Liar vs Thief

MALAWAK ang ngiti nang bagtasin ni Kiel ang daan papasok ng pintuan ng kanilang mansion.
"Mom!" excited na tawag n'ya sa ina. Umalingawngaw ang boses n'ya sa kabahayan.
"Ano bang problema at dinig hanggang kabilang buhay ang boses mo?" salubong sa kaniya ng hinahanap.
"Hindi problema kundi—good news, mhy," aniyang hinawakan pa sa magkabilang balikat ang Donya. "Nakita ko na s'ya. Nakita ko na si MG, Mommy!" masaya at nakangiting kwento n'ya.
Kumorteng pabilog ang mata ng kaharap. Magkahalong gulat at pananabik ang mababakas sa mukha nito.
"Talaga! Nasaan s'ya? Kasama mo ba s'ya ha!" Humiwalay ito sa kaniya at naglakad palayo at palapit sa pinto.
Nagbawi naman si Kiel ng ngiti. "Hindi po. Nasa hospital kasi ang Papa n'ya at hindi n'ya maiwan."
Humarap sa kaniya ang ina. "Kawawa namang anak ko. Kumusta ba s'ya? Hindi ko ba s'ya puwedeng puntahan o dalawin?"
Tila may kumurot sa puso n'ya nang makitang malungkot ang ina. Totoong minahal na ng Mommy n'ya ang pekeng nobya n'ya. Bagay na hindi n'ya napaghandaan, bagay na hindi n'ya inasahan.
Para aluin ito ay nilapitan na n'ya ang Donya at hinilot ang mga kamay nito. "'Wag po kayong mag-alala. Pangako, babalik s'ya rito." Suntok man sa buwan e gagawin n'ya ang lahat para maibalik si Mary sa mansion.
Lumiwanag nang muli ang mukha ng ina. "Salamat naman. Anak, sabihin mo sa akin kung kailan ha at ipagluluto ko s'ya ng mga paborito n'yang pagkain."
"Alright," nakangiti n'yang sagot.
Pero natigilan ang Donya. "Sandali, ano nga ba ang mga paborito n'yang pagkain?"
Natameme s'ya. Hindi n'ya kasi alam ang sagot sa tanong na 'yon.
"Uhm...chicken...fried chicken," aniyang hindi sigurado.
"Okay! Babaha ng fried chicken dito pagbalik n'ya."
Tinawanan n'ya nang malakas ang sagot nito bilang pag-iwas. Natutuwa rin siyang hindi nahalata ng ina ang kasinungalingan n'ya. Pero mas natutuwa s’yang makita na bumalik ang sigla ng ina.
"Pero maalala ko. Wala ba siyang kailangan? Pera o kung anuman? Kung may kailangan s'ya kamo, 'wag mahihiyang magsabi. Kung mahiya s'ya sa'yo at sa ama mo—sa akin. Sa akin s'ya kamo lumapit, ha."
"Yes, Mom," tanging maikli niyang sagot. Wala na siyang makuhang sabihin pa. Napakabuti ng kaniyang ina sa peke niyang nobya. Paano na lang kung malaman nito ang lahat? Mapatawad kaya siya nito? Higit lalo si Mary na tinanggap na nito at tinuring na totoong anak?
Pero ayaw na niyang isipin iyon sa ngayon. Ayaw niyang masira ang magandang pagkakataon. Natutuwa siyang may isa pang tao na masayang makita si Mary bukod sa kaniya. Na maaari at kung ipagkakaloob ay alam niyang nakasumpong siya ng kakampi sa katauhan ng Donya. Kaya naman kaniya na itong inakbayan at sinabayan sa pag-akyat ng hagdanan.
~•~
KASALUKUYANG pinapakain ni Mary si Mang Filo.
"Pa, sino ako? Nakikilala niyo po ba ako?" pagsisimula ni Mary. Nagbabakasakaling makilala siya ng ama.
"Ikaw si Mother Mary."
Natatawang nailapag ni Mary ang bowl ng soup sa lamesang nasa gilid.
"Kukunin mo ba ako? Mamamatay na ba ako? Saan mo ako dadalhin? Sa langit o sa impyerno?"
Maluha-luha katatawa ay sumeryoso ang mukha n'ya. Wari kasing may ibang ipinakahuhulugan ang ama. Minsan ay hindi n'ya alam kung nagdidiliryo ba ito kaya kung anu-ano ang pinagsasabi o dahil sa sakit nitong Alzhiermerz kaya ito ganito?
"Pa..." pigil ang iyak na tawag n'ya. Nagpapaalam ba ang ama sa kaniya?
"Sana sa langit mo ako dalhin ha. Nagdadasal naman ako, 'di ba? Nakita mo ba? Kung gusto mo magdasal ako ngayon din."
Pinahid n'ya ang luha saka nagsalita. "Wala kang pupuntahan kahit saan do'n. Dito ka lang ha." Niyakap n'ya ang ama habang ito ay nakahiga sa kama. Nang maramdaman ang pagyakap din ng ama sa kaniya ay doon parang waterfalls na rumagasa ang luha sa kaniyang mga mata.
"Niyakap ako ni Mama Mary," anitong mabilis na kumawala. "Puwede ba akong humiling ha? Sana kung puwede bantayan mo ang anak ko..."
"Papa naman eh. Ako ito—ako ang anak n'yo," natatawang turan n'ya. Hindi man s'ya naaalala nito ay nagagawa naman siya nitong ipagdasal, bagay na lalong nagpahirap sa kaniya huminga, napapahikbi na naman s’ya.
‘Tama nga si Kiel. Naaalala ako ng puso n'ya.’ Muli niyang niyakap ang ama kahit parang bata na nagpupumiglas ito.
"Bakit ka ba yakap nang yakap? Tama na nga't baka magselos ang asawa ko," reklamo na nito. Natatawang hindi naman niya ito magawang pakawalan.
Ang hindi n'ya alam ay mula sa labas ay nakatingin lamang at nagmamasid sa kanila si Kiel; naghahanap ng tyempo kung kailan hindi makakaistorbo sa mag-ama.
Matapos pakainin si Mang Filo ay pinunasan naman ni Mary ang ama saka ito pinalitan ng damit pang-itaas habang sila ay mga nagtatawanan na.
Kitang-kita lahat ni Kiel kung paano alagaan ni Mary ang Papa n'ya. Lumambot ang puso ng binata. Bakas sa mga mata ang paghanga sa dalaga. Kaya bago pa man madala ng emosyon ay kumatok na ito sa pintuan.
Sabay na lumingon ang mag-ama sa kapapasok na bisita.
"Hello!" masiglang bati ni Kiel.
"Ikaw pala, Bogart!" bati rin ni Mang Filo.
"Kayo talaga, 'Tay, kung anu-ano na ang binibigay sa aking pangalan. Pero ayos lang. Gusto ko naman lahat 'yon."
"Pasensya ka na sa kaniya," pakli naman na ni Mary sa papalapit na sa kanilang si Kiel.
"Wala 'yon. Nakakatuwa nga si Tatay. Napapatawa n'ya ako. Nga pala, heto, may dala akong mga prutas." Ipinatong ni Kiel ang dalang fruit basket sa side table.
"Salamat," matipid na sagot ni Mary na ang mga mata ay umiiwas sa binatang kaharap.
Napapakamot ng batok na sinulyapan ni Kiel ang ngayon ay napreskuhan ng si Mang Filo at napapahikab pa. At maya-maya pa nga'y nakatulog na. Tila pagkakataon naman na ni Kiel na kausapin si Mary.
"I'm sorry."
Ang sinabing ito ng binata ang nagpalingon kay Mary rito. Nagsalubong ang mga mata nila.
"Puwede ba kitang makausap sandali?"
Bilang pagpapaunlak sa tanong nito ay siya na'y naglakad at sa labas ng silid ng ama doon sila ay nag-usap, habang nakatayo.
"Sorry sa lahat ng mga ginawa at sinabi ko."
Nagyuko siya ng ulo. Tila ibang tao ang kaharap niya ngayon. Ngunit ito lamang ba? Pakiramdam niya kasi ay ibang tao rin siya ngayon. Hindi nakikipagmatigasan. Hindi parang tigreng matapang. O hindi kaya ay dahil alam niyang kung nasaang lugar sila at isa pa ay nariyan lamang sa malapit ang ama?
"Puwede bang bumalik ka na ng mansion?"
Gulat na napatingin s'ya ulit kay Kiel. Hindi niya inaasahang itatanong ito ng binata. Wala tuloy siyang makuhang sabihin.
"Hinahanap ka ni Mommy."
"Ang Mommy mo?" hindi pa rin makapaniwalang tanong n'ya. Napatawa s’ya.
"Ano'ng nakakatawa ro'n? Totoo nga. Hinahanap ka n'ya. Hindi ako nagbibiro."
"Hindi ba dapat masanay na s'yang wala ako? Bayaan mo, lilipas din 'yon." Papasok na sana s'ya ulit sa kwarto ng ama nang magsalita muli si Kiel.
"Hindi nga sabi ako nagbibiro. Alam mo bang nawawala na s'ya sa sarili? Nababaliw na s'ya kakahanap sa'yo. Hindi ka ba naaawa sa kaniya?"
Sa narinig ay napapihit s'ya muli paharap dito.
"Lagi niya akong kinukulit. Nasaan ka ba raw? Bakit hindi ka na bumalik? Ayaw mo na raw ba sa ‘min? May nagawa raw ba kaming mali?"
Kunot ang noo na pinakatitigan niya si Kiel. Inaalam kung nagsasabi ito ng totoo. Alam niya kasing kung siya ay magnanakaw, si Kiel naman ay nuknukan ang kasinungalingan.
"Kung makikita mo lang si Mommy mukha na siyang mangkukulam. Ayaw kumain, maligo at matulog. Nag-aalala na nga kami ni Daddy sa kaniya."
Kita niya ang pagkaseryoso sa mukha ni Kiel na hinahabol pa ang paghinga sa bilis nitong magsalita.
"Minsan nga nagseselos na ako e. Ako ang anak. Ako ang nando'n pero ibang tao ang hinahanap." Malungkot na yumuko ito.
Napabuntonghininga s'ya at napailing-iling. “Sa tingin mo talaga maniniwala ako sa ‘yo?”
Tila hindi pumasa sa kaniya ang ka-OA-an nito. Hanggang mapadako ang tingin niya sa kama ng ama. Gulat ang mukha nang makitang wala roon si Mang Filo na kanina ay nakahiga lamang. May pag-aalalang nilibot niya ang tingin at si Kiel ay gano'n din. At kanilang nakita na parang bata na umiihi sa pader ang kaniyang ama. Masaya itong nilalaro ang ihi sa pamamagitan ng pagdo-drawing ng bilog sa pader habang tumatawa mag-isa.
"Papa!" Pahakbang na si Mary sa kinaroroonan ng ama nang yakapin siya ni Kiel para sapilitang ipihit pabalik.
Sa ginawang iyon ni Kiel maging puso n'ya ay nagulat. Para itong nalaglag at nawalan ng malay nang sandaling sila ay magyakap. Namilog ang mga mata at labi n'ya.
"'Wag ka ng pumunta ro'n. At baka may makita ka pang hindi mo dapat makita. Ako nang bahala, ok!" bulong ni Kiel sa kaniya.
Hinatid ng hangin ang bango ng hininga nito papunta sa ilong n'ya na nagpahinto sa kaniya nang tuluyan. Hindi siya makakilos. Hanggang umalis ito sa pagkakayakap para daluhan ang Papa n'ya.
Takang humarap na lang s'ya para tingnan ang gagawin ni Kiel sa ama.
At sumunod ang malakas niyang pagtawa nang makitang parang nakikipaghabulan ang ama n'ya sa ibabaw ng ihi nito. Tapos na ito sa ginagawa at akala ay naroon si Kiel bilang isang kalaro.
"'Tay, tama na ho! Ang panghi-panghi ko na!" reklamo ng binatang bisita.
Sa ginagawang pagparaot-parito ni Mang Filo ay natatalsikan ng mapanghing likido si Kiel, abot hanggang pantalong maong. Natatawang tumalikod na si Mary, hindi niya maatim ang nakikita. Nakahubad ang pang-ibaba ng am habang hinahabol-habol si Kiel.
Makaraang makahiga na ulit si Mang Filo sa hospital bed ay tinawagan ni Kiel ang dalawa pang idiots. Palakad-lakad ito malapit sa pintuan habang nagbibigay ng instructions sa mga ito.
Nakatakip naman ng kanang kamay ang bibig ni Mary habang nakasandal sa paanang kama ng ama. Inaaliw niya ang sarili sa panonood sa ginagawang pagmartsa ng binata habang kinukumbinsi sina Teban na puntahan sila.
Hindi naman nagtagal ay dumating sina CPR Paul at Teban na mga pasimpleng tumatawa dahil sa mga hitsura nina Mary at Kiel.
Naiilang na pinagmamasdan ni Mary ang sarili at waring nagtatanong bakit pumayag siyang isuot ang dala nina Teban na ternong pajama na may print na polka dots na red.
Ganito rin kasi ang suot ni Kiel. Tila pinagkaisahan sila ng dalawang idiots.
Napabuntonghininga si Kiel. "Sabi ko dalhan niyo ako ng damit. Hindi pantulog—at talagang dinamay niyo pa si MG sa kalokoha niyo!" asik ni Kiel. Lumapit pa ito sa dalawa at binigyan ang mga ito ng tig-iisang batok.
"Bakit? Bagay naman ah. Ayaw mo ba?" natatawang sabat ni CPR habang kinakamot ang bunbunan.
"Akala kasi namin dito ka matutulog kaya 'yan ang dinala namin. Hindi mo naman nilinaw kasi," paliwanag naman ni Teban na kay Mary ay kumindat pa.
"Tatlo pa nga 'yan oh." Hinagis ni CPR kay Kiel ang nakabalot pang damit pantulog sa plastic na kamukha rin ng mga suot nila. "Para kay Erpats!"
Naiiling na tinanggap iyon ni Kiel. "Hays! Mga pasaway talaga!" reklamo niya ulit saka nilingon si Mary at inangat ang pantulog at iwinagayway.
"Ok lang. Salamat na rin sa dalawang idiots mo na ito at naalala pa kami ng Papa kong bigyan."
Lumapit na si Mary at kinuha kay Kiel ang damit para sa Tatay n'ya.
Hindi maiwasang ngumiti nina Paul nang sandaling magkadikit sila ni Kiel. Paano kasi'y ternong-terno sila ng damit. Para silang naka-couple shirt at magha-honeymoon.
Naiilang at nakayukong lumayo na si Mary pagkakuha sa damit saka lumapit sa natutulog na ama.
"Kayo kasi...mga pasaway," pabulong na singhal ni Kiel sa dalawa.
"Cute n'yo 'no!" pang-aasar na muli ni Teban. Kasunod ang mahinang pag-aray dahil nabatukan na naman ito ng pinsang si Kiel.
Mahabang kwentuhan ang sumunod na tagpo sa loob ng hospital room ni Mang Filo. Nang ito ay magising ay nakipagkulitan ito sa mga boys habang pinapakain ni Mary, at matapos na ito ay magupitan ni CPR. Sa kanilang tatlo ay si Paul ang kahit paano ay marunong manggupit. Lumabas ang kagwapuhan ni Mang Filo. Hindi na ito mukhang ermitanyo, para na itong retired army sa clean cut na buhok nito.
Pinagsaluhan naman nila kalaunan ang mga dalang pagkain ng dalawang idiots.
Ngunit nagulat ang lahat nang biglang tumayo si Mang Filo at akmang iihi na naman sa pader.
"Pa! Hindi d'yan!" tarantang habol ni Mary.
Mabilis tuloy na napakilos din si Kiel at sinundan ang matanda. Inunahan nito si Mary. Habang clueless naman ang dalawang bisita.
"'Tay, dito po tayo sa CR ji-jingle, okay?"
Inalalayan ni Kiel ang matanda papasok ng banyo. Nilingon din nito ang dalawa na hindi alam ang gagawin.
Hindi naman nagtagal ay natatawa habang parang sumasakit ang ulo ni Mary sa dahil kaniyang abnormal na mga bisita. Hiyaw at tawanan mula sa mga ito at sa ama ang maririnig buhat sa loob ng banyo. Hinihimas niya ang kaliwang sintido nang isang Nurse na babae ang pumasok. Nagulat ito nang walang abutang pasyente sa kama.
"Nasaan po si Sir? Kukuhanan ko po sana siya ng vitals?"
Ngunit ang sumagot ay ang mas pinalakas na tawanan sa CR.
Si Mang Filo na akala ni Mary ay tinuruan ni Kiel umuhi ng tama sa bowl ay kinunsinte pa nito. Nakatalikod ang mga ito na umiihi sa pader. Kapwa ang mga ito ay gumuguhit sa haligi sa pamamagitan ng ihi. At nagpapataasan pa. Labis ang kanilang tawanan! Masayang-masaya si Mang Filo na animo'y nakasumpong ng mga kalaro sa pangunguna ni Kiel na nasa tabi nito at ang dalawa pa na nasa magkabilang gilid naman.
"Whoaah! Putsa taas no'n, ah!" hiyaw ni Paul.
"Hahaha!" malakas na tawa naman ni Kiel.
Dahil sa mga naririnig ay napatakip na lang ng bibig ang Nurse at hindi napigilang matawa. Tila nahuhulaan nito ang nangyayari.
"Pasensya na, naglalaro pa yata ang mga bata."
"Ok lang. Okay ngang may nakakasamang gaya nito si Tatay." Ngumiti pa ito nang malapad. "Babalik na lang po ako mamaya kapag tapos na silang maglaro."
At lumisan na ang Nurse habaang ang walang magawa at nag-iisang babae sa silid na si Mary ay inayos na lang ang higaan ng ama habang hinihintay ang mga itong matapos jumingle.

Komento sa Aklat (163)

  • avatar
    Eos Protacio Sauvettre

    I like your writing style, the narration, the plot so creative. Good job Author!

    04/07/2022

      0
  • avatar
    Owbreeeey

    A work that is worth to read for everyone!! Highly Recommended ❤️❤️ Keep the pen bleeding author 😘

    16/06/2022

      0
  • avatar
    AtthaphanMew

    Interesting. Nangangamoy life lessons kaagad. Keep on a good work, Author~ By this story you can inspire more people.

    09/06/2022

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata