang magpapawis. Inilabas niya ang lahat ng galit, lungkot, pait at iba pa sa pagsuntok sa punching bag. Bawat suntok ay may bigat. Unang beses ay sunud-sunod hanggang bumagal.
Kita ang firm na muscle at magandang mga balikat at braso n'ya sa suot na sports bra na light blue ang kulay.
Tumutulo ang pawis sa buong katawan. Ang hindi alam ng mga nakamasid sa kaniya sa gym na karamihan ay lalaki na ang iba sa mukha niya ay hindi pawis kundi luha. Luha na halos nalalasahan na n'ya. Pero hindi siya tumigil sa pagsuntok kahit hinihingal na't pagod.
KINABUKASAN.
Pumasok siya sa loob ng simbahan kung saan sila nagkumpisal ng mga nararamdaman nila noon ni Kiel. Kung saan din ito nangako na hindi siya nito iiwan.
Nanghihina ang mga tuhod n'ya.
Sa labis na sakit ay napapaluhod siyang agad habang umiiyak at piniling itinukod na lang ang kamay sa sandalan ng mahabang upuan para hindi siya matumba.
"Hanggang kailan ba ako maghihintay? At hanggang kailan ko 'to mararamdaman?
Ibalik niyo s'ya sa akin. Pakiusap!"
Napapahikbi na s'ya.
"May hinihintay pa po ba ako?"
Napahawak s'ya sa puso at tumingin sa altar.
"Sabihin niyo sa akin kung kailangan ko na ba s'yang kalimutan. Hirap na hirap na ako. Ipaalam niyo man lang sa akin ano ang nangyari sa kaniya? Gusto kong malaman. Nasaan s'ya!"
Hanggang tuluyan na siyang mapaupo sa sahig. Ang mga luha ay nakita niya kung paanong humalik sa simento.
"Kailangan ko na ba magpaalam? Pero—hindi ko kaya!"
Kung tutuusin ay sinusubukan na n'ya. Kaya siya nagpapaka-busy ay para mawalan siya ng pagkakataon na isipin ang lalaking minamahal pero maging 'yon ay hindi epektibo. Gusto na niyang mag-move on. Pero paano kung may parte pa rin sa puso n'ya ang nagsasabing alalahanin si Kiel at huwag itong kalimutan?
Hawak ang sumisikip na dibdib ay hinayaan na lang niyang ang puso ang magsalita at tumulo ang mga luha.
“Ibalik niyo naman na siya sa ‘kin. Please!”I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (163)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
I like your writing style, the narration, the plot so creative. Good job Author!
04/07/2022
0A work that is worth to read for everyone!! Highly Recommended ❤️❤️ Keep the pen bleeding author 😘
16/06/2022
0Interesting. Nangangamoy life lessons kaagad. Keep on a good work, Author~ By this story you can inspire more people.
09/06/2022
0Tingnan Lahat