Chapter 68

ANNA ( pov )
Nagtuloy-tuloy ang kabaitang pinapakita sa'kin ni Sir Mendoza. Kinabukasan, maayos na ang pakiramdam ko dahil sa paglalagay ko nang cold and hot compress sa tapat nang puson at balakang ko. Nakatulog din ako nang maayos dahil sa ginhawang naramdaman.
Natapos ang dalawang subject sa pang-umaga at ngayon ay thirty minutes break para sa meryenda. Nag-aayos pa lang ako nang mga gamit dahil nagpaguhit nang kung ano-ano si Miss Hantic tungkol sa mga parte nang katawan. Inis na inis ako dahil wala akong talento pagdating sa mga gano'ng bagay. Kaya hindi ako nagtaka kung mababa ang makuha kong grado sa ipinasa kong papel kanina.
Napaangat ako nang tingin nang may naglapag nang supot sa mesa ko. Nakangiting si Sir Mendoza ang nabungaran kong may hawak nang plastik.
"Kamusta pakiramdam mo Anna?"
Inayos ko muna sa bag ang lahat nang gamit ko, tumayo at seryosong hinarap siya.
"Mabuti na ho,"
"That's good. Here para sa'yo." Inabot niya sa'kin ang hawak niyang plastik. Saglit ko lang 'yun sinulyapan bago kinuha.
"Salamat ho,"
"Your welcome. So mauuna na ako. May gagawin pa akong lesson plan for next month." Hinawakan pa niya ang balikat ko bago ako tinalikuran.
Sinundan ko ang paglayo niya sa'kin. Lahat nang paggalaw ng bawat parte nang katawan niyang nakikita nang mata ko ay hindi ko pinapalagpas. Ayokong masalisihan. Kaya kahit na hindi ko gusto ang nga pinaggagagawa niyang kaartehan sa harap ko, sinasakyan ko na lang.
"Saan galing 'yan Anna?" Kumurap-kurap ako at hinarap ang taong hinahanap-hanap ko kahapon pa. Hindi ko alam kung ako lang ba pero parang mas lalo yata siyang naging gwapo sa paningin ko ngayon.
"Kay Sir Mendoza," pagkabanggit ko sa pangalan nang guro, dumilim ang bakas nang mukha niya. Pero hindi ko na lang pinansin. Tinanguan ko na lang sila Anthony at Vin na nasa likuran niya.
"Aayain ka sana namin mag-snack kaso may nagbigay na pala sa'yo nang meryenda kaya aalis na kami," agad niya akong tinalikuran nang hindi hinihintay ang sasabihin ko. Ayokong sabihing galit siya dahil nagpaalam pa siya sa'kin. Ayokong sabihing nagseselos siya dahil wala namang dahilan para maramdaman niya 'yun.
Hinayaan ko lang siyang maglakad palayo sa'kin. Nakita ko pang kinawayan ako no'ng dalawa bago naglakad palabas ng silid.
Bumuntong hininga akong naupo ulit. Trenta minutos lang naman ang meryenda kaya okay lang na hindi sumama sa kanila. Nilapag ko ang binigay sa'kin ni Sir Mendoza sa lamesa at pinakatitigan lang 'yun. Nestea na nasa bote at styro ang laman no'n. Hindi ko na tiningnan kung anong klaseng pagkain ang nasa loob no'n.
Hindi na ako agad-agad umiinum at kumakain nang bigay ng ibang tao. Ang hirap nang magtiwala ngayon dahil sa ginawa sa'kin ni Sir Quintin at ang nangyari sa'kin isang taon na ang nakakalipas. Kumportable lang ako sa mga pagkaing nakikita ko kung paano gawin at kung sino ang mga kasama ko, tulad na lang ni Exxel.
Si Exxel.
Wala akong intensyong pasamain ang loob niya. Gusto ko lang talagang bigyan ang sarili ko nang oras para makapag-isip. Para malaman kung anong mga binabalak nila kung bakit sila lapit nang lapit sa'kin.
Nakapagfocus naman ako sa mga pinag-aralan namin sa huling dalawang subject bago magtanghalian. Nagkaroon pa kami nang pagsusulit sa Math. Buti na lang talaga nakinig ako at hindi ako nabokya. Mahina talaga ang ulo ko pagdating sa subject na 'yun.
Nagsialisan na ang lahat. Pero ako nandito pa din hinihintay kong dumating siya kasama ang mga kaibigan niya at aayain nila akong kumain sa canteen. Gano'n naman lagi ang ginagawa niya simula no'ng unang araw nang klase.
Ilang minuto pa akong naghintay, pero wala yata siyang balak puntahan ako kaya ako na lang ang pupunta sa classroom nila at ayain silang kumain. Baka may ginagawa lang sila kaya ang tagal nilang dumating.
Malapit na ako sa silid nang section nila nang lumabas do'n si Alisson. Inaasahan kong kasunod niya sila Exxel, pero nakalapit na siya sa'kin wala akong Exxel na nakita.
"Nauna na sila kanina pa. Sa bayan yata sila kakain. Hindi ka pinuntahan?"
Bahagyang may dumaang kirot sa dibdib ko pero pinanatili kong blangko ang mukha. Ayokong isipin ni Alisson na nalulungkot ako ngayon. Hindi ba niya gusto ang sinabi ko kanina?
"Tara na sa canteen habang may oras pa." Nauna na siyang naglakad sa'kin para bumaba. Napabuntong hininga na lang ako at mabibigat ang nga hakbang na sinundan siya.
Hindi pa din nawawala ang mga bulong bulongan sa paligid. Hindi pa din nawawala ang mga masasamang tingin nila sa'kin, pero nasasanay na ako. Nasasanay na akong husgahan nang ibang tao kahit hindi nila alam ang buong nangyayari sa buhay ko.
Nakarating kami sa canteen nang hindi ko namamalayan. Nagising ang diwa ko nang marinig ang ingay nang paligid at ang marahang pagtapik ni Alisson sa pisngi ko.
"Okay ka lang ba Anna? Masakit pa ba 'yung puson mo?" bakas na naman ang pag-aalala sa mukha ni Ali. Buti pa siya nakikita kong nag-aalala. Si Exxel kaya?
Hindi mo nga pinasabi 'diba? Paano siya mag-aalala sa'yo?
Bumuntong hininga na naman ako sa naisip. Sobrang bigat ng nararamdaman ko. Kung sana lang hinabol ko siya kanina at sumabay akong magmeryenda, sana kasama ko pa din siya ngayong kumain ng tanghalian.
"Umupo ka na diyan. Bilhan na kita pagkain."
Sinunud ko ang sinabi niya. Wala akong ganang magreklamo ngayon. Wala akong ganang pansinin ang mga taong nasa paligid ko ngayon. Ni hindi ko nga alam na may umupo sa harap ko. Nagulat na lang ako nang ipinitik niya ang daliri sa mismong mukha ko.
"Wala nang mesa. P'wede?" tanong sa'kin ni Sir Mendoza.
Nangunot ang noo kong nilibot ang paligid. Okupado na nga nang mga estudyante ang lahat ng mesa. Siguro hindi nila napansin si Sir na nandito sa mesa namin kaya hindi sila nakatingin sa direksyon kung nasaan ang guro.
"Hmm." Tumango na lang ako. Hindi ko na nagugustuhan ang paglapit-lapit niya sa'kin. Ayokong magkaroon ulit nang panibagong isyu. Hindi pa nga tapos 'yung iba dadagdag pa siya.
"Sir," narinig kong bati ni Alisson sa guro. Hindi ko na tiningnan ang dalawa. Pagkalapag ng pagkaing binili niya para sa'kin ay nilantakan ko na lang agad. Gusto ko nang bumalik sa classroom at ipikit ang mga mata.
"Kahit magkapatid kayo hindi mahahalata dahil hindi kayo magkamukha." Napaangat ako nang ulo sa sinabi niya. Nagtataka ko siyang tiningnan. Masyado yata siyang maraming nalalaman.
Bahagya siyang natawa at lumagok muna nang tubig sa baso niya bago kami hinarap.
"Apelyido niyo pa lang naman halata na. Marahil hindi nila napapansin o wala lang silang pakialam." Nilibot niya ang paningin sa paligid. May ilan-ilan nang estudyanteng sumusulyap-sulyap na sa'min.
"Kahit malaman nila wala naman akong pakialam sir," hindi ko alam kung ako lang ba o talagang pinagdiinan ni Alisson ang huling salitang binanggit niya. Nakatutuk pa din ang paningin ko sa guro kaya nakita ko kung paano nagbago ang emosyon sa mukha niya. Saglit lang 'yun kaya hindi masyadong nahalata.
Bahaya siyang natawa. Pinapagaan marahil ang tensyon sa pagitan naming tatlo.
"Oo nga naman Alisson. Wala naman mangyayari kapag nalaman nilang magkapatid kayo," nakangiti lang ang guro. Kapag titingnan mo siya sa malayo, mukhang naliligayahan siya sa pakikipag-usap sa'min. Pero halata naman sa tono nang boses niyang hindi.
"Hindi nila kami magagalaw dahil maraming mata ang nakabantay sa'min. Alam niyo naman siguro kung bakit," sarkastikong turan ni Alisson. Alam kong hinuhuli niya si Sir Mendoza. Seryoso ang kapatid kong nakatitig lang sa guro.
"Of course I know! Pero hindi p'wedeng malaman nang iba dahil may mga masasamang mata din ang nakabantay sa bawat kilos niyo, na kapag nagkamali kayo nang galaw," sinadya niyang huminto at pinaglipat-lipat ang paningin sa'ming dalawa. Maya-maya lang ay malawak siyang ngumiti at inayos ang mga pinagkainan.
"See you when I see you. Enjoy your lunch," nakangiti siyang naglakad sa'min palayo. Hindi nakaligtas sa'kin ang pagsama ng awra niya. Sa dami nang nakitaan kong madilim ang awra, sa kaniya lang 'yung kakaiba.
"Sabi ko na nga bang hindi maganda ang intensyon niya sa paglapit-lapit sa'yo Anna," matigas na turan ni Alisson maya-maya.
Nakatitig lang ako sa pagkain kong lumamig na. Nawalan ako nang ganang kumain. Malalim akong nag-iisip. Paano ko malalaman kung anong binabalak nilang gawin sa'min nang kapatid ko?
"Nasa paligid pa ba mga body guards mo Ali?" Nilingon ko siya. Masigla niyang nilalantakan ang pagkain niya. Para bang hindi nanggaling si Sir dito kanina.
"Oo. Nakikita ko sila lagi bakit?"
"Wala," mahigpit lang ang pagkakahawak ko sa mga kubyertos. Hindi ko na nagalaw ang pagkain ko hanggang sa ayain na niya akong umakyat. Malapit nang mag-alauna.
"Tara magtoothbrush." Aya ko sa kaniya. Liliko na kasi siya agad papunta sa classroom nila.
"Tinatamad ako Anna," nakasimangot na siya nang humarap sa'kin.
Tsk! Pati magsipilyo katatamaran!
"Tara na! Pusit pa naman 'yung inulam mo tapos hindi ka magsisipilyo? Kadiri ka! ... Ano ba Alisson! Tumigil ka nga!" Binubugahan niya kasi ako nang hininga niya. Amoy adobong pusit.
"Mouth wash na lang. Wala akong dalang toothbrush," sabay na kaming naglakad papunta sa banyo.
"May dala kang mouth wash?" Papasok na sana ako sa cr ng babae nang matigilan. Huminto kasi siya sa harap ng cr nila bago lumingon sa'kin at bahagyang ngumiti.
"Wala din."
"Tsk!" Nilabas ko ang maliit na boteng pinabili ko kay Neil no'ng linggo. Buti na lang girl scout ako.
"Ibalik mo sa'kin 'yan. Ikaw pa magbibinyag talaga!" singhal ko sa kaniya. Tatawa-tawa naman siyang pumasok nang banyo.
Nasa loob na din ako nang cr at magsisipilyo nang makita ko na naman ang dalawang taong mukhang nagsasagutan sa likod ng gusali. Gusto ko talagang kausapin na si Luna tungkol dito. Pero alam kong hindi namin siya kaanib. Dahil narinig ko sa pag-uusap nila ni Exxel noon na papatayin niya ako.
Pinanuod ko lang sila hanggang sa umalis din kalaunan. Nangunot pa ang noo ko nang makita si Exxel do'n at nililibot na naman ang paningin. Naalala kong lagi din pala niyang nakikita ang dalawa at kapag pupuntahan na daw niya ay hindi na naaabutan.
Bakit ba interesado siya sa dalawang 'yun?
Tinapos ko na ang pagsisipilyo. Nang makalabas ng banyo, nadatnan ko pa sa labas ang kapatid ko.
"Ang tagal mong magsipilyo. Oh! Salamat." Hinagis niya sa'kin ang maliit na mouth wash.
"Bakit kasi hinintay mo pa ako?" nauna na akong naglakad sa kaniya habang nilalagay ang bote sa bag ko.
"Gusto ko 'bat ba?"
Inismiran ko na lang siya at hindi na nakipagsagutan. Nakakatamad.
Nang makita kong lumiko na siya sa silid aralan nila. Nahagip pa ng paningin ko ang magkakaibigang nakatingin sa'kin. Wala si France. Hindi ko pa natatanong kung kamusta na siya. Sa ibang araw na lang siguro.
Dumiretso na ako sa classroom namin. Gano'n pa din ang mga kaklase ko. Bulong bulungan. May iba pang nagpaparinig sa'kin. Hindi ko na lang pinansin ang lahat nang 'yun at umupo sa may likuran. Nilapat ko na lang ang paningin sa labas ng bintana.
Dumating ang mga guro sa panghapon, kaya binigay ko na lang ang buong atensyon do'n at winaksi lahat ng laman ng isip ko. Mamaya na lang ako mag-iisip ulit kapag naka-uwi na ako nang bahay.
Umidlip lang ako sa fifteen minutes break ng hapon at hinintay ang susunod na guro. Binigay ko na lang ulit ang atensyon sa pag-aaral. Hindi na lang ako nagdamdam dahil wala na namang lumitaw na Exxel sa harap ko kanina.
"Miss Anna?" Tawag sa'kin ni Miss Cudal.
"Ho?"
"Can you please bring this tools that I've borrowed at the storage room?" nakakarton 'yun, pero hindi naman siguro mabigat kaya inayos ko ang gamit para pagkabalik ko nang mga 'yun ay diretso uwi na ako.
"Thank you. Ingat sa pag-uwi." Nauna na siyang nakalabas ng classroom.
Niyakap ko naman ang karton at inayos ang pagkakalagay ng bag ko sa likod. Nasa labas ng building ang storage room, malapit sa mahabang lababo. Kaya mahaba-haba munang lakaran bago ko marating 'yun.
Bumagal ang lakad ko nang madadaanan ko na ang classroom nila Exxel. Sumilip ako sa loob pero wala nang tao.
Maaga silang pinauwi?
Nagmadali na akong naglakad pababa ng building. May trabaho pa ako sa tindahan at kailangan ko pang magbasa nang aralin mamaya.
Hindi nga mabigat ang kartong dala-dala ko pero alog naman nang alog ang nasa loob no'n. Kaya naiirita ako. Masyadong maingay sa tahimik na paglalakad ko. May mga estudyante pa namang nandito. Mga naka-upo sa bench at nagbabasa. May mga naghihintay ng mga sundo nila.
Narating ko ang storage room. Maliit na kwarto lang 'yun at halos hindi nadadaanan ng estudyante dahil nasa pinakadulo na ng school. Malapit na ito sa pader. Kaya kitang kita ko ang kabilang lupa at ang nagtataasang talahiban. Humangin nang pagkalakas-lakas kaya nagising ang diwa ko at marahang binuksan ang pinto.
Napangiwi ako sa amoy nang loob no'n. Maalikabok at mainit sa loob. Maraming gamit ang makikita dito. Simula sa malaking drum ng basurahan at mga upuang sira-sira na.
Nakakita ako nang isang maliit na mesa sa pinakagilid kaya do'n ako pumunta para ilagay ang kartong dala ko. Nang masiguro kong okay na at makikita ito agad kung hahanapin, naglakad na ako papunta sa may pinto.
"Hoy!" ang bilis ng naging pagtakbo ko nang malakas na sumara ang pinto. Nang marating ko, grabeng kaba ko nang hindi ko na ito mabuksan. Kinakalampag ko na ang pinto at baka may makarinig sa'kin na mga tao sa labas. Ang alam kong pinakamalapit na estudyante ay ang naghuhugas sa pahabang lababo kanina at kung mamalasin baka umalis na 'yun ngayon.
"Tulong! Tulong! May tao dito!"
Hindi pa din ako nawalan nang pag-asang kalampagin ang pinto at ilang ulit na nagsusumigaw. Nilakasan ko pa para mas lalong marinig ng mga tao sa labas. Pero ilang minuto ko nang ginagawa ang pagkalampag at pagsigaw ay wala pa din nagagawi sa bandang 'to ng eskwelahan.
Dumausdos na ang katawan ko pababa sa sahig. Hindi ko na alintana ang dumi no'n. Pagod na ako at nararamdaman ko na ang takot sa katawan ko. Nanginginig na ang buong kalamnan ko.
Dapat nakinig ako kay Exxel na icharge ang phone ko at laging bitbitin kahit saan ako magpunta. Pinagsisisihan ko na ngayon 'yun.
"Ang ganda mong bata ineng."
Kinilabutan akong nagtaas ng paningin sa lalaking nasa harap ko. Sumama ang tingin ko sa kaniya at tumayo. Kahit malaki ang katawan niya sa'kin. Kahit lalaki siya at mas malakas siya sa'kin, hindi ako pagugupo nang takot na nararamdaman ko.
"Relax ka lang. Maglalaro lang naman tayo eh. Hindi kita maayang maglaro dahil lagi mong kasama ang lalaking 'yun," tumalas ang mga mata niyang nilingon ang maliit na bintana. Nakasara 'yun kaya siguro kahit nagsisigaw ako kanina ay hindi nila ako naririnig.
"Anong kailangan mo?" namangha ako dahil hindi ako nautal kahit pa sobrang takot na ang nararamdaman ko.
"Gusto ko ngang makipaglaro sa'yo," nakangisi na siya nang sagutin ako. May tama pa yata 'to sa ulo.
"Anong laro ang gusto mo?"
"Hmmm ..." umakto siyang parang nag-iisip. Hinayaan ko siya na sabihin kung anong gusto niya.
"Tagu-taguan? Masaya 'yun 'diba?" maaliwalas na ang mukha niya. Nakangiti siya at kitang kita ko ang bungal-bungal niyang ngipin.
"Sige. Ikaw taya," malumanay na saad ko. Kailangan ko siyang sakyan sa anomang sasabihin niya para makalabas ako dito.
"Sige! Sige!" Pumapalakpak pa siya habang tumatalon-talon. Gusto ko siyang ngiwian pero hindi p'wede. Maganda ang mood niya kaya kailangan kong sabayan.
"Wala naman akong matataguan dito. Masyadong masikip. P'wedeng sa labas na lang tayo?"
Marahas ang paglingon na ginawa niya papunta sa direksyon ko. Tumalas ulit ang tingin niyang nakatitig sa'kin. Mukha siyang torong susugod sa kalaban. Pero nakahinga ako nang maluwag ng matamis siyang ngumiti sa'kin.
"Sige," kahit na nagulat sa sinabi niya. Bahagya akong tumabi sa may pinto para buksan niya.
Nangiginig pa ang kamay ko sa pagkasabik na mabuksan niya ang pinto. Nang marinig ko ang click no'n agad ko siyang tinulak at nagtatakbo palabas ng storage room.
Nang alam kong malayo-layo na ako sa kaniya, do'n ko lang siya nilingon. Malungkot ang bakas ng mukha niyang nakatingin lang sa'kin. May sakit siya. May sakit siya sa utak.
Nilibot ko ang paningin at wala nang mga estudyanteng kanina lang ay nakatambay sa 'di kalayuan ng silid na 'yun. Hinihingal pa akong nakahawak sa mga tuhod at mariing nakapikit.
Thank you Lord! Thank you!
"Anna? Hindi ka pa nakakauwi?"
Inayos ko muna ang sarili bago siya hinarap. Nanginginig pa ang buong katawan ko sa nangyari. Gusto ko munang umupo at ikalma ang sarili ko, pero sa lagay na 'to hindi ko ipapakitang mahina ako.
"P-pauwi na Sir," hindi ko na napigilan ang sarili kong gumewang sa kinatatayuan ko. Kung hindi ako naalalayan agad ng lalaki baka natumba na ako.
"Carefull. Teka ano bang nangyayari?" Inalalayan niya akong maglakad. Tinatahak na namin ang gate palabas ng eskwelahan. Pinatatag ko ang mga tuhod para hindi ko masyadong maibigay ang bigat ko sa kaniya. Hindi ako kumportable sa pagkakadikit naming dalawa pero hinayaan ko na. Hanggang parking lang naman 'to.
"Anna!" nakita ko ang nagmamadaling paglapit sa'kin ni Alisson. Marahas niyang kinuha ang braso ko kay Sir Mendoza at siya na ang umalalay sa'kin.
"Mukhang hinihintay ka nang kapatid mo Anna. Mauna na ako. Ingat sa pag-uwi." Tinalikuran na niya kami pagkatapos akong tanguan.
"Pagkatapos niyang sabihin 'yung mga 'yun sa'kin kanina lalapit-lapit siya sa'yo! Siraulo ba siya?" gigil na gigil talaga si Alisson. Tinanggal ko na ang kamay ko sa balikat niya dahil nawala na ang panginginig ng tuhod ko.
"At ikaw! Ano namang nangyari sa'yo! Kanina pa kami dito naghihintay! Tapos kasama mo lang pala ang lalaking 'yun! Sinaktan ka ba no'n?!"
"Kayo?" ang dami-dami niyang sinabi pero 'yun lang ang naintindihan ko. Tiningnan ko ang parking kung saan nakatayo sa kani-kanilang sasakyan sila Exxel at ang mga kaibigan. Hindi maipinta ang bakas ng mukha niya.
"Hays! Ano ngang nagyari sa'yo?" hindi ko na siya muling tiningnan dahil na kay Exxel na ang mga paningin ko. Kanina ko pa siya gustong makita. Kanina ko pa siya gustong makasama, pero lagi siyang wala.
"Anna ihahatid na kita," hindi ko ulit pinansin si Alisson. Naglakad ako papunta kay Exxel at huminto sa harapan niya.
"Uuwi na kami. Sinamahan lang namin si Alisson na hintayin ka," hindi man lang niya ako hinintay na magsalita. Agad siyang pumasok sa loob ng sasakyan at pinagsarhan pa ako ng pinto.
"Ingat sa pag-uwi Anna!" rinig ko pang paalam sa'kin ni Anthony.
Nasundan ko lang nang paningin ang papalayong sasakyan ni Exxel. Bahagya ulit kumirot ang dibdib ko sa inakto niya ngayon. Hindi ko na alam kung ako lang ba o talagang ayaw na niya akong makasama. Hinihintay ko pa namang alokin niya akong ihatid pauwi.
"Anna tara na."
Nang hindi ko na makita ang sasakyan niya, nag-unahang malaglag ang mga luha ko. Buti na lang nakatalikod ako kay Alisson. Ayokong makita niyang umiiyak ako dahil sa mga gano'ng bagay. Inayos ko muna ang sarili bago naglakad papunta sa sasakyan niya. Hindi ko na din naisip na may dala akong bisekleta. Isa lang ang nasa puso't isip ko ngayon.
Nasasaktan na ako sobra.

Komento sa Aklat (40)

  • avatar
    MalinaoMary rose

    subrang ganda kaya inaabot ako ng madaling araw mg basa

    18/08/2022

      0
  • avatar
    Jennylyn Lobina

    chapter one palang kapana panabik na sobrang exciting

    21/05/2022

      0
  • avatar
    Keneth Portugal

    . jfjxchbocyz

    10/07/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata