Chapter 122

ANNA ( pov )
Nakasimangot ako nang makarating sa kinaroroonan ng mga kaibigan. Hindi ko pinansin ang mga tinging pinupukol nila sa'kin. Wala akong pakialam, nakasentro ang atensyon ko sa inis na nararamdamang hindi ko mailabas, kahit na sa taong dahilan nito.
"Anna okay ka lang ba?" Walang ganang nilingon ko si Vin na nasa tabi ko pala. Hindi ko namalayan na sa katabing upuan niya ako naupo.
"Hmm, saan ba tayo natapos kahapon?" Kinuha ko ang recykable plastic na ginawa kong bituin. Si Vin ang naglalagay ng glitters do'n para magkakulay.
"Gusto mo Ali?" Pinanuod ko kung paano abutan ng chips ni Anthony si Alisson na gumagawa ng christmas balls. Hindi naman sana kami magpapagod ng ganito kung hindi kami pinilit ni Neil. Magandang bonding daw ang ganito sa'ming magkakaibigan.
"Ang duga niyong dalawa! Parang ako ang bumili niyang kinakain niyo ah! Huwag niyo ko ubusan p'wede?" Marahas na kinuha ni France ang malaking plastik ng chips sa harapan ni Anthony. Tatawa-tawa naman ang dalawa sa inakto ng kaibigan, "Palitan niyo 'to," nakangusong inismiran ni France ang mga kaibigan.
"Kahit bilhan pa kita ng sampong ganiyan Delgado! Huwag kang pabida!" Tumayo si Ali. Umalis siya kung saan ang mesa namin. Pinanuod ko kung paano siya dumaan sa likod ni Vin na mukhang nanigas dahil dumantay ang kamay ng kapatid ko sa balikat niya, "Anong gusto niyong drinks? Papagawa ako kay kuya Neil." huminto sa likod ni Vin si Ali. Gusto kong matawa sa itsura ni Vin dahil hindi na siya nakakilos sa kinauupuan niya.
"Coke," taas kamay na sabi ni France.
"Beer please!" Hindi tumitinging sambit ni Anthony. Nagulat pa ang binata sa paghampas na ginawa sa kaniya ni Vin.
"Ang aga-aga Pangilinan ah! Gusto mong mapagalitan ni tita Elsa?"
"Kailangan ko ng pampagising ..."
"Pampagising mo ang beer? Huwag nga ako Anthony!"
Lahat kami napalingon kung saan nagmula ang matinis na boses na 'yun. Suot nga niya ang beige na tshirt pero naka-short na siya. Kita ang maputi niyang binti na may konting maninipis na balahibo.
"Diba coke din ang pampagising mo Pangilinan?" Wala sa sariling binagsak niya ang katawan paupo sa katabi kong upuan. Dinantay pa niya ang braso sa likod ng upuang sinasandalan ko.
"Hahaha! Akala ko ba may amnesia ka Alcantara?" Malikot ang mga matang saad ni France. Hindi ko na lang sila pinansin at binigay ang atensyon sa hawak ko.
"Oo nga 'no? Nakalimutan kong may amnesia pala ako."
Iiling iling akong tumayo at pumasok sa loob ng bahay. Bahala silang maglokohan diyan. Ang gusto ko lang naman makasama si Exxel habang bakasyon pa.
"Anna, anong gusto mo?" Naramdaman ko ang pag-akbay sa'kin ni Alisson. Kita kong medyo nangangalumata siya ngayon.
Dahil ba sa'kin?
"Tara, magtingin tayo kung anong p'wedeng kainin. Gutom na ako." nakaakbay siya sa'kin kaya nasasabay ako sa nagmamadali niyang paglalakad.
"Kuya Neil! Gutom na ako. Sila tita at tito nasaan?"
Naghahango ng kung ano si Neil sa hawak niyang kawali. At home na at home kami sa bahay nila Exxel dahil mainit naman ang pagtanggap sa'min ng pamilya niya. Kahit madalang lang naming makita si kuya Eisteine at Eliazar sa loob ng bahay.
"Marami dito. Ano bang gusto ng mga alaga ko? Sila Adda at Luna, sumama muna kay Eliazar sa library. Ewan ko nga kung anong ginagawa nila. Masyado silang abala sa buhay!"
Pansin ko ding laging magkasama si Adda at Luna. Kung hindi si kuya Eisteine ang naririnig kong kasama nila, si kuya Eliazar naman. Minsan pang narinig ko ang pangalan ni Assya nang magkwentuhan sila tungkol sa magkapatid na Alcantara.
"Hayaan mo na sila bakla." lumapit ako kay Neil at sinuri ang mga pagkaing hinahanda niya. Maaga pa pero parang pang noche buena na ang nakahain sa lamesa, "Bakit ang dami?"
"Hindi ko din alam kay madam eh! Siya nagluto ng lahat ng 'to. Umalis sila sandali kasama si Kevin dahil maggrogrocery daw. Kailangan ng kasamang magbitbit. Alam mo na hindi nila maaasahan ang kanilang makikisig na mga anak. 'Yung isa nakalimut, yung isa nakikibakbakan pa yata hanggang ngayon, at yung isa naman busy sa dalawang babae sa loob hihihi!"
"Masyado kang tsismoso!" Umupo ako sa bakanteng upuan habang pinapanuod si Ali na kumilos din sa kusina. Hindi na ako tumulong dahil wala naman akong alam kapag kusina ang pinag-uusapan.
"Baklang 'to! Tsismosa ako 'day! Hindi tsismoso! Anong akala mo sa'kin lalaki!" Nakapamewang pa siyang humarap sa'kin. Rinig ko kung paano bumungisngis si Alisson. Nagsasalin siya ng kung ano-ano sa maliit na pitsel.
"Edi tsismosa! Pareho lang naman 'yun!"
"Teka nga! Bakit ang dami mong pitsel na dadalhin Alisson Garcia!? Uhaw na uhaw ba kayo do'n?" Usyuso na naman ni Neil sa ginagawa ni Alisson. Isang buong cake pa ang kinuha niya sa ref, na sakto namang mayro'n. Hindi naman daw nawawalan ng mga matatamis na pagkain sa bahay nila dahil kay France. Giliw na giliw din kasi si tita Elsa sa kaibigang 'yun ni Exxel.
"Hindi ko kasi alam kung anong gustong inumin nuo'ng mga kumag! Nakakahiya naman baka magreklamo pa sila! Sila na ngang pinagsisilbihan!"
"Bakit kasi ginagawa mo pa 'yan? P'wede namang sila na lang ang pumunta dito sa kusina at pagsilbihan ang sarili! Masyado ka ring pabibo 'no? Masyado kang pa-girl ... Teka Alisson, umamin ka nga? Kafederasyon ba kita?" Nakatutuk ang tingin naming dalawa ni Neil kay Alisson. Lumikot ang mga mata niya at wala sa sariling nahulog ang hawak na baso. Napailing na lang ako dahil masyado na siyang halata. Indenial lang 'tong kapatid ko.
"A-Ano bang sinasabi mo diyan kuya Neil?" Umupo si Ali at pinagpupulot ang nabasag na baso. Nagkalat ang bubug no'n kaya hindi ako tumayo agad sa kinauupuan ko, "Shit!" Lalapitan ko na sana siya ng may kamay na humawak agad sa kamay na nasugatan kay Alisson.
"Ako na. Umalis ka diyan," walang emosyong nagsalita si Vin sa harap ni Ali. Napatingin naman ako kay Neil at laking gulat ko ng nakangiti siyang sinenyasan akong umalis. Padabog naman akong tumayo at iniwan sila sa kusina.
Nagugutom ako eh!
"Hoy 'day kunin mo 'to at dalhin sa labas, hindi ka prinsesa."
Wala akong nagawa kundi bitbitin ang isang malaking tray na maraming nakalagay na pitsel. Akala naman kasi nila malalaki ang braso ko at kaya kong dalhin lahat ng 'to. Hindi marahil maipinta ang mukha ko ng makarating ako sa labas. Nagtatawanan pa ang mga kupal ng mailapag ko ang mga pagkain.
"Oh! Bakit parang nakipag-karera ka Anna? Pawis na pawis ka?" Walang ganang tiningnan ko si France na hindi pa naalis ang mala-aso niyang pagngisi.
"Halata na nga tatanungin mo pa." umupo ulit ako sa bakanteng mesa pero 'yung hindi na katabi ni Exxel. Nakakahiya baka maamoy niyang amoy pawis na ako. Ipupunas ko na sana ang dulo ng tshirt ko sa mukha ng batuhan ako ng kung sino ng maliit na tuwalya.
"Ang dugyot mo!"
Nakatitig lang ako kay Exxel. Para bang naulit lang 'yung dati na sesermonan niya ako dahil damit ko ang pinampupunas ko sa pawis. Ayaw na ayaw niya talagang ginagawa ko 'yun kapag nakikita niya. Naiinis siya.
"Naaalala mo?" Habang pinupunasan ko ang mukha ay nagtanong ako sa kaniya. Napapansin ko kasing niloloko lang niya ang sarili. Na wala siyang maalala tungkol sa akin.
Kapag nalaman kong nagsisinungaling siyang may amnesia, ihahampas ko sa kaniya lahat ng sakit na naramdaman ko kagabi.
Gago siya!
"A-anong naaalala?"
Napangisi ako dahil sa reaksyon ng mukha niya. Manghihiram talaga siya ng mukha sa aso kapag hindi siya umaming wala siyang amnesia.
"Tsk! Huwag mo kong kausapin Alcantara."
"Anong ... Hoy Anna! Huwag mo nga akong tawagin sa apelyido ko! Mga kaibigan ko lang dapat magtawag sa'kin niyan! Hindi kita kaibigan kaya dapat Exxel ang tawag mo sa'kin!" Medyo kumirot ang dibdib ko dahil sa sinabi niya. Kahit na may benda siya sa ulo ngayon, gusto ko siyang sapak-sapakin sa binibigay niya sa'king paulit-ulit na sakit, "O kaya Baby! May relasyon tayo 'diba? Dapat baby o kaya Exxel? Huwag lang Ex okay? Kasi girlfriend kita! Oo girlfriend kita!" Pangiti-ngiti pa siya habang tumingin sa mga kaibigan.
"Naks! Ang lakas mo talaga Alcantara! Akalain mo 'yun may amnesia ka pero kung angkinin mo si Anna parang hindi mo siya nakalimutan? Ano? Ano? Aamin ka na bang wala kang amnesia?" Nilalapit-lapit ni France at Anthony ang mga mukha nila kay Exxel. Nang hindi sumagot ang huli, sinipa ko ang mesa mula sa ilalim. Gulat naman silang napatingin sa'kin.
"Tigilan niyo na 'yan."
"Hoy Anna! Grabe ka! Muntik nang mawala ang meryenda natin dahil sa ginawa mo," maktol ni France. Kahit kailan talaga puro pagkain ang nasa isip, "Nasaan ba 'yung dalawa?"
"Oo nga! Sabi ni Vin punta lang daw siyang cr. Grabe ang daming nilalabas na sama ng loob ah!"
"Baka nagkaaminan na sila!"
"Anong aminan 'yun?"
Hindi ko na pinansin ang nag-uusap na si France at Anthony. Masaya akong nakakausap na ng maayus si Anthony at nakikipagbiruan na ulit siya kay France. Hindi ko man siya kilala noon, nasisiguro kong hindi siya masamang tao tulad ng sinasabi niya dahil sa kapatid na si Winner.
"Type mo ba si Anthony, Anna? Kanina ka pa kasi nakatitig e." nilingon ko si Exxel na masama ang tingin sa'kin. Nag-igtingan din ang panga niya habang matatalim ang mga matang nakatitig sa'kin.
"Pakialam mo ba?" Binalingan ko na ang mga lanterns na ginagawa namin sa mesa. Narinig ko ang pag-usog ng upuan niya papunta sa tabi ko. Kahit na natutuwa ako sa mga kinikilos niya ngayon, hindi ko makakalimutang umiyak ako ng dahil sa kaniya kagabi.
Sinabi ko din naman sa sarili kong babawiin ko na ang pakikipag hiwalay ko sa kaniya basta umayos ang pakiramdam niya. Kaya wala akong takas sa kaniya ngayon. Nang malaman naming okay na siya, pati ang tumor na nasa utak niya ay succesful na natanggal, nakahinga ako ng napakaluwag. Gagawin ko ang lahat mapasaya lang siya, basta para sa'kin maayos ang maging lagay niya.
"Ang sakit ng ulo ko Anna."
Nabitawan ko agad ang hawak-hawak kong lanterns at bumaling sa kaniya. Nilapat niya ang ulo sa balikat ko kaya hindi ko makita ang mukha niya.
"Okay ka lang ba? Magpahinga ka kaya muna? Teka kukunin ko 'yung gamot mo. Sasabihan ko na din si Doc. Ontoya na pumunta dito. Tara na sa loob Exxel," hindi ko alam kung nakahinga pa ba ako sa pagkakataranta. Eto ang pinakamahabang salita na nasabi ko ngayon.
"Wow."
"Grabe."
Rinig kong sambit ng dalawang tukmol na nakatingin sa'min. Hindi ko na muna sila pinansin dahil na kay Exxel ang atensyon ko. Masyado akong nag-alala sa kaniya.
"Okay na ako sa ganito Anna."
"Pero kasi ..."
"Shh." inabot niya ang kamay ko at mahigpit na hinawakan. Nakatingin lang ako do'n hanggang sa ipinasok niya ang mga daliri sa pagitan ng mga daliri ko, "Anna."
"Hmm?"
Naramdaman kong bumuntong hininga muna siya bago inangat ang ulo para titigan ako. Nataranta na naman ako dahil nakita ko kung paano umagos sa pisngi niya ang kaniyang mga luha.
"B-bakit? May masakit ba sa'yo?"
Ilang beses siyang umiling. Humihikbi na siya habang patuloy ang pag-iling niya habang nakapikit.
"Girlfriend pa din kita 'diba? Hindi naman totoo 'yung sinabi mo sa'king hihiwalayan mo ko bago nangyari sa'kin 'to 'diba? Girlfriend pa kita?"
Agad na nalusaw ang lahat ng galit, pangungulila, pag-iyak, sakit, pangamba at takot na naramdaman ko nitong nakaraang ilang buwan. Nakikita ko pa lang siyang gustong magmakaawa na hindi siya iwan, naninikip na ang dibdib ko na parang gustong sumabog at sapakin ang sarili ko dahil sinaktan ko ang lalaking 'to. Ang lalaking wala namang ginawa kundi mahalin ang isang tulad ko.
"Hindi mo ko iiwan 'diba? Kahit na nakaligtas ako hindi mo ko hihiwalayan 'diba?"
Gusto kong pagalitan ang sarili ko ngayon. Dapat magagalit ako sa kaniya dahil nagsinungaling siya sa'king nawalan siya ng alaala. Dapat magagalit ako sa kaniya dahil sobrang sinaktan niya ako nang malaman kong hindi niya ako matandaan. Dapat aawayin ko siya at hindi kakausapin dahil niloko niya ako.
"Wala ka talagang amnesia?"
Lumikot ang mamasa-masa pa niyang mga mata. Siya na ang kusang nagpunas no'n habang hindi siya makatingin ng diretso sa'kin.
"Eh kasi naman, sabi mo hiwalay na tayo eh! Alam mo bang sobrang nasaktan ako no'n? Alam mo ba kung paano ko ininda ang sakit dahil iiwan mo na ako? Hindi mo man lang naisip ang mararamdaman ko dahil agad-agad mo kong hihiwalayan ng hindi ko alam ang dahilan ..."
"Eh 'yung ginawa mo sa'kin kagabi? Alam mo ba kung gaano ako nahirapang tanggapin na akala ko nakalimutan mo na talaga ako? Inisip mo din ba ang mararamdaman ko?"
Matagal siyang tumitig sa'kin. Hawak pa niya ang dalawang kamay ko. Hindi ko na din sinubukang tanggalin 'yun dahil wala akong lakas, wala akong lakas para makipag argumento pa sa kaniya.
"Sorry na Anna, sorry na ..."
Hindi ko alam kung anong sumanib sa'kin. Hindi ko alam kung paano ako nagkalakas ng loob na gawin 'to sa kaniya. Nawala ang pag-aalinlangan at hiya ko sa katawan. Wala akong pakialam sa pagsinghap ng mga kasama namin dito basta gusto ko lang siyang patahimikin sa pagsasalita niya.
Halik lang naman 'to, normal lang 'to sa magjowa.
Ilang segundo din sigurong nakalapat ang mga labi ko sa kaniya. Magaan lang 'yun na halos hindi naman gumalaw dahil natulos sa kinauupuan niya si Exxel. Nang alisin ko ang labi sa labi niya, nanlalaki ang mga matang nakatingin siya sa'kin.
"A-Anna," nasa labi na niya ang mga palad. Iniwas ko naman ang paningin ko at hindi mapakali sa kinauupuan.
Ginusto mo 'to Anna, magsalita ka.
"Oh?"
"Bakit ba hindi ka marunong bumusina? Nanggugulat ka lagi e."
Nagbungisngisan ang mga kaibigang nanunuod lang sa'min. Hindi naman sila nagkomento kaya hindi ko na lang sila pinansin.
"Wala akong sasakyan para bumusina."
"Sarap mo talagang kausap!"
Tsk! Parang ayaw pa niya ah!
"Bakit no'ng hinalikan mo ba ako, bumusina ka ba?" Tinaasan ko siya ng kilay. Ilang beses na ba siyang nanghalik? Isa? Dalawa?
"Kailangan kong gawin 'yun kaya hinalikan kita! Eh ikaw! Gusto mo lang kaya hinalikan mo ko!"
"Tsk! Parang ayaw mo pa yata eh!"
Tumawa siya ng malakas. Halos takpan ko ang tenga dahil sinabayan ng mga kaibigan niya ang pagtawang ginawa niya.
Peste! Gusto ko nang umalis dito! Naiihi na ako sa hiya!
"Hihihi! Isa pa nga Anna! Hindi ko kasi naramdaman eh!
"Sapak na kasunod no'n!"
"Anna naman!" Nakangusong kinuha na naman niya ang mga kamay ko at hinila palapit sa kaniya. Ilang pulgada na lang sa mukha niya ang mukha ko. Kapag gumalaw ako mahahalikan ko na talaga siya ulit. "Baby."
Muntik ko nang maipikit ang mga mata sa hininga niyang tumama sa'kin.
"Oh?"
Inginuso niya ang labi. Nasagi na ng labi niya ang tungki ng ilong ko. Titig na titig kami sa isa't isa habang ang lakas-lakas naman ng tibok ng puso ko.
"Huwag kang abusado. Isang halik lang sa isang araw."
"Anna naman!"
Bahagya ko siyang tinulak. Umingos siya at iginawi sa ibang direksyon ang mukha niya.
"Whoaaaa!"
"Whew! Grabe!"
Isang mabilisang halik sa pisngi ang ginawad ko sa kaniya. Humarap na ako sa mesa at nagsalin ng inumin sa bakanteng baso. Hindi ko na tiningnan kung anong inumin 'yun, basta ininum ko na lang agad.
EXXEL ( pov )
"Anong nangyari diyan?" Bungad agad ni Alisson nang bumalik sila ni Vin. May dala na rin silang mga tray ng pagkain.
"Eto kasing si Alcantara! Kung ano-anong pinapagawa kay Anna! 'Yan tuloy nainum ni Anna 'yung beer!" Tatawa-tawang sabi ni Anthony. Uminum na din kasi siya ng ilang baso ng beer kaya magaslaw na magsalita.
"Hahaha! May ebidensiya ako ng kaharutan nitong dalawang 'to! Teka. Saan ba kayo galing?"
Nasa hita ko nakahiga si Anna. Dalawang baso ng beer pa lang ang nainum niya pero tulog na agad. Napailing na lang ako habang inayos muli ang pagkakahiga niya sa mga hita ko. Nakakangawit ang ganitong posisyon. Akmang bubuhatin ko na siya ng may humawak sa balikat ko.
"Ako na. Mabibinat ka," inismiran ko si Vin. Kala niya hindi ko alam ang paglalandian nila ni Anna simula pa kanina? Nasa malayo lang ako at pinapanuod sila.
"Kaya ko. Magaan lang ang 'girlfriend' ko."
Mukha akong nagseselos sa inaakto ko, pero nagseselos talaga ako. Mag-ex sila at hindi magandang maging sweet siya kay Anna. Akin lang dapat si Anna Garcia.
"Tsk! Kala ko may amnesia?" Sabat ni Alisson. Hindi rin kasi niya alam na nagkukunwari lang ako paggising ko kagabi. Hindi ko naman alam na hahantong sa ganito ang pagsisinungaling ko. Nakokonsensiya tuloy ako nang sabihin sa'kin ng mga kaibigan ang nangyari kay Anna kagabi.
"Akina. Bubuhatin ko ang Anna mo, masyadong seloso!" Pilit ni Vin. Okay lang naman talaga sa'kin pero nagseselos talaga ako pagdating sa kanilang dalawa. Ayokong dumadantay ang kamay niya kay Anna. Ayokong lumalapit ang mukha niya kay Anna. Ayokong ginagawa niya ang dapat ginagawa ko para kay Anna.
"Ako na," inayos ko na ang pagkakaupo ni Anna at akmang bubuhatin ko na siya ng lumapit ulit si Vin sa'min. Sinamaan ko na siya ng tingin pero hindi siya natinag.
"Ako na nga! Pesteng mga 'to!" Hindi ko na namalayan na buhat-buhat na sa likod ni Alisson ang kapatid. Pinanuod ko muna silang mawala sa paningin ko bago ko hinila paupo sa tabi si Vin.
"Ano bang gusto mong mangyari ha Vin? Nakakainis ka na!"
Nginisihan lang niya ako. Nagsalin siya ng kung anong inumin sa baso bago ako muling hinarap. Nakadekwatro pa siyang pang-babae at sinuyod ng tingin ang kabuoan ko. Kinilabutan ako sa ginawa niya at umusog ako palayo sa kaniya.
"Alam mo namang hindi ko minahal si Anna, anong kinagagalit mo diyan?" Naninibago ako ngayon kay Vin. Ang gwapo niya, aaminin ko. Singkit ang mga mata kahit wala silang halong ibang lahi. Matangos ang ilong at maninipis ang labi. Mas matangkad sa'kin si Vin ng ilang pulgada lang at maganda ang pangangatawan. Hindi siya matatawag na hearthrob kapag wala siyang maipagmamalaki.
"Hindi kasi ako naniniwalang si Alisson ang type mo Vin."
Umamin na sa'min si Vin na bisexual siya. P'wede siyang magkagusto sa babae at lalaki kaya kinakabahan pa din ako na bawiin niya sa'kin si Anna. Hindi pa din kasi ako makapaniwala hanggang ngayon na gusto niya si Alisson.
Wala naman din kasing maitatapon kay Alisson. Magandang lalaki. Halos magtilian ang mga babaeng madadaanan niya. No'ng una ko nga siyang nakita ay halos maghubad na ang mga babae sa harap niya kaso wala siyang pinansin kahit isa. Kahit nakangiti naman siya sa mga die hard fans niya.
"Ngayon maniwala ka na," nakangiting tiningnan niya ang dalawa pa naming kaibigan. Si Anthony na umiiling lang pero si France bahagya pang nakanganga ang bibig niya. Hindi rin marahil makapaniwala.
"Teka. Akala ko guniguni ko lang ang mga napapansin ko sa'yo dati e. Akala ko dahil personal bodyguard ka ni Alisson kaya masyado kang nag-aalala sa kaniya. Grabe! Hindi ako makapaniwala pero shinip ko talaga kayong dalawa," mahabang paliwanag ni France.
"Ship?" Sabay-sabay naming tanong kay France. Nakapangalumbaba siya habang nakatitig kay Vin.
"Hmm, shinip ko kayong dalawa. Kasi mukhang bagay naman kayo e. Saka kinikilig ako kapag lagi kayong magkasama," nakakakilabot ang mga ngiting binibigay niya sa'min ngayon. Gusto ko nang umalis sa kinauupuan ko dahil mas nakakatakot pa si France sa multo.
"Sa kaniya mo sabihin 'yan, dahil indenial pa siya. Hindi daw niya ako magugustuhan kahit kailan."
Nagulat ako dahil sa pag-ubong ginawa ni Anthony. Inabutan namin siya ng inumin habang hinihimas ni France ang likod niya.
"Sabi niya inlove siya sa'yo e!"
"Anthony!"
Humahangos na lumapit si Alisson sa kinaroroonan namin. Hindi na niya napigilan ang sinabi ni Anthony dahil nahuli na siya. Palipat-lipat ang tingin niya sa'ming lahat, bago lumapat sa katabi niyang si Vin.
"In love ha?" Ngingisi-ngising sambit ni Vin. Tumayo na ako at balak ko ng puntahan si Anna sa kwarto niya.
Gusto ko siyang makatabi, ba't ba?
"H-hindi ah! Huwag ka ngang assuming diyan!"
"Deny pa," lahat sila ay nagtawanan habang papasok ako sa loob ng bahay. Nadatnan ko si Adda na nasa sala. Gumagalaw-galaw pa ang labi niya na parang kinakausap ang sarili.
"Adda,"
"Ay kabayo! Ano ba Exxel, bakit ka ba nanggugulat?"
Umupo ako sa sofa malapit sa kaniya. Nakahalukipkip siyang umingos at hindi makatingin sa'kin.
"Anong problema mo? Nag-away na naman ba kayo ni kuya?"
Unti-unti siyang lumingon sa'kin. Tinitigan niya ako na parang tinitimbang kung sasabihin niya ba sa'kin o hindi ang bumabagabag sa kaniya.
"Yung kuya mo kasi, ayaw niya akong isama sa mga lakad niya. Lagi na lang si Luna, sila ba?" Wala akong ideya kung ano bang mga pinaggagagawa ni kuya Eliazar at kuya Eisteine. Hindi na din naman ako nagtatanong dahil ayokong makialam.
"Wala naman siyang nasabi sa'kin, bakit?"
"Eh kasi, masyado silang malapit sa isa't isa e. Lagi na lang si Luna ang kasama niya. Paano naman ako 'diba? Kaibigan din naman niya ako ah!"
Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kaniya. Hindi naman din palakwento si kuya Eliazar pagdating sa mga nakakasama niya. Wala pa din akong alam na nakarelasyon niya. Kung hindi ko lang talaga nakikitang may mga kaibigan siyang laging kasama, aakalain kong papakasalanan na lang niya ang laptop niya.
"Ask him. Huwag mong baliwin ang sarili mong kakaisip kung may relasyon ba sila ni Luna. Maging prangka ka. 'Diba do'n ka magaling? Maging prangka sa nararamdaman mo? Mas boto ako sa'yo kesa kay Luna," kumindat pa ako sa kaniya. Umiwas siya ng tingin sa'kin at pinipigilang umalpas ang ngiti sa mga labi niya. Nakahawak pa ang kamay ko sa kamay niyang nakapatong sa mga hita niya. Hindi ko namalayan ang pares ng mga matang pinapanuod na pala kami.
"Adda," nilingon ko si kuya Eliazar. Katabi niya si Luna na nakatingin lang din sa'min ng dalaga, "Let's go."
"Akala ko ba hindi na ako sasama?"
"Samahan mo si Eliazar, Adda. Ibang lugar ang punta ko. Kailangan niya ng kasama," paliwanag ni Luna. Tinanguan lang niya ako habang nanguna ng maglakad palabas ng bahay. Simula ng may nangyaring hindi maganda sa'min, halos lagi na sila dito sa bahay namin.
"Exxel, iiwan na muna namin kayo dito."
"Sige kuya, ingat Adda!" Masigla akong kumaway sa dalaga ng wala sa sariling sinundan niya ang kapatid ko. Napailing na lang ako sa mga kinikilos ng mga tao ngayon.
"Oh! Exxel! Naasikaso ko na si Anna, pupuntahan mo ba siya?" May bitbit na palanggana si Neil. Tinitigan ko siyang maigi. Naikwento sa'kin ng mga kaibigan na isa si Neil sa mga lumapit kay Anna para manmanan ang dalaga. Hindi ko alam kung anong nangyari sa pag-uusap nilang dalawa. Marahil ay okay na din sila dahil magkasama at masaya na silang nag-uusap.
"Hmm," akmang lalagpasan ko na siya ng mahagip ko ang paglungkot sa mga mata niya. Huminto ako at hinarap siya, "Bakit?"
"Kahit alam kong hindi ka makaalala pogi, gusto ko ding mag-sorry sa'yo. Sa pagpayag ko kay Winner na mapalapit at manmanan si Anna. Sa simula oo, pumayag ako sa malaking perang inalok niya sa'kin. Nakatulong 'yun sa pamilya ko, pero no'ng nakasama at nakilala ko ng mas maigi si Anna, nawala na sa isip ko ang alok sa'kin ni Winner. Binalik ko na din agad ang perang binigay niya sa'kin at kumalas sa grupo niya. Do'n ko sinimulang sanayin si Anna sa pakikipaglaban,
"Alam ko kasing makakatulong sa kaniya kapag tinulungan ko siyang magsanay. Si Kevin, nasaksihan niya kung paano ko nilabanan ang takot at pangamba na baka balikan kami ni Winner, pero mabuti na lang tinulungan kami ng Pangulo ng pinaalam ko sa kaniyang nasa poder ko ang anak niya. Kaya kahit na ganito ang nangyari, hinding hindi ko iiwan si Anna. Hinding hindi ko na ulit siya sasaktan."
Lumapit ako at niyakap si Neil. Kita ko din naman ang pag-aalalaga na ginagawa niya kay Anna. Nakita ko kung paano niya isasakripisyo ang sarili maging masaya lang ang dalaga. Nagalit ako no'ng una, pero no'ng narinig ko ang paliwanag niya ngayon at kinonsidera ang mararamdaman ko sa nangyari, pinatawad ko na siya.
"Tapos naman na kuya Neil. Tapos na."
"Hay naku! Masyado yata akong nasobrahan kakapanuod ng mga drama ngayon! Napakaiyakin ko na! O siya! Pumunta ka na sa pinakamamahal mong prinsesa! Sa susunod huwag mong pinapainum ng alak 'yun dahil mababa ang tolerance niya pagdating diyan! Juskoooo! Kayo talagang mga kabataan oo!"
"Tsk! Oo na! Bipolar ka din eh 'no!" Tatawa-tawang tinulak ko na siya palayo sa'kin.
"Aba't! Kung wala ka lang benda sa ulo sinapak na kitang bata ka!"
Tatawa-tawa lang akong pumuntang guest room. Alam kong do'n nilagay ni Alisson ang kapatid. Iniwan kong bahagyang nakabukas ang pinto bago ko nilapitan ang dalaga. Nakapikit siya pero nakakunot ang noo niya.
"Pati ba naman sa panaginip nagagalit ka?" Hinimas ko ang noo nya para maalis ang pagkakakunot no'n. Nakangiti akong pati mukha niya ay hinaplos ko na din.
"Nakikiliti ako sa ginagawa mo," agad kong naialis ang kamay sa pisngi niya. Unti-unti siyang nagmulat at diretso ang tingin sa mga mata ko, "Dito ka."
Umisog siya ng konti. Na para kang pinahihiga niya ako sa tabi niya. Nagdadalawang isip pa ako kung tama ba ang gagawin naming magtabi sa isang kama.
"Wala tayong gagawin na ikakagalit nila."
Pagkasabi niya no'n, inayos ko ang sarili kong humiga sa tabi niya. Nilagay ko sa ilalim ng ulo niya ang braso ko at do'n ko siya pinaunan habang nakatingin kaming dalawa sa bintana. Medyo makulimlim dahil marahil malapit nang magpasko. Malamig na din ang simoy ng hangin.
"Masaya akong nagising ka na Exxel."
"Masaya din akong nagising na ako Anna."
Matunog siyang ngumisi. Kahit kailan talaga walang lambing sa katawan ang babaeng 'to.
"Sana hindi na matapos ang sayang nararamdaman ko," babawiin ko na sanang wala siyang lambing sa katawan, "Ngayon pa lang, wala na ako mahihiling pa. Kasama ko na ang lahat ng taong importante sa buhay ko."
Alam ko ang lahat ng paghihirap ng pinagdaanan naming lahat. Ang sakit at pagdurusa ng bawat isa sa'min. Ang lungkot at pangungulila. Ang sakripisyo at laban.
Inilibot ko ang braso sa bewang niya. Hinigpitan ko ang pagkakayakap sa maliit niyang katawan.
"Magiging masaya ka na ulit Anna. Kasama mo ako sa lahat ng kasiyahan mangyayari sa buhay mo," nasa gano'n lang kaming posisyon. Hindi siya kumontra ng hinigpitan ko pa lalo ang yakap na ginawa ko, "Ang kwento ng buhay nating dalawa, ay hindi matatapos hanggang nabubuhay tayo sa mundong 'to. Hawak kamay nating susuungin ang lahat ng pagsubok."
Kinuha niya ang kamay ko at nilapatan ng masuyong mga halik. Pumipikit na din ang mga talukap ng mata ko. Marahil epekto pa din ng mga gamot na iniinum ko at pagkatulog ko ng ilang buwan.
"Mahal na mahal kita Exxel."
"Mahal na mahal din kita Anna," inaantok na boses na ang huling narinig ko mula sa'kin. Pagkatapos no'n ay pinikit ko na ang mga mata habang nasa bisig ang babaeng ayaw ko nang mawala sa buhay ko.

Komento sa Aklat (40)

  • avatar
    MalinaoMary rose

    subrang ganda kaya inaabot ako ng madaling araw mg basa

    18/08/2022

      0
  • avatar
    Jennylyn Lobina

    chapter one palang kapana panabik na sobrang exciting

    21/05/2022

      0
  • avatar
    Keneth Portugal

    . jfjxchbocyz

    10/07/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata