Chapter 66

EXXEL ( pov )
Kanina pa ako nakapangalumbaba dito habang pinapanuod kong palakad-lakad si Anthony. Nasa telepono niya si Vin. Natutulog na nakaupo si Alisson at katabi niya si Anna na tulala.
Ilang oras na ang nakalipas simula nang itakbo namin dito sa Doctors Private Hospital si France, pero hanggang ngayon wala pa ding lumalabas na doktor mula sa emergency room.
"Didiretso kami diyan kapag okay na si France Boss. Oo sige," huling narinig kong sinabi ni Vin sa kausap. Wala akong ideya kung sinong Boss ang sinasabi niya. Wala na din akong pakialam dahil nararamdaman ko na ang gutom at pagod sa mga nangyari kanina.
"Bakit ang tagal naman nang doktor?" Kagat-kagat ni Anthony ang hinlalaki habang ang isang kamay ay nakapamewang at palakad-lakad pa din. Nahihilo na nga ako sa ginagawa niya.
"Kumalma ka Pangilinan p'wede? Ako ang nahihilo sa'yo diyan e," maktol ko na sa kaniya, dahil nahihilo naman talaga ako sa paroon at parito niya.
"O-okay ka lang? Anong nararamdaman mo?" Lumapit siya sa'kin at sinuri ang kabuoan ko. Nagtataka naman akong tinuwid ang upo at hinarap siya.
"Nagugutom na ako kanina pa. Nahihilo ako sa palakad-lakad mo at pagod na ako." Sinandal ko ang katawan sa malamig na pader. Hindi ko alam kung bakit nawalan ako nang lakas. Gusto kong ipikit ang mga mata at magpahinga.
"Ako nang bahala sa kaniya Anthony. Kumalma ka muna." Lumapit si Anna at tumabi sa'kin. Blangko ang mukha niyang tinitigan ako.
"Ibibili lang kita nang makakain. Anong gusto mo?" saad niya. Hindi ko alam kung ako lang ba o talagang malumanay ang pagkakabigkas ng bawat salitang sinabi niya sa'kin.
Parang may humaplos sa puso ko, na halos gusto kong ipikit ang mga mata dahil sa ginhawang naramdaman ko. Nawala ang gutom na kanina lang ay gusto kong maduwal sa sakit ng sikmura ko. Nawala ang pagod ko at ang panghihinang binabalot ang katawan ko.
Malalim akong huminga bago hinawakan nang dalawang kamay ko ang magkabila niyang balikat at inayos siya sa pagkaka-upo. Inayos ko din ang sarili ko at sinandal ang ulo sa balikat niya.
"Kagaling," mahina niyang pahayag. Napangiti na lang ako at pinikit ang mga mata.
"Salamat," maya-maya ay sabi ko. Kung wala siya kanina hindi namin maitatakbo nang maayos si France sa ospital dahil sa pagkakataranta naming magkakaibigan.
"Para saan?" hindi siya gumagalaw. Hinayaan na niya akong nakasandal sa kaniya.
"Sa pagtulong. Sa pagiging alerto mo kanina. Kung hindi dahil sa'yo baka hanggang ngayon natataranta pa din kaming lahat sa nangyari."
Namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Mga taong naglalakad na lang sa paligid. Mga tunog nang sasakyan at ang pag-page sa monitor nang kung sino ang ingay na pumupuno sa ospital.
Bumuntong hininga siya nang ilang beses bago inayos ang pagkakaupo. Inayus din niya ang ulo ko, pero ngayon hinahaplos-haplos na niya ang buhok ko.
"Naisip ko na hindi dapat pinapabayaan ang mga kaibigan."
Natigilan ako. Alam kong wala siyang pakialam sa nangyayari sa paligid niya kaya namamangha ako sa sinabi niya ngayon.
"Kahit hindi ko gustong may taong makapasok sa buhay ko, nagawa niyong palambutin ang puso ko kahit sa ikli ng panahong nagkakasama tayo."
Mas lalo akong napangiti. Hindi ko inaasahang ganito ang nasa isip niya. Hindi ko akalaing magkakaroon kami nang parte sa buhay niya. Oo, sinabi niyang gusto niya ako pero hindi niya sinabing pati mga kaibigan ko. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin niya sa 'gusto niya ako' pero sapat na sa'kin 'yun basta alam niyang mahal ko siya. Gagawin ko na lang ang lahat hanggang sa pareho na kami nang nararamdaman.
Napatayo kaming dalawa nang may lumabas na doktor sa emergency room. Tinanggal muna niya ang surgical mask at gloves bago kami hinarap.
"Sinong relatives nang pasyente? Kailangan kong makausap as soon as posible?" Tiningnan kami isa-isa nang lalaking doktor. Hindi siya ang umasikaso kay Anna no'ng ang babae ang sinugod namin dito. Matikas ang pangangatawan at magandang lalaki pero mas gwapo ako sa kaniya.
"Mga kaibigan niya kami doc. May nangyari po ba sa kaniyang hindi maganda?" tanong ni Vin. Nagpipindot na siya sa telepono niya habang pasulyap-sulyap sa doktor.
"Relatives na lang siguro nang pasyente ang kakausapin ko," nakangiting turan niya sa'min.
"Tatawagan ko na ho doc." Umalis sa p'westo niya si Vin habang nag-excuse na din ang doktor at iniwan kami.
Anong nangyari kay France?
Nangangamba na ako. Kinakabahan na ako. Natatakot ako. Halo-halo na ang nararamdaman ko. Kahit na nakangiti kaming kinausap nang doktor hindi maialis sa dibdib ko ang pag-alala.
"Bakit hindi na lang niya sa'tin sabihin kung anong mayro'n kay France? Tsk! Nandito na nga tayo naghahanap pa nang ibang kakausapin!" Singhal ni Anthony. Alam ko namang nag-aalala siya pero sana ikalma niya ang sarili.
"Baka may importante lang na sasabihin ang doktor sa pamilya ni France, Anthony," sabi ni Alisson na humikab pa at bumalik sa pagkaka-upo. Buti hindi pa siya hinahanap ng lola niya?
"Hindi man lang sinabi kung ligtas na si France," masama pa din ang mukha ni Anthony habang paulit-ulit na namang nagpalakad-lakad sa gitna ng hallway.
"Magiging okay din siya Anthony. Malakas si France. Lalaban siya," hindi ko alam kung sa kaniya ko pa ba sinasabi 'yun o kinukumbinsi ko na lang ang sarili kong magiging okay din ang kaibigan.
"Hindi mo maiintindihan ang nararamdaman ko Exxel, dahil hindi mo naman nakasama nang matagal si France. Hindi mo matagal na naging kaibigan," malamig na sambit niya. Pati ang mga mata niyang nag-aalala ay parang nagyeyelong nakatingin sa'kin.
"Ano bang pinagsasabi mo diyan Anthony?" Nasaktan ako. Nasaktan ako sa mga sinabi niya sa'kin. Pero kailangan kong ipakita sa kaniyang, naiintindihan ko ang nararamdaman niya.
"Kalmado ka dahil wala pa sa kalingkingan ang pinagsamahan niyong dalawa. Kalmado ka kasi alam mong kahit na may mangyari sa kaniya, may matitira ka pang tunay na kaibigan. Kalmado ka kasi hindi kayo gano'n kalapit sa isa't isa. Kaya huwag kang umaktong nagtitibay-tibayan ng loob dahil hindi mo alam kung anong nararamdaman ko."
Nangunot ang noo kong nakatitig lang sa kaniya. Ano bang pinagsasabi niya? May nagawa ba akong ikakasama ng loob niya?
"Anthony tama na." Hinawakan ni Alisson ang braso ni Anthony pero iwinaksi niya 'yun na halos mabalibag sa pader ang likod ng lalaki. Nanlalaki naman ang mata ko sa kinikilos ni Anthony ngayon.
"Ano bang nangyayari sa'yo? Alam kong nag-aalala ka, pero huwag mong kwestiyunin ang nararamdaman ko sa nangyari kay France dahil wala ka din namang alam," uminit na ang ulo ko sa kaniya. Bakit kailangan manakit siya nang iba?
Sarkastiko siyang tumawa. Nakapamewang na nasa baba lang ang paningin niya.
"Kasalanan mo."
Huminto nang ilang segundo ang paghinga ko. Lumakas ang tibok nang puso ko sa sinambit niya. Ano bang ginawa ko at nasasabi niya ang ganito sa'kin ngayon?
"A-anong sinasabi mo?" Nakakuyom na ang mga palad ko sa pinipigilang sigawan siya. Iniisip ko lang ang sitwasyon ngayon kaya todo ang pagpipigil kong sabayan ang init nang ulo niya.
"Kung hindi mo siya inutusang kunin ang mga gamit sa kotse mo, wala sana siya sa ospital ngayon."
Parang sinaksak niya ako nang paulit-ulit dahil sa mga katagang binigkas niya. Anong ibig niyang sabihin? Hindi ko siya maintindihan.
"Wala namang may gusto sa nangyari bro," singit ni Alisson. Nagdadalawang isip siya kung hahawakan ulit si Anthony dahil sa galit na makikita sa mukha nang huli.
Ako ba ang sinisisi niya sa nangyari? Kapag ako ba ang nando'n sa sasakyan at ako ang nakaratay ngayon sa ospital hindi ba siya magagalit nang ganito? Dahil hindi naman niya talaga ako tinuring na kaibigan? Dahil sampid lang ako sa grupo nila?
"Kung sana hindi mo siya pinayagan. Kung sana sinuri mo ang sasakyan bago mo ginamit. Kung sana hindi siya ang kumuha nang mga ibang natirang pinamili mo sa kotse ..."
"Kung sana ako ang nando'n sa pangyayari. Kung sana ako ang nag-aagaw buhay? Gano'n ba Anthony? Gano'n ba ang gusto mo?" Patuloy ko sa 'sana' niya.
Nalulungkot ako. Nasasaktan ako, na halos gusto kong umalis sa harap niya maibsan lang ang sakit na tinarak niya sa'kin. Oo, wala akong karapatang magalit dahil marahil kasalanan ko nga ang lahat nang 'to. Wala akong karapatang manisi dahil ako naman talaga ang dapat na nando'n at hindi si France. Siguro nga. Siguro nga kasalanan ko.
"Exxel ..." naramdaman ko ang hawak ni Anna sa kamay ko. Alam kong pinapakalma niya ako pero hindi ko siya mapagbibigyan ngayon.
"Pasensiya na dahil kasalanan ko. Aalis na ako para gumaan ang pakiramdam mo," agad akong naglakad palayo sa harap nang emergency room. Nasasaktan ako. Hindi ko alam kung anong dapat na maramdaman ko dahil sinisisi ako ng isang matalik na kaibigan. Siya pa naman ang tinuring kong 'kuya' sa grupo dahil malawak ang pag-iisip niya. Hindi ko alam na sa ganitong pangyayari lang mawawala ang respeto ko sa kaniya.
"Exxel saan ka pupunta?" narinig ko pang tanong ni Vin nang makasalubong ko siya. Wala na akong ganang harapin siya. Bumalik ang pagod na nararamdaman ko kanina. Mas lalo akong nanghina dahil sa sakit na pinaramdam ng isang matalik na kaibigan.
"Exxel," hindi ako huminto nang marinig ang boses ni Anna. Parang ayoko munang marinig ang kahit na anong sasabihin niya sa'kin ngayon. Parang ayoko munang makipag-usap sa kahit na kanino. Wala sa sariling naglakad ako palabas nang ospital. Wala sa sariling tinahak ang daang pauwi.
Hindi ko na alintana ang init nang araw. Hindi ko na alintana ang maiingay na sasakyan. Hindi ko na alintana ang mga usok na nalalanghap ko sa daan. Nararamdaman ko lang ang sakit na pinaramdam nila sa'kin. Ang sakit na hindi ko alam kung makakalimutan ko pa, pero sana 'yun ang unang mawala sa mga alaala ko dahil hindi ko alam kung makakaya kong dalhin 'yun hanggang sa huling hininga ko.
"Exxel!" narinig ko ulit ang pagtawag sa'kin na 'yun ni Anna. Nahagip nang mga mata ko ang isang matarik na daan. May sariling isip yata ang mga paa kong tinahak 'yun. Pumasok ako sa looban ng dalawang saging na magkahawak ang mga sanga.
"Exxel saan ka pupunta?" wala sa sariling tumingin ako kay Anna. Nag-aalalang mukha niya ang bumungad sa'kin.
Ngumiti ako at hinimas ang buhok niya. Eto ang isang nagpalingon sa'kin no'ng una ko siyang masilayan. Ang makintab at itim na itim niyang buhok.
"Magpapahangin lang. Bumalik ka na do'n dahil baka hanapin ka ni Alisson," nakatitig lang siya sa'kin. Hindi ko mabasa ang laman ng isip niya pero ang alam ko lang ayaw niya akong iwan.
"Sasamahan kita."
Hinawakan niya ang palapulsuhan ko at sabay naming tinahak ang daan papasok sa matirik na daan. Napapalibutan nang mga puno at matataas na damo ang nasa paligid pero may bakas na dinadaanan talaga ito nang tao.
"May lugar palang ganito dito." Nilibot ko ang paningin sa kabuuan nang liblib na lugar na 'to. Matarik ang daan dahil paliko-liko at may mga nakausli ding mga bato sa dadaanan.
"Hmm,"
"Gusto kong malaman kung anong nasa dulo nito. Maganda siguro do'n," nagpaskil ako nang maliit na ngiti sa labi. Pero parang kulang pa din para umabot sa mga mata ko ang pagkasabik, na malaman ang makikita ko sa dulo nitong dinadaanan namin.
Ilang minuto na kaming naglalakad, nang paakyat nang paakyat ang dinadaanan namin. Buti na lang hindi masyadong direkta ang sikat nang araw sa'min dahil sumisilip lang ang mga 'yun sa siwang nang mga malalaking puno.
"Okay ka pa?"
"Hmm. Gusto ko ang sariwang hangin dito. Naaamoy ko ang amoy nang dahon. Medyo gumagaan ang pakiramdam ko," totoo naman 'yun. Naaamoy ko din ang lupa. Wala nang maiingay na sasakyan at mga maiingay na tao ang naririnig ko. Mga huni na nang ibon at ang pag-ugong nang dumadaang eroplano.
"Mabuti naman kung gano'n" natawa ako dahil napansin ko kung paano tumataas baba ang balikat niya dahil sa malalalim na hininga. Bahagya na ding nakabukas ang labi niya na kumukuha na nang bwelo para makahinga.
Tumigil ako at tinanggal ang pagkakawak niya sa palapulsuhan ko.
"Bakit?" halatang hingal na hingal na siya. Para kasing bundok na ang nilalakaran namin.
Bahagya akong yumuko patalikod sa kaniya habang tinapik-tapik ang likod ko.
"Sakay ka na sa'kin."
"H-hindi na Exxel. Kaya ko pa naman."
"Tsk! Tsk! Sasakay ka o sasakay ka," hindi masyadong nakakatakot ang pagbabanta ko pero nagbabakasakaling pumayag siya sa alok ko. Naghintay pa ako nang ilang segundo pero hindi niya sinunud ang sinabi ko.
"Anna nangangawit na ako. Sakay na!" naiinis na turan ko sa kaniya.
"Baka mabigatan ka."
"Alam kong magaan ka. Sa liit mong 'yan baka nga mabuhat ka pa nang isang braso ko lang," pagmamayabang ko.
Napaigik ako sa hampas niya sa likod ko. Natatawa naman akong nilingon siya na hindi umaalis sa p'westo ko.
"Ano na? Tara na!"
Nakita ko pa kung paano siya nainis sa'kin. Pero di kalauna'y isinabit na niya ang dalawang braso sa leeg ko at tumalon sa likod ko.
Nang maituwid ang katawan, kinuha ko ang dalawang binti niya. Buti na lang gano'n pa din ang get-up niya. Nakaleggings at tee shirt. Baka mailang pa siya kapag nakashort siyang sasakay sa'kin ngayon.
"Relax ka lang. Masyado kang tensyunado diyan," natatawang sambit ko. Mukha kasi siyang naistatwa sa likod ko dahil bumibigat siya.
Maya-maya lang ay gumaan siya. Marahil nasanay na sa paglalapat ng katawan naming dalawa.
"Bakit ba gusto mong pumunta dito? Hindi mo naman alam kung anong makikita natin sa dulo," nawawala na ang sikat nang araw na kanina lang ay nagpapasakit sa aming balat. Nawawala na ang nagkikislapan na tumatama sa dahon nang mga puno. Medyo kumulimlim ang paligid at nawawala na ang himig nang mga ibon.
"Hindi ko din alam," lumambong ang nararamdaman ko. Naalala ko na naman ang sinabi sa'kin ni Anthony kanina.
"Mukhang malapit na tayo," nakikiliti man sa hininga niya sa leeg ko, nanatili akong nakakapit sa mga binti niya. Baka kasi mabitawan ko siya bigla.
Nakikita ko na ang dulo nang daan. Wala na kasing mga paliko-liko at diretso na ang tinatahak namin. Nakikita ko na ang asul na kalangitan. Parang abot na abot ko lang siya dahil sa sobrang linaw no'n sa mata. Napapangiti ako habang sumigla ang nararamdaman ko.
Buhat-buhat ko pa din si Anna habang nasa dulo na kami nang matarik na lugar. Pababa na ulit ang daan no'n pero para siyang bangin na maraming kabahayan sa baba. Kagaya siya no'ng pinuntahan namin noon. Nang umalis kami sa birthday party ni tita Wanna. Si France ang nagdala sa'min doon.
Lumungkot ulit ako pagkaalala ko kay France. Sana maayos na siya ngayon.
"Ang ganda dito," wala sa sariling nasambit ko. Ang sarap nang hanging humahampas sa'kin. Rinig na rinig ko ang paghapyas no'n sa tenga ko.
"Baba mo na ako," nang maibaba ko siya ay inayos niya ang sarili at tumabi sa'kin. Nakatingin din siya sa malawak na lugar sa baba at maaliwalas ang mukha niya.
"Wala kang kasalanan sa mga nangyayari Exxel. Biktima ka lang din. Kung mayro'n mang dapat sisihin dito ay ang mga taong may galit sa puso, pero tandaan mong wala kang ginagawang masama." Tumingin siya sa'kin. Matamis siyang ngumiti. Ang ganda niya, na kahit nagugulo nang hangin ang nakalugay niyang buhok kitang kita ang ganda nang mukha niya.
"Ikaw ang taong nakitaan ko nang pagmamahal. Hindi lang sa sarili kundi sa mga taong nakapaligid sa'yo. Na kahit nasasaktan ka na, pinipili mo pa din ang ikakasaya nang iba. Kaya huwag kang magdamdam sa sinabi ni Anthony kanina. Siguro nasabi lang niya 'yun dahil sa sobrang pag-aalala niya," nakatitig lang ako sa labi niyang nagsasalita ng mga katagang magpapagaan ng bigat na nararamdaman ko.
Gusto kong namnamin ang mga 'yun ngayon. Gusto kong maramdaman ang lambot no'n. Pumasok sa isip ko ang paglapat ng mga labi namin noong lumabas ang iba niyang pagkatao at muntik nang makapatay ng tao, pero pinigilan ko ang sarili. Hinila ko na lang siya palapit sa'kin at mahigpit na niyakap.
Hindi siya pumalag. Hindi siya nagreklamo. Kinapit din niya ang mga braso palibot sa katawan ko at ninamnam ng mga mata namin ang ganda ng lugar na 'to.

Komento sa Aklat (40)

  • avatar
    MalinaoMary rose

    subrang ganda kaya inaabot ako ng madaling araw mg basa

    18/08/2022

      0
  • avatar
    Jennylyn Lobina

    chapter one palang kapana panabik na sobrang exciting

    21/05/2022

      0
  • avatar
    Keneth Portugal

    . jfjxchbocyz

    10/07/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata