Chapter 27

ANNA ( pov )
Tahimik ang naging Biyernes ko. Tumakbo pa rin kami ng limang ikot sa field. Madaldal pa rin si France. May ilangan pa rin kaming dalawa ni Winner. Hindi ko napagkikita sila Vin at Anthony nang mga araw na hindi namin kasama si Exxel.
Exxel. Exxel. Exxel.
Hindi ko maintindihan kung bakit nasa bahay pa rin siya at hindi pa umuuwi. Sabi niya hihintayin lang niyang sunduin siya ng mga kapatid pero walang dumating sa bahay. Hanggang sumapit na ang kinabukasan.
Palabas na ako nang gate dahil uwian na naman. Nakayuko akong naglalakad at wala akong pakialam sa paligid ko. Napansin ko ring hindi na ako pinagkakausap ni Sandra simula no'ng sinungitan ko siya.
"Anna!" Kinawayan ako ni France. Nakatayo siya sa gilid ng sasakyan niya. Kasama niya ngayon 'yung dalawang tukmol. Hindi sila nakatingin sa'kin pero alam naman siguro nila ang presensiya ko.
"Bakit?"
"Alam mo ba kung nasaan si Exxel? Tinatawagan namin out of coverage. Tinanong na namin kay kuya Eisteine at kuya Eliazar ang sabi lumayo at nagbakasyon muna. Pinuntahan na nga namin sa bahay nila pero inulit lang nila kuya ang sinagot nila sa'kin sa telepono," nakakunot ang noo niyang nagsumbong sa'kin.
Parang may magagawa naman ako sa nangyayari sa kaibigan niyo?
Umingos ako at iniwas ang tingin sa kanila. Hindi ko alam kung anong isasagot ko dahil alam ko naman talaga kung nasaan ang lalaki. Pero ayokong makialam sa mga desisyong ginagawa ni Exxel. May rason siguro siya kaya hindi niya pinaalam sa mga kaibigan kung saan siya pumunta.
"Hindi."
Bumuntong hininga si France. Nakokonsensiya naman ako dahil alam kong nag-aalala lang sila sa kaibigan. Pero wala akong karapatang magsalita.
"Uuwi ka na ba Anna?" nagulat ako dahil kinausap ako ngayon ni Anthony. Sanay akong parang hangin lang sa kaniya. Pero hindi ko pinahalata at tinitigan na lang siya.
"Oo."
"Sige. Mag-ingat ka," naglakad na siya papunta sa sasakyan niya.
"Mauuna na ako." Tinanguan ko lang sila. Kinuha ang bisekleta at pumadyak. Kailangan kong magmadali dahil wala si Kevin ngayon. Umuwi sa kanila dahil may sakit ang ina niya. Si Neil lang ang nasa tindahan. Hindi niya maaasahan si Luna'ng tumulong sa kaniya dahil laging nakakulong sa kwarto kapag wala siyang klase.
Pumapasok na ako sa bahay nang may marinig akong nagsasagutan sa kusina. Hindi gaanong malinaw sa pandinig ko. Maglalakad na ako papuntang kwarto nang matigilan.
"Layuan mo si Anna dahil hindi ka makakabuti sa kaniya," boses 'yun ni Luna. Nakakapanibago dahil malamig at may diin ang tono ng boses niya. Hindi katulad ng pinapakita niya sa'ming, mahinhing Luna, mahiyaing Luna at walang pakialam na Luna.
"Anong gagawin niyo kay Anna? Bakit mo siya binabantayan?" boses naman 'yun ni Exxel.
Anak nang! Andito pa siya hanggang ngayon?
Nakinig pa ako dahil nakuha nang pag-uusap nila ang interes ko. Dahan-dahan akong umupo sa may hapagkainan, habang tutuk na tutuk ang atensyon ko sa kanilang dalawa.
"Hindi mo talaga siya kilala 'no? Kaya kung makadikit ka sa kaniya eh wala kang takot kahit konti," narinig ko ang pagtunog ng dila niya na para bang ngumisi siya sa kausap.
"Hindi ko siya kailangang kilalanin ng lubos dahil kung paano ko siya nakilala 'yun yung tumatak na sa memorya ko. Kung sakaling," hindi naituloy ni Exxel ang sinasabi.
Kung sakaling ano?
"Nevermind. Remember this lady. Saktan mo na ang lahat huwag lang si Anna Garcia dahil itataya ko ang buhay ko para hindi lang siya masaktan ulit."
Bumagsak ang balikat ko sa sinabi niya. Kakasabi ko lang kay Vin na itataya ko ang buhay ko huwag lang mapahamak ang lalaking 'to tapos gano'n din ang sinabi niya kay Luna?
Sino ka ba talaga Luna?
"Well noted Alcantara. Pero kapag napatay ko siya oopps! Hindi ko sinasadya," hindi ko na kilala kung sino ang babaeng nagsasalita ngayon. Mukha siyang kalalabas lang ng mental at siya ang hinahanap ng mga doktor dahil nakatakas.
Narinig ko ang mga yapak na may palabas sa maliit na kusina. Walang ingay akong pumasok sa loob ng kwarto. Nang marinig ko ang pagbukas at pagsara ng pinto, nakahinga ako ng maluwag.
Hindi muna kita kokomprontahin ngayon Luna pero hintayin mong ako ang unang papatay sa'yo!
Masama ang tingin ko sa pader sa pagitan ng mga kwarto namin. Marahas akong napalingon sa may pinto nang makita sa gilid ng mga mata ko si Exxel na nakatayo at nagtatakang nakatingin sa'kin.
Nilibot ko ang paningin sa katawan niya, wala naman siyang tama kaya tumayo ako't pumasok sa banyo. Pagkatapos kong maligo at magbihis. Naabutan kong nakaupo sa kama si Exxel habang hinihintay talaga akong makalabas at matapos.
"Anna,"
Nakatitig lang ako sa kaniya. Ayoko munang magtanong dahil hindi ko alam ang nangyari. Pero naggigigil ang kalamnan ko dahil sa pagbabanta ni Luna sa buhay ko.
"Tinanung ka ba nila tungkol sa'kin? Alam kong nagtataka na sila ngayon dahil hindi ko dinala papunta dito ang cellphone ko. Sinabihan ko rin sila kuya na huwag sabihin kung nasaan ako."
"Bakit nga ba?" Humalukipkip ako sa harap niya. Nanatili lang akong nakatayo at hinihintay ang sasabihin niya.
"Dahil alam kong may sekreto rin silang tinatago sa'kin. Hindi ako galit pero kaibigan nila ako dapat alam ko kung anong ginagawa at gagawin nila. Kaya ko naman silang tulungan kapag nasa trouble sila e. Anong akala nila sa'kin weak?!"
Ahh nagtatampo, kaya pala.
"Anong gusto mong gawin?"
Umiling siya. Nakita ko pa kung paano siya ilang beses na napalunok bago tumitig ulit sa'kin.
"Papasok naman na ako sa Lunes kaya kung okay lang na dito muna ako hanggang weekends. Promise be-behave ako dito." Tinaas niya ang kanang kamay at umakto ngang nangangako.
"Paano 'yan? Isasama kita sa tindahan?"
Nanlaki ang mata niya. Ngayong alam kong hindi mapagkakatiwalaan ang babaeng 'yun, hindi ko maatim na iwan si Exxel dito kasama si Luna. Si Neil ay ayos lang dahil alam kong kaya niya ang sarili niya, pero si Exxel? Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Hindi ko nga alam kung marunong siyang sumapak.
"Okay lang naman,"
"Sasama ka sa ayaw at sa gusto mo."
Tumalikod na ako at naghanap sa kusina nang p'wedeng kainin. 'Yung hindi na lulutuin. Sinubo ko na lang ang isang tinapay habang nagtitimpla ng kape. Hindi ko alam magluto kahit na maraming lulutuin sa ref.
"Umupo ka do'n. Ipagluluto kita."
Tumaas ang kilay ko. Hindi ko akalaing marunong pala siyang magluto.
"Huwag na. Aalis na rin tayo maya-maya."
Gumagalaw na siya sa kusina. Nagkakabundulan pa kami dahil sa liit ng espasyo sa kusina. Bakit kasi ang laki ng bahay ng baklang 'yon e magpapagawa ng kusina isang tao lang ang kasya?
"Madali lang 'to. May kanin naman na. Magpriprito lang naman ako. Huwag ka nang matouch diyan."
"Tsk! Hindi ako nato-touch Alcantara."
"Ahh talaga? Sabi mo e."
Hindi ko alam kung tumigil ang paghinga ko o tumigil ang mundo ko. Nakatitig lang ako sa dibdib niyang malapit na malapit sa mukha ko dahil may inaabot siya sa cabinet na nasa tuktuk ng ulo ko. Halos naamoy ko na ang gamit niyang deodorant, ang panglalaking amoy niya at ang gamit na downy ng katulong nila. Halo-halo na nagpaubo sa'kin nang makalayo siya.
"Hoy Ann. Anong nangyayari sa'yo? Oh uminum ka."
Kinuha ko ang inabot niyang isang basong tubig. Nawalan yata ako ng lakas sa hindi ko maipaliwanag na dahilan.
"Bilisan mo diyan."
Nagmamadali akong lumabas ng kusina. Nakalimutan ko na ang nahulog na tinapay at ang umuusok ko pang kape. Umupo ako sa may hapagkainan at malalim na nag-isip.
Anong nangyayari sa'kin?
Hindi ko naramdaman ang ganito kay Vin noon. Oo, napapangiti ako kapag magkasama kami. Kapag hinahawakan niya ang kamay ko ay kinikilig ako, alam ko dahil hanggang sa pag-uwi ay hindi maalis ang matamis na ngiti ko. Kapag malapit kami sa isa't isa may paru-parong parang kumikiliti sa tiyan ko.
Pero hindi ko naramdaman noon ang pagbilis at paglakas ng tibok ng puso ko. Ang pagtigil ng mundo ko kapag sobrang lapit ng lalaki sa'kin. Ang pagkaaliw kong titigan ang iba't ibang ekspresyon ng mukha niya, ni hindi ko nga nagawang maipakita kay Vin noon ang mga kahinaan ko.
Pero sa lalaking nasa harap ko ngayon at nakangiwi, na kahit kasing sama ng toro ang mukha niya. Lahat ng hindi ko naramdaman kay Vin noon ay sa kaniya ko nararamdaman ngayon.
Ano ba talagang nangyayari sa'kin?
"Hoy Anna ano? Tulala? Gwapong gwapo sa'kin kaya hindi mo na maalis ang paningin mo? Alam ko na 'yan kaya kumain ka na dahil nagmamadali ka 'diba?"
Inismiran ko siya dahil sa taas ng apog niya.
Wala talagang magandang sasabihin ang kumag na 'to.
"Anna." Napalingon agad ako sa kaniya dahil sa kaseryosohan ng boses niya. Hindi ako nagsalita pero pinaparating kong makikinig ako sa sasabihin niya.
"Kapag hindi mo ko kasama mag-iingat ka. Huwag kang masyadong magtiwala sa mga taong nasa paligid mo dahil hindi mo alam kung sasaktan ka nila ng patalikod o pinipeke ka lang."
Hindi ko inalis ang paningin sa kaniya. Alam ko kung saan nanggagaling ang sinasabi niya.
"Ikaw ang dapat mag-ingat dahil weak ka."
"Aba't! Ang yabang mo!" Inambaan niya ako ng kutsara.
Pangisi-ngisi lang ako sa kaniya para maiwaksi niya ang nasa isip. Kinakalimutan na dapat ang mga walang kwentang pag-uusap nila kanina. Alam kong nag-aalala lang siya. Gusto kong malaman kung anong ibig sabihin niya sa sinasasabi niya kay Luna na hindi natuloy pero tsaka na lang kapag sinipag na akong magsalita.
Pagkatapos naming kumain ay siya na rin ang naghugas ng pinggan. Nanunuod lang ako sa kaniya. Nilibot ko ulit ng mata ang kabuuan niya. Bilib talaga ako sa kaniya dahil nakapagpalit siya ng damit kahit wala siyang dalang gamit nang nagpunta siya dito.
"Saan ako sasakay?"
Naka p'westo na kasi ako sa bisekleta. Kunot na kunot ang noo niyang hindi niya alam kung anong gagawin niya.
"Maglakad ka," akmang ipapadyak ko na ang mga paa para umalis nang pigilan niya ang upuan ng bisekleta. Muntik pang mahawakan ang pang-upo ko.
Peste!
"Baba."
Natitigilan pa ako sa sinabi niya. Maya-maya'y siya na ang nagpababa sa'kin sa bisekleta. Nakita ko na lang kung paano siya pumuwesto do'n at pinagpagan ang bakal na maaring angkasan.
"Huwag mong sabihing,"
"Huwag kang maarte. Sumakay ka na kung hindi iiwan kita diyan."
"Sige. Kaya ko namang maglakad,"
Hindi ko na naituloy ang paglayo ko sa kaniya dahil marahas niya akong hinila at pinaupo sa bisekleta. Hindi ako kumportable pero hindi na ako nakakuntra pa. Dahil nararamdaman ko sa balikat ang matigas na dibdib niya.
"Kumalma ka p'wede? Bumibigat dahil para kang tuod."
Huminga naman ako nang malalim. Pinakalma ang sarili. Dahil kung hindi baka mabigwasan ko ang lalaking 'to.
Bakit ba pinapayagan ko siya sa lahat ng gusto niya?
"Gusto mo ba si Exxel?"
Bumuntong hininga ako sa tanong na 'yon sa'kin ni Vin.
Gusto ko nga ba siya?

Komento sa Aklat (40)

  • avatar
    MalinaoMary rose

    subrang ganda kaya inaabot ako ng madaling araw mg basa

    18/08/2022

      0
  • avatar
    Jennylyn Lobina

    chapter one palang kapana panabik na sobrang exciting

    21/05/2022

      0
  • avatar
    Keneth Portugal

    . jfjxchbocyz

    10/07/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata